Martes, Disyembre 3, 2013

Batang Pinoy lumaban sa Asia Pacific Championship sa Fukuoka

Ni Florenda Corpuz


Kuha mula sa B-Boy Allen Añas FB Page
Lumaban sa Red Bull BC One Asia Pacific Finals ang 12-taong-gulang na breakdancer na si Allen Añas – ang kauna-unahang Pilipino at pinakabatang breakdancer na nakasali sa kumpetisyon.

Ginanap sa Kushida Shrine sa lungsod ng Fukuoka kamakailan ang Red Bull BC One Asia Pacific Finals na sinalihan ng 16 na breakdancers mula sa iba’t ibang panig ng Asya Pasipiko kabilang ang batang si Añas.

Dinaluhan ng halos isanlibong manonood ang kumpetisyon kung saan itinanghal na kampeon si B-Boy Nori ng Japan na lalaban sa 10th Anniversary Red Bull BC One World Finals na gaganapin sa Seoul, Korea.

Nagsimulang mag-breakdancing si Añas noong siya ay limang-taong-gulang pa lamang. Ang mga napapanood na video games ang nagbigay interes sa kanya sa pagsasayaw lalo na ang popular na karakter na si Eddy ng larong “Tekken” na mahilig  sa capoeira.

Tinuruan si Allan ng mga breakdancing moves ng kanyang nakakatandang kapatid na si Arthur na natuto naman mula sa youth ministry ng simbahan. Dahil sa angking galing, siya ay napansin ng UK-based Pinoy na si B-boy Mouse at napiling maging batang bersyon nito sa kanyang music video na “Not Giving In.”


Bago ang Red Bull BC One Asia Pacific Finals, natalo ni Añas ang 28 kalahok sa True Hip-hop Elements (T.H.E.) Grind one-on-one championship na naging daan upang siya ay makasali sa prestihiyosong kumpetisyon sa Japan. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento