Ni Cesar
Santoyo
Ano ang kaibahan ng regular na "keitai" sa smartphone? Ang mga smartphone ay may mataas na kalidad na kamerang
pang-picture at video. Karaniwan na may wi-fi connection ang mga smartphone na
kahit walang linya ng telepono at makakasagap ng signal ay maaaring magtelepono
gamit ang mga application gaya ng Facetime, Viber, Line, Tango at iba pa. Sa
smartphone ay maaari rin na mag-Facebook at mag-email ng walang sawa basta’t
may wi-fi signal. Siyempre mas panalo ang may mga smartphone na may regular
phone-line.
Taglay ng smartphone ang karaniwan
at kadalasang pangagailangan gaya ng orasan, kaya marami na rin ang hindi
nagsusuot ng relos, calculator, mapa at giya sa pagsakay sa tren, navigation sa
paghahanap ng lugar, at marami pang iba maliban sa pagbabad sa
social networking sites at surfing sa Internet. Pero alam kaya ninyo na maliban sa personal at pang-negosyong gamit, ang smartphone ay gagamitin na rin sa paggawa ng participatory video documentation film para himukin ang publiko at ang mga mambabatas ng Japan para gumawa ng mga patakaran at batas na papabor sa mga dayuhang migrante sa bansa?
social networking sites at surfing sa Internet. Pero alam kaya ninyo na maliban sa personal at pang-negosyong gamit, ang smartphone ay gagamitin na rin sa paggawa ng participatory video documentation film para himukin ang publiko at ang mga mambabatas ng Japan para gumawa ng mga patakaran at batas na papabor sa mga dayuhang migrante sa bansa?
Dahil sa kinakalimutan na at
iniiwanan na ang mga hindi natugunan na muling pagbabangon ng kabuhayan ng
ating mga kababayan na sinalanta ng tsunami at nuclear radiation pagkatapos ng
trahedyang 3.11, kinakailangan nito ang mapanlikhang pamamaraan para sa
pagpapalaganap ng pagtatanggol at pagsusulong ng karapatan sa kabuhayan ng ating
mga kababayan sa Tohoku. Kailangan na maisadokumento ang kalagayan at sitwasyon
ng ating mga kababayan na nagsusumikap bumuo ng panibagong kabuhayan pagkaraan
ng unos ng March 11, 2011.
Ang smartphone na palaging bitbit
ay isang instrumento na maaring pang-record sa madaliang mga nakikitang
importanteng kaganapan na mahalagang maipaalam sa publiko. Upang magawa ang
panlipunan pananaliksik sa kalagayan ng mga biktima ng trahedyang 3.11 at sa
lahat ng migranteng dayuhan ay nagpasya ang Sagip-Tohoku/Japan, ang
pinakamalaking network ng mga komunidad at organisasyon ng mga Filipino sa Tohoku
at iba-ibang sulok ng Japan, na maglunsad ng malawakang participatory action
research. Ang layunin ay gumawa ng pagsisiyasat upang buuin ang mga patunay sa
angking talino ng mga migranteng Filipino na may magandang kapakinabangan ang
lipunan ng Japan. Ang proyekto ay para kumalap ng mga mapanghimok na batayan
para sa mga mambabatas sa paggawa ng mga patakaran at batas ukol sa taglay na kagalingan
ng mga dayuhang migrante.
Ang “Advocacy and Participatory
Research on Foreign Migrants in Social Inclusion in Tohoku Reconstruction and
in Japanese Society” na proyekto ng Sagip-Tohoku/Japan na iginawad sa Center
for Japanese-Filipino Families (CJFF) ang pagpapatupad ng proyekto ay nagwagi
ng suportang premyo mula sa Toyota Foundation nitong nakaraang October 31, 2013
para isakatuparan ang programa. Smartphone storytelling ang maiksing pangalan
ng proyekto ng Sagip-Tohoku/Japan. Gagamitin ng mga kasapi ng
Sagip-Tohoku/Japan ang kanilang mga smartphone video para isadokumento ang mga nagaganap
na importanteng pangyayari upang ipalabas sa publiko.
Mga hindi karaniwang istorya ng
ating mga kababayan ang lalamanin ng Smartphone Storytelling. Kagaya halimbawa
sa gawain bilang caregiver, nais baliin ng smartphone storytelling ang
paniniwala na ang trabaho bilang caregiver ay tagapaligo o tagahugas lamang ng
mga pasyente. Sapagkat marami pang magigiting na anggulo ang gawain ng caregiver
na kung sisipatin mabuti ay maraming pang-serbisyo ang kailangan at maaaring malikha.
Isa na rito ay ang pagbuo ng homehelper service upang suportahan ang nag-aalaga
sa bahay ng matandang kapamilya na hindi dinadala sa home for the aged.
Ire-record din ng matatalas na
lente at matataas na pixels ng mga smartphone video ang mas malalim na panunuri
sa kalidad at serbisyo ng mga Filipino English teacher at ambag ng mga ito sa
lipunan ng Japan. Sa kabila ng nakikitang tulong ng mga Filipino English
teacher ay nais rin gamitin ng smartphone storytelling para ipaalam sa
kinauukulan na mas makikinabang ang lahat kung gagawing patakaran ang direct
hiring ng mga Filipino English teachers ng mga local na Board of Education. Hindi
maikakaila ang napakaraming benepisyo ang idinudulot kung direct-hiring ng
local na Board of Education ang gagamitin sa pag-recruit ng mga Assistant
Language Teachers o ALT sa mga pampublikong paaralan mula elementartya hanggang
high school. Mas matipid ito para sa lokal na pamahalaan, hindi
napagsasamantalahan ng pribadong negosyo ang mga English teacher at marami pang
benepisyo.
Hindi maaaring mawala sa mga
isasadokumento at mga natatanging kalagayan ang mga Japanese-Filipino children
lalo na ang mga lumaki sa Pilipinas. Sasalaminin ng mga karanasan ng mga
tinatawag na bilingual teacher, mga Filipina na umaalalay sa loob ng
silid-aralan sa mga batang Japanese-Filipino na bagong dating mula sa
Pilipinas, ang mga suliranin at nakikitang solusyon ng mga kabataan. Ang gawain
bilang bilingual teacher ay laganap sa buong Japan subalit parang panakip-butas
na programa lamang ang pagtugon sa mga parang kabute na sumusulpot na problema
ng mga kabataang Japanese-Filipino sa buong bansa. Susuriin ang kalagayan ng
pagsuporta sa pag-aaral sa lengguwahe at ang mga kinakailangan pagpapaunlad
nito ay isa sa mga lalamanin ng smartphone storytelling.
Maging sa usapin ng kultura at
sining at sa partikular ay sa paggawa ng tradisyunal na produktong gawang-kamay
ng Japan, marami rin sa ating mga kababayan ang gumagawa nito. Isa itong
pagpapatunay na ang mga Filipino na naninirahan sa Japan ay tunay na kabahagi
na ng lipunan sapagkat sa kanila na naisasalin-lahi ang paggawa ng ilang mga
tradisyunal craft ng bansa para ipagpatuloy ng mga susunod na henerasyon.
Marami pang mapanlikhang
kabuhayan ang ginagawa ng mga Filipino sa Japan na kung mabibigyan lamang ng
pansin ay magbibigay ito ng inspirasyon sa marami para iangat at baguhin ang
imahe ng mga Filipino sa Japan. Ang mga serye ng smartphone video story telling
ay inyong masususbaybayan dito sa Pinoygazette kaya huwag kalimutan na
magkaroon ng sipi ng ating pahayagan. Nais rin natin ipaabot ang pasasalamat sa
Toyota Foundation sa kanilang tiwala at suporta sa mga migranteng Filipino sa
Japan sa pabuya nito para sa ikatatagumpay ng layunin ng paggawa at
pagpapalabas sa publiko ng smartphone storytelling.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento