Biyernes, Disyembre 6, 2013

Libutin ang Buong Mundo sa Tobu World Square

Ni Florenda Corpuz
Kuha ni Din Eugenio

 Kung pangarap mo na mapasyalan ang mga magagandang lugar sa buong mundo, may isang lugar sa Japan na tiyak na tutupad dito – ang Tobu World Square.

Matatagpuan sa lungsod ng Nikko sa probinsiya ng Tochigi, ang Tobu World Square na isang theme park kung saan masisilayan ang mga pinakamagaganda at pinakamakasaysayang artifacts at architectural monuments ng iba’t ibang bansa sa mundo. Mahigit limang taon ang ginugol ng mga bihasang artisan bago makumpleto ang Y14-billion theme park at buksan sa publiko noong Abril 24, 1993.

Ang Tobu World Square ay binubuo ng anim na zones: Ang Japan, Modern Japan, Asia, America, Egypt at Europe. Sa mga zones na ito makikita ang miniature reproduction ng 102 historic relics at architectures mula sa 21 bansa sa sukat na 1/25 mula sa orihinal na laki ng mga ito. Sa mga historic relics at architectures na ito, 45 ang kabilang sa listahan ng UNESCO World Heritage Sites.

Tiyak na maaaliw ang sinuman sa mahigit sa 140,000 resident figurines na may taas na 7 sentimetro na naka-display sa mga atraksyon. Wala sa mga ito ang makikitang magkakamukha at magkakatulad. Masisilayan din ang mga naggagandahang puno at hardin na gawa sa mahigit sa 20,000 bonsai trees na akmang-akma sa mga istruktura.

Mga Atraksyon:

Japan Zone – Masisilayan sa zone na ito ang “good old days” ng Japan. Narito ang Rokuon-ji Golden Pavilion, Horyu-ji Temple, Kiyomizu-dera Temple at marami pang makasaysayang lugar sa bansa. Matatagpuan din dito ang mga miniature trees kung saan 97% sa mga ito ay tunay na lalong nagbibigay ng makatotohanang tanawin sa mga exhibit.

Modern Japan Zone – Sa parteng ito, makikita ang makabago at progresibong Japan. Narito ang Tokyo Tower, Yoyogi National Stadium, Tokyo Station, Diet Building at New Tokyo International Airport Terminal 2.

Asia Zone – Sa bahaging ito, matututuhan ang mayamang kasaysayan ng Asya. Narito ang The Great Wall of China at Forbidden City, Taj Mahal ng India at Angkor Wat ng Cambodia.

America Zone – Kung tanyag na mga tourist spots naman sa Amerika ang iyong hanap, ito ang zone na dapat mong puntahan. Narito ang Statue of Liberty at The White House. Matatagpuan din dito ang matatayog na gusali tulad ng Empire State Building at Chrysler Building.

Egypt Zone – Makikita rito ang mga misteryosong pyramids ng Menkaure, Khafre at Khufu. Narito rin ang Sphinx na nagpapakita ng kapangyarihan ng mga Egyptian rulers. May camel display din dito para sa tunay na ancient Egypt experience.

Europe Zone – Dito makikita ang mga magagandang tanawin at istruktura sa Europa tulad ng Eiffel Tower ng France, Sagrada Familia Church ng Spain, St. Peter's Basilica ng Vatican, Parthenon ng Greece at Colosseum ng Italy.

Bukod sa mga kaakit-akit na tanawin ay may mga restaurants at souvenir shops din sa loob ng theme park.


May bayad na Y2,500 ang entrance fee rito. Bukas ito mula 9:00 ng umaga hanggang 5:00 ng hapon. Maaaring umarkila ng binoculars sa halagang Y100 at audio guides sa halagang Y500 a pair; Y300 para sa single. May nabibili rin na playcards na may halagang Y1,000-10-point card at Y1,500-15-point card na pwedeng gamitin upang mapasayaw at mapakanta ang mga figurines. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento