Biyernes, Disyembre 6, 2013

Meiji Jingu: Tokyo’s Most Popular Shinto Shrine

Ni Florenda Corpuz


Kuha ni Din Eugenio
Hitik sa kasaysayan ang Japan at hindi matatawaran ang pagpapahalaga ng mga Hapones rito; kaya naman napakaraming cultural at heritage sites na makikita sa bansa – isa na rito ang Meiju Jingu (Meiji Shrine) na matatagpuan sa abalang siyudad ng Tokyo.

Ang Meiji Jingu ay isang Shinto shrine na alay sa kaluluwa nina Emperor Meiji, ang ika-22 emperador ng bansa, at kabiyak nitong si Empress Shoken. Matapos pumanaw ng emperador noong 1912, nagpasa ang Japanese Diet ng resolusyon upang gunitain ang naging papel ng mag-asawa sa Meiji Restoration. Sa paligid ng isang iris garden na madalas binibisita ng dalawa ang napiling lokasyon ng itatayong gusali na sinimulan noong 1915, pormal na inialay noong 1920, at natapos noong 1926.

Isinilang noong Nobyembre 3, 1852 sa Kyoto, si Emperoro Meiji o Mutsuhito ang pangalawang anak ni Emperor Komei. Labing-anim na taong gulang pa lamang siya nang siya ay maluklok sa trono. Sa kanyang pamumuno, pinasimulan niya ang limang pangunahing pulisiya na nagpanumbalik sa kasiglahan at kapangyarihan ng Meiji Era (1868-1912). Sa mga panahon din na ito naging pinakamaimpluwensiya ang Meiji Constitution, nagtatag ng mga parliamentary institutions, pinaigting ang magandang relasyon sa ibang bansa, umunlad ang kultura ng bansa at naitatag ang pundasyon ng modernong Japan. Masasabi rin na ang panahon na ito ang pinakamaluwalhati at pinakamasagana sa kasaysayan ng bansa.

Isa ang Meiji Jingu sa pinakatahimik na shrine sa bansa. Ito ay may laking 175 acres at napapalibutan ng evergreen forest na may 120,000 puno ng iba’t ibang species. Nasira ng air raid noong World War II ang orihinal na istruktura ng Meiji Shrine at muling isinaayos noong 1958.

Sa pagpasok sa Meiji Jingu, unang makikita ang malaking torii gate. Madadaanan din ang malalaking barrels ng sake. Ang Meiji Jingu ay binubuo ng Main Shrine na may Nagerezukuri style kasama na ang Noritoden kung saan ang mga papuri para sa emperador at emperatris ay binibigkas; ang Naihaden (inner shrine); Gehaiden (outer shrine); Shinko (treasure house); Shinsejo (consecrated kitchen para sa paghahanda ng mga food offerings); at iba pang office buildings. Gawa sa Japanese cypress ang mga materyales na ginamit dito habang may copper plates naman ang ginamit para sa mga bubong.

Ang Meiji Jingu ay binibisita at dinarayo ng mga lokal at dayuhang turista hindi lamang upang magbigay-respeto sa mga kaluluwa ng dalawang pinakamaimpluwensiyang tao sa kasaysayan ng Japan kundi bilang spiritual home at recreation area na rin. Kaya naman itinuturing itong pinakapopular na shrine sa buong Tokyo.

Mataas ang respeto ng mga miyembro ng Imperial Family sa Meiji Jingu. Sila ay madalas na bumibisita rito upang ipahayag ang kanilang paggalang sa mga kaluluwang naka-enshrined dito. Tuwing Nobyembre 3, ang Emperor ay nagpapadala ng Imperial messenger sa lugar kasama na rin ang kanyang mga alay.

Bukod sa historical at cultural purpose ng Meiji Jingu, may mga pagdiriwang din na ginaganap dito. Nariyan ang Spring Grand Festival (April 29-May 3) kung saan may Bugaku (traditional ceremonial dance and music), Noh (traditional theater), Sankyoku at Hogaku (traditional popular music), Hobu (traditional popular dance) at Kyudo (archery); at ang Autumn Grand Festival (Nobyembre 1-3) na dinagdagan ng Yabusame (horseback archery), Budo (martial arts), at Aikido.


Walang komento:

Mag-post ng isang Komento