Ni Rey Ian Corpuz
Napabalita kamakailan na
isusulong ng Kagawaran ng Edukasyon ng Japan ang pag-aaral ng wikang Ingles sa
elementarya simula sa ikatlong baitang sa taong 2020. Sa kasalukuyan, ang pag-aaral
ng Ingles bilang isang subject ay nagsisimula sa junior high school habang ang
mga bata na nasa ikalima hanggang ika-anim na baitang ang nag-aaral nito sa
elementarya.
Ang mga nasa una hanggang ikaapat
na baitang ay nagkakaroon ng pagkakataon na mag-aral ng Ingles isang beses sa
isang buwan lamang. Samantala, ang mga nasa ikalima hanggang ika-anim na
baitang ay may 45-minuto na klase kada linggo.
Pagkakaiba
ng curriculum sa elementarya at junior high school
Sa Japan, ang Ingles sa junior
high school ay isang subject kung saan may pagsusulat, pagbabasa, pagsasalita
at higit sa lahat may pagsusulit. Ang Ingles naman sa elementarya ay isang
activity o “katsudou” sa wikang Hapon. Ibig sabihin ng “katsudou” ay mga
aktibidad tulad ng paglalaro, pagkanta at pagsasalita lamang. Ito ay walang
pagsusulit o anumang objective measurement na tinatawag upang malaman kung
gaano kalalim ang natutuhan ng mga bata.
Nililimitahan o hindi pinapayagan
ng karamihan ng Board of Education (BOE) ang pagsusulat at pag-aaral ng
balarila dahil ayon sa batas, ang pag-aaral ng Ingles sa elementarya ay dapat
nakatuon lamang sa pagkanta, pagsasalita, paglalaro at para palaganapin ang
konsepto ng “international understanding.”
Sa junior high school naman ay
may mga pagkakataon na naglalaro pero ito ay limitado lamang hindi katulad sa
elementarya. Ang dahilan ng kaibahan na ito ay dahil sa kulang o walang
kwalipikadong mga Hapon na guro na magtuturo ng wikang Ingles sa elementarya.
Ang bagay na ito ay inaasa ng mga BOE sa mga Assistant Language Teachers (ALT)
kung saan mas malawak ang karanasan sa pagsasalita at pagtuturo ng wikang
Ingles.
May ibang paaralan naman na may
magagaling na Hapon na guro at tumutulong lamang ang ALT. Pangalawa, dahil nag-aaral
ng pagsusulat ng “kanji” ang mga bata sa elementarya, ang pagsusulat ng mga
salita, letra at pagkakabisado ng mga pagbabaybay ng mga salita ay mahigpit na
pinagbabawal o dahil ito ay nakakaapekto sa pag-aaral ng “kanji” ng mga bata.
Ayon sa mga ekspertong Hapon, nakakalito raw sa mga batang Hapon ang pag-aaral
ng pagsulat ng “katakana,” “hiragana,” at “kanji” kung ito ay isasabay sa
pagsusulat ng English alphabets.
Mabagal
na, matagal pa
Ngayon ang tanong ng karamihan ay
bakit simula Grade 3 lang? Bakit hindi na lang itodo simula sa Grade 1? At
bakit sa 2020 pa? Ito ang mga bagay-bagay na pinag-uusapan ng karamihan ng mga
ALTs sa mga forum ng mga websites at pagtitipon. Pitong taon ba ang gugugulin
nila para makalimbag ng bagong libro para sa Grades 3 at 4? Huling-huli na ang
Japan sa pag-aaral ng Ingles kung ikukumpara sa mga ibang bansa. Dapat mas
agresibong solusyon at paraan ang dapat nilang gawin. Mas mainam din kung simulan
ang pag-aaral ng wikang Ingles sa Grade 1 bilang long-term solution.
Ang Japan ay mas mangangailangan
ng mga guro na Hapon na bihasa sa wikang Ingles na kung saan iyon ang kailangan
nilang pagtuunan ng pansin. Ayon din sa mga pagsasaliksik sa pag-aaral ng ibang
wika, mas madaling natututo ng wikang banyaga kapag ito ay sinimulan habang
bata pa. Ika nga nila, “the earlier foreign language learning starts, the
better.”
Tulong
ng mga ALTs
Malaking tulong ang naibibigay ng
mga kasalukuyang ALTs upang tulungan ang mga gurong Hapon para maging bihasa at
maging kumportable sa pagsasalita at pagtuturo ng wikang Ingles. Halos
taun-taon tuwing summer break ay may mga workshops at trainings na ginagawa ang
mga siyudad upang siguraduhin na akma at maging sapat ang kaalaman ng mga guro
sa pampublikong paaralan upang makapagturo ng wikang Ingles sa mga bata.
Sana naman ay makita ng gobyerno
ng Japan ang tulong na naibibigay ng mga ALTs sa kanilang bansa at magbigay ng
espesyal na sertipikasyon para maging government-hired ang mga ito at para
maibsan ang kakulangan ng mga guro sa elementarya. Ito ay magiging malaking
tulong sa kanilang bansa na kulang na kulang sa mga kwalipikadong guro at itong
hakbang mismo ang magbubukas ng kanilang bansa para sa totoong “grassroots
internationalization.”
Ang mga ALTs mismo ang magiging
totoong “ambassador” ng international community. Dala-dala nila ang kanilang
kultura upang ipaunawa sa mga batang Hapon na kailangan nilang matutong
makipag-usap sa wikang banyaga, lalo na sa Ingles, dahil ito ang wika na
ginagamit ng mga mamamayan ng halos lahat ng bansa sa pakikipag-ugnayan.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento