Lunes, Disyembre 23, 2013

Bea Rose Santiago, itinanghal na Miss International 2013

Ni Florenda Corpuz
Kuha mula sa Bb. Pilipinas website


TOKYO, Japan – Sa ikalimang pagkakataon, napanalunan ng Pilipinas ang korona sa prestihiyosong Miss International Beauty Pageant sa katauhan ni Bea Rose Santiago na siyang tinanghal na Miss International 2013 sa Tokyo, Japan noong Disyembre 17.

Sa final round, suot ang pulang red evening gown, madamdaming inilahad ni Bea sa kanyang 30-second speech ang kanyang magagawa kung siya ang mananalo bilang Miss International. 

The whole world saw how my country, the Philippines, suffered. The agony of my people was felt. But one by one, country to country came to help. I would like to thank all the nations that helped my country. In our darkest hours, you have opened my eyes and my heart and how important it is if we all just support each other. If I become Miss International, I will uphold international camaraderie to sustain the spirit for sympathy and to continually share the message of hope. I believe that whatever calamity may come to us, as long as we have each other, there will be hope. Thank you.”

Umani ng masigabong palakpakan at malakas na hiyawan mula sa mga manonood ang sagot na ito ni Bea na nagmistulang thank you speech.

Tinanghal naman na 1st runner-up si Miss Netherlands Nathalie den Dekker habang 2nd runner-up naman si Miss New Zealand Casey Radley. Pasok din sa top 5 sina Miss Colombia Cindy Aguilar at Miss Hungary Brigitta Otvos.

Nasungkit naman ni Miss Aruba ang titulong Miss National Costume habang itinanghal naman na Miss Friendship si Miss New Zealand, Miss Internet si Miss Macau at Miss Photogenic si Miss Lithuania.

Bago ang pageant night, sinabi ni Bea sa kanyang Twitter account na nais niyang bigyan ng masayang Pasko ang mga kababayan, “Our last night… Lord bless me! Give me confidence and strength for tomorrow. I want to give a merry christmas to the Philippines.”

Dumalo rin si Bea sa pakikipagdayalogo ni Pangulong Aquino sa Filipino community sa Japan noong Disyembre 12 kung saan siya ay pinabaunan ng pagbati ng pangulo.

Samantala, nagpahayag naman ang sambayanang Pilipino lalo na ang mga OFWs sa Japan ng kanilang pagkagalak sa pagkapanalo ni Bea.

Isa si Madame Maria Teresa Lopez, ang maybahay ni Philippine Ambassador to Japan Manuel M. Lopez, sa mga judges.

Isinilang sa Cataingan, Masbate sa Bicol, panganay si Bea sa tatlong magkakapatid at lumaki kasama ang kanyang lolo at lola. Labinglimang taong gulang siya nang magtungo sa Canada ang kanilang pamilya kung saan siya ay naging modelo at ang nag-iisang Pilipino na napabilang sa Elite Management. Bago ang Binibining Pilipinas, siya ang naging kinatawan ng Filipino community sa Canada sa Mutya ng Pilipinas 2011.
           
Kabilang na si Bea sa limang Miss International titleholders ng Pilipinas na kinabibilangan din nina Gemma Teresa Cruz (1964), Aurora Pijuan (1970), Melanie Marquez (1979) at Precious Lara Quigaman (2005).

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento