Lunes, Disyembre 23, 2013

Paskong Pinoy sa Japan

 Ni Florenda Corpuz




“Pasko na naman, O kay tulin ng araw…”

Sadyang napakabilis ng takbo ng panahon at ngayong Disyembre 25 ay ipagdiriwang na naman ng mga Pilipino ang Pasko – ang araw ng kapanganakan ni Hesu Kristo. Kahit nasaang sulok man ng mundo, hindi maikukubli ang pananabik ni Juan dela Cruz tuwing sasapit ang espesyal na okasyong ito.

Isa ang Japan sa mga bansa kung saan daan libong Pilipino ang nakikipagsapalaran. Hindi man Kristiyanismo ang pangunahing relihiyon sa bansa, hindi naman nakakalimutang gunitain ng mga Pilipino rito ang tunay na diwa ng kapaskuhan.

Ayon sa mga tala, ipinakilala ang Pasko sa Japan nang dumating ang unang grupo ng mga taga-Europa sa bansa at dalhin ang relihiyong Kristiyanismo noong ika-16 na siglo. Maliit na porsyento lamang ng mga Hapones ang na-convert sa relihiyong ito na aabot lamang sa dalawang porsyento sapagkat ang karamihan ay tagasunod ng relihiyong Shinto at Budismo.

Dahil sa impluwensiya ng mga Amerikano, natutuhan ng mga Hapones ang ilang Christmas traditions tulad ng pagbibigay ng regalo at cards. Naka-impluwensiya rin sa kanila ang kanilang paggawa ng mga Christmas products para sa ibang bansa. Sa kasalukuyan, popular na pagdiriwang na ang Pasko sa Japan na kanilang ginugunita bilang selebrasyon ng kasiyahan na kulang sa pang-relihiyong kahulugan.

Tuwing sasapit ang bisperas ng Pasko sa Japan, maraming magsing-irog ang makikitang nagde-date sa mga restaurants at seasonal illumination spots na tila ba ito ay Araw ng mga Puso. May ilan din na nagtutungo sa mga temples at shrines para magpasalamat sa mga biyayang kanilang natatanggap. Sila ay nagpapalitan ng mga regalo at bumabati ng “Merii Kurisumasu”.

Maraming magkakapamilya rin ang nagpapalitan ng mga regalo habang ilang mga magulang naman ang nagbibigay ng regalo sa kanilang mga anak subalit hindi ang anak sa paniwalang si Santa Claus o “Hotei-osho” sa kanila, isang Japanese god of fortune sa relihiyong Budismo, lamang ang nagbibigay ng regalo. May salu-salo rin kung saan ang karaniwang handa ay manok at strawberry whipped cream cake. Sa madaling salita, ipinagdiriwang din ang Pasko sa Japan sa commercialized na paraan.

Hindi national holiday ang Disyembre 25 sa Japan kaya’t may pasok ang mga estudyante at mga manggagawa. Ngunit hindi man kasing saya sa Pilipinas ang pagdiriwang ng kapaskuhan sa bansang ito, hindi naman papaawat ang mga Pilipino sa pag-iisip ng paraan upang maramdaman pa rin ang diwa ng Paskong Pinoy. Mayroon pa rin noche buena kung saan ang magkakapamilya’t magkakaibigan ay nagsasalu-salo sa hapag kainan at bumabati ng “Maligayang Pasko”. May exchange gift din at simbang gabi.


Pare-pareho ang sentimyento ng mga Pilipino sa Japan na sana’y makauwi sila sa Pilipinas ngayong Pasko at doon magdiwang kapiling ang buong pamilya. Ngunit ika nga rin nila, kahit nasaang lugar ka man, basta’t nasa iyong puso’t isipan ang tunay na diwa ng Pasko ay magiging maligaya pa rin ito.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento