Ni
Al Eugenio
“Ohayo gozaimasu” ang
pangkaraniwan nating naririnig na pagbati hindi lamang sa umaga kundi ganoon
din kahit sa ibang oras ng isang araw. Maaaring sabihin na ang pagbating ito ay
hindi lamang “Magandang umaga” kundi isang magandang pagsisimula ng anumang
dapat nating gawin sa buong araw. Dito sa Japan, parang ang ano mang gawain ay
hindi masisimulan kung wala ang pagbating ito.
Ang maging dayuhan o “gaijin” sa
Japan ay hindi madali. Kung wala ka rin lang lahing French o kaya ay German, mahirap mapabilang sa mga nirerespetong mamamayan sa
bansang ito. Hindi dahil sa ang kulay mo
ay hindi puti kundi dahil ang iyong pinagmulan ay hindi nabibilang sa mga
hinahangaang bansa dito sa Japan.
Germany, dahil sa pangunguna nito mula pa noong araw sa teknolohiya; France naman ay sa sining at ganoon din sa pagkain.
Ngunit kahit na ang mga Pilipino
ay nabibilang sa tinatawag na “third class citizen,” maraming paraan upang
mapanatili natin ang respeto sa atin ng mga Hapon. Isa na rito ang pagiging
makatao – ang pagkakaroon ng
pagpapahalaga sa kapwa, sa mga bagay at sa kapaligiran. Maaaring hindi
masyadong pinag-uukulan ng pansin ngunit ang pagbati ay isang uri ng paggalang
sa ating kapwa.
Sa mga simpleng gawi na ito ay
maaari nating ipahiwatig na tayo ay maaaring lapitan, mapagtanungan at makakuwentuhan.
Sa ganitong paraan din ay magkakaroon ng pagkakataon na makapagpalitan ng
impormasyon ang bawat isa tungkol sa kanilang kultura at
tradisyon. Maiiwasan tuloy ang hindi pagkakaunawaan at sa halip ay maaaring
maging magkaibigan.
Maraming pinagdaanan ang Japan
bago nila narating ang kanilang kinalalagyan sa kasalukuyan. Sunud-sunod na
digmaan, mga kalamidad ng kalikasan at iba’t ibang uri ng kahirapan. Dahil sa
mga karanasang ito ay marami na silang natutuhan, at ang karamihan dito ay ayaw na nilang
balikan. Kaya naman ganoon na lamang ang kanilang pag-iingat na inaakala ng
marami sa atin ay kahigpitan.
Marahil, madalas ay maaaring wala
na sa lugar ngunit mas marami pa rin ang makakabuti para sa kaunlaran. Para sa
ating mga Pilipino dito sa Japan ay maraming mga bagay tayong natututuhan na
kung hindi tayo nakarating dito ay maaaring hanggang ngayon ay marami sa atin
ay kulang pa sa kaalaman.
Totoo, mayroon din tayong
magagaling na engineers, scientists at
inventors tulad ng sa Germany, at mahuhusay na painters, designers at chefs
tulad ng sa France, ngunit dahil sa masamang pulitika sa Pilipinas ay nahihirapan
ang ating mga kababayan na itaas ang antas ng ating lipunan. Marami man sa
kanila ang nakakapagpamalas ng galing sa buong mundo hangga’t ang pamamalakad
ng marami sa mga punong bayan ay pansarili lamang, mahihirapan tayo na mga
nangingibang-bansa na mapabilang sa mga mamamayang hinahangaan. Kaya naman sa
ating munting paraan ng pakikipagkapwa ay maitatayo natin ang imahe ng mga
Pilipino.
“Konnichiwa” o “Magandang araw,” isa
itong pagbati hangga’t maliwanag pa ang araw. Mayroong mga nagsasabi na walang
sinuman ang sasama ang loob kapag sila ay binati. Mayroong ilan na kapag binati
ay hindi kikibo para bang wala silang narinig. Ngunit kapag nasalubong mong
muli sa susunod na araw ay maaaring sumagot din ng pagbati. Kadalasan ay
maaaring nahihiya lamang kaya’t kapag muli natin silang babatiin ay siguradong
babati na rin.
Isa lamang ang pagbati sa
maraming kaugaliang bumahagi na sa ating mahabang pagtigil dito sa Japan. Sa
Pilipinas, hindi tulad dito sa Japan, mga iginagalang lamang natin ang ating
madalas na binabati tulad ng mga guro, mga nakatataas sa ating mga
pinagtatrabahuhan at mga taong sa ating palagay ay dapat nating pakisamahan. Bihira sa atin ang
binabati ang ating mga kasama sa bahay lalo nang hindi tayo bumabati ng mga
taong ating nakakasalubong lalo pa at hindi natin sila kilala.
Dito sa Japan, mula sa mga kasamahan natin sa bahay, paglabas
ng ating pinto, sa sasakyan, sa trabaho at lalo pa kung tayo ay nasa
malalayong lugar ay maaari tayong bumati. Ang ganitong kaugalian ang siyang
nagbubukas ng pagkakataon upang tayo ay madaling matanggap ng mga mamamayan sa
ating kapaligiran. Nagiging madali ang pakikipag-usap lalo pa at tayo ay may
kailangan kahit na ang simpleng pagtatanong ng kung tayo ay nasaan.
“Sumimasen” o “Mawalang galang
na,” ang salitang ito ay hindi pagbati, ngunit isa rin itong kataga na
nakatatawag ng pansin ng ibang tao sa magalang na paraan. Madalas ginagamit
natin ang salitang ito kapag tayo ay may kailangan. May hinahanap na lugar,
mayroong bibilhin, o kaya’y simpleng may itatanong lamang. Ang pangunahing katagang ito ay naging
kaagapay na natin sa ating pang-araw-araw na buhay dito sa Japan. Hindi man
natin isipin ay parang natural ng bahagi ng ating bawat sasabihin ang katagang
ito, “Sumimasen.”
Ang kaugaliang tulad nito ay ilan
lamang sa mga naiibang kaugalian na hindi natin ginagawa noong tayo ay lumalaki
sa Pilipinas. Bilang Pilipino dito sa Japan,
maraming bagay ang ating binago upang tayo ay matanggap sa lipunang ito
na ating pinapakisamahan. Mga kultura at tradisyon na bagama’t noong una ay
nahihirapan tayong unawain, subalit ngayon habang tumatagal ay unti-unti na
nating nakakasanayan.
Makalipas ang maghapon na
paghahanapbuhay, sa kabila ng mga pakikisama at pakikibagay, puhunan ang lakas,
pawis at talas ng isip, ang lahat ng ito’y pansamantalang kakalimutan sa ating
tahanan habang nakahimlay, matapos may nagsabing, “Oyasuminasai.”
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento