Ni Len Armea
Kuha ni Jovelyn Bajo |
Magdalena
anong problema?
Bakit
di ka makawala sa kadena?
At
sa gabi-gabi ikaw ay nasa selda
Ng
hanapbuhay mo ngayon
Ito ang unang stanza ng bagong kanta na
pinamagatang “Magda” ng sikat na Pinoy rapper na si Gloc-9, Aristotle Pollisco
sa totoong buhay, mula sa kanyang bago at pang-pitong album na “Liham at
Lihim" sa ilalim ng Universal Records.
Ang Magda ay kwento ng isang babae na nagbebenta
ng laman bilang hanapbuhay – isa sa mga isyung panlipunan sa Pilipinas. Hindi
nakakagulat na ang bagong kanta ni Gloc-9 ay tungkol sa prostitusyon tulad na
lamang ng kanyang kanta na “Sirena,” na tungkol naman sa mga homosexuals, mula sa “Mga
Kuwento ng Makata” album. Ito’y dahil nakilala ang sikat na rapper sa mga
paggawa ng mga kanta na makabuluhan at tungkol sa mga importanteng isyu sa
bansa o maging sa buhay.
Ani Gloc-9, nabuo niya ang kanta dahil
sa sobrang pagmamahal sa kanyang anak na babae. Dahil sa pagmamahal na ito,
hindi niya maisip bilang isang ama na mapupunta ang kanyang anak sa ganitong
klase ng trabaho.
“Hindi ko lubos maisip na ang isang
babaeng may tatay ay mapupunta sa trabahong ganito. Anong kailangang mangyari
sa buhay ng isang babae na may magulang na nagmamahal at nag-aalaga para
mapunta sa trabaho na 'napaka-unforgiving' at sobrang masalimuot,” pahayag ni
Gloc-9 sa naging inspirasyon ng kantang ito na sinasabing modernong bersyon ng
“Magdalena” ni Freddie Aguilar.
Bukod sa Magda kung saan nakasama niya
si Rico Blanco, mapapakinggan din sa album ang “Takip Silim” featuring Regine
Velasquez-Alcasid, “Huminahon Ka” featuring Sly Kane, “KMT” featuring Eunice
Jorge of Gracenote, “Rap Ka Nga,” “Kwento Mo” featuring Glocnine, “Tsinelas sa
Putikan” featuring Marc Abaya, “Siga” featuring Quest, “Hindi Sapat” featuring
Denise Barbacena, “Katulad ng Iba” featuring Zia Quizon, “Kunwari” featuring
Kamikazee, Biboy Garcia of Queso at Manuel Legarda of Wolfgang, at “Itak ni
Andres."
Tapat at makatotohanan ang bawat liriko
ng kanta ni Gloc-9. Aniya, ito’y dahil sa bawat kanta na kanyang ginagawa ay
inilalagay niya ang kanyang sarili sa sitwasyon na kanyang isinusulat. Hindi
umano siya magsasawang magsulat ng ganitong mga klaseng kanta para mabuksan ang
mata ng mga kinauukulan at maging inspirasyon sa marami.
“Sinusubukan ko pong ilagay ang sarili
ko sa sitwasyon ng taong sinusulatan ko. Inilagay ko ang sarili ko sa kung
anong pwedeng maramdaman ni Magda at ni Ernesto na nagmamahal kay Magda.
“Gaya ng sinabi ni Jett Pangan noong
minsan nag-usap kami na ‘everytime you do an album at everytime na gusto mong
higitan o pantayan iyong previous one dapat hindi ka ma-pressure dahil kung ang
intentions mo sa paggawa ng craft mo ay based sa pagmamahal mo sa trabahong
iyan ay bibigyan at bibigyan ka ng pwede mong isulat,’” dagdag pa ni Gloc-9.
“At naniniwala rin ako na ang bawat tao kahit
ano man ang kinahinatnan o sitwasyon sa buhay ay palaging may kuwento sa likod
nito. Talagang dapat ay hindi tayo naghuhusga o kaya naman ay dapat laging
umunawa.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento