Lunes, Disyembre 2, 2013

Lolita Carbon, nagtanghal sa charity concert sa Tokyo

Ni Florenda Corpuz

Pinoy rock icon Lolita Carbon
Nagtanghal sa isang charity concert sa Tokyo ang Pinoy rock icon na si Lolita Carbon ng 70's folk group na Asin kamakailan kasama ang ilang Japan-based Filipino singers.

Pinamagatang “Lyrics and Hymns,” si Lolita ang special guest sa charity concert na isinagawa para sa mga biktima ng 7.1 magnitude na lindol na kumitil ng maraming buhay at sumira ng mga heritage sites sa Bohol.

Inawit ni Lolita ang ilan sa mga kantang pinasikat ng grupong Asin tulad ng “Masdan Mo Ang Kapaligiran,” “Kahapon at Pag-Ibig,” “Musika Ang Buhay,” “Magulang” at “Itanong Mo Sa Mga Bata.”

“Dumating ako rito sa Japan mag-isa para sa show na ito pero apat na beses ko na itong balik dito. Masaya ako na muling mabigyan ng pagkakataon na magtanghal dito sa Japan lalo na para sa mga kababayan natin na nandito ngayon sa Yotsuya,” pahayag ng magaling na mang-aawit.

“Marami akong unforgettable experiences sa Japan kaya masaya ako na muling makabalik dito,” sabi pa ni Lolita.

“Masaya ako na marami palang musikerong Pinoy dito. Sabi ko nga pwede akong mag-perform ng solo but then, sumuporta ang musikerong Pinoy sa Japan. Sana ay suportahan natin sila pati na rin ang live music,” dagdag pa nito.

Kasama rin nagtanghal ni Lolita ang mga grupong Himig Koenji, Tampipi at LUMAD. Nagbahagi rin ng kanilang mga talento sina Nancy Funayama at Richard Martinez.

Dinaluhan ng mga OFWs mula sa iba’t ibang bahagi ng Japan ang charity concert. Lahat ng proceeds ng palabas ay mapupunta sa Pag-aalay Foundation sa Pilipinas kung saan sila ang mangangasiwa ng mga pangunahing pangangailangan ng mga biktima ng lindol sa Bohol. 

Ang charity concert na ito ay proyekto ng Philippine Center at Maryknoll at Kapisanan ng Migranteng Pilipino. 



Walang komento:

Mag-post ng isang Komento