Lunes, Enero 30, 2017

Nintendo at Universal Parks & Resorts magpapatayo ng Nintendo theme parks


Naunang napabalita noong Mayo 2015 ang partnership sa pagitan ng Nintendo at Universal Parks & Resorts para dalhin ang video game world at mga iconic characters nito gaya nina Super Mario, Luigi, Toad, Zelda, Donkey Kong, Domo, Link, at marami pang iba sa Universal Studios bilang theme park.

Sa inilabas na press release mula kay Universal executive Tom Schroder, inihayag niyang magiging tunay na repleksyon ang gagawing theme park na gaya ng kilala ng mga Nintendo fans na para bang sila ay naglalaro sa mundo ng kanilang mga paboritong Nintendo games.

Larger than life Nintendo adventure

Kamakailan lamang, nagbigay ng update ang parehong kumpanya tungkol sa proyekto. Sa pagkakataong ito, mas marami nang detalye ang kalakip ng bagong anunsyo.

“They’ll be highly themed and authentic environments filled with multiple attractions, shops and restaurants. It will be a realm filled with iconic Nintendo excitement, gameplay, heroes and villains,” ani Schroder.

Binanggit na rin kung saan-saang Universal Studios balak ipatayo ang Nintendo theme parks – Universal Studios Japan, Universal Orlando Resort, at Universal Studios Hollywood. Kaugnay ng update ay ipinakita na rin sa publiko ang isang video teaser na pasilip sa mga ilang bagay na dapat abangan mula sa Nintendo theme parks.

Sinabi nina Nintendo at Universal executives – Shigeru Miyamoto (Nintendo creative director) at Mark Woodbury (Universal Creative) sa isang pahayag na kasalukuyan nang ginagawa ang unang theme park ngunit hindi sinabi kung alin sa tatlong Universal Studios parks.

Something for everyone

Nakikita naman ng iba na maaaring maging real-life version ito ng Nintendo Land, isang Wii U game kung saan tampok ang napakaraming karakter ng Nintendo sa isang theme park setting.

Dagdag pa ni Miyamoto, “We are constantly amazed how the park developers are bringing the essence of our games to life in the real world an attraction that can be equally enjoyable to anybody regardless of age. Together, we are building it with an eye for what guests will actually experience. Since we’re really bringing the world to life, I think Mario will feel like he finally came home.”

Nangako ang creative team ng parehas na kumpanya na para ito sa lahat, gamers man o non-gamers, lalo na’t nakilala naman ang Nintendo sa kanilang video games bilang “friendly to all ages.”

Bagaman hindi pa tukoy ang mga partikular na mga karakter na isasabuhay sa theme parks, sigurado naman na magiging sentro dito ang Super Mario Bros game franchise, na isa sa pinaka-iconic sa gaming at trademark video game ng Nintendo.

Itinatag noong 1889 ni Fusajiro Yamauchi ang Nintendo na ang kahulugan sa Ingles ay “leave luck to heaven” at orihinal na gumagawa ng hanafuda playing cards. Sinubukan din nito ang iba pang mga negosyo bago naging isang video game company. At simula nang mailunsad noong 1983 ang Entertainment System console, tuluyan nang binago ng Nintendo ang mundo ng industriya.



Book and Bed accommodation bookshop nagbukas ng ikalawang branch sa Kyoto


“The perfect setting for a good night’s sleep is something you will not find here. There are no comfortable mattresses, fluffy pillows nor lightweight and warm down duvets. What we do offer is an experience while reading a book. An experience shared by everyone at least once: the blissful ‘instant of falling asleep’.”

Mababasa ang mga pangungusap na ito sa about section ng website ng Book and Bed, isang “accommodation bookshop” na unang nagbukas sa publiko Nobyembre nitong nakaraang taon, na matatagpuan sa 1-17-7,  7th floor Lumiere Building, Nishi Ikebukuro, Toshima-ku, Tokyo at 30 segundo lamang ang layo mula sa C8 exit ng Ikebukuro station. Pinapatakbo ito ng kumpanyang R-Store.

The reader’s paradise

Ang konseptong accommodation bookshop ay hango sa pinasimulang trend ng Junkudo, isa sa mga pangunahing bookstore chains ng Japan, na nagsagawa ng trial run ng bookstore night camp sa kanilang branch sa Kasumigaseki kung saan ang mga guests ay pwedeng matulog overnight sa bookstore nang libre. Kailangan lamang bumili ng isang libro o magazine at magdala ng sariling sleeping bag at pwedeng mag-late-night reading sessions.

Sa pagbubukas ng Book & Bed Tokyo, ngayon ay hindi na pagtataasan ng kilay ang sinumang papasok sa isang bookshop, magbabasa at makakatulog sa pagbabasa. At mas may pagkakataon na ang marami pang mga travelling bookworms at maging mga Japanese locals na maranasan ito sa pagkakaroon ng bagong branch sa Kyoto ngayong Disyembre.

Tunay nga namang pambihira at ‘di pangkaraniwan ang experience sa Book and Bed, lalo na sa mga bookworms na gustong napapalibutan ng mga samu’t saring libro na pwedeng basahin nang libre.

Book & Bed & Beer

Kagaya ng Tokyo branch, sa bunk beds na ginawa sa istilong naglalakihang bookshelves matutulog ang mga guests. May 20 beds na dalawang klase – ang bookshelf (sleep behind the bookshelf) at river view (with Kamogawa river view) at dalawang bed sizes – standard at compact. Lahat ng bunk beds ay may book lights, outlet, curtain, clothes hanger, at free Wifi connection. Available naman nang 24 oras ang shared toilet/showers. Mayroon din na rental dryer (not available from 12am – 7am) at dial locker (limited).

May 2,500 book titles dito mula sa seleksyon ng bookstore na Keibunsha, na kumbinasyon ng Kyoto-themed travel guide books na nasa English at Japanese.

Dinisenyo ito ni Makoto Tanjiri ng Suppose Design Office, na siya rin nagdisenyo ng Tokyo branch. May dagdag na atraskyon naman sa Kyoto branch na matatagpuan sa 9th floor Kamogawa Building 200, Nakanocho-Nishiiru, Higashiyama-ku, Gion district at ‘di kalayuan sa Kawaramachi station, ito ang bar space tampok ang iba’t ibang klase ng craft beers na isang lumalaking industriya sa Kyoto.

Malapit din ito sa mga sightseeing spots gaya ng Yasaka Shrine, Nanzenji Temple, Fushimi Inari Shrine, Ginkakuji Temple, Keibunsha, Kyoto Museum of Contemporary Art, Rissei Cinema, UrBANGUILD, mga restaurants at cafes.

Makabibili rin ng exclusive items sa Kyoto branch gaya ng traveler’s factory (pens, notebooks, stationery, bookmarks) at japonica gown o yukata styled-pajamas. Nagsisimula ang rates sa ¥4,445 sa compact bed at ¥4,908 sa standard, check-in ng 4:00pm at check-out ng 11:00am.



Legoland Japan, magbubukas sa Nagoya sa Abril 1



Kuha mula sa Legoland Japan
Nakatakdang magbukas sa darating na Abril 1 ang theme park na Legoland Japan sa Minato Ward sa Nagoya City.

Ito ang kauna-unahang outdoor theme park na bubuksan sa Japan at pang-walong Legoland sa mundo kabilang ang nasa Denmark, California, England, Germany, Malaysia, Florida at Dubai.

Ayon sa operator ng Legoland Japan, halos kumpleto na ang 80 porsyento ng mga pasilidad ng theme park matapos simulan ang konstruksyon nito noong Abril 2015 kung saan mahigit sa 600 staff ang kukunin para magtrabaho.

“We are delighted to be bringing Legoland to Japan and particularly here to Nagoya where we have received so much support from the City and from Mayor Kawamura and his colleagues.

“We look forward to working closely with them as the project progresses, and have no doubt that through their continued efforts this region and the City of Nagoya will become a major family leisure destination both for Japanese and international visitors.

“Legoland Japan will certainly, we believe, play a key role in driving that strategy, adding a new and exciting dimension to the entertainment which is on offer,” pahayag ni Merlin Entertainment PLC CEO Nick Varney, ang operator ng Legoland, sa ground breaking ceremony.

May laking 9.3 ektarya, bubuksan ito sa publiko partikular sa mga bata edad dalawa hanggang 12 ang Legoland Japan. Mahigit sa 40 atraksyon ang mae-enjoy tulad ng roller coaster at replika ng mga gusali na binuo mula sa Lego bricks kabilang ang Nagoya Castle na tinayo mula sa mahigit sa 225,000 plastic bricks.

Ayon kay Legoland Japan President Torben Jensen, target ng theme park na makaakit ng dalawang milyong turista sa unang taon ng operasyon nito.

Nagkakahalaga ng ¥17,300 ang yearly passes para sa mga matatanda habang ¥13,300 naman ang para sa mga bata. Mabibili ito sa website ng Legoland Japan.

Linggo, Enero 29, 2017

Japan’s ageing but physically and mentally healthy society



Isa sa mga pangunahing isyu ng bansang Japan ay ang patuloy na lumalaki pang populasyon ng mga senior citizens, na inaasahang pumalo nang mahigit sa 40 porsyento o tinatayang 23 milyon na mga residenteng nasa lampas sa edad na 75. Kasabay din ng paglaki ng populasyon ang lumalaki rin na pondo at paggastos ng pamahalaan sa social security services.

Sa kabila nito, bagaman nasa kanilang golden years na ang karamihan ng Japanese kumpara sa mga mas nakababatang henerasyon, napakarami rin ang senior citizens na nananatiling malusog sa parehong pisikal at mental na aspeto, na siyang bunsod ng makabagong pamantayan ngayon sa pangkalusugang estado ng populasyon at sentro ng diskusyon sa kung kailan nga ba maituturing na “elderly” ang mga senior citizens.

More empowered senior citizens

Ang kasulukuyang social security system ay nakaayon sa depinisyon na ang mga residenteng nasa edad 65 pataas ay nangangailangan na ng suporta sa iba’t ibang kategorya pension system, health services, personal social services, family policy, employent of senior workers.

Dahil dito, ipinapanukala ng Japan Gerontological Society at Japan Geriatrics Society ang pagbabago ng kategorya sa mga seniors — mula sa edad na 65 (based on 1956 United Nations Report) ay gagawin nang edad 75 at pataas ang mga mapapabilang sa kategorya ng “elderly,” “semi-elderly” naman mula sa 65 hanggang 74, at “super-elderly” mula 90 pataas.

Pinag-aralan din ng gerontological society ang mga health-related data na nakitaang mas bumubuti pa sa bawat taon, ang patuloy na aktibong partisipasyon ng mga nasa edad 65-74 sa mga social at volunteer activities, at ang resulta ng Cabinet Office survey na nagsabing saka lamang dapat kabilang bilang elderly sa mga kalalakihan sa edad na 70 pataas at edad 75 pataas sa mga kababaihan.

Growing life expectancy

Ayon sa report ng NHK World, ang average life expectancy noong 1956 ay nasa edad 63 sa mga kalalakihan at 67 sa mga kababaihan. Nitong 2015, bunsod na rin ng medical at nutritional advancements, nasa edad 80 na sa kalalakihan at 87 naman sa kababaihan.

Kaugnay nito, patuloy din ang paglawak ng industriya ng elderly advanced monitoring services para masiguro ang seguridad ng mga seniors, gaya na lang ng newly-developed Secom My Doctor Watch, isang smart wristband ng security provider company na Secom na inaasahang ilunsad ngayong summer.

Kapag nakatukoy ito ng abnormal movement, maglalabas ito ng emergency warning at sa tulong ng GPS signal ng smartphone ng may suot nito, makakarating ito sa monitoring center ng Secom at makapagpapadala ito ng tulong.


Sa presentasyon kamakailan, plano ng kumpanya ng magdagdag pa ng ibang features at services partikular na sa safety at security ng gagamit ng wristband. Aniya, mas mababa sa ¥1,000 ang service fee nito bawat buwan. 

JAL, Jeplan and GEI bank on biofuel technology to recycle old clothes as fuel


Nakikipagtulungan ang Japan Airlines sa Japan Environmental Planning (Jeplan) at Green Earth Institute sa pagbuo ng isang collaborative council sa unang bahagi ng susunod na taon na may layuning i-recycle ang mga lumang damit para maging jet fuel na magagamit sa kanilang operasyon.

Nakatakda namang simulan ang paggamit nito pagdating ng 2020 kasabay ng Summer Olympics sa bansa.

Unang bahagi ng proyekto ang planong paggamit ng pinaghalong cotton-acquired fuel at standard fuel sa ilang test lights. Isang experimental fuel plant ang balak itayo sa isang factory ng Jeplan kung saan isasagawa ang ilang pagsusuri sa proyekto. Susundan ito ng konstruksyon ng isang commercial plant sa 2030.

Pinangungunahan ang Jeplan ng negosyanteng si Michihiko Iwamoto at co-founder nito na si Masaki Takao, na ang pangunahing proyekto ay ang pagbuo ng recycling technologies gaya na lang ng polyester recycling.

Limang taon ang iginugol ni Iwamoto para mabuo ang isang teknolohiya na gumagamit sa proseso ng fermentation para durugin ang cotton fibers sa mga damit gaya ng T-shirts at denim jeans at gagawing alkohol. Mula rito ay nabubuo ang tinatawag  na bioethanol.

Nitong nakaraang taon lamang ay inikot ni Iwamoto ang DeLorean car, ang sasakyang itinampok sa pelikulang “Back to the Future II” sa mga shopping malls sa Japan para mangolekta ng mga lumang damit.

Nakikipagtulungan na rin ang Jeplan sa may 12 retailers gaya ng Aeon Co., Ltd. (operates supermarkets and shopping centers) at Ryohin Keikaku (Muji operator) sa koleksyon ng mga lumang damit mula sa tinatayang mahigit 1,000 retail stores sa bansa.

Kaugnay  ito ng Bring Fuku-Fuku Project ng Jeplan na humihikayat sa mga consumers na dalhin ang kanilang pinaglumaang mga damit sa mga clothing retail stores at dadalhin sa isang sorting center kung saan ihihiwalay ang mga damit bilang reusable o for recycling.
Sa tulong naman ng Green Earth Institute, mapapakinabangan ang mga biofuel technologies na binuo ng Research Institute of Innovative Technology for the Earth na sinusuportahan ng gobyerno.  

Bagaman mayroon pa rin carbon dioxide emission mula sa proseso nito, higit pa rin itong mas mababa kumpara sa fossil fuel production gaya ng coal at makatutulong para mabawasan ang emissions na mula sa mga eroplano.

Ayon naman sa Nikkei Asian Review, makakagawa lamang ng 10 kiloliters ang 100 tonelada ng cotton at kahit pa pagsama-samahin ang kabuuang cotton consumption sa bansa ay tinatayang 70,000 kiloliter bawat taon lang ang mabubuo nito, na mas mababa sa isang porsyento ng jet fuel usage ng Japan.


‘In This Corner of the World’: A reflective and poignant animated film



The film focuses on the details of life. While the war casts a shadow, ordinary lives appear shining as if a treasure.”

Ito ang pagsasalarawan ni Sunao Katabuchi, direktor ng hit animated masterpiece na “In This Corner of the World” (Kono Sekai no Katasumi ni) sa kanyang obra na tumatalakay sa ordinaryong pamumuhay ng mga Japanese sa Hiroshima bago at pagkatapos ito sirain ng atomic bomb noong Agosto 6, 1945, sa isang panayam ng The Asahi Shimbun.

Base ito sa manga ni Fumiyo Kōno na may parehas na pamagat na nabasa mula 2007-2009 sa Weekly Manga Action, may tatlong volumes at inilathala ng Futabasha. Kinilala ito bilang Jury Recommended Work at Excellence Prize sa 2008 at 2009 Japan Media Arts Festival. Nagkaroon na rin ito ng live-action TV special sa NTV noong 2011 tampok si Keiko Kitagawa.

The people of wartime Hiroshima

Sentro ng pelikula ang 18-taong-gulang na si Suzu Urano sa kanyang paglipat noong 1944 sa Kure, isang naval port city sa Hiroshima nang magpakasal sa isang judicial officer na si Shūsaku Hōjō para tumira kasama ang pamilya niya. Bagaman naninibago sa kanyang bagong buhay bilang isang maybahay, iaatas sa kanya ang mahalagang papel sa pagpapatakbo ng buong bahay pati na rin ang paghahanda ng pagkain sa gitna ng giyera.
Nang makarating ang sunud-sunod na pambobomba sa Kure, tuluyan nang nagbago ang buong buhay ni Suzu at ng buong bayan ng Kure at Hiroshima.

Stepping into the past

Partikular na pumukaw sa pansin ng mga manonood ang opening sequence ng pelikula kung saan makikita si Suzu na naglalakad sa mga lansangan ng Nakajima Honmachi district sa panahon ng Kapaskuhan noong 1933.

Isa sa bumubuo sa 1933 cityscape ng Hiroshima ang Otsuya muslin shop na nasa tapat ng gusali na matatagpuan naman ang Taishoya Gofukuten kimono fabrics shop, na hanggang ngayon ay naroroon pa rin sa lugar.

Aniya, 100 metro lamang ang layo nito mula sa ground zero kung saan bumagsak ang atomic bomb. Sa ngayon, hindi na makikita ang distritong ito sa Hiroshima at bahagi na lamang ng Hiroshima Peace Memorial Park.

Anim na taong pinag-aralan ni Katabuchi ang Hiroshima sa pamamagitan ng pagpapabalik-balik niya sa Hiroshima para kausapin ang mga residenteng nakaligtas na mga bata noong giyera, gayon din ang libu-libong larawan at mga aklat tungkol sa kasaysayan nito.

Makikita rin sa pagbubukas ng pelikula ang mga imahe ng mga yumaong kamag-anak ng mga survivors bilang pag-alala sa mga yumao at pagpapasalamat sa mga survivors.

Not lost from memory

Sa tagumpay nito sa box office mula nang magbukas nitong Nobyembre 12, pinipilahan at kahit standing-only tickets ay dinudumog pa rin, patunay ito na ang henerasyon ngayon ay bukas ang loob na makilala ang naglahong bahagi ng Hiroshima 71 taon na ang nakararaan.

Kumita na ito ng ¥800 milyon at consistent 10th place sa loob ng pitong linggo sa box office nitong huling linggo ng Disyembre sa total budget na  ¥250 milyon. Nagdagdag na rin ng 200 theaters para sa screening nito ngayong buwan. 

Miyerkules, Enero 25, 2017

S.M.A.R.T. goals para sa tagumpay ng pangarap at negosyo

Ni MJ Gonzales


Taun-taon ay marami ang gumagawa ng kanilang New Year’s Resolutions o mga kahilingan. Subalit, iilan lamang ang pinagtutuunan na magkaroon ng S.M.A.R.T.  goals. Gaano nga ba kahalaga ito lalo na sa usapin ng pagnenegosyo?

Sabi nga nila ay hindi na lamang “work hard,” kundi “work smart” na rin dapat.  Bagay na bagay ito, hindi lamang sa mga nagtatrabaho, kundi maging sa mga negosyante o balak pa lamang magnegosyo. Paano at ano nga ba ang kahulugan ng S.M.A.R.T. goals?

Ang S.M.A.R.T. ay nangangahulugan ng Specific, Measurable, Attainable, Relevant, at Time Bound.  Bawat isang aspeto nito ay kailangang daanan at bigyang-pansin upang makabuo ng malinaw at matatag na layunin.

Specific (Tiyak) – Marami ang nangangarap na yumaman pero iilan lamang ang nakatutupad nito. Ito ay dahil bukod sa wala namang eksaktong plano at aksyon, wala rin specific o tiyak na nilalayon. Halimbawa na lamang sa pagsali sa paligsahan sa pagtakbo o marathon. Hindi naman pwedeng paikot-ikot ka lang para maunahan ang iyong kalaban. 
Mahirap iasa sa iba ang pangarap at nararapat mong gawin. Ang tama ay alam mo kung ano ang talagang inaasam mong mapagtagumpayan sa buhay para kahit anong mangyari ay determinado ka.    

Measurable (Nasusukat) – Sa pagsusulat ng iyong business goals, napakainam kung mayroong sukatan ang mga ito para masabi mo kung tama at nagtatagumpay ka na.  Katunayan, maraming bagay sa pagnenegosyo ang kinakailangan na may sukat gaya ng kailangan na benta kada buwan, magkano ang dapat na paikutin na kapital, at anu-anong produkto at ilan ang gusto mong ialok. 

Hindi man eksakto, nakatutulong kung may sinusunod kang numero at klaro sa iyo ang iyong pinupuntirya. Katunayan, ang mga malalawak na klase ng layunin lalo na sa usapin ng pera, pagnenegosyo, at pagtatrabaho ay ang madalas na nananatiling pangarap lamang.

Attainable (Nakakamit) – Sa totoo lang ay maraming bagay na posibleng makamit basta maging pursigido lamang. Tandaan na hindi lahat ng pangarap ay pare-pareho gayon din ang  panahon, pamamaraan, at perang kakailanganin. 

Pwedeng hatiin sa maliliit na short term goals ang bawat aspeto ng iyong ultimate dream. Kung gusto mo agad makuha ang isang matayog na pangarap ay magiging imposible nga ito. Maging realistiko at praktikal sa iyong mga hakbang para posible ngang maging matagumpay sa iyong pagnenegosyo. 

Relevant (Katuturan) – Sumubok ka na ba na pumunta sa isang lugar dahil sa wala lang? Pwedeng nakaka-excite ang ganoong aktibidad pero ano nga ba ang saysay nito sa iyo? Ganito rin sa pag-iisip ng layunin para sa iyong tindahan o kumpanya, nararapat lamang na alam mo ang katuturan nito sa iyo.   Ito ba ay para sa iyong pamilya, hilig mo o may kaugnayan sa iba mo pang gustong makamit sa buhay?

Sa ibang banda, ang uri ba ng iyong itatayong negosyo ay may kinalaman sa iyong pinag-aralan, talento, at interes? Kung hindi ay mas kailangan mong dagdagan ang iyong pagsusumikap para matutuhan, mahalin, at magawa mo ng mahusay ang iyong trabaho.

Time - bound (May takdang oras) – Sabi nga nila ay walang forever at akma rin ito pagdating sa entrepreneurship. Kung walang itinatakdang oras sa iyong nais na makamit ay mas matatagalan, katatamaran, at mapapabayaan ang mga ito.

Bakit? Kapag walang deadline ay magiging maluwag ka sa iyong mga gagawin at isasantabi kung ano pa ang importante.  Isa pa ay ang mga aspeto sa pagnenegosyo na talagang may tamang  panahon para simulan gaya ng paglalakad ng business permits sa Bureau of Internal Revenue (BIR) at  City Hall.

Lunes, Enero 23, 2017

‘Asia’s best year’ iginawad ng Japan Times kay Duterte

Ni Florenda Corpuz

Kuha mula sa Presidential Communications
Nagpahayag ng pagkagalak ang Malacañang sa pagkakalathala ng Japan Times sa artikulo ng CNN na nagsasabi na ang “Asia’s Best Year” ay iginagawad kay Pangulong Rodrigo Duterte.

“It’s heartening to know that certain media agencies are able to notice the good things the President is doing,” saad ni Presidential Spokesperson Ernesto Abella sa isang pahayag.

Inilathala ng Japan Times ang artikulo noong Enero 2 na may titulong “Sayonara to the year that was” kung saan nanguna si Duterte sa kategorya “by winning his nation’s presidency in a landslide last May and subsequently upending, rethinking and reshaping the state of affairs — for good or for bad — at home and abroad.”

Magugunitang unang inilathala ang artikulo sa CNN noong Disyembre 23 sa ilalim ng titulong “The winners and losers in Asia in 2016” kung saan itinanghal na “big winner” ang pangulo ng mga manunulat na sina Curtis S. Chin at Jose B. Collazo.

“In early December, the Social Weather Stations survey firm had Duterte enjoying a 77 percent approval rating as Filipinos continue to put their trust in their controversial president. For now, the Philippine leader’s unconventional moves seem a harbinger of things to come,” saad sa artikulo.

“Duterte ended 2016 seeking to rebalance his nation’s ties, improve the life of the average Filipino and make the Philippines — a one-time economic and trade powerhouse — great again. And for that, Asia’s best year goes to Duterte,” ayon pa rito.

Ang Japan Times ang pinakamalawak na English newspaper sa bansang Hapon.

Pinoy Gazette Jan 22 issue


Martes, Enero 10, 2017

Pinakamalaking inbound tourism promotion inilunsad ng JNTO London

Ni Jovelyn Javier

Kuha mula sa Visit Japan website

Pinamagatang “Japan―Where tradition meets the future” ang pinakabagong large-scale campaign ng Japan na inilusad at inumpisahan ngayong Nobyembre sa opisina ng Japan National Tourism Organization (JNTO) sa London, England. Bahagi pa rin ito ng “Visit Japan” project ng JNTO.

Layunin nitong itaas pa ang tourism demand papasok ng bansa mula sa mga European tourists na mula sa 15 bansa sa Europa gaya ng United Kingdom, Italy, France, Spain, Germany, Sweden, Norway, Netherlands, Denmark, Poland, Finland, Austria, Turkey, Israel, at Belgium.

“So far, the number of European visitors to Japan is not so big, compared with China or South East Asia. But it is growing steadily, last year we enjoyed over 100,000 passengers,” pahayag ni Akira Nakamura, Senior Vice President ng All Nippon Airways -- Europe, Middle East, Africa.

 “When the Tokyo Olympics is held we are aiming for 40 million visitors and $80 billion US in spending. These are very challenging figures we are now working to achieve,” pahayag ni Ryoichi Matsuyama, JNTO president, sa Euronews.

Napag-alaman, batay sa resulta ng pagsisiyasat sa mga turista, na ang pinupuntahan nila sa Japan ang kakaiba ngunit magkatugmang kumbinasyon ng “tradition” at “innovation.”

Maliban sa tradition at innovation, tinukoy din na pangunahing konsepto nito ang dalawang keywords na “identity” at “authenticity” na pangunahing key points din sa mga kampanyang gagawin para isulong ang Japan bilang lugar ng kaganapan ng 2019 Rugby World Cup at 2020 Olympics.

Maliban sa iba’t ibang klase ng anunsiyo na makikita sa telebisyon, internet, mga lugar ng transportasyon, sinehan, shopping malls, at iba pang pangunahing lugar sa mga  nasabing bansa ay tampok din ang isang tatlong minutong interactive movie bilang pangunahing campaign content,  na ginawa pa ni German filmmaker Vincent Urban, na siya rin  producer ng “In Japan – 2015.”

Tampok sa short movie ang iba’t ibang bird’s eye view scenes mula sa 45 lokasyon sa bansa mula sa perspektibo ng isang European traveler. Nagsisimula ito sa mga pangunahing modern landmarks gaya ng Tokyo Tower at Tokyo Skytree, gayon din ang mga video arcade sa electronic town Akihabara, humanoid robot sa National Museum of Emerging Science and Innovation, at ilustrasyon ng karaniwang pang-araw-araw na pamumuhay sa discount shopping destination na Don Quijote at “yokocho” o kalye ng mga magkakatabing izakaya.

Nariyan din ang marilag na tanawin ng Dorokyo gorge sa Wakayama prefecture, pilgrimage routes sa Kumano Kodo at ang matayog na Great Buddha hall sa Todaji Temple sa Nara prefecture.

Pagdating naman sa tradisyonal na kultura ay ilan lamang ang Buddhist rites, chado (tea ceremony), kyudo (Japanese archery) at mochi rice-cake pounding sa mga itinampok dito.


Lunes, Enero 9, 2017

Dating prime minister ng Pilipinas, ginawaran ng imperial honor ng Japan


Kuha mula sa Embassy of Japan in the Philippines

 Ginawaran ng Grand Cordon of the Order of the Rising Sun si dating Prime Minister Cesar Enrique Aguinaldo Virata sa isang seremonya na ginanap sa Japanese Ambassador’s Official Residence sa Pilipinas kamakailan.

Kinilala si Virata dahil sa kanyang “contribution to promoting friendly relations and developing economic cooperation between Japan and the Philippines.”

Pinangunahan ni Japanese Ambassador to the Philippines Kazuhide Ishikawa ang seremonya.

Dinaluhan din ni Senate President Pro-Tempore Franklin Drilon ang pagtitipon kung saan siya ay nagbigay ng congratulatory remark. Kamakailan ay iginawad din ang parehong parangal sa senador sa pangunguna nina Emperor Akihito at Prime Minister Shinzo Abe sa isang seremonya na ginanap naman sa Imperial Palace sa Tokyo.

Si Virata ang pang-apat na prime minister ng Pilipinas na nanungkulan mula taong 1981 hanggang 1986 sa ilalim ng Interim Batasang Pambansa at ng Regular Batasang Pambansa habang nanunungkulan din bilang Finance Minister.

Bago naging pulitiko ay nagturo sa business school ng Unibersidad ng Pilipinas si Virata at naging dean ng College of Business Administration. Ipinangalan sa kanya noong Abril 12, 2013 bilang Cesar E.A. Virata School of Business ng University of the Philippines Board of Regents (BOR) ang naturang business school.

Siya ay apo sa pamangkin ni Emilio Aguinaldo, ang unang pangulo ng bansa. Siya ay MBA degree holder mula sa Wharton School of the University of Pennsylvania.

Ang Grand Cordon of the Order of the Rising Sun ang kauna-unahang opisyal na dekorasyon ng Japan na binuo noong 1875 na nagbigay-daan sa pagsisimula ng honors system sa bansa. Sina Virata at Drilon ay dalawa sa anim na dayuhan na ginawaran ng prestihiyosong parangal ngayong taon.

Japanese beauty queen Kurara Chibana, sumasabak na rin sa pag-arte



Nagpugay ang Japan noong 2006 nang tanghaling Miss Universe first runner-up si Kurara Chibana na crowd favorite noon. Nakuha rin niya ang Best National Costume award sa kanyang samurai-themed costume na idinisenyo ni Yuichi Miyagawa at Yoshiyuki Ogata.

Ngayon, mahigit siyam na taon ang nakaraan, marami na ang nangyari sa Okinawan native na si Chibana. Mula sa pagiging TV reporter sa NTV show na “News Zero” pagkatapos ng Miss Universe, modelo at spokesperson ng kilalang brands gaya ng Maybelline, hanggang sa italaga siya bilang kauna-unahang National Ambassador Against Hunger para sa Japan ng United Nations World Food Programme (WFP) noong Disyembre 2013.  

Taking her newest challenge

Mahilig si Chibana na hamunin ang sarili niya sa ibang mga bagay gaya ng pag-arte sa pamamagitan ng kanyang recurring role bilang ang yoga instructor na si Rika Kano sa Fuji TV comedy-drama na “Offbeat Chief Police.”

It is a good balance of comedy and drama. Comedy suits my personality. My character is very cheerful and open-hearted. I took acting lessons and yoga lessons. It was really tough at first and still is, even now. It is a big challenge,” ang pahayag ni Chibana sa isang panayam ng Japan Today.

Committed ambassador to World Food Programme

Nagsimula siya bilang WFP Celebrity Partner noong 2007 at simula noon ay dumayo na sa iba’t ibang bansa gaya ng Zambia (2008), ‘Pinas (2009), isang nayon sa Sri Lanka (2010), tsunami-hit areas sa Japan (2011), Tanzania (2012), isang health post sa Ethiopia (2013), Jordan (2014), Kyrgyzstan (2015), at Kenya (2016).

Nang maitalaga siyang ambassador noong 2013, agad niyang hinikayat ang mga tagahanga na suportahan ang mga mamamayan ng Pilipinas sa pamamagitan ng WFP pagkatapos ng bagyong Yolanda.

At ngayong taon, bumisita siya sa Jumabunguzi Farmers Organization sa Salima, Malawi kung saan gumawa ang WFP ng isang warehouse na pinaglalagyan ng mga magsasaka ng kanilang mga ani para mabawasan ang mga nasisira nang dahil sa matinding tagtuyot.
Kinumusta rin niya ang kalagayan ng mga kabataan sa Kapira Primary School na tumatanggap ng Home Grown School Meals Programme; sa mga magsasaka sa Balaka na tinuturuan ng irrigation farming, fish farming, reforestation, compost making, drought-resistant crop production; at sa mga batang may malnutrisyon at mga ina sa Mbela Health Centre na binibigyan ng Supplementary Feeding Programme.

Okinawan beauty and intellect

Taga-Naha, Okinawa ang 5’8” at 34-taong-gulang na si Chibana at nagtapos ng educational philosophy sa Sophia University. Tumira siya sa France at Spain at marunong ng English, Spanish at French.

 

Mahilig si Chibana sa flamenco dancing, swimming, cooking, repainting furniture, yoga, at interior-space making. Nagkaroon na rin siya ng fashion book na “Forever Basic” at kolumnista sa Domani magazine.

 


 

Linggo, Enero 8, 2017

2nd Philippine Property Expo in Japan gains more interest from the Filipino community


Lalong lumaki ang interes ng maraming Pilipino na nasa Japan sa katatapos lamang na 2nd Philippine Property Expo na ginanap sa Tokyo Garden Terrace Kioicho kung saan humigit-kumulang sa 400 Pilipino ang dumalo.

Mas mataas ang bilang ng mga dumalo na Pilipino sa naturang expo kumpara noong una itong ginawa nitong Hulyo 31 na nasa mahigit 300 katao na inorganisa rin ng IPS. Nagpapakita lamang ito ng lumalawak na interes ng maraming Overseas Filipino Workers (OFWs) sa Japan na ilagay sa tamang investments ang perang kanilang kinikita sa pagtatrabaho sa Japan.

Kabilang sa mga exhibitors ang Aboitiz Land sa pangunguna ni Joey Zamora, Assistant Vice President; DMCI sa pangunguna ni Christina Perilla, International Lead Broker; Robinsons Land sa pangunguna ni Kmar Peñaflorida, Area Manager; Alveo Land sa pangunguna ni Clod Figueroa, Senior Area Sales Director; at SMDC sa pangunguna ni Royce Pellerin, Marketing Partner mula sa Transtech.

Isa-isang ibinida ng exhibitors ang iba’t ibang land properties na kanilang ibinibenta sa Pilipinas kung saan ang ilang units ay nagkakahalaga sa ¥10,000 pataas kada buwan na ikinamangha ng maraming Pilipino na nais bumili.

Dahil dito, naging masaya ang mga sumaling exhibitors dahil sa tagumpay ng ikalawang expo kaya maaga pa lamang ay agad na silang nagpahayag ng kanilang kagustuhan na maging bahagi ng susunod na expo na gaganapin sa Marso ng susunod na taon.

Ikinatuwa rin ng mga dumalo ang pagdating ng sikat na Kapuso actress na si Camille Prats na magiliw na nagkuwento kung paano siya nag-invest sa ilang properties sa Pilipinas. Hinikayat din ng magandang dalaga, na endorser din ng Shinagawa Lasik & Aesthetics-Philippines, ang mga dumalong Pilipino na bumili ng ari-arian habang nagtatrabaho at may kinikita pa sila.

“I started working at the age of 7 kasi gusto ko po talaga mag-artista so I worked hard para matupad ko po ang mga pangarap ko. Kagaya niyo rin po ako, I’m sure, na mayroong mga pangarap para sa ating pamilya at mahal sa buhay.

“So I invested in a condo, apat na taon ko po iyon hinulugan. Sobra po akong nagtipid kasi nakatatak po sa isip ko iyong babayaran ko every month. Na-realize ko po na talagang dapat ginawa ko iyon habang bata pa ako, habang kaya pa ho ng katawan ko, at may projects pa akong ginagawa.

“Ngayon, tapos ko na po iyon [condo] bayaran. And I’m really glad that I was able to do that kasi kung hindi, wala po siguro akong naipundar na maipapamana ko sa anak ko,” pahayag ng aktres na nagpaunlak din ng Q&A at photo op.

Iginiit din ng aktres ang kahalagahan ng mayroong sariling bahay na matutuluyan na isang katibayan umano ng pagsisikap at pagsasakripisyo ng maraming OFWs na mangibang-bansa upang may maibigay na magandang kinabukasan sa pamilya.

“Masarap po sa pakiramdam na pag-uwi niyo sa Pilipinas, may matitirhan kayo. You’ll see the fruit of your labor. Kampante po kayo na kahit na tumanda kayo mayroon kayong matutuluyan na alam niyong sa inyo at hindi  po kayo mapapaalis kasi po sa inyo iyan, bahay niyo iyan,” dagdag pa ni Camille na sinang-ayunan ng maraming Pilipino na naroroon.

Bukod kay Camille, nagbigay din ng maikling mensahe si Dino Galida na mula sa Office of the President. Ipinaliwanag ni Galida, na tubong Davao City, ang ilang plano at proyekto ng administrasyong Duterte.

“When we speak about public agenda, our President Rodrigo Duterte is doing a lot of jobs and trying his best to lift up the condition of the Filipino people and its community by achieving peace and order, fighting drugs to pressing lawless elements among others.”

Nagkaroon din ng raffle prizes kung saan ilang Pilipino ang nag-uwi ng gift certificates mula sa Shinagawa Lasik & Aesthetics, iPad Mini, Quo Card (¥5,000), at round trip ticket sa Pilipinas mula sa Philippine Airlines.


Tumayong host ng naturang event si John Nite na naging bahagi ng “Walang Tulugan” show ng yumaong German Moreno.

It’s all about snow: Japan’s magical winter sceneries

Ni Florenda Corpuz

Kuha mula sa Tobu Railway Co. Ltd.

 Dinarayo ang mga lugar ng Kanto at Tohoku tuwing winter season dahil sa kakaiba at kaaya-ayang winter sceneries dito kung saan may seasonal events din na isinasagawa.

Sa Tochigi Prefecture, partikular ang lugar ng Nikko at Kinugawa na kilala bilang hot spring resorts, napapalibutan ito ng mga nakakamanghang hiwaga ng kalikasan at makasaysayang mga gusali tulad ng Nikko Toshogu Shrine na pangunahing kinatawan ng mga shrines at temples ng UNESCO World Heritage.

Magugustuhan dito ang iba’t ibang winter sceneries at unique activities tulad ng Kamakura Festival sa Yunishigawa Onsen, Okunikko Yumoto Onsen Snow Festival, Ouchi-Juku Snow Festival (Fukushima Prefecture) at Juhyo Festival sa Zao Onsen Ski Resort (Yamagata Prefecture).

Kamakura Festival
Event dates: Enero 28 - Marso 5, 2017
Location: Yunishigawa Onsen, Nikko-shi, Tochigi

Kilala bilang “Night View Inheritance of Japan,” ito ay winter tradition ng Yunishigawa Onsen kung saan nakalilikha ng hanay ng maliliit na “kamakuras” o igloos na napapailawan ng mga kandila sa loob sa tabi ng ilog.

Nadedekorasyunan din ang mga kalsada sa hot spring town na ito ng mga snowmen at snow lanterns kaya naman ito ay tinawag na “Historical & Cultural Night View Heritage” ng Night View Inheritance of Japan. Sa loob ng kamakura ay ma-e-enjoy din ang pagkain ng barbecue, outdoor hot spring, foot bath at iba pang snow activities.


Okunikko Yumoto Onsen Snow Festival 2017
Event dates: Yukiakari: Pebrero 6 - 12, 2017
                      All Japan Ice Sculpture Okunikko Competition: Jan 28 (Sat)
                      Yunoko Lake Fireworks Display: Feb 11 (Sat)
Location: Yumoto-onsenkyo, Nikko-shi, Tochigi

Iba’t ibang kaganapan ang makikita rito kabilang ang “Yukiakari” kung saan 500 kamakuras na napapailawan ng kandila sa loob ng Yumoto Park at itinuturing na “Light Up Night View Heritage” ng Night View Inheritance of Japan.

Gaganapin din ang “All Japan Ice Sculpture Okunikko Competition” sa Enero 8 kung saan ang mga chefs mula sa iba’t ibang hotel at ang mga iskultor mula sa iba’t ibang bahagi ng Japan ay magtitipun-tipon sa Okunikko para lumikha ng ice sculptures na idi-display sa loob ng igloos.

Ouchi-juku Snow Festival
Event dates: Pebrero 11 – 12, 2017
Location: Ouchi-juku, Shimogo, Minamiaizu-gun, Fukushima


Ang Ouchi-juku ay isang lodging town na binuksan noong Edo period na ginagamit ng mga samurai at merchants na bumibiyahe sa Tokyo (Edo) at Tohoku. Ngayon ay kilala na ito bilang “Samurai Village” dahil napreserba ang orihinal na village scenery dito.

Noong 1981 ay itinalaga ito bilang Important Preservation District for Groups of Traditional Buildings, at ang mga kabahayan ay ginawa ng souvernir shops at soba restaurants. Tuwing festival ay iba’t ibang makukulay na kaganapan ang isinasagawa na nagpapakita ng katangian ng rehiyon tulad ng traditional performing arts, “yosakoi” dance at fireworks display.

Juhyo Festival Light up
Event dates: Deisyembre 23, 2016 – Marso 5, 2017
Location: Zao Onsen Ski Resort, Yamagata-shi, Yamagata

Sa Zao Onsen Ski Resort ginaganap ang Juhyo Festival kung saan iniilawan ang snow-covered white fir trees na tinatawag na “Juhyo” o “Snow Monsters” hanggang Marso 7. Gaganapin din ang “Juhyo Corridor of Fantasy” tour sa “Night Cruiser,” isang espesyal na snow mobile na may heating capacity kung saan magkakaroon ng close-up experience sa mga napapailawang Juhyo at silver frost habang nakasakay.


Maaaring tunguhin ang mga ito sa pamamagitan ng pagsakay sa mga tren ng Tobu Railway Co. Ltd., ang pinakamalaking private railroad company sa Japan.