Miyerkules, Oktubre 26, 2016

Ano ba ang ‘solopreneurship’ at kaya mo ba ito?

Ni Hoshi Laurence


Sabi nga ni Bob Marley “You never know how strong you are until being strong is your only choice.” Swak na swak din ito sa pagnenegosyo dahil masusubukan talaga rito hindi lamang ang bigat ng iyong bulsa kundi pati tibay ng iyong loob. Makakayanan mo kaya ito na mag-isa lalo na kung iyon din naman ang tanging pagpipilian mo? Kapag sinuong mo ang pagnenegosyo mag-isa, puwede ka na rin tawaging  “solopreneur.”

Marahil bago lamang sa karamihan ang katagang solopreneur. Subalit baka ginagawa mo na ito o ng mga magulang mo bago mo pa malaman.  Pwede rin kasing matawag na solopreneur ang mga “freelancers” at “self-employed.” Ito ay lalo na kung pamamaraang pang-negosyante ang kanilang ginagamit sa pagtatrabaho sa kanilang mga kliyente. Ang mahalagang  punto rito ay kung ano ba ang mindset mo sa pagkakaroon ng hanapbuhay na mag-isa.

Ano ba ang mapapala mo sa pagiging solopreneur?

Maraming bentahe  ang pagiging solopreneur gaya na lamang ng pagtatamasa ng tagumpay at halos walang limitasyon na pagkita.  Iyan ay depende sa kung anu-anong istratehiya ang iyong gagawin upang maabot ang iyong inaambisyon.  Dahil mag-isa ka, kailangan mo rin na isaalang-alang ang iyong kakayahan sa ngayon pagdating sa pamumuhunan, nalalaman, at handang isakripisyo. 

Maaaring mahirap din ang pagiging solopreneur para sa mga nagtataguyod ng pamilya, kinakapos lagi ang sahod, at may palaging pinaglalaanan ng pera. Subalit kung determinado ka, narito pa ang ilang magandang punto ng pagiging solopreneur:

·              Sa iyo ang oras mo – Hindi lahat ng nagso-solopreneur ay pagkita lamang ng pera ang iniisip.  May iba na ang hangarin lamang ay magkaroon ng mahaba pang oras kasama ang kanilang pamilya. Mainam na halimbawa rito ay mga work at home moms (WAHM), home-based businessmen, at professionals na nagnanais na gawin ang kanilang trabaho sa oras na kanilang gusto. Ibang-iba ito sa pangangamuhan na susunod ka sa itinakdang oras ng trabaho o mapapa-overtime ka palagi dahil maraming trabaho.  

·        Seguridad sa pananalapi – Maraming makapagpapatunay na iilan lamang ang pinagpapala sa pagnenegosyo.  Ito’y malayo sa pagtatrabaho na ang mga empleyado ay nakatatanggap ng sahod kada kinsenas at katapusan ng buwan.  Pero magkaiba ang job security at financial security. Tandaan na hindi lahat ng nagtatrabaho ay kumikita ng sapat, nararapat, at may kasiguraduhan. Ang pagkakaroon ng job contract ay pagsasaayos ng iyong nakatakdang sahod at nakatakdang panahon.

     “Smart solopreneurs work for a diversity of clients, not just one. This means that unlike full-time employees, you can’t be laid off and lose your entire income all at once. And while the loss of a client can certainly make a dent in your earnings, finding new business is a quicker and easier process than finding a full-time job. So there’s an argument to be made that solopreneurs have more income stability, not less than their full-time employed counterparts,” saad ni Minda Zetlin, isa sa may akda ng “The Geek Gap: Why Business and Technology Professionals Don’t Understand Each Other sa kanyang artikulo sa INC.com.

Likha ng Pinoy designers, inirampa sa Japan Fashion Week

Ni Florenda Corpuz
Kuha mula sa Japan Fashion Week website


Muling nagpakita ng angking talento at husay ang mga Pinoy fashion designers sa international runway sa kanilang pagsabak sa ikalawang pagkakataon sa Amazon Fashion Week Tokyo o Japan Fashion Week.

Inirampa sa Amazon Fashion Week Tokyo 2017 S/S ang koleksyon nina Joseph Agustin Bagasao, Carl Jan Cruz at Karen Topacio sa isang runway show na pinamagatang “Asian Fashion Meets Tokyo” na ginanap kamakailan sa Shibuya Hikarie Hikarie Hall A.

Kabilang din sa inirampa ang koleksyon ng kilalang global Pinoy brand na Bench sa pangunguna ng founder nito na si Ben Chan na dumalo sa naturang palabas.

Ang mga koleksyon nina Bagasao, Cruz, Topacio at Bench ay binubuo ng mga men’s & women’s / ready to wear and accessories.

Ito na ang ikalawang pagkakataon na nakasali ang mga Pinoy designers/ brands sa Japan Fashion Week na isa sa pinakasikat at pinakamalaking fashion events sa buong mundo.

Matatandaang mainit na tinanggap dito noong nakaraang taon sina Renan Pacson, Ken Samudio at John Herrera nang kanilang ibida ang kanilang 2016 S/S collection.


Ang Japan Fashion Week ay isang by invitation only event na ginaganap dalawang beses kada taon. Ito ay inoorganisa ng Japan Fashion Week Organization.

Tech-voc education sa Pilipinas suportado ng Japanese gov’t

Ni Florenda Corpuz

Inanunsyo ng Japan International Cooperation Agency (JICA) na susuportahan nito ang technical vocational education sa K to 12 program ng Pilipinas para makatulong sa employability ng mga kabataang Pilipino na magtatapos sa ilalim nito.

“Technical-vocational trainings in secondary schools could help bridge the gap in linking the academe with industry particularly in developing sufficient skills for the job market,” ani JICA Poverty Reduction Section Chief Flerida Chan.

Binanggit ng JICA ang pinakamahusay na pagsasanay ng Rogongon Agricultural High School (RAHS) sa Iligan City sa Mindanao na kanilang tinutulungan sa community-based, hands-on trainings para sa mga senior high school na estudyante.

Bumuo ng community-based technical vocational program for horticulture ang paaralan na nagbibigay din ng pagkakataon para sa mga out-of-school high school students, community members at indigenous people na miyembro ng Higaonon Tribe.

Ayon sa pamunuan ng paaralan, nakapagbibigay sila ng kabuhayan sa mga mag-aaral at komunidad sa lugar dahil nagagamit nila ang agricultural land habang ang mga mag-aaral ay nakikinabang naman mula sa kanilang practicum sa pamamagitan ng mentored community immersion para sa agricultural crop production.

“We hope that more students will realize the opportunities in technical vocational education, including agriculture-related courses,” ani Richard Talaid, school head ng RAHS na isa sa 25 partisipante mula sa Pilipinas na sinanay ng JICA sa Japan.

“Our training in Japan made me realize the importance of not only classroom knowledge but more importantly practical applications given availability of agricultural land in the area,” sabi nito.

“The challenge is to help change the perception about technical vocational education and that graduates of this track have equal chances of getting quality jobs as those that took the conventional education pathway,” dagdag pa nito.

Ang RAHS ay isa sa mga recipients ng grant na ibinigay ng JICA sa mga technical vocational school sa Pilipinas upang matulungan na mapahusay ang implementasyon ng technical vocational curriculum.

Binigyan ng JICA ng mga kagamitan para sa agrikultura ang paaralan para magamit ng mga estudyante sa kanilang mga proyekto.

Kabilang din sa mga pilot technical vocational high schools sa ilalim ng DepEd-JICA cooperation ang Don Alejandro Roces Sr. Science and Technology High School, Rizal Experimental Station and Pilot School of Cottage Industries, Subangdaku Technical Vocational High School at San Pedro Relocation Center National High School na mas pinalawak din ang kanilang work immersion program, ang mga guro ay nagsanay sa  Japan at nakatanggap ng technical guidance mula sa ekspertong Hapon.

Ang grant ay bahagi ng senior high school modelling program ng Department of Education (DepEd) at JICA upang matulungan ang K to 12 system link schooling para sa industry needs at employment.


‘Piloti’ itinayo sa Leyte bilang proteksyon sa bagyo

Itinayo  sa Tanauan, Leyte ang dalawang palapag na “Piloti,” isang klase ng processing plant na makatutulong upang makaiwas sa pagsalanta ng malakas na bagyo. Pinondohan ang naturang proyekto ng Embahada ng Japan sa Pilipinas sa ilalim ng Japan Official Development Assistance program.

“The facility is constructed of reinforced concrete in two-story “piloti” type architecture. Pilotis or piers are ground supporting columns that raise a building above ground level. This piloti feature will be useful and prevent damage during storm surges. The facility will enhance the quality of life of Tanauan fisher-folks, reduce their losses and give added value to the processed seafood products,” pahayag ng Embahada ng Japan.

Nagdaos ng turnover ceremony ang Embahada na dinaluhan nina Embassy of Japan’s First Secretary Kenji Terada, JICA Headquarters’ Sectional Representative Atsutoshi Hirabayashi, JICA Philippines Office’s Sectional Representative Yoshiyuki Ueno, Department of Agriculture Bureau of Fisheries and Aquatic Resources’s Regional Director Juan Albaladejo, Department of Science and Technology’s Regional Director Edgardo Esperancilla, at 50 mangingisda mula sa Barangay Sta. Cruz.

Ang proyektong ito ay bahagi ng “Quick Impact Project for Typhoon Yolanda Affected Areas.”
“The Grass-root Technical Cooperation Project on ‘Development of mariculture and processed products using Oku-Matsushima techniques in typhoon Yolanda affected areas’ will complement this project and provide technology development in aquaculture, processing, marketing and capacity building. 


“Though these projects, we look forward to seeing a pilot site of good quality seafood products, and hope this endeavor will expand all over the Philippines,” dagdag pa ng Embahada.

Kasal-Kasali-Magkabahay: Bakit tamang mag-invest sa real estate kaysa mangupahan?

ni MJ Gonzales


Kapag sarili o pagmamay-ari ninyo ang inyong bahay, hindi ba’t napakasarap na tawaging “aming tahanan” ito? Ito ay ibang-iba kung ikaw ay nangungupahan o nakikipisan lamang. Kaya naman magandang paglaanan ang pagkakaroon ng sariling bahay para sa pamilya.

Totoo rin na sa panahon ngayon ay mahirap at napakamahal magkaroon ng bahay. Kailangan mong maghigpit ng sinturon at gawin ang lahat ng paraan para mas lumaki ang iyong kita para maunti-unti ang pagtatayo ng pangarap mong bahay. Hanggang bata ka pa at kumikita ay mainam na unahin ang pag-iipon sa pagtatayo ng bahay kaysa sa mga bagay na madaling bumaba ang value.

Bakit nga ba tama rin na mag-invest sa real estate ang mag-asawa o magiging magkabiyak pa lamang?

Temporary vs. permanent house

Kadalasan sa anumang application forms ay kailangang sagutin mo kung ano ang iyong “current address” at “permanent address.” Kung iisa ang iyong permanente at kasalukuyang address ay maaaring simpleng “same” o pareho lamang ang iyong isusulat sa form.  Subalit, kung magkaiba ay hindi ba’t pinaalala lamang nito na tumitira o nakikipisan kayo  sa bahay ng iba?  Baka nga sa susunod ay iba na ulit ang numero, kalye, at lungsod na ilalagay mo.

Sa realidad ay marami talagang mag-asawa ang nagsisimulang  mangupahan dahil sa sumusunod na kadahilanan:

  • Para makabukod kaagad sa kani-kanilang pamilya. Ito ay para na rin makaiwas sa away o anumang negatibong isyu  sa magkakamag-anak.


  • Para manirahan malapit sa trabaho, paaralan, at pamilihan. Ito ay lalo na’t parehong nagtatrabaho ang mag-asawa.


  • ·   Para makapagsimula ng bago at tumayong mag-isa bilang mag-asawa. Iba rin ang may kalayaan kayong magdesiyon para sa inyong plano. Ang inyo lamang pinagtutuunan ng pansin ay para sa inyong kapakanang  mag-asawa o bilang pamilya.

Ang buhay-renter at ang buhay-house owner

Bago man o medyo matagal na, mahirap pa rin sa isang magkabiyak ang mag-budget. Ang  buhay-renter ay hindi lamang nangangahulugan ng pagbabayad ng buwan-buwan. Ang halaga nito ay maaaring tumaas pa depende sa pulisiya  ng may-ari ng bahay.  

Bukod pa rito ay kailangan din na ireklamo at ipagbigay alam pa sa landlady o landlord kapag may kailangang ipagawa. Sa madaling sabi, ikaw na ang naabala at ikaw pa rin ang gagastos sa nasira. Siyempre ay wala pa riyan ang uri ng kapaligiran at pakikisama na kailangan n’yong gawin. Maaaring hindi ma-enjoy ang pribadong oras o kaya naman ang iyong landlady ay parang kontrabida sa mga teleserye kung makapaningil.

Maaaring magastos nga ang bumili ng sariling bahay, condo unit o mag-invest sa real estate. Subalit, ang mga bagay na ikinukunsidera mong abala ngayon ay siya palang magbibigay sa iyo ng ginhawa sa darating na panahon.

Ang pagsasama ng kita, pag-iipon, at pagba-budget ng mag-asawa ay dapat na napupunta sa kanilang magkatuwang na investment.  Isa pa’y ang ang sariling bahay ay nagbibigay ng seguridad na may disente kayong bahay na uuwian, pagbibigay ng tuldok sa walang katapusang paglipat ng bahay, at higit sa lahat ay may matatawag na tahanan para sa inyong pamilya.




Bela Padilla, dumalo sa Kyoto Film Festival

Ni Florenda Corpuz
Kuha mula sa KIFF2016

Bela Padilla and Jacky Woo
Dumalo ang aktres na si Bela Padilla sa kakatapos pa lamang na 3rd Kyoto International Film and Art Festival (KIFF) kung saan ipinalabas ang kanyang pelikula na “Tomodachi.”

Dinaluhan ni Padilla ang opening ceremony ng KIFF na ginanap sa makasaysayang Nijo Castle kasama ang aktor na si Woo.

Ginampanan ni Padilla ang papel ng Pilipinang si Rosalinda na nagkaroon ng relasyon sa Hapon na si Toshiro na ginampanan naman ng Japanese-Chinese actor na si Jacky Woo. Malapit na kaibigan ng nakakatandang kapatid ni Rosalinda na si Edilberto (Pancho Magno) si Toshiro na kilala bilang tomodachi (kaibigan) sa Cavite.

Nang pumutok ang World War II, bumalik si Toshiro bilang opisyal ng Japanese Imperial Army at ang dalawang magkaibigan ay nagkaroon ng hindi pagkakasunduan dahil si Edilberto ay lumalaban para sa mga guerilla.

Ito ay idinirehe ng batikang direktor na si Joel Lamangan.

“It wasn’t conventional for Rosalinda to be in love with a Japanese soldier so she had to be strong, stick by her decision. I guess in that era things were simpler…so if you liked someone back then there was a 100% chance you were going to end up with them. So I think that is where the characters were coming from,” paliwanag ng batang aktres sa mga press at manonood na dumalo sa screening ng pelikula na ginanap sa Aeon Cinema Kyoto Katsuragawa.

Napanaluhan ng World War II drama ang Best Foreign Language Feature Film at Best Musical Score sa 2016 Madrid International Film Festival.

Pagkatapos sa KIFF ay nakatakda rin itong ipalabas sa Berlin Art Film Festival at Milano Film Festival sa Italy.

Samantala, inaasahan din na dadalo si Padilla sa 29th Tokyo International Film Festival kung saan ang kanyang pelikulang “I America” ay lalaban sa Asian Future section ng prestihiyosong festival.


Babala sa malakas na lindol inilabas ng disaster management team

Ni Florenda Corpuz

Magnitude 7.3 at 9 ang tinatayang magiging lakas ng lindol sa Tokyo at Osaka anumang oras, ito ay ayon sa video na inilabas ng pamahalaan kamakailan.

Inilabas ang nasabing video sa utos ng Cabinet Office Disaster Management para bigyan ng babala at paalalahanan ang mga mamamayan ng Japan na maging handa sa posibilidad ng malakas na lindol na maaaring tumama anumang oras at magtulungan sa panahon ng sakuna.

Sa dalawang video, makikita ang maaaring pinsala na maidudulot ng Nankai Trough megaquake sa Nankai region kung saan 323,000 katao ang tinatayang maaaring maging biktima mula Nagoya hanggang Osaka at sa mga isla ng Shikoku at Kyushu dahil na rin sa tsunami. Nasa 23,000 katao naman ang maaaring masawi, pitong milyon ang mag-e-evacuate at aabot ng ¥95 trilyon na katumbas na halos ng national budget ng bansa ang maaaring maging epekto sa ekonomiya dulot ng nakaambang malakas na lindol sa Tokyo.

Makikita rin sa computer-generated images sa dalawang video ang mga sira-sirang kalsada pati na rin mga sasakyan, wasak na mga tahanan at rumaragasang tsunami dahil sa lindol.

Matatandaang nasa 15,894 (as of March 2016) ang mga nasawi habang nasa 2,561 pa ang mga nawawala sa Miyagi, Iwate at Fukushima dahil sa lindol at tsunami na tumama sa northeastern Japan noong Marso 11, 2011.

Samantala, ilang Pilipinong nakapanood ng video ang nagpahayag ng pagkabahala sa kanilang Facebook habang ang ilan naman ay nagpapayo ng pagkakaroon ng disaster preparedness coordinating body sa Filipino community.



Bilang ng centenarians sa Japan, tumaas

Lumalaki  ang bilang ng mga Japanese na nasa edad 100 pataas sa bagong talaan ng gobyerno na inilabas kamakailan. Ayon sa Health, Labor and Welfare Ministry, tumaas ng 4,124 ang bilang ng mga centenarians sa bansa kaya naman naitala ang pinakamataas na record na 65,692 na sanhi umano ng magandang serbisyong medikal ng gobyerno.

Tumaas ng 327 ang bilang ng mga kalalakihang centenarians kumpara noong nakaraang taon habang nasa 3,797 naman ang  itinaas sa bilang ng mga kababaihang centenarians. Umabot na sa 8,167 ang kabuuang bilang ng kalalakihang centenarians at 57,525 ang kabuuang bilang ng mga kababaihang centenarians.

Dagdag pa ng health ministry, dahil sa maayos na medical treatment sa bansa ay pumatak na sa edad 80.79 ang life expectancy sa mga kalalakihang centenarians habang nasa  87.05 ang sa mga kababaihang centenarians.

Nasa 112-taong-gulang ang pinakamatandang lalaking Japanese na nakatira sa Tokyo habang nasa 116-taong-gulang naman ang pinakamatandang babaeng Japanese na nasa Kagoshima.

Matatandaan na nitong Setyembre ay ipinahayag ni Japanese Prime Minister na hindi siya nababahala sa tumatandang populasyon ng Japan nang dumalo ito sa Reuters Newsmaker event sa New York.

“I have absolutely no worries about Japan’s demography,” ani Abe matapos na lumabas ang talaan na tinatayang nasa 34.6 milyon ang populasyon ng mga Japanese n nasa edad 65 pataas.

Giit ni Abe na hindi problema ang tumatandang populasyon ng bansa dahil isang paraan ito para maisulong ang robots, wireless sensors at artificial intelligence.


“Japan may be aging. Japan may be losing its population. But these are incentives for us. Why? Because we will continue to be motivated to grow our productivity,” pahayag ni Abe.

Japanese scientist gagawaran ng Nobel Medicine Prize

Ni Florenda Corpuz
Kuha mula sa Tokyo Institute of Technology


Igagawad kay Japanese scientist Yoshinori Ohsumi ang 2016 Nobel Prize in Physiology or Medicine para sa kanyang pagkakatuklas kung paano nawawasak at muling nabubuo ang cells para higit na maunawaan ang mga malulubhang sakit tulad ng cancer at Parkinson’s disease at type 2 diabetes.

Ayon sa The Nobel Assembly at Karolinska Institutet, napagpasiyahan nilang igawad sa 71-taong-gulang na microbiologist na si Ohsumi ang prestihiyosong parangal “for his discoveries of mechanisms for autophagy.”

Ang autophagy (self-eating) ay nagmula sa mga Griyegong salita na auto na ang ibig sabihin ay “self,” at phagein na ang kahulugan ay “to eat.”

“This year’s Nobel Laureate discovered and elucidated mechanisms underlying autophagy, a fundamental process for degrading and recycling cellular components,” pahayag ng The Nobel Assembly at Karolinska Institutet.

Gumamit ng baker’s yeast o pampaalsa si Ohsumi para malaman ang genes na mahalaga para sa autophagy.

“Ohsumi’s discoveries led to a new paradigm in our understanding of how the cell recycles its content. His discoveries opened the path to understanding the fundamental importance of autophagy in many physiological processes, such as in the adaptation to starvation or response to infection. Mutations in autophagy genes can cause disease, and the autophagic process is involved in several conditions including cancer and neurological disease,” saad pa ng Nobel Assembly.

Makatatanggap ng walong milyong Swedish crowns o katumbas ng ¥95 milyon bilang prize money si Ohsumi na balak niyang itulong sa pagtatayo ng bagong research center for microbiology at makalikha ng sistema na susuporta sa mga batang scientists.

Samantala, nagpahayag naman ng pagkagalak si Prime Minister Shinzo Abe sa pagkapanalo ni Ohsumi.

“The results of Prof. Ohsumi’s research will cast a ray of light on people around the world suffering from cancer, Parkinson’s disease, and other intractable diseases. Through Prof. Ohsumi’s selection for this honor, Japanese researchers have been awarded the Nobel Prize in three consecutive years. It is extremely gratifying that Japan will lead the world through innovation, notably in biology and medicine, and be able to contribute to the world. I very much look forward to Prof. Ohsumi continuing his distinguished work even more actively into the future,” aniya.

Si Ohsumi ay isinilang sa Fukuoka noong 1945. Nakatanggap siya ng Ph.D. mula sa University of Tokyo taong 1974. Matapos ang tatlong taong pamamalagi sa Rockefeller University, New York, USA ay bumalik siya sa University of Tokyo kung saan niya itinatag ang kanyang research group noong 1988. Siya ay kasalukuyang propesor aa Tokyo Institute of Technology simula pa noong 2009.

Si Ohsumi ang ika-25 Hapon na ginawaran ng Nobel Prize at ikaapat na makatatanggap ng parangal sa kategorya ng medisina.

Ito na ang ikatlong sunod na taon na napabilang ang isang Hapon sa listahan ng Nobel laureates.

Tatanggapin ni Ohsumi ang parangal sa Disyembre 10 sa Stockholm, Sweden.


Lunes, Oktubre 24, 2016

Bilang ng mga Pilipino sa Japan, pangatlo pa rin sa pinakamarami

Ni Florenda Corpuz

Nananatili sa pangatlong pwesto ang mga Pilipino sa pinakamaraming bilang ng mga dayuhan sa bansang Hapon.

Ayon sa datos na inilabas ng Ministry of Justice kamakailan, may 237,103 ang mga Pilipinong namimirmihan dito mula sa 2,307,388 kabuuang bilang ng mga dayuhan. Ang bilang na ito ng mga dayuhan ay mas mataas ng 3.4 porsyento kumpara sa pagtatapos ng taong 2015.

Kabilang sa bilang ng mga Pilipino ang may permanent residence visa, skilled labor visa at student visa status na may validity ng tatlong buwan o higit pa sa pagtatapos ng buwan ng Hunyo. Nadagdagan ito ng 7,508 kumpara noong taong 2015.

Nanguna sa listahan ang mga Chinese na may bilang na 677,571 na sinundan ng mga South Korean sa bilang na 456,917. Pang-apat naman ang mga Brazilians sa 176,284 habang panlima naman ang mga Vietnamese sa 175,744.

Umabot naman sa 63,492 ang bilang ng mga ilegal na dayuhan sa bansa noong Hulyo 1, mas mataas ng 674 sa pagsisimula ng taon kung saan 6,924 ang napabalik sa kani-kanilang mga bansa sa kalagitnaan ng taon.


Samantala, umabot naman sa 11.46 milyon ang bilang ng mga turista na bumibisita sa bansa sa unang anim na buwan ng taon, mas mataas ito ng 22.4 porsyento kumpara noong nakaraang taon dahil sa mas pinadaling pagkuha ng visa at mataas na palit ng dolyar sa yen.

‘Die Beautiful’ ni Jun Lana, pasok sa Tokyo Int’l Film Festival 2016

Ni Florenda Corpuz
Kuha mula sa The IdeaFirst Company Octobertrain Films


Muling magbabalik sa Tokyo International Film Festival (TIFF) ang award-winning director na si Jun Lana sa pagkakapasok ng kanyang bagong pelikulang “Die Beautiful” sa main competition ng prestihiyosong festival ngayong taon.

Sumali si Lana noong 2012 at nagwagi ng Special Mention prize para sa kanyang pelikulang “Bwakaw” na pinagbidahan ni Eddie Garcia. Muli siyang sumali taong 2013 para sa pelikulang “Barber’s Tales” na nagbigay ng Best Actress award kay Eugene Domingo na kauna-unahang acting award ng Pilipinas mula sa TIFF.

Makikipagtunggali ang “Die Beautiful” sa 15 pang pelikula para sa Tokyo Grand Prix award. Napili ang mga ito mula sa 1,502 pelikula mula sa 98 na bansa at rehiyon.

“Kinikilig kami sa tuwa! Our newly finished film ‘Die Beautiful’ has been selected in the Main Competitoon of the Tokyo International Film Festival,” pahayag ni Lana sa kanyang Instagram.

Pinagbibidahan ni Paolo Ballesteros ang transgender comedy drama kasama sina Gladys Reyes, Christian Bables at Joel Torre.

Lalaban naman sa Asian Future section ang “I America” na idinirehe ni Ivan Andrew Payawal at ang “Birdshot” na idinirehe naman ni Mikhail Red.

Ipapalabas naman sa World Focus section ang obra ni Lav Diaz na “A Lullaby to the Sorrowful Mystery” habang mapapanood din ang omnibus film ni Brillante Mendoza na “Shiniuma (Dead Horse)” sa Asian Three-Fold Mirror 2016: Reflections.

Pangungunahan ng direktor na si Jean-Jacques Beineix ang jury ngayong taon.

Inaasahan ang pagdalo ng mga sikat na Hollywood stars tulad nina Meryl Streep at Hugh Grant na mga bida ng “Florence Foster Jenkins” na opening film ng festival.

Ang Tokyo International Film Festival ay isa sa pinakamalaking film festivals sa buong mundo. Layon nitong bigyan ng pagkakataon ang mga film fans na mapanood ang mga high-quality at world-class films mula sa Japan at ibang bansa.

Gaganapin ang 29th Tokyo International Film Festival sa Roppongi Hills, EX Theater Roppongi at iba pang other lugar sa Tokyo mula Oktubre 25 hanggang Nobyembre 3.


Pinoy trainee sa Japan namatay dahil sa ‘karoshi’ –Labor Ministry


Kinumpirma ng Health, Labor, and Welfare Ministry ng Japan na namatay dahil sa “karoshi” o sobrang pagtatrabaho ang 27-taong-gulang na Filipino trainee na kinilalang si Joey Tocnang.

Nagsimulang magtrabaho si Tocnang sa isang casting company sa Gifu Prefecture bilang tagaputol ng bakal at tagapinta ng kemikal sa mga molde noong 2011. Namatay ito noong 2014 dahil sa atake sa puso.

Ayon sa Labor Ministry, umabot sa 122.5 ang overtime hours kada buwan ni Tocnang na maaaring naging sanhi ng atake sa puso. Bukod dito, sinabi ng tanggapan na labag sa Japan labor laws ang pagkakaroon ng ganoong karaming oras ng overtime sa trabaho.

Naiwanan ni Tocnang ang kanyang maybahay at anak.

Sinabi ng Advocacy Network for Foreign Trainees in Tokyo na ito na ang ikalawang pagkakataon na kinilala ng Japan ang kaso ng pagkamatay ng isang dayuhan bilang karoshi. Nauna nang namatay ang isang Chinese noong 2010, na noo’y nagtatrabaho sa metal casting company sa Ibaraki, dahil sa sobrang pagtatrabaho.

Batay sa pahayagang Asahi Shimbun, ipinag-utos noong Agosto ng Labor Ministry na ibigay ang dapat na death compensation sa pamilya ni Tocnang kung saan makatatanggap ito ng ¥3 milyon lump sum payment at ¥2 milyon kada taon bilang survivor’s annuity.

Business registration ng small-time entrepreneurs pinadali ng DTI at BIR



Hindi lamang hassle-free kundi mas simple na ang pagpaparehistro ng negosyo. Ito ang layunin ng nilagdaang  kasunduan sa pagitan ng Bureau of Internal Revenue (BIR)  at Department of Trade and Industry (DTI) kamakailan. 

Ayon kay Trade Secretary Ramon Lopez, makatutulong ang kanilang nilagdaang memorandum of agreement (MOA) upang ma-convert ang may isang milyong underground o ‘di pormal na negosyante bilang legal na kabahagi ng ekonomiya ng bansa.  

“We are, in effect, encouraging more registration of MSMEs with the hope that they will really be part of the economic system and would help them access loans and gain more market access,” ani Lopez sa press kamakailan.

“This is in pursuit of the mandate of the President and this administration to be conscious and aware of the needs of the business community,” pahayag naman ni BIR commissioner Caesar Dulay.

Sa makalumang paraan ng pagrerehistro ng negosyo ay magkahiwalay na proseso ang paglalakad ng business registration sa DTI at tax application sa BIR ng micro, small at medium enterprises (MSME). Bagay na maaaring inaayawan gawin ng maliliit na negosyante at dahilan din kung bakit marami ang pinipiling ‘wag na lamang magparehistro. 

Sa ilalim ng administrasyon ni dating Pangulong Benigno Aquino III noon ay nailunsad ang  Philippine Business Registry (PBR) machine ng DTI na isang paraan upang mapag-isa at mapabilis ang pagpoproseso ng mga pagrerehistro sa loob ng 30 minuto.  Kasama na rito ang pag-apply ng Tax Identification Number (TIN) at pagpapamiyembro sa Social Security System (SSS), Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth) at Home Development Mutual Fund (PagIBIG).

Sa ilalim naman ng pamahalaan ni Pangulong Rodrigo Duterte ay nabuo ang kasunduan sa pagitan ng DTI at BIR para magkakaroon ng konektadong sistema ang kanilang talaan para mapasimple at mas mapabilis ang pagpoproseo ng mga aplikante.

Ayon pa kay Trade Secretary Lopez, umaasa sila na ito ang hudyat ng pagdami ng legal na negosyante sa bansa partikular na ang kabilang sa MSMEs.  Daan na rin umano ito  para makamit ng maliliit na negosyante ang iba’t ibang benepisyo at pribelihiyo.  Ilan na rito ang pagiging kwalipikado sa pagkuha ng loans at mga programa ng gobyerno.

Sa mas pinasimpleng mga hakbang sa pagpaparehistro ng DTI at BIR, makakapag-isyu ng pareho ang dalawang ahensya ng TIN sa pamamagitan ng electronic registration o eReg  ng PBR. Ito ay dahil  kapwa ang mga ito naka-link sa PBR system.  Dahil din dito ay makakapagbigay agad ang DTI ng listahan ng mga narehistrong negosyo sa BIR.

May kakayahan na rin ang BIR na magpoproseso ng pagrehistro ng bagong negosyo, permit na may kinalaman sa secondary registration na may kinalaman sa book of accounts at paglalabas ng permit at Certificate of Registration (COR), at iba pang requirements. Dagdag pa rito ang kasiguraduhan na maaari rin na makapagbigay ng dokumento sa kliyente ng DTI.

Ang MSMEs ay ang mga negosyo na ang halaga ng kanilang assets ay nasa pagitan ng Php3 milyon hanggang Php100 milyon at mayroong humigit-kumulang sa 200 empleyado.

PM Abe, nangako ng $2.8 bilyon tulong sa mga refugees

Ni Florenda Corpuz
Kuha mula sa MOFA (Photo credit: UN Photo/Laura Jarriel)


Nangako ng tulong at suporta ang Japan sa mga refugees sa loob ng tatlong taon.

Sa kanyang talumpati sa U.N. Summit for Refugees and Migrants na ginanap kamakailan, sinabi ni Prime Minister Shinzo Abe na magbibigay ng $2.8 bilyong tulong mula 2016 hanggang 2018 ang pamahalaang Hapon bilang “humanitarian and self-reliance assistance to refugees, migrants, and assistance to host countries and communities.”

“In order to realize ‘Human Security,’ Japan will make efforts to ensure regional peace and stability by providing assistance to vulnerable refugees and supporting the development of refugee-hosting countries,” aniya.

Magbibigay din ang Japan ng $100 milyon tulong sa Global Crisis Response Platform ng World Bank na inilunsad ni U.S. President Barack Obama kamakailan.

Magpapatupad din ang Japan ng human resource development kung saan kabilang ang educational assistance at vocational training sa aabot sa isang milyong tao na apektado ng kaguluhan.

“Japan will endeavor to create safe learning environments for children and foster human resources in anticipation of future recovery,” pahayag ng lider.

Susuportahan din ng Japanese Overseas Cooperation Volunteers ang mga batang Syrian refugees sa pamamagitan ng “Japan Team for Syrian Refugees and Communities” na inilunsad noong Mayo.

Inanunsyo rin ni Abe na tatanggap ang Japan ng 150 Syrian students sa susunod na limang taon simula taong 2017 “with a view toward fostering the human resources which are expected to contribute to the recovery of Syria in the future.” Maaari rin nilang isama ang kanilang pamilya kung kanilang nanaisin.

“Japan will unstintingly offer its wealth of experience in humanitarian assistance and human resources development.

“I hereby promise that Japan continues to provide generous assistance standing by each refugee,” pagtatapos ni Abe.

Binalangkas ni Abe ang planong tulong ng Japan kasabay ng pangakong pagtulong ng mga iba’t ibang lider sa buong mundo sa mahigit sa 65 milyong refugees at migrante na tumakas sa mga sakuna at kaguluhan simula noong World War II na karamihan ay mula sa Afghanistan, Somalia at Syria.

            

Pagbisita sa Japan ni Duterte, inaabangan na

Ni Florenda Corpuz at Len Armea
File photo: Presidential Communications


Nakatakdang bisitahin ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Japan mula Oktubre 25 hanggang 27, ito ang kinumpirma ng Ministry of Foreign Affairs (MOFA) kamakailan.

Sa pagbisita ni Duterte ay magsasagawa siya ng state call kay Emperor Akihito. Makikipagpulong din siya kay Prime Minister Shinzo Abe at dadalo sa isang hapunan na inihanda para sa kanyang pagdating. Makikipagkita rin si Duterte sa Filipino community sa Japan.

Magugunitang nanguna si Duterte sa overseas absentee voting matapos itong makakuha ng 11,216 boto mula sa 14,886 rehistradong Pilipinong botante sa Japan. Mahigit sa 237,000 ang mga Pilipino na naninirahan sa Japan sa kasalukuyan.

“The Government of Japan sincerely welcomes the visit of the President and hopes the visit will further strengthen the friendly relations between Japan and the Republic of Philippines,” sabi ng MOFA sa isang pahayag.

Ito ang kauna-unahang pagbisita ni Duterte sa Japan matapos niyang tanggapin ang imbitasyon ni Prime Minister Shinzo Abe sa kanilang unang pagkikita sa pulong sa sidelines ng 28th ASEAN Summit na ginanap sa Vientiane, Laos noong Setyembre 6 kung saan kanilang pinagtibay ang paglutas sa sigalot sa South China Sea sa pamamagitan ng mapayapang paraan.

Matatandaang pumayag si Abe na magbigay ng dalawang 90-meter patrol vessels sa Pilipinas, ang pinakamalaki na ipapahiram ng Japan, at magpahiram ng limang gamit na TC-90 training aircraft ng Japan Maritime Self-Defense Force sa gitna ng sigalot sa teritoryo laban sa China. Una nang pumayag ang Japan na magbigay ng 10 40-meter patrol boats na sinimulan nang i-deliver sa bansa.

Pinasalamatan ni Digong ang Japan sa makabuluhang papel nito sa pag-unlad ng Pilipinas lalo na sa Mindanao sa kanilang pagkikita ni Abe.

Nito lamang ay sinabi ni Duterte sa isang talumpati sa MalacaƱang na ang pamahalaang Hapon ang pinakamalaking aid donor ng Pilipinas.

Pakikipag-alyansa sa China, Russia

Bago tumulak sa Japan ay bumisita muna si Duterte sa Brunei at China upang paigtingin ang bilateral relations nito sa bansa at makapagbukas ng mas marami pang oportunidad. Nakatakda rin itong pumunta sa Russia pagkaraan ng kanyang state visit sa Japan.

Naging bukas kamakailan ang Pangulo sa kanyang pagpapahayag ng kanyang plano na magsagawa ng military joint exercises kasama ang China at Russia. Ito ay matapos niyang sabihin na ipapatigil na niya ang military joint exercises sa pagitan ng Pilipinas at Estados Unidos.

100 days bilang Pangulo

Nitong unang linggo ng Oktubre ang ika-100 araw ni Duterte mula ng manumpa siyang Pangulo ng bansa. Higit na pinag-usapan sa loob ng kanyang tatlong buwang pamumuno sa bansa ay ang kampanya sa ilegal na droga, ang isyu ng extrajudicial killings, ang kanyang tapang sa pananalita, at ang kagustuhan nitong tapusin ang pakikipag-alyansa sa Estados Unidos.

“We have three million drug addicts, and it’s growing. So if we do not interdict this problem, the next generation will be having a serious problem ... You destroy my country, I’ll kill you. And it’s a legitimate thing. If you destroy our young children, I will kill you. That is a very correct statement. There is nothing wrong in trying to preserve the interest of the next generation,” pahayag ni Duterte sa panayam sa kanya ng Al Jazeera News.

Hindi rin nagustuhan ni Duterte ang pagbatikos sa kanyang administrasyon ng Estados Unidos dahil sa pamamaraan niya ng paghawak sa kampanya laban sa droga. Sa kasalukuyan ay halos 3,500 drug suspects na ang napapatay.

Pasado naman sa mga Pilipino ang liderato ni Duterte kung saan nakakuha ito ng 86 porsyento approval at trust ratings ayon sa ginawang survey ng Pulse Asia kamakailan.

Isa ang Migrante International, ang pinakamalaking grupo ng overseas Filipino, sa nagbigay ng pasadong marka sa Pangulo na nasa 84 porsyento.

“We gave him a satisfactory grade based on his administration’s accomplishments on the immediate ‘do-ables’ and on his notable actions on urgent issues and concerns of OFWs (Overseas Filipino Workers) and the nation. This, by far, is the highest score that we have given to a president in their first 100 days,” pahayag ni Mic Catuira, Migrante’s acting Secretary General.