Martes, Hunyo 3, 2014

Imbayah 2014: Isang pagdiriwang ng kulturang Pilipino

Ni Tim Ramos

Kuha ni Tim Ramos
Hindi maitatanggi na makulay ang kultura natin. Mula sa mga okasyong maliliit gaya ng mga piyesta sa mga barangay hanggang sa mga malalaki at kilalang festival sa iba't ibang probinsya sa bansa na dinarayo ng mga turista taun-taon, taglay nito ang likas na pagiging malikhain at makulay ng mga Pilipino.

Pero kung iisipin, marami sa mga pagdiriwang na bahagi ng ating kultura, ay may kinalaman sa ating pagiging Katoliko at nag-uugat sa ating pagiging kolonya ng Espanya ng mahigit 300 taon.

Dito naiiba ang Imbayah Festival sa Banaue, Ifugao, na ginaganap isang beses kada tatlong taon. Ang Imbayah ay isang pagdiriwang na kumikilala sa mga matatandang kaugalian at tradisyon ng mga taga-Ifugao. Dahil mula sa salitang "bayah" na isang alak na gawa sa bigas at "bumayah" o "imbayah" na ang ibig sabihin ay kasaganahan, ang selebrasyon na ito ay unang ginagawa lamang ng mga "elite" na Ifugao bilang pagkilala sa mga taong umaangat ang estado sa lipunan. Ngayon, ipinapakita na sa lahat ang mga sinaunang ritwal at gawin kaugnay nito upang mapanatiling buhay ang kanilang kultura.

Bukod sa mga ritwal, tampok din sa Imbayah festival ang iba't ibang mga tribal games gaya ng pagkarera gamit ang mga bisikletang gawa sa kahoy, at mga tradisyunal na katutubong sayaw na ipinapakita hindi lamang ng mga matatanda kundi pati ng mga bata, tanda na malaki ang kanilang pagpapahalaga sa kanilang mga sinaunang mga tradisyon.

Iba rin ang Imbayah dahil 'di katulad ng ibang mga mas malalaking festivals sa bansa ay simple lamang ang kanilang selebrasyon. Masasabing hindi lamang para sa turista ang kanilang ginagawa, kundi para rin sa kanilang mga sarili, hindi lamang bilang pagpapasalamat sa kanilang masaganang ani, ngunit upang magsilbing paalala ng kanilang makulay at bukod-tanging kultura.

Pangkaraniwang tumatagal ng tatlo hanggang apat na araw ang buong selebrasyon, kung saan nakakalat ang iba't ibang mga events. Ngayong taon, pinasimulan ang Imbayah sa pamamagitan ng isang limang oras na nature hike mula sa viewpoint ng pamosong Banaue Rice Terraces hanggang sa kabayanan. Tinahak ng mga sumali ang trail na lumulusot sa ilang bahagi ng kagubatan at kabundukan ng lugar, kasama na rin ang mga rice terraces. Habang naglalakad ay ginagamit na rin ng mga local guides ang pagkakataon upang ipaliwanag sa mga dumalo ang iba't ibang mga sinaunang kaugalian sa probinsya na ang ilan ay ginagamit pa ng mga nakatira sa malalayong barrio hanggang ngayon.

Nagkaroon rin ng parada ng iba't ibang mga barrio sa probinysa, kung saan tinampok nila ang iba't iba nilang mga ritwal at sayaw. Ang iba ay may dala pang mga pagkain na doon mo lamang makikita, gaya ng mga malalaking langgam na kanilang ipinirito at kinakain kasama ng ube.

Tunay talagang maipagmamalaki ng mga taga-Ifugao ang Imbayah Festival na iilan lamang sa mga pagdiriwang natin na mas matanda pa sa ating kolonyal na kasaysayan, isang bagay na maituturing nating likas na Pinoy.


Lunes, Hunyo 2, 2014

Heart: From Acting to Painting

Ni Joseph Peter Gonzales
Heart Evangelista

Masasabing isa si Heart Evangelista sa mga lokal na aktres sa kaslukuyang panahon na nasa liga ng: beauty, brains and talent. Complete package na maituturing. Puwedeng makipagsabayan kahit kanino dahil sa mga angking katangian. Sa daigdig ng lokal na aliwan, isa siyang bituin na lalong kumikinang habang pinapanday ng panahon. Isang tunay na yaman ng industriya.

Kahit na galing sa isang mayaman at pinagpipitagang angkan, madaling napaibig ni Heart ang balana sa taglay niyang karisma. Nagsimula sa ABS-CBN bilang miyembro ng Star Circle Batch 9, nakagawa siya ng maraming teenybopper flicks gaya ng “Trip”, “My First Romance” “Ang Tanging Ina” at “Bcuz of U.” Lumabas din siya sa mga programang tumatak sa isipan ng mga manonood tulad ng “G-Mik”, “Berks”, “Okay Fine Whatever”, “Panday” at “Hiram” kung saan ay umani ito ng papuri sa akting.

Lalong tumingkad ang pagiging leading lady ni Heart nang lumipat sa GMA noong 2008. Ilan sa top-rating shows na kanyang nilabasan ay ang “Codename: Asero”, “Luna Mystika”, “Full House”, “Langit sa Piling Mo”, “Dwarfina”, “Legacy”, “Luna Blanca”, “Ngayon at Kailanman”, “Forever” at “Magkano Ba ang Pag-ibig.” Kabilang din siya sa malaganap na Sunday musical extravaganza na “Sunday All Stars.” At binigyan ng pagkakataong maging co-host ng malaganap na showbiz-oriented talk show na “Startalk” kasama sila Joey de Leon, Ricky Lo, Lolit Solis at Butch Francisco.

Nanalo na rin ng acting trophies ang magandang aktres. FAMAS Best Actress siya para sa pelikulang “Ay, Ayeng” noong 2009 at naging Best Supporting Actress para sa behikulong “Mano Po 6: A Mother’s Love” noong 2010. Liban dito ay nakatanggap na rin ito ng maraming nominasyon na patunay sa kanyang patuloy na pagyabong bilang isang manggaganap.

Subalit hindi lamang pala showbiz ang mundo na maaaring mapagtagumpayan ng dalaga. Isang totoong artist, ngayon ay may iba siyang pinagkakaabalahan bukod sa pag-arte. Gumawa siya ng alingasngas kamakailan sa larangan ng painting! Isa itong konkretong patunay ng kanyang pagiging isang tunay na alagad ng sining.

Isang malaking tagumpay nga ang kauna-unahang art exhibit ni Heart Evangelista na ginanap sa ArtistSpace sa Ayala Museum noong Mayo 8, 2014. Pinamagatang “I Am Love Marie: The Art and Works of Love Marie Ongpauco”, nabili agad ang 19 na paintings na nasa display ilang oras lamang matapos magbukas ang exhibit.

Sa opening ng kanyang unang solo exhibit bilang isang painter, sinamahan ang Kapuso star ng nobyo, si Sen. Chiz Escudero na napag-alamang isa sa mga nag-encourage sa aktres na maglunsad ng exhibit. Bongga ang event dahil ang mismong nag-cut ng ribbon na nag-signify ng pormal na pagbubukas ng exhibit ay ang business tycoon na si Fernando Zobel de Ayala.

Maituturing na star-studded ang exhibit ng magandang host-actress. Ilan sa mga bigating personalidad na naglaan ng panahon para makadalo sa naturang pagtitipon ay sila Sen. Sonny Angara kasama ang kanyang anak, Sen. Cynthia Villar kasama ang asawang former senator na si Manny, ang head ng PAGCOR na si Jorge Sarmiento, Sen. Grace Poe kasama ang kabiyak na si
Teodoro Daniel Misael “Neil” V. Llamanzares, Executive Secretary Paquito “Jojo” Ochoa, Jr. at ang former movie queen na si Susan Roces na masayang nakipag-tsikahan sa mga tao sa loob ng ArtistSpace.

Naroon din ang balladeer na si Mark Bautista, at ang mga executives ng GMA na sila Lilibeth Rasonable, Redgie Magno, Marivic Arayata at Gigi Santiago-Lara. Naroon din ang GMA News TV director na si Noel Añonuevo.

“Nagpapasalamat talaga ako sa lahat ng bumili ng aking paintings,” ani Heart na walang pagsidlan ang tuwa. “Isa itong side ng aking pagkatao na hindi alam ng madla. Mahilig talaga akong mag-paint. Actually, I’ve been painting all my life. Bata pa lang ay nagpi-paint na ako.

“Noong tatlong taong-gulang ako, hindi ako mapigilan ng aking mga magulang na mag-drawing sa lamesa o dingding. Sa gulang na labing-dalawa, nag-enrol ako sa isang painting workshop na lalong nagpalalim ng aking interes sa art of painting.”

Ang koleksyon na nasa display sa exhibit ni Heart ay labing-siyam lahat, pulos oil canvas at iba’t-iba ang laki.

“Minsan, nakakakita ako ng patterns sa aking utak. Napapanaginipan ko sila sa gabi. They drive me crazy! Lahat ng prints na ito ay galing sa utak ko!” aniya.

Pagtawag ng turista sa ating bayan

Ni Al Eugenio

Wala man sa sentro ng kabihasnan tulad ng Tokyo at Osaka, ang mga lugar na kung tawagin dito sa Japan ay “inaka,” ay malayo naman kung ihahambing sa mga probinsya sa atin sa Pilipinas. Maaaring pitong oras o mas malayo pa ang biyahe ng bayang ating pupuntahan, ngunit sa ating pagdating dito ay makakatiyak tayo na halos lahat ng ating mga pangunahing pangangailangan ay hindi mahirap hanapin at laging mayroon lamang. 

Ang bawat bayan dito sa Japan ay mayroong maayos na pamamalakad para sa kanilang mga mamamayan. May mga pagamutan kahit na kaunti lamang ang populasyon sa naturang lugar. May mga pulis, bumbero, post office, munisipyo at community hall na maaaring pagganapan ng mga pagtitipon para sa anumang okasyon ng mga taga-roon.

Bukod sa maaayos na mga tindahan sa mga “shotengai” o shopping streets ay pangkaraniwan na rin ang mga convenience stores. Kung malaki naman ang populasyon, ay siguradong mayroon na rin silang mga shopping malls.

Sa mga probinsya ay pangkaraniwan na pagsasaka o pangingisda ang hanapbuhay ng marami. Bagamat may mga office buildings din na pailan ilan, ay halos ang pinakamalaking pinanggagalingan ng buwis ay ang mga nasabing hanapbuhay.

Marami rin naman ang may maliliit na pagawaan ng kung anu-anong kalakal tulad ng mga piyesa ng mga sasakyan, mga electronics at mga pagkaing  popular sa lugar na iyon na ikinakahon upang dalhin sa mga pamilihan sa malalaking siyudad. Dito sa Japan ay may hanapbuhay kahit saan ka man naninirahan. Bagama’t malayo sa mga kamodernohan ay hindi rin naman sila nahuhuli sa maraming bagay. Ang mga bagay na nagaganap sa buong Japan at maging sa buong mundo, dahil sa maayos na komunikasyon ay palagi lamang nakararating sa kanilang kaalaman.

Dahil sa suporta na rin ng pamahalaan, nakakapagsimula sila ng mga gawaing nakakalibang. Halimbawa, para sa mga kabataan ay pangkaraniwan na ang mga lugar palaruan ng baseball o soccer na pinupuntahan kasama ang mga magulang. Ang ibang lugar naman, bago pa man mag-taglamig ay nagpapakawala na sa mga ilog ng malilit na isda upang pagdating ng tag-araw ay may mapaglilibangan ang mga kabataan na mamingwit.

Para sa mahihilig sa kultura at sining ay lagi lamang may mga nagaganap na mga konsiyerto at mga exhibition ng mga artists. Nagkakaroon din ng mga open market sa mga inilaang lugar para sa mga gustong magtinda ng mga bagay na maaaring hindi na nila kailangan sa kanilang mga tahanan o mga produkto mula sa kanilang mga bakuran. Kahit na masasabing ang mga pook na ito ay may kalayuan sa malalaking siyudad, hindi natin maaaring sabihin na sila ay naiiwanan ng kabihasnan.

Ang bawat lugar dito sa Japan ay nag-iisip ng mga bagay na maaaring maging atraksyon upang sila ay bisitahin ng mga taong hindi tagaroon, mga turistang masasabi na maaaring makatulong sa ikakaunlad ng ekonomiya ng kanilang maliit na lugar. Maaaring isa itong tanawin, halamanan o isang lugar na may historical value ng pook na kanilang kinalakihan. Mga pagkain o mga palamuti na doon lamang ginagawa.

Kaugalian ng mga tao sa Japan na ihanda ang kanilang lugar sa mga pangunahing pangangailangan ng mga taong bibisita sa kanilang lugar. Tulad halimbawa ng maaayos na toilet na kung minsan ay mas magaganda pa sa mga makikita natin sa malalaking bayan. Mga direksiyon papunta sa mga lugar na maaaring puntahan ng sino mang hindi tagaroon upang kahit na walang mapagtanungan ay hindi magiging sagabal sa maikling oras na kanilang ilalagi sa naturang lugar.

Sa matagal na nating pamamalagi rito sa Japan, naranasan na natin kung papaano pinapahalagahan ng mga Hapon ang kanilang mga lugar. Lahat ay nagkakaroon ng tungkulin, kahit na ang maayos na pagtatapon ng basura lamang ay mayroong naitutulong  sa ikakaayos at ikakaunlad ng kanilang lugar.

Ang  Department of Tourism sa Pilipinas ay gumugugol ng libu-libong halaga upang makaakit ng maraming turista sa ating bansa. Ngunit ang malalaking budget na ito ay parang hindi nila alam kung papaano gagamitin nang tama. Halos ang malaking bahagi nito ay napupunta sa mga promosyon ng pag-iimbita ng mga turista na bumisita sa ating bansa. Kung mayroon man mga dumating, marami rin kaya sa kanila ang muling babalik?

Marami kaya sa kanila ang maghahatid ng magandang impresyon sa kanilang  mga pinanggalingan tungkol sa kanilang mga naging karanasan sa pagbisita sa ating bayan? Marami sa mga ipinagmamalaking lugar ng ating bayan ay marami pa ring malalaking kakulangan. Tulad na lamang halimbawa ng maaayos na palikuran na pangunahing pangangailangan ng bawat tao.


Mas makakabuti sana kung iisipin ng ating pamahalaan ang mas pangmatagalang  kapakinabangan na maidudulot ng maraming salaping iginugugol upang ibayo pang  mapaganda ang imahe ng turismo ng ating bayan. Nakahihiya tuloy isipin na sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) pa lamang ay mas nakararaming hindi magagandang impresyon na ang maaaring makita kahit na ng ating sariling mga kababayan.

Madramang telebisyon

Ni Rey Ian Corpuz

 Ang pagkahumaling ng mga Pilipino sa mga drama sa telebisyon ay nagsimula pa noong unang panahon sa komiks at radyo, bago pa man namayagpag ang mga ito sa telebisyon. Dati-rati noong wala pang live satellite ang dalawang kilalang istasyon, ang drama sa radyo kada umaga ang parati kong naririnig sa aming kapitbahay. At ang mga makukulay na komiks na mula bata hanggang matanda ay ang pinagkakalibangan ng karamihan noon.

Ang mundo ng telebisyon sa Pilipinas ay kinukontrol lamang ng dalawang kilalang istasyon simula’t sapol. Ang mga ito ang nagsisilbing susi kung papano naiibsan at nairaraos ng mga Pilipino ang konsepto ng libangan o entertainment.

Masasabi ko na halos walang kumpetisyon sa mundo ng telebisyon sa Pilipinas. Napapansin ko na simula noong namayagpag ang “Marimar” sa RPN9 ay halos ganitong format ang pamantayan na kanilang sinusunod. May bida, may kontrabida. Kahirapan doon, may mayaman dito. May naaapi, may nang-aapi. Halos lahat parehas. Iba-iba lang ang gumaganap. Nag-iiba lang ang lugar ng istorya at mga karakter pero ang puno’t dulo ng lahat ay pareho pa rin.

Kapag ang isang dramang palabas ay nag-click dahil sa sabunutan o sampalan, lalong pahahabain ito at gagawan pa ng marami at mas matinding sabunutan, sampalan at sapakan. At kapag mataas sa rating ay hahaba pa nang hahaba ang pag-ere nito hanggang ilang taon basta malakas ang hatak sa masa.

Hindi ba nakakasawa minsan? Madrama na nga ang buhay natin, dadagdagan pa ng mas maraming drama. Pagkatapos ng programang balita ay eere ng dalawa hanggang tatlong oras na puro drama. Minsan naman may comedy pero mas marami pa rin ang drama. May mga taon na tadtad ng pantasya ang telebisyon. Samu’t saring mga superheroes ang nagsisilabasan at kahit pabalik-balik na lang ang mga titulo ay ginagawan pa ng comeback at revival.

Ang mga dramang ito ay sumasalamin ba sa totoong buhay ng mga Pilipino? Marahil, dahil nakikita natin ang ating mga sarili sa mga inaaping bida at kapag nakita natin na nalalampasan nito ang mga pagsubok ay nararamdaman natin na tayo rin ay nakakaangat sa ating mga dinadalang problema. Tama po ba?

Pero hanggang saan ba ang ating pagkahilig sa drama? Wala na bang pagbabago? Wala na bang ibang magandang naiisip ang mga manunulat natin na magandang script? Iyon bang mga out-of-the-box stories o kakaiba na kailanman hindi pa natin napanood sa sine o TV series ng Amerika. Iyon bang TV program na hindi gaya-gaya puto maya ang konsepto.  Kailan pa kaya aangat ang kalidad ng ating mga programa?

Oo, may kapupulutang aral ang panonood pero mas may kapupulutang aral ang mga mamamayan natin kung iyong mga educational entertainment programs ang i-produce ng mga malalaking istasyon sa atin. Kailangan ng malaking reporma sa telebisyong Pilipino upang maiangat ang antas ng pag-iisip ng ating mga mamamayan. Hindi nadaragdagan ang kaalaman ng mga masa sa atin sa panonood ng mga drama at kung anu-anong tsismis na mga palabas.

Walang mabuting maidudulot sa mga kabataan ang mga programang puro tambalan ng mga teen stars na nagpapa-cute sa TV. Dahil sa mga ito halos lahat sa atin gustong maging artista. Ika nga ng isang sikat na host sa TV, kung gusto ninyong talagang makatulong sa inyong mga magulang, huwag kayong mag-artista kundi mag-aral kayo ng mabuti.

Kung dito sa Japan, ang kanilang mga palabas sa TV ay iba-iba ang tema at konsepto. Hindi lamang ito nakatuon sa drama kundi sa lahat ng aspeto ng buhay. May paglalakbay na programa, may talk show, may comedy show, may karaoke shows, may cooking shows, may variety, may entertainment, may mga palabas na pagpapahalaga sa kultura, may mga educational shows, may mga palabas na Hollywood films, may mga pambata na anime, may mga news at marami pang iba. Iba-ibang istasyon, maraming pribado, may isang gobyernong istasyon pero sa pangkalahatan ay malaki at malawak ang pagpipilian at maraming kapupulutan ng aral.

Bakit hindi pagtuunan ng ating mga higanteng media corporations ang pagpapalawak ng kulturang Pilipino? Bakit kumokonti na ang mga travel shows? Bakit halos wala nang educational na palabas lalo na sa primetime na pambata? Bakit walang mga palabas na nauukol sa siyensiya, agham at teknolohiya?

Marahil maraming dekada pa ang tatahakin ng ating lipunan upang magising sa pagbabago. Marami pang pagdadaanan ang ating lipunan upang mabago ang kamalayan sa pagpili kung ano ang dapat panoorin at ipapanood sa kanilang mga anak. Masakit sabihin pero mukhang lalong pumapanget at nagiging mababa ang lebel ng kalidad ng ating mga programa sa Pilipinas. 


Kailangan may balanse ang lahat. Hindi lang kita sa advertisements ang dapat pagtuunan ng pansin kundi kung ano ba ang naibibigay na kabutihan sa ating mga manonood at kung ano sa pangkalahatan ang maibibigay nito para sa ating bansa sa mahabang panahon. Ito sana ang pagtuunan at bigyang pansin ng ating mga kababayan. 

Mga awit ng papuri at pag-ibig ng FilCom Chorale

Ni Elvie Okabe, DBA/MAE

“Music is the language of the soul,” ay isang kasabihan na nagpapaalaala sa ating sarili
Kung ano ang nagagawa ng musika sa atin kahit anumang emosyon ang ating pinagdaraanan. Kagaya na lamang ng concert na iprinisinta ng FilCom Chorale kamakailan sa Shibuya Cultural Center Owada – Sakura Hall sa Shibuya, Tokyo.

Pinamagatang “Nostalgia,” inawit ng FilCom Chorale ang 27 na mga kanta na puro classic Filipino songs na patungkol sa Diyos, Inang Bayan, papuri at pag-ibig. Ilan sa mga ito ay ang “Sa Ugoy ng Duyan,” “Paruparong Bukid,” “Tilibum,” “Ili-ili,” “Sa Libis ng Nayon,” “Magtanim ay ‘Di Biro,” “Kalesa,” “Ang Dalagang Pilipina,” “Manang Biday,” “Sarung Banggui,” “Pobreng Alindahaw,” “Dandansoy,” at Usahay.”

Kinanta rin nila ang “Dahil sa Isang Bulaklak,” “O Ilaw,” “Dahil Sa Iyo,” “Ikaw ang Mahal Ko,” “Katakataka,” “Maalaala Mo Kaya,” “Minamahal Kita,” “Lahat ng Araw,” “Diyos Lamang ang Nakakaalam,” “Saan Ka Man Naroroon,” “Gaano Kita Kamahal,” “Bayan Ko,” “Pilipinas Kong Mahal” at “Ako ay Pilipino.”

The FilCom Chorale group was informally organized in November 2013 upon the request of the former Philippine Embassy Consul General Solphie Confiado for them to sing at the Holy Mass which is the first gathering with President Noynoy Aquino and the Filipino community in Japan.  According to FilCom Chorale’s Musical Director, Dr. Mel Kasuya, because they were “driven by the passion for music and the commitment to serve, the members easily re-grouped in time for the 2nd Filipino Community Gathering with President Aquino in September 2011.”

Sa kasalukuyan, ang FilCom Chorale ay binubuo ng 24 na miyembro na kinabibilangan ng mga Musical Directors na sina Ms. Mel Zulueta-Kasuya at Ms. Leith Casel-Schutz (pianist); Sopranos – Angie Saito, Emily Mizuno, Emily Suarez, Janet Navarro, Josie Mori, Liz Dojo, and Norma Go; Tenors – Chino Caddarao, Dexter Pellerin, Jo Gel Santiago, Reyven Osorio, and Ernie Lumenario; Altos – Becky Pellerin, Julfa Torii, Kareem Yongque, Lilian Shiina, and Narisa Iju; Bass – David Genesis Cruz, Deck Ortiz, Elmer Casilang, Leroy Llorente, at Ricky Buenaventura. 

Talaga namang maipagmamalaki natin silang mga kababayan dahil sila ay very committed sa kanilang advocacy sa pamamagitan ng pag-donate ng proceeds ng kanilang concert sa ANCOP Foundation para sa pag-opera ng mga batang may cleft palette.

Lahat ng mga dumalo sa pangunguna at suporta ng mga Philippine Embassy in Japan officials na sina Ambassador Manuel Lopez, Minister of Cultural Affairs Angelica Escalona, Minister/Consul General Jocelyn Tirol-Ignacio, former Consul General & Mrs. Solphie Confiado, at ilang Filipino priests, ay talaga namang nag-standing ovation at nagre-request ng pa ng encore dahil sa napakagandang blending ng mga boses ng FilCom Chorale group.  Kahit mga Japanese at iba pang nationalities na nanood ay natuwa at tila nakapag-relax sa mga musikang inihandog ng grupo kahit ‘di man nila naintindihan ang bawat salita sa mga kanta.

Ang FilCom Chorale ay mapapanood din sa mga major Filipino gatherings sa Japan gaya ng yearly “Barrio Fiesta” at mga pagtitipon sa Philippine Embassy sa Tokyo, at iba pa, kaya naman tuwing Miyerkules ng gabi ay nagkikita-kita ang mga miyembro  upang mag-ensayo.

Nawa ay may napulot tayong mga aral sa buhay sa pamamagitan ng mga gawain ng ating mga kababayan sa FilCom Chorale. 


Katatapos lang po ng Mother’s Day last May 11 at heto naman po ang Father’s Day sa June 15, ngunit hindi lang po sana minsan sa isang taon ang pagpapakita natin ng pagmamahal at paggalang sa ating mga magulang.  Let’s remember that among the ten commandments of God, only the 4th commandment has God’s promise, “Honor your father and your mother, so that you may live long in the land the Lord your God is giving you.” (Exodus 20:12)

Linggo, Hunyo 1, 2014

Visa-free privilege sa mga Pinoy?

Ni Cesar Santoyo

Naging tampok sa mga Facebook page ng mga Pinay sa Japan ang mga pakikiusap at pagpapaliwanag kagaya ng “hindi po ako information center ng Japanese Embassy para sa paghingi ng visa,” “Japanese Embassy tawagan ninyo at hindi ako”, at marami pa. Kaugnay ito sa mga napabalitang pinag-aaralan pa lamang ng Japan government ang pagbibigay ng visa-free privilege sa mga Pinoy gayundin sa mga Indonesian at Vietnamese kagaya ng mga lumaganap na mga balita sa pahayagan, radio at telebisyon sa Pilipinas na nagkalat rin online.

Sa mga kaibigan at mga kamag-anak sa Pilipinas na nasabik sa nasabing balita ipinapatukoy ang mga Facebook messages. Ang dahilan ng paiwas na pagsagot sa Facebook ay dahil para bang may bumibigat na responsibilidad at obligasyon sa mga nasa Japan ang dating ng mga katanungan mula Pilipinas. Sapagkat sa mga pagtatanong ay may kasabay na pahiwatig na tulungan naman ang mga nasa Pilipinas na makatungtong sa Japan kung totoo ang napabalitang magluluwag na sa pagbibigay ng tourist visa sa bansa.

Ayon kay House of Councilors Member Kenji Kosaka, Presidente ng Japan-Philippine Friendship League at Secretary General ng Liberal Democratic Party ay wala sila umano na itinakdang panahon para sa ginagawang pag-aaral ng pamahalaan ng Japan ukol sa visa-free privilege ng mga Pinoy ngunit umaasa sila na ngayon taon 2014 ay magkakaroon na ng konklusyon.

Kung sa Pilipinas ay buong kagalakan ang napabalitang maluwag na ang visa sa Japan kahit wala pang kumpirmasyon ay samut-saring emosyon naman ang nadama sa mga kababayan sa Japan. May mga natuwa, may mga kritikal na pananaw at marami rin ang mga nangangamba dahil sa hindi maipaliwanag na pakiramdam na maaaring batay sa kanilang mga naging karanasan noong panahon na nakikibaka pa para magkaroon ng “bala” o visa na sa kasalukuyan ay matagumpay na nagawaran “permanent,” “long-term” at iba pang uri na hawak na visa.

Ang pagkuha ng tourist visa sa Pilipinas patungo sa Japan sa kasalukuyan ay naaayon lamang para sa mga lehitimong mamamasyal sa ibang bansa na may kakayanan at pruwebang taglay na yaman at malinaw na perang gagastusin sa pagbibiyahe sa mga bansa. Pamantayan ang ganitong pagkuha at pagbibigay ng visa bilang turista sa mga kasapi ng Organization of Economic Cooperation and Development (OECD) kabilang ang Japan, Autralia, USA, Canada at iba pang mauunlad na bansa. 

Partikular sa Japan bilang kasapi ng OECD na kakaiba sa ibang miyembro ay ang tinatawag na Visiting Relative Visa para sa mga kaanak ng mga dayuhang naninirahan sa bansa. Ang visiting relative visa ay may isa hanggang tatlong buwan na itinatatak na visa at maaaring masudlungan ng panibagong isa hanggang tatlong buwan depende sa sitwasyon.

Marahil ang konseptong nananaig na halimbawa na pumapasok sa kaisipan ng ating mga giliw na kamag-anak at kaibigan sa Pilipinas ay kahawig sa diplomatikong relasyon ng bansang ASEAN kabilang ang Pilipinas na maitatatak ng libre ang 30 araw na visa sa airport ng Singapore, Cambodia, Myanmar, Laos, Thailand, Indonesia, Malaysia, Brunei at Vietnam. Isang halimbawa rin na nasa isip ay kagaya ng sa Hongkong na maaaring mag-apply at mabigyan ng 14 na araw na visa pagdating mismo sa international airport.

Nakabatay sa pangangailangan ng bansa ang pagbibigay ng luwag o higpit ng visa para sa industriya ng turismo. Kagaya halimbawa ng kadahilanan sa kasalukuyan ng Japan sa mithiin nitong pataasin ang bilang ng turista sa bansa para sa karagdagang kaban ng bayan. Sa likod naman nito ay ang darating na 2020 Olympics/Paralympics na inaasahang dadagsain ang Japan ng mga dayuhang turista. At bago pa man nito ay ang lantad na pangangailangan ng bansa ng mga manggagawa, na kung maaari ay mga mas batang lakas sa paggawa, ang dapat punuin ng industriya sa konstruksyon kaugnay ng darating na 2020 Olympics.

Isang masusing usapin ang pagluluwag o hindi ng permiso para bumisita ang mga dayuhan sa Japan. Ang lahat ng may mga intension ay nakaabang sa magiging hatol ng kinauukulan na inaasahang lalabas sa kasalukuyang taon. Hindi rin natin maiiwasan ang pangamba ng karaniwang mamamayan kasama ang mga dayuhang naninirahan sa Japan pati ang mga Pilipino na mag-alala kung sakali mang aprubahan ang pagluluwag ng pagbibigay ng tourist visa sa bansa.

Ang isa sa mga dahilan nito ay batay na rin sa karanasan ng marami sa ating mga dayuhan ang maaaring paggawa ng paraan na mapahaba ang pananatili na naayon sa proseso at patakaran o maging taliwas sa batas. Kung ang sa huli ang naging kapasyahan ay dapat nating alalahanin na ang paglabag sa takdang araw ng visa para sa pananatili sa bansa ay itinuturing na “krimen” at ang “kulungan,” “husgado” at “deportasyon” ang katapat sa  paglabag sa batas na ito.

Sa mga bansang kasapi ng OECD ay Japan lamang ang may bukod tanging batas na itinuturing na aktong “krimen” ang pagiging “overstay” ng mga dayuhan sa bansa. Bilang isang kasong “krimen” ay pulisya ang susugpo sa pagdami ng mga “bilog” o dayuhan na nag-overstay ng kanilang visa. At dahil akto ng krimen ang pagiging overstay tanging paglilitis sa hukuman lamang ang maaaring magpasya para makalaya sa pagkapiit at makabalik sa bansang pinagmulan ng dayuhan.

Parang malutong na pritong isdang lapu-lapu sa sabaw ng “sweet and sour” ang ating hinihintay na kapasyahan kung magluluwag o hindi ang pagbibigay ng visa-free privilege para sa mga Pilipino. “Sweet” ito na kasing tamis ng kasiyahan na makasama ang kapamilya at mga kaibigan dito sa Japan. “Sour” ito sapagkat alam naman natin na hindi lamang pasyal ang layunin sa pagtuturista kundi paghahanap ng trabaho sa bansa.

At kung nagkataon na kahit ayaw naman nating mangyari na kahit huwag sana, pero dahil sa pagkakataon na nandito na ay malamang na matukso at kapit sa patalim na hamunin ang lahat maging paglabag sa batas kahit maituring na “criminal offender” ng bansang Japan. Ang bukod tanging kasalanan nga lamang ng itinuring na criminal dahil sa pag-overstay sa bansa ay upang mabago at maiangat laban sa kahirapan ang mga minamahal na pamilya na hindi makita sa lupain ni Inang Bayang Pilipinas.

'Damo Nga Salamat' concert tampok sa Araw ng Kalayaan

Ni Florenda Corpuz

Inaasahang magiging makulay at puno ng kantahan, sayawan at kasiyahan ang pagdiriwang ng Filipino community sa Japan sa ika-116 na Philippine Independence Day ng Pilipinas mula sa pananakop ng mga Kastila.

Sa pangunguna ng Embahada ng Pilipinas sa Tokyo at sa pakikipagtulungan ng Philippine Assistance Group o PAG, nakatakdang magtatanghal ng isang thanksgiving concert na pinamagatang “Damo Nga Salamat,” ang wika ng pasasalamat sa diyalekto ng mga taga-Tacloban, na gaganapin sa Sun Pearl Arakawa (Arakawa Kumin Kaikan) sa darating na Hunyo 14, 3:00 hanggang 6:00 ng hapon.

Ilan sa mga magtatanghal sa libreng konsiyerto ay ang Beatles-inspired band mula Tacloban City na REO Brothers, mga local Filipino artists sa Japan tulad ng magaling na jazz singer na si Charito, dating AKB48 member na si Sayaka Akimoto, FilCom Chorale at maraming pang iba.

Ang thanksgiving concert ay itatanghal upang gunitain ang Araw ng Kalayaan ng Pilipinas at bilang pasasalamat na rin sa mga Pilipino sa Japan na tumulong sa mga biktima ng bagyong Yolanda sa Tacloban City at iba pang lugar sa kabisayaan.


Miyerkules, Mayo 14, 2014

Music Bits: Uchusentai Noiz, Maja Salvador, Pharrell Williams, at Awit ng Paghilom

Uchusentai NOIZ covers Rivermaya's “Liwanag Sa Dilim”

Gumawa ng bersyon ng kantang “Liwanag sa Dilim” ng Rivermaya ang Japanese band na Uchusentai NOIZ na umani ng papuri sa mga fans nito ditto sa Pilipinas. Naka-post ang naturang music video ng grupo sa social media site na YouTube.

Naisipan ng grupo na gawin ang Liwanang sa Dilim matapos na bumisita sa Tacloban ang lead singer nito na si Angel Taka upang tumulong sa mga naging biktima ng bagyong “Yolanda.” Nagustuhan ng grupo ang mensahe ng kanta na tungkol sa pagiging matatag sa bawat problemang dumarating.

Bukod kay Taka, binubuo ang banda nina Masato, Kyo, kotaro at Yamato na kilala sa pagtugtog ng mga kantang may pagka-rock, punk, hiphop, metal at electronic. Mahilig din sila magsuot ng cosplay-like outfits.

Matatandaan na noong 2012 ay gumawa rin ng bersyon ang Uchusentai NOIZ ng kanta ng Kamikazee na “Narda.”

Maja Salvador, singer na rin

Naglabas ng debut album na pinamagatang “Believe” ang Kapamilya star na si Maja Salvador sa ilalim ng Ivory Music and video kamakailan. Tuwang-tuwa si Maja dahil, aniya, ay matagal na niyang pangarap ang maging singer.

“Hindi lahat sumusugal na bigyan ng album ang isang artista so I’m very thankful. Sobrang naa-amaze ako sa nangyayari sa akin today,” pahayag ng dalagita na tinagurian din “Dance Princess.”

Mayroong walong tracks ang album kung saan ang kantang “Dahan-Dahan” ang kanyang carrier single. Mayroon din collaboration si Maja kasama si Abra na pinamagatang “Halikana” at kabilang din sa album ang kantang “Buong Gabi” na siya mismo ang nagsulat.

Pharrell Williams, bagong coach ng “The Voice”

Ibinunyag na ng pamunuan ng NBC’s singing reality talent show na “The Voice” na ang Grammy winner na si Pharrell Williams ang papalit kay Cee Lo Green sa season 7 ng naturang show.

Matatandaan na inanunsiyo ni Green noong Pebrero na hindi na siya makakabalik pa sa popular na singing competition sa Amerika kaya marami sa mga fans ang nag-aabang sa magiging kapalit niya.

Hindi na rin bago si Pharell sa The Voice dahil noong season 4 ay lumabas na rin siya bilang music adviser para sa Team Usher.

“He has already made a considerable impact as a mentor, drawing on an impressive track record as both a producer and performer. It is a perfect fit for 'The Voice' as we evolve and reach for new heights with this franchise. It feels like we are welcoming an existing family member home,” pahayag ni Paul Telegdy ng NBC Entertainment.

Lalong umingay ang pangalan ni Williams ng maging composer ito ng soundtrack ng pelikulang “Despicable Me,” ang kanyang Oscar nominted song na “Happy” at ang Grammy winning collaboration nito kasama ang Daft Punk sa kantang “Get Lucky.”

OPM artists nagsama-sama sa “Awit ng Paghilom”

Nagsama-sama ang mga bigating mang-aawit, composers at producers ng Element Music Camp upang makapaglabas ng music album na pinamagatang “Awit ng Paghilom” na naglalaman ng mga nakaka-inspire na mga kanta.

Handog ito ng grupo sa mga biktima ng bagyong “Yolanda” kung saan ang mga kanta ay nilikha ng 60 campers at 24 mentors.

Ilan sa mga kilalang mentors na bahagi ng proyektong ito ay sina Joey Ayala, Gabby Alipe ng Urbandub, Jimmy Antiporda, Ogie Alcasid, Noel Cabangon, Jay Contreras ng Kamikazee, Ebe Dancel, Aia De Leon, Jay Durias, Gloc-9, Raimund Marasigan, Jungee Marcelo, Armi Millare ng Up Dharma Down, Jazz Nicolas ng Itchyworms, Jim Paredes, Quest at Rey Valera.


Ang malilikom na halaga mula sa pagbebenta ng naturang album ay ang siyang gagamitin sa pagpapatayo ng bahay o kaya ng livelihood program para sa mga biktima ng bagyo.

Martes, Mayo 13, 2014

Pinoy Music Summit 2014: Isang Pagtataguyod sa OPM


Ginanap kamakailan ang kauna-unahang Pinoy Music Summit 2014: “Basta Pinoy, Push Mo Yan!” sa pangunguna ng ilang malalaking personalidad sa industriya ng musika na naglalayon na maitaguyod ang Original Pinoy Music (OPM).

Buong araw idinaos ang naturang summit sa Landbank building sa Malate, Manila na dinaluhan ng ilan sa mga bumubuo ng industriya ng musika gaya ng mga mang-aawit, composers, producers, at maging ng ilang bloggers at media outfits.

Ilan sa tumayong convenors sa summit ay ang Filipino Society of Composers, Authors and Publishers, Inc. (FILSCAP), along with the Organisasyon ng Pilipinong Mang-aawit (OPM), Philippine Association of Recording Industry (PARI), Assosasyon ng Musikong Pilipino Foundation Inc. (AMP), Music Copyright Administrators of the Philippines (MCAP) and PHILPOP Foundation.

Layunin ng Pinoy Music Summit na ipaalam ang tunay na kalagayan ng industriya, ang mga suliraning kinakaharap nito, ipakita at ipagmalaki ang galing at talento ng mga Pilipino sa musika, at makagawa ng mga hakbang at makakuha ng rekomendasyon upang lalo pang mapaunlad ang paglaganap ng OPM.

Suportado ni Pangulong Aquino

Dumalo si Pangulong Benigno Aquino III sa music summit upang magbigay ng keynote speech na nagpapahayag ng kanyang pagsuporta sa industriya at sa mga magiging adbokasiya na resulta ng pagdaraos ng summit. Ani Aquino, mahalaga ang musika dahil kasangga natin ito sa anumang emosyong pinagdaraanan at makapangyarihan din ito dahil kaya nitong pagbuklurin ang isang lipunan.

“Kaya nitong maglahad ng simple o malalim na karanasan, anupamang wika o diyalekto; kaya nitong kumonekta—sa paraang hindi hiwalay ang manlilikha sa nakikinig—sa nadarama’t sentimyento ng indibidwal o grupo; kaya nitong ipagdugtong at ipagbuklod ang damdamin ng isang lipunan, o kahit pa ng buong mundo,” pahayag ni Aquino.

Binanggit din ni P-Noy ang mga pulisiya ng gobyerno na sumusuporta sa OPM. Isa na rito ang Executive Order 255 noong 1987 na mismong ang kanyang ina na si dating Pangulong Cory Aquino ang pumirma. Nakasaad ditto ang pagpapalaganap ng OPM sa pamamagitan ng pagpapatugtog sa radyo ng hindi bababa sa apat na kantang Pinoy.

Ipinapatupad din ang World Intellectual Property Organization Internet Treaties at patuloy pa rin ang Optical Media Board (OMB) sa pagsugpo sa pamimirata na simula 2011 hanggang 2013 ay nakakumpiska na ng mahigit sa siyam na milyong pirated optical media priducts na nagkakahalaga ng tatlong bilyong piso.
Sinabi rin ni Aquino na mahalaga rin ang makasunod at makisabay sa tinatawag na digital media at madaling maibigay ito sa publiko.

“So sa madaling salita ho, ‘yong mga nag-e-experience ng growth ngayon ay ‘yong mga nakinig kung ano ba ang hinahanap ng merkado nila–hindi pinahirapan, hindi pinadamot ang produkto nila na gustong ibenta naman.

“Sa kabila nito, mulat din tayo: Mag-iba man ang mga kasangkapan o paraan ng pakikinig sa tugtugin—mula plaka, casette tape, CD, DVD, hanggang sa online media—hindi kukupas ang pagmamahal ng Pilipino sa musika,” dagdag pa ng Pangulo.

Estado ng industriya

Nagsalita rin sa naturang summit ang isa sa mga magagaling na musikero sa bansa na si Ryan Cayabyab na siya rin Executive Director ng PHILPOP Foundation tungkol sa kalagayan ng industriya.

Ani Cayabyab, naging instrumento ng mga Pilipino ang musika bilang paraan ng kanilang pagpapahayag ng saloobin tulad ng kantang “Bayan Ko” na tungkol sa pang-aapi ng mga dayuhan sa mg Pilipino noon.

 Simula 1960s hanggang 2000 ay naging pataas ng pataas ang pag-unlad ng industriya maliban noong tumuntong na sa 2010. Aniya, pinakamgandang taon ang 1999 kung saan may pinakamataas na kita ang industriya na umabot sa Php2.1 bilyon; ‘di kagaya ng 2010 na umabot na lamang sa Php699 milyon.

“That represents a 75% drop in revenues for recording companies in one decade. This rapid decline in revenues is felt across the industry,” ani Cayabyab.

Bumaba na ang naging album production ng music labels dahil sa humina ang benta nito sa publiko. Ito umano ay resulta na rin ng mga online at digital media and equipment na nauuso na pati na rin ang malakas na kumpetisyon mula sa banyagang mang-aawit o grupo. Sa katunayan umano, noong 2013 66% ang royalty fees na ibinabayad sa mga banyagang kanta kumpara sa 34% sa OPM.

Naging paksa naman ng isa rin beteranong mang-aawit at kompositor na si Ogie Alcasid ang “Performers’ Equity Program. Ipinunto ni Alcasi, na siya rin OPM president, ang dami ng foreign acts na nagtatanghal sa bansa na nakakaapekto sa local artists. Kalimitan umano ay naagaw ng mga dayuhan ang suporta ng publiko para sa mga local artists.

Ilan pa sa naging speakers sa summit ay sina Senador Bam Aquino, Senador Teofisto Guingona III, Elements Lead Proponent Twinky Lagdameo,  Ateneo Professor Sarah Jane Domingo-Lipura, FILSCAP president Noel Cabangon, at PHILPOP Associate Executive Director Patricia Hizon.



Lunes, Mayo 12, 2014

Experience best coffee in great coffee cities

Ni Jovelyn Javier


Madalas isipin ng karamihan na ang Estados Unidos ang may pinakamalaking bilang ng coffee drinkers. Pangunahing dahilan na ang mga pinakamalalaking coffee chains sa buong mundo ay nagmula rito -- Starbucks, Dunkin Donuts, Coffee Bean and Tea Leaf, Gloria Jean’s Coffees, Coffee Beanery, Peet’s Coffee and Tea, at Tully’s Coffee.

Sa kabila nito, ayon sa talaan ng Quartz gamit ang impormasyon sa Euromonitor, ang Netherlands ang nanguna sa listahan na may 2.414 cups per day. Sinundan ito ng Finland (1.848), Sweden (1.357), Denmark (1.237) at Germany (1,231) sa top 5. Kabilang naman sa top 10 ang Slovakia, Serbia, Czech Republic, Poland at Norway. Nasa ika-16 na puwesto ang USA (0.931) at nasa ika-25 puwesto naman ang Pilipinas (0.608).

Ngunit saan-saan nga ba matatagpuan ang mga tinatawag na “great coffee cities?” Ayon sa CNN, kabilang dito ang London, UK;  Melbourne, Australia; Reykjavik, Iceland; Rome, Italy; Singapore; Seattle, USA; Vienna, Austria; at Wellington, New Zealand.

Binuksan sa London ang kauna-unahang espresso-focused coffee shops gaya ng Flat White Café at Kaffeine 10 taon na ang nakalipas, at mula rito ay patuloy ang paglago ng maraming espresso cafes sa siyudad. Itinayo ang Flat White Café noong Setyembre 2005 para dalhin sa London ang natatangi at pinong “artisan style” coffee na paborito sa Australia at New Zealand. Samantalang binuksan naman ang Kaffeine sa publiko nang Agosto 2009 at isa na ngayon sa nangungunang cafes sa UK.

Inirerekomenda sa London ang flat white coffee o cappuccino. Maliban sa Kaffeine at Flat White Café, nariyan din ang Allpress, Climpson & Sons at Caravan sa mga nangungunang cafes na nasa East London.

Nagdadaos naman sa Melbourne ng taunang coffee expo. Ganito kahalaga sa kanila ang kape. Ilan lang sa mga paborito rito ang white lattes, cappuccinos, flat whites, piccolo lattes na mas konti ang gatas. Para sa mga coffee lovers, magandang puntahan ang Axil Coffeehouse Roasters sa Hawthorn at Dead Man Espresso.

Kilala sa Iceland ang drip coffee ngunit madalas sila ay pumupunta sa cafes para sa espresso drinks. Ang Kaffitar ang pinakamalaking coffee chain sa siyudad, paborito rin ng marami ang Kaffismidja at Stofan.

Bahagi na ng kulturang Italian ang kape, kaya’t ang Rome ang tinaguriang “home to best coffee” sa Italy. Paborito rito ang espresso, at ilan lang ang Rosati sa Piazza del Popolo, Sant’ Eustachi, Giolitti sa mga paboritong cafes ng mga taga-Italy.

Paborito naman ng Singaporeans ang latte, mocha at cappuccino. Ayon sa isang eksperto, nito lamang ginagamit ang modernong teknolohiya sa paggawa ng espresso. Kabilang ang Strangers’ Reunion sa Chinatown, Dutch Colony sa Pasar Bella marketplace, Bukit Timah at Chye Seng Huat Hardware sa Little India ang mga inirerekomendang coffee places sa Singapore.

Matitikman naman ang pinakamasasarap na kape sa Seattle, USA sa Victrola Coffee Roasters na nasa Capitol Hill, Empire Espresso sa Columbia City at Seattle Coffee Works. Paboritong kape rito ang espresso, cappuccino o single-origin pour.

Ihinirang naman na “Intangible Heritage” ng UNESCO nang 2011 ang mga coffee houses sa Vienna, simbolo kung gaano kahalaga ang kape sa kulturang Viennese. Mula nang maging host ang siyudad ng World Barista Championships 2012, nagsimulang magbukas ang mga bago at independent-style na cafes na gumagamit ng mas makabagong teknolohiya sa paggawa ng kape. Pinupuntahan ng marami ang Caffe Couture, Essenti, Coffee Pirates at Demel sa espresso, cappuccino at new style coffee.

Pinakamagagandang coffee shops naman sa Wellington ang Flight Coffee Hangar, Memphis Belle at Lamason Brew Bar. Paborito naman ng mga taga-New Zealand ang flat white coffee.