Miyerkules, Enero 29, 2014

DFA, hinikayat ang mga OFWs sa Japan na magpapalit na ng e-Passport

Ni Florenda Corpuz
Kuha mula sa DFA
Hinihikayat ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang mga Overseas Filipino Workers (OFW) sa Japan na papalitan na ang kanilang machine readable passports at non-machine readable passports ng bagong e-Passport.

Sa isang pahayag, sinabi ng DFA na ang lahat ng Pilipino na may hawak na kulay maroon (machine readable passport) at kulay berdeng (non-machine readable passport) pasaporte ay papayagan na lamang mag-extend ng validity nito hanggang Oktubre 31 ng kasalukuyang taon.

“All Filipino nationals holding machine readable-ready passports (MRRP; green passports) and machine readable passports (MRP; maroon passports) will no longer be allowed to apply for an extension of the validity of these passports after October 31, 2014.”

Ayon sa DFA, kailangang mag-apply ng bagong e-Passport bago pa mawalan ng bisa ang hawak na maroon at berdeng pasaporte upang maiwasan ang anumang problema at aberya sa mga ports of entry sa buong mundo pagkatapos ng Oktubre 31, 2015. Ang mga ito ay kinakailangan din na phased out na pagsapit ng Nobyembre 24, 2015.
           
Pinapaalalahanan din ng DFA ang mga Pilipino sa mga alituntunin sa pag-apply ng extension ng validity ng mga expiring at expired na pasaporte. Ang mga pasaporte na valid na lamang kulang anim na buwan at ang mga expired na ay papayagan lamang na mag-extend ayon sa mga sumusunod na kundisyon: kung namatayan ng kamag-anak, may medical emergency, OFW na kailangang umalis agad para tumupad sa kanilang kontrata at OFWs sa Middle East na uuwi na ng Pilipinas gamit ang final exit visa.

Ang bagong e-Passport ay bahagi ng regulasyon ng DFA at alinsunod sa standards na itinakda ng International Civil Aviation Organization (ICAO).

Para sa karagdagang impormasyon, tumawag lamang sa Consular Section ng Embahada ng Pilipinas sa numerong (03) 5562-1607.

Nasa humigit kumulang 220,000 Pilipino ang kasalukuyang nasa Japan.

Japanese digital TV tech investments dadagsa sa Pilipinas


Ni Florenda Corpuz

Inaasahang dadagsa ang mga bagong kumpanyang Hapon na mamumuhunan sa digital TV technology sa Pilipinas dahil sa pag-adopt ng bansa sa Japanese ISDB-T o Integrated Service Digital Broadcasting – Terrestrial standard o DTV sa taong 2015.

Sa isang panayam, sinabi ni Philippine Ambassador to Japan Manuel M. Lopez na inaasahang maraming mga kumpanyang Hapon ang magtatayo ng mga set up shops sa Pilipinas para mag-produce ng mga kagamitan tulad ng set-top boxes na kinakailangan sa mga TV sets na may analog tuners. Ang device na ito ang makakatanggap ng signal para sa digital TV at nagkakahalaga ng Php1,000.

“We expect to see some Japanese companies set up shop in the Philippines to produce things like set-top boxes and other items related to the digital TV and we can expect employment and opportunities for Filipinos in this area of business,” pahayag ni Lopez.

Matatandaang inaprubahan ni Pangulong Benigno Aquino III ang paglipat ng Pilipinas sa Japanese digital TV standard mula sa analog system tulad ng 15 pang bansa. Pinili ito ng Pangulo sa halip ang European system dahil sa kapabilidad nito na magsagawa ng emergency broadcast sa panahon ng sakuna.

Ayon kay Presidential Communications Operations Office Secretary Herminio “Sonny” Coloma Jr., maaaring gamitin ng mga modernong mobile devices ang sistemang ito.

Dinagdag pa ni Lopez na umaasa rin ang Pilipinas na maaprubahan na ang automotive road map sa bansa kung saan inaasahang tataas ang aktibidades ng mga Japanese carmakers mula sa assembly patungo sa manufacturing.


            

Ambassador Lopez, tiniyak ang pagtulong ng Japan sa programang rehabilitasyon ng Pilipinas

   Ni Florenda Corpuz

Tiniyak ng pamahalaang Hapon na ipagpapatuloy nito ang pagtulong sa Pilipinas sa pagsasagawa ng rehabilitasyon at rekonstruksyon ng mga lugar na sinalanta ng bagyong Yolanda.

Ayon kay Philippine Ambassador to Japan Manuel M. Lopez, sinabi sa kanya ni Japanese Foreign Minister Fumio Kishida na ipagbigay alam lamang dito kung kailangan ng Pilipinas ng tulong mula sa Japan.
           
“With regards to the commitment of Japan to assist us not only in the relief but even in rehabilitation efforts, I recall the Foreign Minister, when he came to the Embassy to sign the condolence book, he mentioned to me, ‘If there is anything your country needs just let us know,’” pahayag ni Lopez.

Sinabi rin ng ambassador na ang parehong mensahe ay ipinarating din sa kanya ng Japanese parliamentarians.

“I suppose in this respect, if our President will ask the Prime Minister for certain things that we badly need right now, then maybe we can see Japan responding very quickly,” dagdag ni Lopez.

Isa ang Japan sa mga bansa sa international community na galanteng nagpapahatid ng tulong sa mga biktima ng bagyong Yolanda kung saan mahigit na sa 6,000 ang nasawi.

“This is one sign Philippine-Japan ties are strong and robust with Japan being one of the Philippines’ strategic partners,” ani Lopez.


“We can see Japan has always been very responsive to all our needs especially in this recent super typhoon Yolanda. We can see the outpouring of support not only of the Japanese government but Japanese corporations and the Japanese people. They’ve been very, very supportive of the needs of the people especially in the devastated areas,” pagtatapos ni Lopez.

Martes, Enero 28, 2014

Japan Times columnist namangha sa galing mag-Ingles ng mga Pilipino

Ikinamangha ng kolumnistang si Amy Chavez ng Japan Times, isa sa mga pahayagan sa Japan, ang galing ng mga Pilipino sa pagsasalita ng Ingles nang bumisita ito sa Pilipinas sa loob ng dalawang linggo kamakailan.

Sa kanyang kolumn sa Japan Times na pinamagatang “Japan Lite,” isinulat nito ang kanyang naging obserbasyon na halos lahat ng Pilipino, kahit ang mga hindi nakapag-aral, ay nakakaintindi at nakakapagsalita ng Ingles bilang pangalawang lengguwahe.

“English was brought to the Philippines during the 1896-1946 American occupation and it still enjoys official status. This does not mean that everyone understands or speaks English, but it does mean that exposure to the language is so widespread that those who do speak it can communicate quite fluently. I was also impressed that people who had never stepped outside the Philippines were nevertheless fluent in English,” pahayag ni Chavez sa kanyang kolumn.

Ipinunto ni Chavez na sa kanyang pagligid sa Pilipinas ay nakita niya kung paano ginamit ang lengguwaheng Ingles – sa mga karatula, sa pagbabalita sa radyo at telebisyon, at maging sa advertisements nito.

“How can a nation acquire a second language so proficiently despite some claims that as many as 27.8 percent of Filipino school-age children either don’t attend, or never finish, elementary school?”

“It’s all in the approach to learning English. The Philippines not only teaches English in its schools but also provides its population with another tool crucial to language acquisition: exposure,” dagdag pa ni Chavez.

Iminungkahi ng kolumnista na kung nais ng gobyerno ng Japan na matuto at masanay din ang mga Japanese sa pagsasalita ng Ingles, at makakuha ng international students na mag-aral sa Japan ay dapat nitong tularan ang ginagawa ng Pilipinas – pagtuturo sa paaralan at sa labas nito.

Matatandaan din na kamakailan ay inanunsiyo ng Ministry of Education, Culture, Sports, Science and Technology o MEXT ang balak nito na simulan sa Grade 3 ang pagtuturo ng wikang Ingles sa mga paaralang elementarya sa Japan mula sa kasalukuyang Grade 5 sa taong 2020.

“If the government hopes to meet its goal of attracting 300,000 international students to Japanese universities by 2020, it should consider how the Philippines has significantly increased its foreign student enrollment: Top universities in the country teach all their classes in English. As a result, the Philippines is attracting foreign students from Iran, Libya, Brazil, Russia, China and yes, even Japan, to earn graduate and postgraduate degrees,” mungkahi ni Chavez.

“It is hard to overemphasize the role of exposure in learning a second language. Not only does it allow people to experience the language firsthand in real situations, but exposure provides reinforcement — something Japanese students rarely, if ever, get outside the classroom,” dagdag pa nito.

Giit ni Chavez, ilang kumpanya sa Japan tulad ng Renault-Nissan, Rakuten, Fast Retailing, Bridgestone at Honda ang nakakita ng kahalagahan ng pakikipagkomunikasyon sa Ingles kaya’t hinikayat ng mga ito ang kanilang empleyado na magsalita ng Ingles.

Lunes, Enero 27, 2014

Japanese defense minister bumisita sa Pilipinas

Ni Florenda Corpuz


Pagpupulong ng mga opisyal ng Pilipinas at Japan na
pinangungunahan ni Onodera. (Kuha mula sa DND website)
Muling bumisita sa Pilipinas si Japanese Defense Minister Itsunori Onodera kamakailan para sa dalawang araw na opisyal na pagbisita upang inspeksiyunin ang tulong na ibinigay ng Japan sa mga biktima ng bagyong Yolanda sa Tacloban City, Leyte.

Ininspeksiyon din ni Onodera ang Japan Disaster Relief Team na kabilang sa mga grupong nagsasagawa ng relief at rehabilitation efforts sa kabisayaan.

Matatandaan na nagpadala ang gobyerno ng Japan ng 50 miyembro ng Self-Defense Forces (SDF) na siyang bumuo sa Japan Disaster Relief Team upang tumugon sa pangangailangang medikal ng mga biktima roon. Humigit-kumulang sa 1,000 tropang sundalo ang ipinadala rin ng Japan upang tumulong naman sa rehabilitation programs at iba pang pangangailangan sa rehiyon ng Visayas partikular na sa Tacloban, Leyte, Samar at Cebu.

Tinatayang nasa US$53.1 milyon na halaga ng tulong ang naibigay ng Japan sa Pilipinas sa pinakamatinding bagyo na nanalanta sa bansa kung saan mahigit sa 6,000 katao ang namatay at libo-libo ang nawalan ng tirahan.

Bago ang ginawang pagbisita sa Leyte, nakipagpulong muna ang defense chief kay Defense Secretary Voltaire T. Gazmin para sa Philippines-Japan Defense Bilateral Meeting. Sa pulong na ito, ipinahatid ni Onodera ang kanyang pakikiramay sa mga biktima ng bagyo. Nagpalitan din sila ng pananaw sa usapin ukol sa East Asia security environment.

Pinag-usapan din sa pulong ang Air Defense Identification Zone (ADIZ) ng China, ang tumataas na tensyon sa rehiyon at ang mas malalim na military-to-military cooperation sa pagitan ng Pilipinas at Japan.

Sumama ang Pilipinas sa pagtutol ng Estados Unidos, South Korea, Taiwan at European Union sa pagtatayo ng China ng ADIZ kung saan kailangang magbigay muna ng flight plan bago magtungo sa pinag-aagawang teritoryo.

Nababahala si Onodera sa mga lumalabas na balita na maaaring magtayo ang China ng ADIZ sa West Philippine Sea kung saan parehas na mayroong inaangking teritoryo ang China at Pilipinas. Nakahanda umanong tumulong ang Japan sa Pilipinas sa pagreresolba sa sigalot na ito.

Huling bumisita sa bansa si Onodera noong Hunyo 2013 kung saan tinalakay ang mga isyu sa West Philippine Sea, East China Sea at Korean Peninsula. 

Linggo, Enero 26, 2014

OFWs sa Japan respetado ng mga dayuhang employer

Ni Florenda Corpuz

Ambassador Lopez (Kuha ni Din Eugenio
Puring-puri at respetado ng mga Hapon at dayuhang employers ang marami sa mga Overseas Filipino Workers (OFW) na nagtatrabaho sa Japan, ito ang pahayag ni Philippine Ambassador to Japan Manuel M. Lopez kamakailan.

Sa kanyang opening remarks sa ginanap na pakikipagdayalogo ni Pangulong Benigno Aquino III sa mga lider at miyembro ng Filipino community sa Japan sa National Olympics Memorial Youth Center, sinabi ni Lopez na malaki ang respeto at bilib ng mga employers sa mga Pilipinong manggagawa.

“Our kababayans represent a wide range of professions and backgrounds. But they share several things in common – they are all hardworking, talented and source of great pride to the Filipino nation,” pahayag ni Lopez.

“They are solid and united as a community. They have no serious rift or division,” dagdag pa ni Lopez.

Ayon kay Lopez 70% ng mga tripulante sa mga barkong Hapon ay mga Pilipino, habang pinapahalagahan naman ang mga kababayang nurses at caregivers dahil sa kanilang ipinapamalas na malasakit sa kanilang mga pasyente.

Inihalimbawa ni Lopez ang apat na Pilipinong caregivers na kinilala ng pamahalaang Hapon dahil sa hindi pag-iwan sa kanilang mga matatandang pasyente nang mangyari ang Great East Japan Earthquake noong 2011 kahit na nalagay sa peligro ang kanilang mga buhay.

Sa kabilang banda, sinabi rin ni Lopez na marami sa mga Pilipino ang kasal sa mga Hapon kung saan ang kanilang mga supling ay nagsisilbing tulay sa pagitan ng dalawang bansa na magkaiba ang kultura.


Sa kasalukuyan, 10% ng mga dayuhang namimirmihan sa Japan ay mga Pilipino na siyang pangatlo sa may pinakamaraming bilang na aabot sa 202,974. 

Miyerkules, Enero 15, 2014

Walang iwanan sa Parokya ni Edgar

Ni Len Armea              

Kuha ni Jovelyn Bajo
Siyam na studio albums, isang Christmas album (“Jingle Balls Silent Night Holy Cow”), dalawang live albums (“Inuman Sessions Volume 1 at 2”), hindi mabilang na hit songs, awards at commercial endorsements ang ilan lamang sa mga nagawa ng Parokya ni Edgar sa loob ng 20 taon.  Subalit, sa kanilang bagong inilabas na kanta na “Ang Parokya” ay mayroon isang linya kung saan kanilang tahasang sinabi na hindi sila magaling bilang isang banda.

“Honestly if you see all the other bands play on their musicality from Eraserheads to Bamboo to Rivermaya to all the new bloods like Urbandub, Franco and Up Dharma, maiintindihan niyo bakit sinasabi namin na ‘di kami magaling… We’re just being honest, we’re not trying to be humble,” pag-amin ng bokalista ng banda na si Chito Miranda.

“But what we lack in talent, or our limitations, we make up with the passion and dedication for the group,” pagbibigay-diin ni Chito.

At ang kanilang dedikasyon sa pagbabanda at paglikha ng musika --  na maikukunsidera na alternative rock, pop rock, acoustic rock, funk, at novelty -- ang nakita ng kanilang mga tagasuporta. Sa katunayan, dinagsa ng fans ang launching ng kanilang DVD/CD album sa Eastwood City kamakailan na pinamagatang “Bente” sa ilalim ng Universal Records.

“It’s overwhelming for us because we didn’t think that it would be a big deal. It’s [Bente] just a rehash of a greatest hits album. Kung collector ka ng albums ng Parokya, you already have all the songs. And we just came up with a CD that collected all the other songs from the other albums. Nakakakilig na makita iyong ganoong karaming tao na sumusuporta pa rin sa banda,” dagdag pa ni Chito.

Dalawang klase ang Bente – 1 DVD/2 CD at 2 CD kung saan binubuo ng 28 music videos ng banda at dalawang documentaries ang DVD habang mayroong 29 tracks ang nakapaloob sa 2 CD kabilang na ang dalawang bagong kanta na “Ang Parokya” at “Salamat Po.”

Ilan sa mga kanta na napili ng banda para mapasama sa Bente ay ang mga kantang “Buloy,” “Halaga,” “Maniwala ka Sana,” “Picha Pie,” “Bagsakan,” “Para Sayo,” “Your Song,” “The Yes Yes Show,” “Pangarap Lang Kita,” “One Hit Combo,” at “Macho.”

Walang Iwanan

Nabuo noong 1993, ang Parokya ni Edgar ay kinabibilangan nina Chito Miranda (vocals), Darius Semaña (lead guitar), Gab Chee Kee (rhythm guitar), Buwi Meneses (bass guitar) at Dindin Moreno (drums) na magkakaibigan na bago pa man pumasok sa industriya. Ang kanilang pagkakaibigan ang isa sa itinuturing ng Parokya na sikreto kung bakit hanggang ngayon ay hindi pa rin nabubuwag ang grupo.

“The fact that we’re still together working tightly as a unit, still genuinely in love with each other as a group, still creating music and still having fun, I think, is an achievement in itself,” bulalas pa ni Chito.

Tulad ng ibang banda, dumaan din ang Parokya sa ilang pagsubok. Kuwento ng grupo, dumating din sila sa punto na nag-aaway, nagsusuntukan at muntik na rin silang maghiwa-hiwalay ngunit sa huli ay nangibabaw ang respeto sa isa’t isa at pagmamahal sa grupo at sa kanilang ginagawa.

“We get into fights, it’s normal for a group. As group, you lost track of the difficulties that you went through and the fact that we’re still together means that we’ve weathered all the storms that came our way.”

Dagdag pa ng drummer ng banda na si Dindin, natutuhan nila sa pagdaan ng panahon na huwag seryosohin ang mga bagay.

“We learn not to take things seriously. Kunwari may nagkamali habang tumutugtog, lahat kami tatawa na lang.”

Nagsimula sila na kinakaapos sa pamasahe, nanghihiram ng gitara kada gig, sa nagsasalo-salo sa isang pitsel ng beer sa pagiging isa sa pinakasikat at pinakahinahangaang banda sa Pilipinas ngayon, pinatunayan ng Parokya ni Edgar ang pagiging solido ng grupo, na walang iwanan kahit na anong mangyari.

“Solid kami as a group. We stick together. Hindi lang sa banda pero sa mga taong nakakatrabaho namin – sa management team at maging sa recording label namin.

“We are all good friends and it says a lot about the band and the people we work with – never silang nang-iwan at never kaming nang-iwan.”

Miyerkules, Enero 8, 2014

Jessica Sanchez: Making Filipinos Proud

Ni Len Armea

Kuha ni Jovelyn Bajo
Hindi nangimi ang American Idol season 11 finalist at half-Filipino na si Jessica Sanchez na tanggapin ang pagkanta ng “Lead Me Home,” isang charity song na kasama sa “Heartbeat of Home” album, na para sa mga nasalanta ng bagyong “Yolanda” sa Pilipinas.

“I was approached by the Riverdance Productions. They asked me to lay my vocals on one of their tracks and I was like ‘of course, it’s an amazing opportunity and I would love to’. Then we recorded the song and they wanted to release it early for the victims of the typhoon and I was completely all for it,” pahayag ni Jessica sa ginanap na presscon sa Sofitel Philippine Plaza na dinaluhan ng Pinoy Gazette.

“Everything has been amazing and I’m so glad to help the Filipino people any way that I can,” ani ng 18-taong-gulang na dalaga na half-Filipino at half-Mexican.

Ibibigay ni Jessica ang kikitain mula sa pagda-download ng kanyang kanta sa Philippine Red Cross para sa mga nasalanta ng bagyo.

Bukod dito, pumunta rin si Jessica sa ilang lugar sa Pilipinas kabilang na ang Saranggani sa imbitasyon ni Manny Pacquiao upang mamigay ng hearing aid katulong ang Starkey Hearing Foundation.

Namangha rin si Jessica sa ganda ng Pilipinas at sa mainit na pagtanggap sa kanya ng mga tao.

“It’s been, honestly, amazing. We’ve been driving around in these buses and I look at the country and it’s so green and so beautiful and on top of that the people are so welcoming and so kind. I think the Philippines is just so amazing.”

Inamin din ni Jessica na kinabahan siya sa pagkanta ng “Lupang Hinirang” sa laban ni Manny Pacquiao at Brandon Rios sa Macau kamakailan.

“I had probably a couple of days, like two to three days, to learn the song. It was hard and it’s like there’s a weight on my shoulders because I know how proud you guys are about singing the anthem traditionally. It kinda stressed me out a little bit but I was happy that everybody was okay with how I sang it. And I hope I made you guys proud,” dagdag pa ng singer.

Inamin ni Jessica na patuloy siyang magsusumikap sa kanyang karera dahil alam niya na maraming mga Pilipino ang sumusuporta sa kanya at nais niya na ipagmalaki siya ng mga ito.

“I told myself, at the age of 10, that this is what I love to do and I have a lot of eyes watching me, especially now having the Philippines look at me like I’m an inspiration. I feel honored actually, more than responsible for anything.

“I’m happy to be here for the charity, to inspire the youth and others to go out there and help others so I’m happy to be a part of the Filipino culture.”

Aniya, kung mayroon man isang katangiang Pilipino na gusto at ipinagmamalaki niya, ito ay ang pagmamahal sa pamilya.

“I love being with my family – when I move, my family moves – and I think that’s how Filipinos are. We love to be together and I’m proud to have that trait.”

Naglabas na rin ang dalaga ng kanyang album na pinamagatang “Me, You, and the Music” nitong Mayo sa ilalim ng MCA Records.

“You’ve been really amazing and I can’t thank you enough. My kababayans, I love you so much,” aniya.

Martes, Enero 7, 2014

Rex Angeles inspires Pinoy actors in Japan

Ni Florenda Corpuz

Kuha ni Julius Angelo Pascua

             Hindi matatawaran ang angking galing ng Pinoy sa larangan ng pag-awit at pag-arte. Sa katunayan, isa ang lahing kayumanggi sa itinuturing na best performers in the world. Lingid sa kaalaman ng marami, mayroong isang Pinoy na aktor na tahimik at patuloy na gumagawa ng ingay sa entertainment scene ng Japan sa katauhan ni Rex Angeles. Kilalanin siya sa panayam ng Pinoy Gazette.

Kamakailan ay napanood ka sa documentary TV show na “Kiseki Taiken Unbelievable.” Paano ka naghanda para sa role na Chief Pastika?

            Nakipag-coordinate ako ng husto at nakipag-usap sa direktor kung paano niya gustong palabasin ang character. Binigyan niya ako ng mga ideya at tips tungkol sa tunay na personalidad ni Chief Pastika at ‘yun ang aking sinunod dahil ito ay isang true story. Hindi dapat na maging iba ang karakter na maipakita sa mga manonood.

Ano ang pinakapaborito mong eksena rito? Bakit?

            Iyong eksena na nalaman ni Chief Pastika na tumataas na ang bilang ng mga biktima ng pagsabog, at wala pa rin nakikitang clue kung sino ang may kagagawan ng pagsabog. Dito ni-request ng direktor na ipakita ko sa isang shot ang halu-halong emosyon ng galit, kabiguan at kahinaan sa loob ng 15 segundo. Medyo naging challenging para sa akin, pero sa huli, na-satisfy ko naman siya sa gusto niyang mangyari.

Kung isang araw ay alukin ka na i-feature ang iyong kwento sa “Kiseki Taiken Unbelievable” tulad ni Charice, papayag ka ba? At sino ang gusto mong gumanap bilang Rex Angeles?

            Naku, magandang tanong pero malayong mangyari na ma-feature ang kwento ng buhay ko sa “Unbelievable” kasi wala naman espesyal sa pagkatao at sa career ko. Para sa akin, I’m just an ordinary person at malayong ihalintulad kay Charice.

Ano ang pakiramdam na marami sa mga Pilipino sa Japan ang nakapanood sa iyong pagganap dito at nagsasabing ipinagmamalaki ka nila?

            Actually, maraming Pilipino sa Japan ang hindi ako kilala at hindi pa nakikita sa TV. Naisip ko dahil siguro mas nae-enjoy nila ang mga Tagalog programs sa Pilipinas na napapanood nila sa GMA VOX TV at TFC. Pero doon po sa mga nakakaintindi ng salitang Hapon na nakapanood at naging proud sa akin, masaya po ako at maraming salamat po.

Ano ang iyong susunod na proyekto pagkatapos ng iyong paglabas sa “Kiseki Taiken Unbelievable”?

            Nagkaroon ako ng guest appearance sa pelikulang “SPEC” na ipinalabas sa mga sinehan noong Nobyembre. Nabigyan din ako ng maikling guest appearance sa TV drama na “Doctor X” sa huling araw ng palabas nito noong Disyembre 19 sa TV Asahi. Isang milyonaryong Thai ang role ko rito at sa Thai language din ang mga linya ko kagaya ng aking ka-eksenang si Ms. Ryoko Yonekura.

Sa kakatapos pa lamang na 26th Tokyo International Film Festival, itinanghal na best actress si Eugene Domingo, unang pagkakataon para sa isang Pilipino. Sa iyong palagay, paano ito makakatulong sa iyo bilang Filipino actor na aktibo sa entertainment scene ng Japan?

            I’m very happy for Eugene Domingo. Maaaring ang pagkapanalo niya ay makatawag pansin sa mga ilang Japanese directors at maisip nilang bigyan ng pagkakataon na subukan naman ang galing sa pag-arte ng mga Japan-based Filipino actors na katulad ko.

Ano ang iyong dream role at project?

            Isa sa mga dream roles ko ang gumanap ng karakter na may split personality, o ‘di kaya ay isang tao na may napakaamong mukha pero bad guy pala. Basta mga extremes. Very exciting sa palagay ko at siguradong makakahasa ng galing sa pag-arte. Para naman sa dream project, isang very entertaining TV program na ang main purpose ay ipahatid at i-educate ang viewers tungkol sa mga hindi magandang kaugalian nating mga Pilipino na dapat natin sigurong baguhin para sa ating ikakaangat at ikakaunlad.

Ano ang sikreto ng isang Rex Angeles at tumagal ka sa industriyang ito sa Japan?

            Siguro, respeto sa sarili at sa lahat ng obligasyon ko. Malaking punto rin siyempre ang abilidad at ang reputasyon. Kapag alam nilang maayos kang katrabaho at professional ka, mahirap ka nilang makalimutan. Kuntento ako sa aking kalagayan na hindi ako kasikatan at nae-enjoy ko pa ng husto ang privacy ko. Takot akong umabot sa sobrang taas dahil pagdating mo roon, usually wala kang ibang direksyon kung hindi pababa.

Ano ang iyong mensahe sa mga mambabasa ng Pinoy Gazette?

            Lagi po nating suportahan at itaguyod ang babasahing ito. Sana po ay nagustuhan ninyo ang aking naibahagi sa inyo tungkol sa aking propesyon dito sa Japan. Lagi po tayong magkaisa at ipagmalaki na ang mga Pinoy ay may angking galing at talino sa anumang larangan ng industriya. A Blessed Christmas and a Happy New Year to all! At sa lahat na bumubuo ng Pinoy Gazette, maraming salamat at mabuhay po kayo!


Lunes, Enero 6, 2014

Pilipino, saan ka patungo?

Ni Al Eugenio

Ilan sa mga nabanggit ng mga tagapagbalita mula sa ibang bansa nang masaksihan nila ang mga nasalanta ng bagyong “Yolanda” sa kabisayaan ay ang kanilang paghanga sa katatagan ng ating mga kababayan sa kabila ng pagsubok. Sa mata ng mundo, ang mga Pilipino ay matiisin, masayahin, madaling maging kaibigan at kahit na madalas abusuhin ay likas na matulungin.

Kahanga-hanga ang mga katangiang ito para sa mamamayan ng ating bansa,  ngunit bakit kaya sa kabila ng magagandang katangiang ito ay patuloy pa rin hikaos ang pamumuhay ng marami sa ating mga kababayan? 

Upang magkaroon tayo ng kahit na bahagyang tugon sa mga katanungang ito ay kailangan marahil na alalahanin natin ang binaybay ng ating bansa noon at ngayon.

Noong tayo ay nasa ilalim pa ng mga mananakop na Kastila, ang mga namumuno sa ating bansa ay hindi naglilingkod para sa kapakanan ng mga mamamayan. Ang mga namumuno noon ay naglilingkod para sa kaharian ng Espanya at ang ating mga mamamayan ay kinakailangang maghanapbuhay hindi lamang para sa kanilang mga pamilya kundi pati na rin para sa Espanya. Kaya naman ang mga alkalde  at gobernador  noon ay ang siyang dapat na pinaglilingkuran at hindi  sila para maglingkod sa mga mamamayan. Dahil na rin sa hindi naiintindihan ng mga Pilipino ang salitang Kastila, madaling naililihim ng mga banyaga ang mga karapatan ng tao ayon sa mga itinuturo ng Kristiyanismo na siyang naging paraan upang tanggapin sila ng mga kababayan natin sa ating bansa.

Nang ang ating bayan ay lumaya, ang ganitong kaugalian ay hindi  tuluyang  naalis. Hindi pa rin lubusang alam ng ating mga kababayan ang kanilang tunay na  karapatan. Hindi naman kasi ganoon karami ang may pagkakataong makapag-aral.  Pagsasaka, pangingisda at kung sinuswerte, hanapbuhay sa siyudad ng Maynila  ang tanging mapagkukunan ng ikakabuhay.    

Hindi naman natin nilalahat ngunit mas marami sa mga mayayaman at nakapag-aral noon ang patuloy nang kinalimutan ang kapakanan ng mga pangkaraniwang mamamayan. Para bagang ibinubukod nila ang kanilang uri sa mga nakabababang kababayan. Tulad rin ng mga Kastila para sa kanila ang mga Pilipinong ito ay nilikha upang sila ay paglingkuran.   Marami sa mga mayayamang Pilipinong ito ang nagkaroon ng pagkakataon na mamuno sa ating bayan, sa gobyerno.       

Ang kakulangan sa kaalaman ng mga mamamayan tungkol sa  mga karapatan ng isang pangkaraniwang Pilipino ay patuloy na pinagsasamantalahan ng marami sa ating mga lider. Kahit na ngayon ay para bang natural ng kaugalian ang kalimutan ang kapakanan ng mamamayan, at habang nasa panunungkulan ay parang tama lamang na sila ay magpayaman.   
Lumala ang pamumunong ganito noong panahon ng Bagong Lipunan na pagkalipas lamang ng ilang taon ay tinawag na “Martial Law.” Nilito ng administrayong iyon ang mga mamamayan. Sa halip na ituro sa taumbayan ang kanilang mga karapatan  ay nilunod sila sa mga kasiyahang tulad ng mga pelikula at mga palabas sa telebisyon. Sa kabila ng mga pang-aaliw na ginawa ay hindi  napansin ng marami sa mga taumbayan ang patuloy na paglimas sa kaban ng bayan. Tuluy-tuloy ang pangungutang  upang makapagpagawa raw ng mga gusali, kalsada at mga tulay. Hindi pa man natatapos ang administrasyong Marcos ay lubog na sa utang ang ating bayan.

Ang minana nating pamamaraan ng pagpapatakbo ng gobyerno sa mga Kastila ay pamamaraan pa rin ng marami sa mga kasalukuyang nanunungkulan. Hanggang sa mga panahong ito ay pinagsasamantalahan  pa rin ang pagsasawalang kibo ng ating mga kababayan. 

Kailan lamang ay nagsumbatan ang dalawang senador sa Senado,  hindi upang  ipagtanggol ang kapakanan ng mamamayan kundi upang makaiwas sa iba’t ibang bintang at mga kahihiyan. Hindi man lamang inisip ng mga  mambabatas na ito na ang kunsumo sa kuryente at iba pa nilang kakailanganin  sa loob ng ilang oras nilang  walang katuturang pagtatalo ay sa ating mga mamamayan kukunin ang pambayad.

“The Sick Man of Asia” ang minsang itinawag sa atin. Maaaring totoo ang panananaw na ito ayaw man nating tanggapin. Ito ay sa kadahilanang marami sa namumuno sa atin ay walang kakayahang manungkulan bilang mga pinuno para sa kapakanan ng mga mamamayan. Marami sa kanila ay nais lamang lituhin tayong mga mamamayan upang maisakatuparan ang kanilang mga itinatagong intensiyon. Dahil  sa kanilang kapabayaan ay napalayo ang nakararaming Pilipino sa mga makabagong kaalaman.

Patuloy na namumuhay ang karamihan sa ating mga kababayan na parang nakalutang ang kinabukasan. Tanging ang ugaling masayahin sa saliw ng mga kwentong katatawanan ay pilit na idinaraos ang araw araw. Walang matatag na pinanghahawakan para sa kanilang patutunguhan. Puro pagbabakasakali na may pag-asa pa para sa kinabukasan. Madalas magdesisyon ng mabilis at mababaw. Kaya naman sa mata ng marami ay mahinang nilalang. Hindi nila batid ang mga pinagdaraanan ng Pilipinong ito sa araw-araw.

Ang lalo pang dumaraming populasyon ng mga Pilipino ay kanya-kanyang gumagawa ng paraan upang kahit na papaano, sa anumang paraan, ay maipagpatuloy ang  natitirang buhay. Bihira ang umaasa sa magagawa ng pamahalaan. Laging nangangarap na  baka sakali ay dumating din ang panahon na ang mga ipinagkait na karunungan at ang mga kaalaman ay kanila rin maranasan na ang mga pagkakataong ganito ay hindi para sa mayayaman lamang. 

Arigato Nippon!

Ni Rey Ian Corpuz

Noong sinalanta ang Visayas region ng bagyong “Yolanda,” lahat ng aking mga kasamahan sa trabaho ay nag-alala. Kumusta raw ang aking mga magulang at kamag-anak? Okay lang ba raw sila? Ang sagot ko naman ay “Okay lang po. Hindi po binagyo ang lugar namin.” Lahat sila ay nag-alala. Lahat ay nahabag sa pinsala na dulot ng bagyo.

Ayon sa mga eksperto ay ito na ang isa sa pinakamalakas na bagyo na tumama sa kasalukuyang panahon. Kaawa-awa ang mga biktima lalung-lalo na ang mga bata na walang kamalay-malay. Mahigit isang linggo akong nagbabasa ng mga balita sa Internet. Naiyak ako sa mga istorya ng mga batang pumanaw dahil sa bagyo. Marahil ay isa na akong tatay kaya hindi ko lubos maisip ang ganoong sitwasyon.

Malaki ang utang na loob ng mga mamamayang Pilipino, unang-una sa CNN, dahil kung hindi sa kanila ay hindi tutugon ang buong mundo. Pagkatapos ng ilang araw na pananalasa ni Yolanda ay nag-ulat kaagad ang kilalang mamamahayag na si Anderson Cooper mula sa Tacloban, Leyte. Kalunus-lunos ang kanyang naging pagsasalarawan sa kanyang nakita at naranasan. Patay na mga katawan kung saan-saan, mga basa, uhaw at gutom na mga tao, mga sugatan at nag-aagaw buhay na mga nakaligtas sa hagupit ni Yolanda -- naging punto sa kanyang pagbabalita ang kawalan mismo ng gobyerno sa lugar at kawalan ng kaayusan.

Naging laganap din umano ang pagnanakaw sa mga tirahan at tindahan. Kung iyong iisipin ay nakakahiya pero nasasabi natin iyon dahil hindi tayo ang nandoon. Ang ugali ng mga Hapon at Pilipino ay iba. Ang kultura ng “jiman” o “pride” at “gaman” o “pagtitiis” ay kakaiba sa bansang Hapon. Ang mga tao ay hindi kailangang magnakaw para maitawid ang sikmura dahil sa “pride.”
           
Sa aking pakikipag-usap sa isang kasamahan hinggil sa nakawan, wala akong ibang nasabi kundi “shikata ga nai” o wala na tayong magagawa. Ito ay dahil sa kabagalan ng aksiyon ng ating pamahalaan: ang lokal na pamahalaan ay nilumpo ng bagyo habang ang Malacañang naman sa kabilang dako ay tila parang natulala at hindi alam kung papano sisimulan ang relief operations.

Aminin na natin na maraming isla sa atin. Kalat-kalat ang mga isla kaya pahirapan ang pagbibigay ng ayuda. Gayon pa man tayo ay dapat magpasalamat sa kabaitan na pinakita ng buong mundo tulad ng Estados Unidos sa pagbibigay ng teknikal na tulong gaya ng pag-airdrop ng mga pagkain at inumin sa mga liblib na barangay at isla. Ang bansang Japan din ay nagpadala ng mga doktor, nars at mga inhinyero upang tulungan ang mga nasalanta.

Ang Embahada ng Pilipinas sa Tokyo ay dinadagsa ng mga donasyong pera, damit, gamot, tubig, mga kagamitang teknikal at iba’t iba pa mula sa lahat ng sektor ng lipunan. Mapa-bata, matanda, mga organisasyong pulitikal, mga pribadong mamamayan, paaralan at mga korporasyon tulad ng mga malls, convenience stores at marami pang iba ang tumulong. Kahit isa-isahin natin sila para ipaabot ang pasasalamat ay hindi natin sila mabibilang.

Sa aking tinuturuang paaralan, ang student council ay naglunsad ng donasyon tuwing umaga sa loob ng isang linggo. Ang mga estudyante ko naman ay nagpakita ng simpatiya at pag-aalala sa akin at sa ating bansa. Tuwang-tuwa ako na kahit walang guro na nag-udyok sa kanila ay nagmalasakit sila sa kanilang makakaya upang mag-ambag-ambagan. Sa kaunting halaga na nalikom ay tiyak na malayo ang mararating ng kanilang ibinigay na pera.

Hanggang ngayon tuloy pa rin ang tulong ng iba’t ibang bansa. Nais ko silang pasalamatan. Sana po ay hindi kayo magsawa sa pagtulong kahit na hindi lingid sa ating kaalaman ang bulok na sistema ng gobyerno sa Pilipinas. Sana ang mga kurakot na opisyal ng gobyerno na lang ang binaha para mawala na ang katiwalian sa ating gobyerno.

At dahil papasok na ang bagong taon, sana nawa’y maging New Year’s resolution ng mga nasa pamahalaan ang pagpapatupad ng mas magandang sistema. Nawa’y matigil na ang kurapsyon. At sa mga botante, pakiusap lang, iboto ninyo po ang mga karapat-dapat. Hindi po sapat ang iilang lata ng sardinas at noodles para ihalal ninyo sila. At sa mga pulitikong ginagamit ang trahedya upang sumikat, sana po itigil na ninyo iyan. Kung magbibigay ng tulong ay huwag na ninyong ilagay ang inyong pangalan o larawan.


Sa mga nagbuwis ng buhay dahil sa pagtulong sa Pilipinas, maraming salamat. Sana po ay maging aral na ito sa ating mga Pilipino. Dapat kayanin na nating tumayo sa ating sariling paa at hindi na dapat aasa pa sa ibang bansa. Dapat din na bantayan natin ang mga perang ibinigay at ibibigay ng ibang bansa. Lahat tayo ay dapat magmatiyag at magmasid. Punahin dapat lahat ng ginagawa ng mga pulitiko upang hindi tayo malusutan. Sana po ay manumbalik na sa normal ang lahat sa lalong madaling panahon. Amen.

Ria Reyes: The Only Pinay Working in Google Japan

Ni Florenda Corpuz


Parami nang parami ang bilang ng mga young Filipino professionals na nagtatrabaho sa mga malalaking foreign at Japanese companies sa Japan. Kadalasan, sila ay nakalinya sa larangan ng information technology, edukasyon at medisina. Angat ang galing ng mga Pilipino kumpara sa ibang dayuhan dahil likas na matalino, maabilidad, madiskarte, matiyaga at mahusay makisama ang mga ito. Isa na rito si Ria Reyes, ang nag-iisang Pilipino na nagtatrabaho sa Google Japan, ang popular na web search engine sa buong mundo.

Dumating sa Japan si Ria, 34, noong Hunyo 2002 upang mag-aral ng Nihongo. Siya ay nagtapos ng kursong B.S. Business Administration sa University of the Philippines-Diliman. Ang orihinal na plano ay isang taon lamang siyang maglalagi sa bansang ito at pagkatapos ay uuwi na ng Pilipinas para ipagpatuloy ang kanyang trabaho bilang Senior Investment Consultant sa Eastwood Cyberpark Corporation/ Megaworld Land, Inc. Ngunit nag-iba ang ihip ng hangin nang kanyang matapos ang pag-aaral ng Japanese language course at subukang maghanap ng trabaho.

Hindi naging madali para kay Ria ang pakikipagsapalaran sa Japan sapagkat nahirapan siyang makahanap ng kumpanya na maaaring mag-isponsor ng kanyang visa lalo pa’t limitado lamang ang kanyang kaalaman sa salitang Hapon. Idagdag pa ang negatibong imahe ng mga Hapon sa mga Pilipino noong mga panahon na iyon. Sa simula ay nakapagtrabaho si Ria sa ilang maliliit na kumpanya sa Tokyo.

Hanggang dumating ang isang magandang oportunidad para kay Ria. Inirekomenda siya ng dating kalabang kumpanya sa Google Japan. At dahil sa kahanga-hangang kwalipikasyon at angking husay, natanggap siya sa tanyag na kumpanya bilang recruiter.

“As part of the staffing team, I am in-charge mainly of the entire hiring process for people (mostly Japanese nationals) who are applying to Google Japan, from initial screening stage until job offer acceptance. I work closely with various sales and marketing teams in our company on hiring the best candidates for Google Japan. Aside from Japan, I also work on some roles to be filled in other APAC countries (Korea, Singapore, China/ Hong Kong),” pahayag ni Ria na mag-aapat na taon nang empleyado ng kumpanya.

“At our company, everyone is smart, well-rounded and open-minded, there is a lot of respect, open communication, collaboration, inspiration and learning everyday. I enjoy working with my colleagues and they have contributed to my professional and personal growth/development,” dagdag pa ni Ria.

Naniniwala si Ria na edukasyon ang susi sa tagumpay ng isang tao. “Proper education will definitely bring you places. Let me say though that it is not the scientific/technical terms we learned, thick books we read, nor Math problems we solved in school, which matter. It is more about the way we dealt with daily challenges and the decisions we made at each and every task that will help determine how we face life as adults.”

Bago naging abala sa kanyang trabaho, naging aktibo muna si Ria Filipino community. Siya ay dating miyembro ng Samahang Pilipino at madalas ay nagho-host sa mga events tulad ng Utawit. Kahit na madalas ay mga dayuhan ang kanyang kasalamuha sa araw-araw ay hindi naman niya nakakalimutan ang kanyang pinagmulan at bilib pa nga sa kanyang mga kapwa Pilipino sa Japan.

“Filipinos in Japan are an epitome of real-life survivors. Given the language barrier, differences in culture and principles, religion, etc. I think Filipinos here in Japan are able to find ways and means to somehow live decently and even support their families back home. I've heard this from so many foreigners, but I agree as well that we are one of the most hardworking people on Earth. And of course, always able to find time to relax and have fun, with or without cost,” saad ni Ria.

Sa tanong sa kung ano sa tingin niya ang kailangan upang maging matagumpay ang isang Pilipino sa Japan tulad niya, ito ang sinabi ni Ria, “Courage, open-mindedness, effective communication skills, pro-activeness and self-motivation no matter what it takes.”

Ayon pa kay Ria, malaking tulong ang pagkakaroon ng kaalaman sa salitang Hapon kung nais mong maging matagumpay sa bansang ito, “My Japanese language skills have certainly helped me in going beyond usual career options for foreigners here in Japan and let me land into the best company to work for.”
           
Isa si Ria sa mga ehemplo na dapat tularan ng mga kabataang Pilipino. Ginamit niya ang ang kanyang sipag at talino upang makapasok sa isang malaking international company tulad ng Google Japan.

“Proper education will definitely bring you places, so please make sure to not waste this opportunity for you to learn as much and start challenging yourself with various tasks at school. Dream big. Aim high. Take real action. It is okay to fail or make mistakes, just keep on learning from those, and make sure you always lift yourself up for improvement. Stay positive,” payo ni Ria sa mga kabataang Pilipino na nangarap at patuloy na nangangarap na mapabuti ang buhay at maging maganda ang kinabukasan tulad niya.


Hindi man naging madali ang mga unang taon ni Ria sa Japan, ngayon naman ay maituturing na siyang isa sa pinakamatagumpay na Pilipino sa "Land of the Rising Sun."

Linggo, Enero 5, 2014

CAB aprubado ang karagdagang biyahe patungong Japan

 Ni Florenda Corpuz

Inaprubahan na ng Civil Aeronautics Board (CAB) kamakailan ang mga aplikasyon na isinumite ng iba’t ibang Philippine carriers para sa mga bagong flight routes patungong Japan.

Nagsumite ng aplikasyon ang Philippine Airlines, PAL Express at Cebu Pacific para makalipad ng 14 na beses kada linggo mula Maynila patungong Haneda ngunit tanging Philippine Airlines lamang ang nakapasa.

Ayon kay CAB Executive Director Carmelo Arcilla, malinaw na sinabi ng pamahalaang Hapon na ang Haneda market ay istriktong para sa corporate at business travel na dahilan kung bakit nadiskwalipika ang mga budget carriers na PAL Express at Cebu Pacific na parehong walang business class service.

Sa kasalukuyan, kontrolado ng Philippine Airlines ang 43%  ng total seat capacity sa pagitan ng Pilipinas at Japan. Ngunit ito’y inaasahang magbabago dahil sa bagong kasunduan na nagkakaloob ng unlimited flights sa pagitan ng mga paliparan maliban sa Manila-Haneda.

Natanggap naman ng Cebu Pacific ang pinakamataas na bilang ng new flight entitlements na inaasahang magpapaangat sa kasalukuyang tatlong porsyentong share nito sa merkado.

Inaasahan ng mga tourism analysts na dodoble ang tourist arrivals mula sa Japan at bababa ang pamasahe dahil sa mga low cost carriers na bibiyahe sa iba’t ibang ruta.
           
Nagdagdag ang Philippine Airlines ng dalawang daily flights sa pagitan ng Maynila at Narita simula noong Oktubre habang ang karagdagang dalawang beses na biyahe mula Maynila patungong Haneda ay inaasahang magsisimula sa Marso 2014.

Gagawin namang araw-araw ng Cebu Pacific ang kanilang biyahe mula Maynila patungong Osaka ngayong Disyembre. Habang ang Manila-Nagoya at Manila-Narita ay magsisimula sa Marso 2014, Manila-Fukuoka sa Abril 2014, Manila-Okinawa sa Mayo 2014, Manila-Hiroshima at Manila-Sapporo naman ay sa Oktubre 2014. Hindi pa inaanunsyo ng kumpanya ang simula ng biyahe ng kanilang Manila-Ibaraki route. Samantala, inaasahan naman magsimula ang Cebu patungong Narita, Osaka, Kansai at Nagoya sa ikaapat na bahagi ng 2014.

Plano naman ng AirAsia Zest na ilunsad ang mga bagong ruta nito sa Japan sa huling buwan ng taon. Habang ang TigerAir Philippines ay hindi pa nagtatakda ng petsa.


Matatandaang naging matagumpay ang ginawang air service talks ng Pilipinas at Japan noong Setyembre kung saan nagkaroon ng bagong air service agreement sa pagitan ng dalawang bansa. 

‘Photo walk for a cause’ isinagawa ng Pinoy photogs sa Japan

Ni Florenda Corpuz



Nagsama-sama ang mga Pilipino at dayuhang litratista mula sa iba’t ibang panig ng Japan para sa isang photo walk for a cause na tinawag nilang “One Shoot, One Meal” na isinagawa sa Ueno Park kamakailan.


Pinangunahan ng Global Pikons Japan, isang grupo ng mga amateur at professional photographers ang charity event na may layong tulungan ang mga napinsala ng lindol sa Bohol at bagyong Yolanda sa Leyte at iba pang lugar sa Kabisayaan. 

Dinaluhan ng mahigit sa 100 photo enthusiasts mula sa Pilipinas, Indonesia, Myanmar, Malaysia, Germany, Amerika, Brazil at Japan na naka-base sa bansa ang photo walk na nagsimula sa Ueno Park patungo sa Sensoji Temple sa Asakusa. Inilaan naman ng ilang hair at makeup artists at modelo ang kanilang serbisyo nang libre.

Nakalikom ang grupo ng halagang ¥364,500 kung saan kanilang ipinadala sa isang grupo sa Pilipinas na nakatalagang mamahala sa donasyon na ibibili naman ng mga gamot at relief goods para sa distribusyon ngayong Pasko.

Ang Global Pikons Japan ay binuo noong 2012 sa pangunguna ni Randy Yonaha ng Ibaraki-ken. Sa kasalukuyan, ito ay may mahigit sa 250 miyembro. Bahagi ito ng mas malaking Global Pikons, isang organisasyon ng mga litratista na may 6,878 na miyembro sa buong mundo.