Sa
pagpasok ng bagong taon, bagong pagkakataon din ang dumating para sa mga
nagbabalak pumasok sa pagnenegosyo, gayon din sa mga nakapag-umpisa o sa mga
matagal nang may negosyo. Ngunit ano nga ba ang mga patok na klase ng negosyo para
sa maraming Pinoy ngayong taon?
Pangunahing
umuusbong ngayon ang M-Commerce, ayon kay Paolo Tibig, advocate at professional
speaker sa pagnenegosyo sa pakikipag-usap nito sa ANC Shop Talk, kung saan ang
transaksyon sa negosyo ay sa Internet gamit ang handheld devices o mobile
phone. Nakatuon ang konsepto nito sa “convenience concept” dahil hindi na kailangan
ang personal na pakikipag-usap sa pagitan ng mamimili at mga negosyante.
Malaking bahagi ng ideya ang populasyon sa bansa, lalo na ang paggamit ng
malaking bahagi ng oras ng mga Pinoy sa social media networks. Isa pang rason
ay ang mas tumataas pa na market share ng iPhone at iPad sa bansa.
Pumangalawa
naman ang “mobile concept” kagaya ng mga food truck o food cart. Pangatlo naman
ang “ATM Everything” kung saan ang mga ATM mismo ang maglalabas ng mga
produkto. Katulad na lang ng Sprinkles Cupcakes sa Beverly Hills na may cupcake
ATM. Maging ang Japan ay hindi rin nagpahuli rito na may ATM na naglalabas ng
mga bulaklak, alahas at sapatos.
Skills-based
at food-related na mga negosyo naman ang pang-apat at pang-lima. Magandang
ideya rin sa negosyo ang gamitin ang sariling pinag-aralan gaya ng engineering
o architecture. At siyempre hindi mawawala ang mga negosyong tungkol sa pagkain
lalo na’t malaking hilig ng mga Pinoy ang kumain.
Dagdag pa nito, malaking pagkukunan ng inspirasyon din
ang ilan sa mga patok na negosyo sa Asya, una na rito ang industriya ng
garments at sinundan ng cosmetics, gadgets, appliances at fashion accessories.
Nariyan
naman ang mas paglago ng food brands sa labas ng mga konseptong ASEAN. May mga
HongKong Café concept, German beer bar, tea salon, Italian restaurants at
French bakeries na franchised brands mula sa Korea. Inaasahan din ang pagdating
ng maraming European fashion brands mu;a sa UK, Netherlands, Spain at France.
Lalo
namang lumalaki ang interes sa healthy eating businesses kung saan isinusulong ng
mga namumuhan ditto ang pagkakaroon ng healthy lifestyle. Halimbawa nito ang
Healthy Café na may franchise sa siyam na estado sa US, Canada, Singapore,
Lebanon, India, Australia, dito sa Pinas at magkakaroon na rin sa Morocco at
Dubai.
Kabilang
din ang mga sumusunod sa mas lumalago pang business trends sa bansa: brain
gain; ASEAN integration sa mga sektor ng edukasyon, information and
communication technologies (ICT), agrikultura at turismo; digital kabataang
Pinoy; young 40’s; podcast at blogging.
Tinatawag
na “brain gain” ang pagbabalik ng mga overseas Filipino workers sa bansa at maging
mga imigranteng Pinoy para rito magsimula ng negosyo pagkatapos makakuha ng
magandang kasanayan sa ibang bansa. Napag-desisyunan na gawing Setyembre ang
pasukan at dito papasok ang mas maraming oportunidad sa edukasyon, ICT,
agrikultura at turismo sa pagpasok ng mga banyaga at mga estudyanteng galing sa
rehiyon.
Habang
mas lalong lumalago ang mga negosyo online, mas tumataas din ang kumpetisyon
kaya’t kinakailangan ng nakakapukaw na online platform gaya na lang ng paggawa
ng sariling show: mobile show, video channel o podcast. Gayon din sa blogging
na kailangang palakihin ang mailing list, may maayos na platform at
story-telling skills.
Dalawang
malaking market naman ang mga digital kabataang Pinoy at young 40’s. Mag-isip
ng negosyo na tumatangkilik sa pagiging digital ng mga kabataang Pinoy at sa klase
ng pamumuhay ng tinatawag na “young 40’s.”
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento