Ni
Florenda Corpuz
Maryjun Takahashi (Kuha mula sa Warner Brothers Japan) |
Napili ang Filipina-Japanese model-actress
na si Maryjun Takahashi na gumanap bilang mangingibig ng pangunahing kontrabida
sa pelikulang “Rurouni Kenshin 2” sa direksyon ni Keishi Otomo.
Gaganap si Takahashi bilang si Yumi
Komagata, ang loyal aide na umibig sa kontrabidang si Shishio Makoto na pinuno
ng grupong Juppongatana. Si Komagata ang siyang nag-uulat ng mga aktibidades ng
grupo na binubuo ng sampung makapangyarihang swordsmen mula sa iba’t ibang
panig ng Japan.
Isa ang papel ni Takahashi sa iba
pang roles na kabilang sa two-part sequel ng “Rurouni Kenshin” live action
film: ang “Rurouni Kenshin: The Great Kyoto Fire” na ipapalabas sa Japan sa
Agosto 1 at “Rurouni Kenshin: The End of a Legend” sa Setyembre 13.
Isinilang si Takahashi noong
Nobyembre 8, 1987 sa Otsu, Shiga sa amang Hapon at inang Pilipina. May dalawa
siyang kapatid, sina Yu na isa ring model-actress at Yuji na isa namang
football player. Lumabas na siya sa sikat na babasahin sa Japan na CanCam Magazine
at ilang tv commercials tulad ng sikat na brand na Cecil McBee, Morinaga at Google.
Nagsimula si Takahashi sa kanyang modelling career noong 2003 matapos manalo sa
beauty contest na “Yokohama Shonan Audition.” Lumabas din siya sa tv drama na “Jun
to Ai.”
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento