Ni
Florenda Corpuz
Pinapatanggal ng Food and Drug
Administration (FDA) sa merkado ang iba’t ibang frozen food products na nagmula
sa Japan upang masigurong hindi na ito maipagbibili sa Pilipinas dahil sa
isyung pangkalusugan.
Sa isang pahayag, sinabi ni FDA
acting director general Kenneth Hartigan Go na hindi rehistrado sa kanila ang
mga nasabing produkto ng Maruha Nichiro Holdings na kamakailan lamang ay
nagpa-recall sa 6.4 milyong pakete ng frozen at processed products matapos
matuklasan na ito ay kontaminado ng malathion pesticide na naging sanhi ng
pagkakasakit ng 556 katao na nakakain nito.
“Only FDA-registered processed
food products imported by FDA-licensed food distributors should be allowed
entry in the country,” pahayag ni Go.
Inalerto rin ng Department of
Health at FDA ang Bureau of Customs (BOC) sa ilegal na pagpasok sa bansa ng mga
nasabing produkto na kinabibilangan ng frozen pizza at croquette upang hindi na
maipagbili sa mga groceries at supermarkets sa bansa.
“The FDA requests the Bureau of
Customs (BOC) to remain vigilant in guarding the Philippine borders against the
illegal entry of unregistered products, including contaminated and substandard
food products,” dagdag ni Go.
Samantala, inaresto naman ng mga
pulis sa Oizumi, Gunma Prefecture, si Toshiki Abe, 49, trabahador ng Maruha
Nichiro Holdings subsidiary ng Aqlifoods Co. sa kanilang planta sa Oizumi. Ayon
sa mga pulis, nagpasok si Abe ng malathion pesticide sa loob ng planta at apat
na beses na nilagyan ang mga produkto sa pagitan ng Oktubre 3 at 7 na mariin
naman na itinanggi ng suspek.
Unang nakatanggap ng reklamo ang
kumpanya noong Nobyembre 13, 2013 nang isang consumer ang magreklamo na amoy
machine oil ang kanyang nabiling produkto.
Base sa Health Ministry ng Japan,
2,843 katao mula sa iba’t ibang prefectures ang naiulat na nagkaroon ng mild
symptoms tulad ng pagsusuka at pagtatae matapos makakain ng mga kontaminadong
produkto.
Ayon naman sa pahayag ng Maruha
Nichiro Holdings Inc. hanggang Marso na lamang sa kumpanya ang presidente nito
na si Toshio Kushiro at ang presidente ng subsidiary nito na Aqlifoods Co. na
si Yutaka Tanabe dahil sa nangyaring iskandalo.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento