Dinagsa ng milyon-mlyong katao ang Pista ng Poong Nazareno kamakailan. (Kuha ni Diey Teodoro) |
Humigit-kumulang sa
siyam na milyong deboto ang dumalo sa prusisyon ng Mahal na Itim na Nazareno
kamakailan bilang paggunita sa kapistahan nito. Bilang natatanging Kristiyanong
bansa sa Asya kung saan 86% ay mga Katoliko, ang kaganapang ito ang itinuturing
na isa sa pinakamalaking pagtitipon ng mga debotong Katoliko sa buong mundo.
Hindi iniinda ng mga deboto, na
nagmumula pa sa iba’t ibang panig ng bansa, ang init ng araw, pakikipagsiksikan,
pagtutulakan, gutom at pagod upang makita at makalapit lamang sa Itim na
Nazareno. Para sa mga milyun-milyong deboto, ang pagsama nila sa prusisyon ang paraan
nila upang ipakita ang kanilang pananampalataya sa Mahal na Nazareno na pinaniniwalaang
nagpapagaling ng mga maysakit at nagbibigay ng himala.
Kahit na tatlong kilometro lamang
ang ruta, na binagtas ang Jones Bridge papuntang Sta. Cruz upang makarating sa
Minor Basilica of the Black Nazarene Church o mas kilala bilang Quiapo Church,
ay inabot ng 19 oras ang prusisyon ngunit hindi pa rin ito ininda ng mga
nagsipagdalo.
Nakasakay ang Mahal na Itim na
Nazareno sa carroza na tinatawag na “andas” kung saan mayroong nakakabit na mga
lubid na 50-metro ang haba at hinihila ng mga “namamasan.” Mayroon din nakatoka
sa paligid ng Poon na siyang pumuprotekta sa mga deboto na nagtatangkang abutin
ang imahen para yakapin.
Naging gawi rin ng mga deboto na
magtapon ng puting tuwalya o panyo sa carroza at pagkatapos ay ipapahid ito sa
mukha ng mga taong nasa paligid nito at saka iiitsa pabalik ang mga hinagis na
tuwalya o panyo. Itinuturing na banal at may hatid na himala ang pagpahid ng
tuwalya o panyo sa mukha ng imahen.
Seguridad sa prusisyon
Dahil isa itong malaking
pagdiriwang, nagpakalat ang Philippine National Police ng humigit-kumulang sa
6,000 pulis para magbantay sa seguridad. Naglagay ng mga CCTV cameras at
nagtalaga ng snipers sa ilang matatas na gusali sakaling magkaroon ng aberya at
kaguluhan. Matatandaan na noong nakaraang taon ay nagkaroon ng banta ng terorismo
bago ang kapistahan mula sa militanteng grupo.
Mas mababa naman ang bilang ng
mga taong nasugatan na nasa 1,403 kumpara noong nakaraang taon nasa 1,410. Ilan
sa mga dumulog sa medical teams na nakatalaga sa ilang lugar saMaynila ay
nagreklamo ng pagkahilo, pagsakit ng ulo. paninikip ng dibdib, pagkapilay at
pagtatamo ng sugat.
Sermon ni Cardinal Tagle
Bago magsimula ang prusisyon,
nagkaroon muna ng misa sa Quirino Grandstand na pinangunahan ni Manila Archbishop
Luis Antonio Cardinal Tagle kung saan kanyang sinabi sa kanyang sermon na pahalagahan
ang pagdadasal at personal na relasyon sa Diyos.
“Huwag tayong mahihiya na
ipahayag sa mundo na mahal natin si Hesus,” ani Tagle.
Hindi rin pinaglabas ng arsobispo
na magpasaring hinggil sa isyu ng pangungurakot sa bansa at ang pakiusap nito
na huwag kalimutang ipagdasal at tulungan ang mga biktima ng iba’t ibang
kalamidad na nanalanta sa bansa.
Iyang corruption ay nakakahiya.
Kaya lang iyong mga nakakahiya ay hindi na ikinakahiya ngayon. Iyong pagnanakaw,
iyong corruption, ay nakakahiya,” dagdag pa ng arsobispo.
“Hindi pwedeng susunod kay Kristo
pero ang laman ng isip ay kwarta o kaya’y dayain ang kapwa,” ani Tagle.
Pag-akap sa Mahal na Itim na Nazareno
Halos 200 taon na ang nakakalipas
simula nang dumating sa Pilipinas ang imahe ng Mahal na Itim na Nazareno mula
sa Mexico. Dinala ito ng mga Augustinian Recollect friars sa bansa noong Mayo
31, 1606 sa pamamagitan ng galleon trade. Ayon sa Simbahang Katolika, noong mga
panahong iyon ay nagkaroon ng sunog sa sinasakyang barko kaya’t naging itim ang
kulay ng imahe.
Simula nang dumating sa bansa ay
parami ng parami ang naging mga deboto nito dahil sa mga himalang ibinibigay ng
Mahal na Itim na Nazareno na unang inilagay sa Recollect Church sa Luneta Park
noong 1606.
Noong 1787 ipinag-utos ni Manila
Archbishop Basilio Sancho de Santas Junta y Rufina na ilagay ito sa Quiapo Church
na hindi nasira kahit na ilang beses tinupok ng sunog ang naturang simbahan at
pambobomba sa bansa noong World War II.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento