Lunes, Pebrero 3, 2014

Ang bumababang populasyon ng Japan

Ni Rey Ian Corpuz

Ayon sa ulat na nailathala sa mga pahayagan, ang populasyon ng Japan noong 2013 ay bumaba ng 244,000 katao. Umabot ng 1,275,000 katao ang namatay habang 1,031,000 na sanggol ang ipinanganak. Halos taun-taon ay mas marami ang namamatay kumpara sa mga ipinapanganak. ‘Di hamak na talagang mas marami ang mga matatanda sa Japan.

Mga Dahilan ng Pagkaunti ng Populasyon ng Japan

  1. Pagiging career-oriented ng mga Hapon. Sa pangkaraniwan, ang mga Hapon na may stable career ay nag-aasawa mula edad 30 hanggang 35 pataas. At kalaunan, may mga babae na marahil nahihirapan nang magbuntis sa ganitong edad. May mga kilala akong mga Hapon na gusto muna nilang umangat ang kanilang karera bago sila mag-asawa.
Ang iba naman ay gusto muna na magpundar ng mga ari-arian tulad ng lupa at bahay bago ito magpakasal. Kaya kahit stable sila sa kanilang trabaho at matiwasay ang pamumuhay nila, at dahil halos 40 na sila noong sila’y nag-asawa ay nahihirapan na silang magkaroon ng anak.

  1. Kakulangan ng mga day-care lalo na sa Tokyo area. Dahil siksikan at mataas ang bilang ng tao sa Tokyo, hindi sapat ang bilang ng mga day-care centers sa Tokyo at sa iba pang malalaking siyudad. Ang resulta, karamihan ng mga gustong mag-anak na nagtatrabaho ay napipilitang ipagpaliban muna ang pagkakaroon ng anak hangga’t may pwedeng mag-alaga. Kung sapat lamang ang mga day-care centers sa Japan marahil maraming mga mag-asawa ang ma-eenganyong mag-anak nang higit sa isa o dalawa.

  1.  Mahirap bumalik sa kasalukuyang trabaho. Ito ang karaniwang himutok ng mga kababaihan sa mga kumpanya. Sa Japan, bihira ang mga pribadong kumpanya ang may re-integration system na kung saan ay pwedeng bumalik ang babaeng manganganak pagkatapos ng ilang buwan o taon. Karamihan ng mga nanay na nanganganak na hindi nakakahanap ng day-care o kamag-anak na magbabantay ay napipilitang huminto sa pagtatrabaho. Ang mga kilala kong babaeng guro sa pampublikong paaralan ay pwedeng kunin ang ganitong klaseng leave of absence o ang pagliban sa trabaho ng isang taon.

4. Gastos. Alam natin na magastos talaga rito sa Japan. Ang panganganak sa isang ospital ay nagkakahalaga ng mula ¥500,000 hanggang isang milyon depende sa klase ng ospital at sa paraan ng panganganak. Hindi kagaya sa Pilipinas na kahit kumadrona o midwife lang ay pwede nang manganak. Dito sa Japan ay ibang-iba. Kailangan mong magpa-reserve sa isang ospital at magbayad ng ganyang halaga. Nare-refund naman ang halaga na ibabayad mo pero nasa ¥100,000 o mahigit pa rin ang panganganak dito. Sa mga Hapon na gustong mabigyan ng mabuting kinabukasan ang kanilang mga anak, tulad ng pagpapaaral sa kanila hanggang senior high school, kolehiyo o sa isang unibersidad, marahil ang gastos sa pagpapaaral ang iniisip nila kaya ang isang anak ay sapat na para sa kanila na tustusan.

5. Gustong maging Malaya at walang responsibilidad. May mga nag-aasawang Hapon na gusto ng habambuhay na kalayaan at iwas sa maraming responsibilidad. Ayaw nilang magkaanak dahil ayaw nilang magbantay ng bata. Ayaw nilang magkaanak dahil gusto nilang gumala parati at maging malaya. At marami pang ibang dahilan. Ang ganitong pag-uugali ay nakaugat sa kanilang nakagisnang kultura at pamumuhay. Magmasid kayo at may mga mag-asawang Hapon ang ganito.

Agarang Solusyon


Papasukin ang mga “gaijin” na gustong mamuhay at magkaroon ng pamilya rito sa Japan. Kagaya ng ginagawa ng Canada, Australia, New Zealand at UK, ang immigration ay ang dahilan kung bakit napapanatili ng mga bansang ito ang kanilang kaunlaran. Sa ngayon, mahirap pa rin pumasok dito upang magtrabaho. Umaabot ng dalawa hanggang tatlong buwan bago lumalabas ang papeles (Certificate of Eligibility) mula sa immigration at kailangan mo pang maghanap ng kumpanya na mag-iisponsor ng iyong visa. Sana ay tuluyan nang maging bukas ang bansang Hapon sa pagpapapasok ng mga dayuhang gustong magtrabaho at magkaroon ng pamilya rito.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento