Martes, Pebrero 25, 2014

Tatlong taon matapos ang 3/11

Cesar V. Santoyo

Tatlong taon makalipas na yugyugin ang lupa at umapaw ang tsunami ay nagbago ang kapaligiran ng mga lungsod sa baybaying dagat ng rehiyon ng Tohoku. Kasama rin sa binago ng kalamidad ng 3.11 ay ang buhay ng ating  mga kababayan. Mayroong mula sa mas mabuti tungo sa hindi masyado at mga nagpanibagong takbo ng trabaho at pananaw sa buhay.

Pagkaraan na maka-alpas para hindi malamon ng tsunami at sa pakiramdam na siya ay binigyan ng pangalawang buhay, nakita ni Marivel Gunji ng Kesennuma, Miyagi-ken na dapat masuklian ang pagkakaroon niya ng pangalawang buhay. Ang masayang paninilbihan sa mga matatanda bilang caregiver na sa ngayon ay nasa dalawang taon na sa serbisyo ang kanyang nakitang paraan ng pasasalamat sa kanyang pagkakaligtas mula sa imbi ng kamatayan sa tsunami at sa bagong buhay.

Sa Iwaki-shi, Fukushima-ken naman ay lumangoy rin para makaligtas sa tsunami ang buong pamilya ni Jocelyn Abe kasama ang biyenan na babae at anak na nagsimula rin ng panibagong pamumuhay. Dahilan sa pangangailangan na mag-aral ng English ang mga bata sa komunidad at sa madalas na pakiusap ng mga kapit-bahay ay ginampanan ni Jocelyn ang pagiging English teacher na sa ngayon siya ay naging popular na guro na.

Sa paghagupit ng bagyong Yolanda o Haiyan sa Pilipinas ay nadama ng marami sa mga biktima ng trahedya ng 3/11 ang kakaibang pakiramdam. Ito ay nang sila ay magsagawa ng “bokin” o pangangalap ng tulong pinansyal sa mga lansangan ng Tohoku para matulungan ang mga biktima ni Yolanda. Nararamdaman nila ang hirap ng mga nagsitulong sa kanila noong sila naman ang nasa gipit na kalagayan. Naging patag ang mga puso ng marami sa mga nag-bokin na kahit papaano ay nasuklian nila ang mga nagsitulong sa kanila noong sila ang nasa panahon ng daluyong.

Balik na sa normal ang kalagayan ng ating mga kababayan sa Tohoku at balik rin sa dating gawi bago ang trahedya ng 3/11. Mula sa panahon ng pangangailangan na magkatulungan ang bawat isa dahil sa trahedyang 3/11 ay balik na sa normal ang ating mga kababayan sa nakagawian na walang pakialam sa pagtulong sa kapwa at ang mga nakakamatay sa stress na siraan at tsismisan. Kaya marahil ay hindi pa tumitigil ang pagpapaalala ng lupa sa kanyang tuwinang paglindol para gisingin pa rin ang lahat na magbago tungo sa magandang pakikipagtulungan sa kapwa at sa mas magandang pananaw sa buhay.

Hindi pa rin ligtas ang bansa sa mga sakuna. Naglabas ng babala ang pamahalaan ng Japan kamakailan lamang at nagpahayag ng malakihang plano ng evacuation sa posibleng pagsabog muli ng Mt. Fuji na isang bulkan na ilang daang taon nang hindi aktibo. Ayon sa mga siyentipiko ay maaaring nagiging aktibong bulkan na ang Mt. Fuji na may kaugnayan sa malalakas na paglindol.

Kailangang ilikas ang mga mamayan sa Shizouka, Yamanashi at Kanagawa kung sakaling ang mga lava ng bulkan ay aagos papunta sa mababang lugar. Aabot hanggang Tokyo at Chiba ang ibubugang abo at ititigil pansamantala ang lahat ng mga gawain sa malaking lupain ng Japan bilang babala ng mga siyentipiko at mga opisyal ng pamahalaan ng bansa.

Noong nakaraang taon naman at magpasahanggang ngayon ay ang mga babala ng malaking paglindol na maaaring lumpuhin ang buong Metropolitan Tokyo. Ang babala ay nakabatay rin sa naging karanasan sa malaking lindol sa Tokyo sa mga unang dekada ng 1900. Walang tigil ang mga pahayagan, radyo, telebisyon at mga sibikong organisasyon sa palagian na maging handa sa mga inaasahan na darating na mga sakuna.

“Man-made disaster” sa ating kabuhayan din na maituturing ang darating na pagpapataw ng 8% consumption tax sa lahat ng serbisyo at bilihin simula sa Abril, 2014. Halimbawa ang ¥1000 na bayad para sa 10 minuto na pagupit ng buhok na sa kasalukuyan ay magiging ¥1080 o ¥80 na patong sa bawat isang libong yen sa lahat na bayarin. Tataas rin ang bayad sa telepono, kuryente, tubig,  at iba pa. Lahat ng gastusin ng buong pamilya ay tataas subalit walang pagtaas sa suweldo. Ang mas mahirap pa ang karamihan sa ating mga kababayan ay walang pirmihan na trabaho.

Kailangan na maging maingat at handa sina Maria at ang iilan na mga Juan ng sambayanang Pilipinas na nakatira sa Japan. Imbes sa nakagawian na mga pintasan, siraan at tsismisan ay nararapat na ilagay sa isip at sa salita na kailangan nating maging handa sa mga nakaambang matitinding dagok ng kalikasan.

Hindi biro ang mga ginagawang pagbabala ng pamahalaan at mga grupong sibiko sa pagbibigay ng disaster preparedness para makapaghanda sa mas malalaking disaster na hindi dapat ipagsawalang bahala. Sa loob ng bawat babala ay may mga kinakailangan na impormasyon na dapat alamin at pag-aralan ng bawat mamamayan kasama ang mga dayuhang migrante.

Subalit ang karamihan sa ating mga kababayan ay parang ayaw makilahok at ang mga organisasyon sa komunidad naman ay mas inaatupag pa ang mga pasikatan na aktibidad, mga entertainment ng artista at iba pa. Gumagawa ng sariling mundo ang marami sa ating mga kababayan at sa kabila nito, ang kawalan ng kooperasyon sa panawagan na makiisa sa paghahanda sa disaster ay parang nasa disaster na rin mismo ang komunidad sa sinasapit na bigat ng stress sa hindi magandang pakikitungo sa iba ng ilan sa ating kapwa kababayan.

Sa paggunita sa ika-tatlong taon ng trahedyang 3/11 ay taimtim nating ipagdasal ang mga kaluluwa ng mga nasawi at buhayin ang loob ng mga nakaligtas. May mga babala sa pagdating ng mas matinding sakuna at ang paghahanda natin bilang mga dayuhang migrante ay mariin na ipinapanawagan. Alalahanin natin ang nangyari pagkatapos ng 3/11 na sana ay pagkuhanan ng aral-karanasan at mula rito ay ihanda ang sarili na makiisa at makipagtulungan sa lahat ng mga panawagan at pagsasanay sa mga disaster na maaaring darating at maging sa pangkabuhayan na pakikipagtulungan.


Walang komento:

Mag-post ng isang Komento