Ni Len Armea
Kuha ni Mandy Mangubat |
Buhay na buhay ngayon ang
libo-libong fans ng Barangay Ginebra, ang pinakapopular na basketball team sa
Philippine Basketball Association (PBA), dahil nangunguna sa team standings ang
kanilang paboritong team na may kartadang 10-2, as of press time, sa PLDT MyDSL
Philippine Cup.
Malaking rason sa magandang
ipinapakita ngayon ng koponan ang kanilang dalawang bagong manlalaro na sina Japeth
Aguilar at Greg Slaughter na ngayo’y tinaguriang “Twin Towers” ng Ginebra.
Matagal na panahon na ang
nakalipas simula nang magkaroong muli ng twin towers ang Ginebra matapos ng
tambalang Marlou Aquino at EJ Feihl na malaki ang naiambag sa paghahatid sa
koponan ng ilang kampeonato dahil sa kanilang malakas na presensiya sa frontline.
Ngayon, lalong lumakas ang depensa ng Ginebra sa katauhan nina Japeth at Greg dahil
bukod sa mas madali silang nakakakuha ng rebounds ay nakakapuntos din ang
dalawa.
Sa katunayan, sa laro ng Ginebra
laban sa Barako Bulls nag-ambag ang dalawa ng kabuuang puntos na 27, 25
rebounds, 8 assists, 4 steals at 6 blocks na isa sa mga naging dahilan sa
pagkapanalo ng kanilang koponan sa iskor na 90-83.
Hirap na hirap ngayon ang ilang
koponan sa PBA kung paano makakalusot sa dalawang higante ng Ginebra lalo na
kung nasa front court ang dalawa. Ani nga ni Asi Taulava na naglalaro ngayon
para sa Air 21 Express sa isang panayam, kapag magkasama ang dalawa sa court ay
hindi na nito alam kung sino kina Japeth at Greg ang kanyang babantayan.
Japeth Aguilar: Making Brave Decisions
Anak ng dating PBA player na si
Peter Aguilar, maraming malalaking desisyon ang ginawa ng 6-foot-10 na si Japeth
sa kanyang basketball career bago mapunta sa Ginebra. Naglaro si Japeth sa
University Athletic Association of the Philippines (UAAP) sa koponan ng Ateneo
Blue Eagles noong 2003 ngunit makaraan ang dalawang seasons ay lumipad ito sa
Estados Unidos. Ito ay para maglaro sa Western Kentucky University Hilltoppers sa
Division I ng National Collegiate Athletic Association (NCAA) sa Estados Unidos,
isang hakbang para sa pagptupad ng pangarap na makasali sa National Basketball
Association (NBA).
Bumalik ng bansa si Japeth at naglaro
para sa Powerade Team Pilipinas na kumatawan sa bansa sa 2009 FIBA Asia
Championship for Men sa Tianjin, China. Pagkatapos ay sumali sa PBA Rookie
Draft ang 26-taong-gulang na manlalaro at naging number 1 draft pick ng Burger
King Whoppers dahil sa husay na ipinakita nito.
Noong 2012, lumipad muli si Japeth
sa Estados Unidos upang subukan na makapasok sa NBA. Sumali si Japeth sa open tryouts
ng NBA Developmental League at isa siya sa 20 sa 80 manlalaro na nakuha.
Si Japeth ang kauna-unahang Pinoy
na na-draft sa NBA Developmental League, 13th overall pick sa
ikapitong round ng Santa Cruz Warriors na affiliated sa Golden State Warriors.
Hindi man pinalad na mapapirma ng kontrata sa huli, hindi nawalan ng pag-asa si
Japeth at bumalik sa Pinas para maglaro sa Ginebra.
Sa dalawang laro ng Ginebra laban
sa Talk ‘N Text Tropang Texters at Meralco Bolts ay si Japeth ang nagpanalo sa laro
kung saan nakapuntos ito mula sa three-point lane sa huling segundo ng laro.
Nagpapatunay ito na hindi
mangingimi si Japeth na gumawa ng malaking desisyon na kaya niyang pagtagumpayan
sa huli.
Greg Slaughter: The Rookie Star
Lumaki sa Estados Unidos, bumalik
ng Pilipinas ang pamilya ng 6-foot-11 na rookie star ng Ginebra na si Greg
Slaughter noong 2007. Nag-aral at naglaro si Greg sa University of the Visayas simula 2007
hanggang 2009 at dahil sa galing at katangkaran ay hindi ito nakaligtas sa mga
mata ng talent scouts.
Matapos ang dalawang taong
paglalaro sa Cebu, napasama si Greg sa Ateneo Blue Eagles kung saan isa siya sa
mga susi sa dalawang UAAP championships ng Ateneo para makuha ng koponan ang
five-peat.
Si Greg ang napiling number 1
draft pick noong PBA Rookie Draft 2013 matapos siyang piliin ng Ginebra dahil
sa husay na ipinakita nito noong tryouts. Hindi naman binigo ni Greg ang pamunuan,
coaching staff at fans ng Ginebra dahil sa mahigpit na depensa na kanyang
ipinapakita sa laro bukod pa sa kontribusyon nito sa opensa.
Sa laban ng Ginebra sa Meralco
Bolts, naitala ni Greg ang 14 puntos, 15 rebounds, 4 blocks at 2 steals. Sa
isang panayam kay Greg, sinabi nito na masaya siyang maging bahagi ng Ginebra
at maging kalahati ng tinaguriang twin towers ng koponan.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento