Linggo, Pebrero 2, 2014

A Former Pinoy Expatriate in Japan Looks Back

Ni Florenda Corpuz

Atty. Reo S. Andarino
Para sa mga Pinoy expatriates at OFWs na nawalay sa bansang sinilangan at sa pamilyang minamahal, hindi madali ang makipagsapalaran sa ibang bansa. May mga ilan man tayong mga nababalitang istorya ng pagmamalupit at karahasan, marami rin naman kwento ay katuparan ng kanilang mga pangarap. Isa na rito si Atty. Reo S. Andarino, dating Overseas Representative to Japan ng Landbank, bitbit sa kanyang pagbabalik-bayan ang mga magaganda at hindi malilimutang karanasan sa “Land of the Rising Sun.”

Ano ang iyong naging buhay sa Pilipinas pagkatapos ng iyong overseas assignment sa Japan?

Ang pag-uwi ko ay bunga ng aking matagal nang kahilingan sa opisina para sana makalipat ako sa aming Legal Department. Pero sadya yatang nakadikit na ang career ko sa international fund transfers - kaya ang nangyari, na-appoint akong Head ng Overseas Remittance Marketing and Support Department.

Nahirapan ka bang mag-adjust?

Hindi naman. Kung iisipin, ang nabago lang naman sa buhay ko ay ang lugar. Ganoon pa rin naman halos ang trabaho ko – lumawak lang ang sakop. At dahil ginusto ko talaga ang umuwi, wala akong hilahil na bitbit. Kaya ayun, wala masyadong adjustment.

Kung ikaw ay magkakaroon ng pagkakataon, handa ka bang iwan ang Pilipinas at magtrabahong muli sa Japan?

Hindi na siguro. Aaminin ko, maganda ang naging buhay ko sa Japan, at gusto ko rin sanang bitbitin ang mga nararanasan ko roon dito sa Pilipinas. Pero nandoon na kasi ako sa estado ng buhay ko na ang pinakamahalaga ay kung ano talaga ang ninanais ng puso ko.

Ano ang nami-miss mo sa Japan?

Marami. Nami-miss ko ang magising ng alas-siyete ng umaga pero umaabot pa rin sa opisina ng alas-nuwebe dahil walang problema sa transportasyon. Nami-miss ko ang halos linggu-linggong kantahan, sayawan at pagba-bonding ng FilCom at ng mga naging kaibigan ko. Miss ko na rin ang napakaraming napakagandang subjects para sa photoshoots. Namimiss ko iyong mga napakasayang mga bus tours, ang mamili ng kung anu-ano sa flea markets at maghanap ng sale sa Ueno. At higit sa lahat, nami-miss ko na ang amoy ng lapad! Hahaha!

Ano sa kulturang Hapon ang iyong na-adapt at ini-apply sa pananatili sa Pilipinas?

Ang pahalagahan ang oras. Nasanay na akong dumating nang mas maaga sa takdang oras. Iyun nga lang, lagi naman akong naghihintay.

Kapag nami-miss mo ang buhay-Japan, paano mo ito iniibsan?

Ang maganda ngayon, pinaliit na ng Internet ang mundo. Hanggang ngayon, ‘di ko pa rin lubusang nararamdaman na nawala na ako ng tuluyan sa Japan dahil halos lahat naman ng mga kaganapan nakikita ko pa rin online. Pero kapag talagang medyo senti na ako, pumupunta ako sa isang  Japanese restaurant at natutuwa na ako sa sabay-sabay na pagbati ng “irasshaimase!” Nanonood din ako minsan ng Japanese shows sa cable, kahit na wala pa rin akong maintindihan.

Sa mga lugar sa Japan, ano ang iyong nais balikan?

Kapag may pagkataon, sigurado akong babalikan ko iyong mga lugar na normal na dinaraanan ko dati – iyong mga lugar na tinirhan ko, iyong Roppongi, iyong ikot ng Yamanote Line, iyong mga park (at sana panahon ng sakura). Pero actually, mas marami akong gustong puntahan sa unang pagkakataon. Una na riyan ang Mt. Fuji, pero ‘di na sa malayong tanaw o hanggang station 5, kundi sa tuktok sana. Isa ito sa mga frustrations ko. Naunahan tuloy ako ni Labatt Cliff Paragua. Haha!

Sa ilang taong pananatili sa Japan, ano ang mga bagay na mahirap nang alisin sa iyong sistema?

Hindi ko alam kung mayroon ba talaga akong na-absorb na distinct characteristic ng mga Hapon. Ang alam ko lang, marami akong kinaiinggitang mga pag-uugali na hinahangad kong makita at manatili sa aking sarili at sa mga Pilipino. Isa na riyan ang disiplina – mula sa pagpila, sa maayos na daloy ng trapiko, sa pag-segregate at ‘di pagkakalat ng basura, sa pagiging magalang lalo na sa matatanda at paghahangad ng katahimikan sa magkakapitbahay. Pinipilit ko, sa pang-araw-araw na lakad ng buhay, na kahit papano ay magawa ko ang mga natutuhan ko sa Japan.

Ano naman ang nami-miss mo sa mga kababayang Pilipino sa Japan?

Iyong pagiging matulungin nila, lalo na sa mga bagong salta. Naramdaman ko ‘yan noong bagong dating ako sa Japan. Marami ang nagmagandang-loob sa akin. Nariyan iyong mga nagpatira habang wala pa akong makitang bahay, may mga tumulong magbuhat/maglipat ng gamit, may mga nag-donate ng gamit sa bahay na nakilala lang sa supermarket, may mga nagiging instant interpreter kapag may kausap na hindi marunong mag-English at may mga naging nurse kapag nagkasakit.

Sa iyong palagay, paano mas magiging united ang mga Pilipino sa Japan?

Halos lahat naman ng Pilipino iisa ang hangarin kung bakit nagpunta ng Japan – ang matupad ang pinapangarap na magandang buhay. Ang hangaring ito ang dapat magbuklod sa mga Pilipino, ito ang dapat na magtulak para sila magtulungan at magbigayan ng suporta. Iyon nga lang, may mga pagkakataon na kapwa Pilipino pa ang dahilan ng pagbagsak o pagkasira ng kapwa Pilipino. Sana mawala na ang ganoon.

Ano ang mensahe na nais mong ipaabot sa mga Pilipino na nakadaupang-palad at naging kaibigan mo sa Japan?

Sa kanilang lahat, gusto ko lang ipaalala na nandito lang naman ako sa Pilipinas at sigurado akong babalik at babalik din sila rito. Sana magkaroon kami uli ng pagkakataong magkita-kita at dugtungan ang bonding na ginawa namin sa Japan. Kahit walang pasalubong, okay lang iyon! Haha

Sa pangkalahatan, paano mo ilalarawan ang iyong karanasan sa Japan at paano nito nabago ang iyong buhay?


Nagkaroon ako ng maraming magagandang karanasan sa Japan – mula sa personal hanggang sa propesyonal na aspeto. Para akong nagkaroon ng isang napakagandang adventure, kung saan mayroong masaya at mayroon din malungkot na bahagi. Ang lahat ng mga karanasang iyon ay bahagi na ng buhay ko at buong buhay kong babalik-balikan ang mga alalang iyon. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento