Lunes, Marso 31, 2014

Libreng wi-fi sa Osaka patok sa mga turista

Ni Florenda Corpuz


Kuha ni Din Eugenio
OSAKA, Japan – Patok sa mga lokal at dayuhang turista ang libreng wi-fi connections sa lugar na inilunsad ng Osaka Government Tourism Bureau kamakailan.

Ang programa na tinawag na “Osaka Free Wi-Fi” ay may dalawang libreng wi-fi connections na maaaring gamitin ng publiko gamit ang smart phone, tablet o computer: ang “Osaka Free Wi-Fi” at “Osaka Free Wi-Fi Lite.” Layon ng programa na makapagbigay ng impormasyon sa mga turista tungkol sa lugar at maibahagi ito online.

Ito ang kauna-unahang city-wide free wi-fi service na inilunsad sa bansa kasunod ng survey na isinagawa ng Japan National Tourism Organization kung saan ang kawalan ng maayos, mabilis at libreng Internet access ang nangungunang reklamo ng mga turista.

Sa kasalukuyan, maaaring gamitin ang serbisyo sa 163 access points kabilang na ang Nankai, Kintetsu at Keihan railways, pangunahing tourist attractions at mga hotels, shops at restaurants sa buong Osaka. Magiging 8,000 access points ito sa darating na Disyembre.

Maaaring gamitin ang libreng wi-fi services sa pamamagitan ng pagbibigay ng user ng valid email address. Sa Osaka Free Wi-Fi, libreng 30 minutong Internet access ang makukuha nang kahit ilang beses sa isang araw. Habang ang Osaka Free Wi-Fi Lite naman ay may 15 minuto hanggang sa 1 oras na libreng Internet access bawat araw.

Ayon sa tala ng Osaka Government Tourism Bureau, umabot sa 2.03 milyong dayuhan ang bumisita sa Osaka noong 2012 at inaasahang tataas pa ito ngayong 2014 at sa mga susunod na taon.


Huwebes, Marso 27, 2014

Ang kahalagahan ng sports

Ni Al Eugenio

Ilan sa atin ang pinapayagan ng ating mga magulang na makipaglaro sa labas ng  ating tahanan noong tayo ay mga bata pa? Maaaring kung sa probinsiya  tayo  lumaki  at malawak ang ating mga ginagalawan, marahil ay natural lamang na tayo ay pinapayagan. Subalit kung tayo naman ay nagsipaglaki sa siyudad, maraming bagay ang ipinag-aalala ng ating mga magulang kaya’t hindi  tayo pinapabayaan makipaglaro sa labas ng ating tahanan. Isa sa mga dahilan ay ang kanilang pag-aalala na baka tayo ay ma-impluwensyahan ng mga elemento  na makakasama sa ating buhay.

Habang tayo ay lumalaki ay mabilis namang nawawala ang mga lugar na mapaglalaruan ng mga kabataan sa mga siyudad dahil na rin sa kakulangan ng kaalaman  ng marami sa ating mga namumuno na gawan ng kaayusan ang ating kapaligiran. 

Dahil na rin sa mga maling pananaw, naging dahilan  ito  na  mabago ang  proseso ng paglaki ng marami sa ating mga kabataan. Nawala ang mga laro na ating kinagisnan  tulad ng patintero, tumbang preso at piko. Napalitan ang lahat ng ito nang magsulputan ang mga video games na nilalaro kahit na mag-isa habang nakaupo o nakahiga pa kung minsan sa loob ng bahay. Dahil sa mga makabagong larong tulad nito, maraming karanasan ang nawawala sa ating mga kabataan habang sila ay lumalaki. Isa na rito ang pakikihalubilo sa kapwa. 

Sa pakikipaglaro natin sa labas ng ating bahay ay natututuhan natin ang iba’t ibang ugali na mayroon ang mga tao. Mayroon  sa kanila ang  madaling maging kaibigan,   mga batang matulungin, mga batang hindi nagsasawang magturo sa atin ng maraming bagay na hindi pa natin alam. Mayroon din namang mga kalarong ayaw tumanggap ng pagkatalo kahit na sila ay mandaya pa ay ipinipilit pa rin na sila ang tama. Sa mura pa lamang nating edad ay nagkakaroon na tayo ng pagkakataon na maranasan ang iba’t ibang  ugali ng  tao na maaari nating makasalamuha sa ating paglaki.

Dito sa Japan, dahil sa halos subsob sa paghahanap-buhay ang mga magulang, ang mga paaralan ay mayroong sistema na binibigyan ng pagkakataon ang mga mag-aaral na makisali sa iba’t ibang  uri ng sports. Maaaring pumili ang isang bata ng gusto niyang salihang laro at maaaring sumali sa isang sports club kahit na siya ay wala pang kaalaman tungkol dito.

Tutulungan siya ng club na matutuhan ang lahat ng kaalaman upang siya ay humusay sa napili niyang laro. Kasabay nito ay mararanasan din niya ang makipagkaibigan at makipag-ugnayan  sa  iba niyang mga kalaro. Ang mga karanasang ganito ay tutulong sa isang mag-aaral na matutuhan ang iba’t ibang paraan ng  pakikisama at pakikipagkapwa kahit na wala sa tabi ang mga magulang nito.

Mula sa mga sports club na tulad nito ay maraming magagaling na manlalaro ang napipili upang maglaro sa malalaking koponan. Tulad nang napapanood natin sa Olympics, kilala sa buong mundo ang mga manlalaro mula Japan. Marami na sa kanila ang naglalaro ng baseball sa Major Leagues pati na rin sa mga sikat na soccer teams.

Marami sa ating mga manlalaro ang hirap maipakita ang kanilang mga kakayahan at husay sa larangan ng palakasan dahil sa kulang o halos walang  suporta mula sa ating pamahalaan.

Maaaring mayroong nagsasabi na ang sports ay walang  maitutulong  para sa kaunlaran ng bayan. Ngunit napapagkaisa nito ang mga mamamayan saan man sulok ng mundo lalo na’t may mga nagwawagi tayong mga atleta tulad ni Manny Pacquiao.

Ang ating pagkakaisa ang kinakailangan upang tunay na maiayos ang ating pamumuhay lalo pa at patuloy na lumolobo  ang  ating papulasyon. Kung magkakaroon lamang ng sapat na lugar ng palaruan para sa mga kabataan sa ating mga bayan,   maaaring magkaroon ng ibang pagtutuunan ng pansin ang ating mga kabataan upang mapalayo sila sa masasamang bisyo tulad ng droga.   

Huwag naman sanang mga basketball court lamang ang ipinatatayo ng mga nanunungkulan. Magkaroon din sana ng mga tennis, badminton, volleyball courts,  baseball   at  soccer fields na libre para sa kanilang mga nasasakupan. Hindi lamang sana mga kalalakihan lamang ang makapaglalaro kung hindi pati na rin ang mga kababaihan. Kailangan din ang mga parke na maaaring pasyalan ng mga magkakapitbahay na mayroon ding lugar na mapaglalaruan ng maliliit pang mga kabataan. Kasama ang  kanilang mga magulang, pagkakataon na rin na magkakilala ang magkakapitbahay. 

Makatutulong din kung magkakaroon ng mga programa sa radyo at telebisyon na nagbibigay kaalaman tungkol sa iba’t ibang uri ng mga sports. Suporta mula sa ating pamahalaan upang mailapit ang ating mga kababayan sa kahalagahan ng sports sa lipunan.

Ikinagulat  ng buong mundo na mula sa isang bansa na wala namang snow ay nagkaroon ang Pilipinas ng isang figure skater sa kakatapos pa lamang na Winter Olympics sa Sochi, Russia. Mas lalo pang bumuhos ang simpatya ng marami ng  malaman na walang  tulong na ibinigay ang  ating pamahalaan para sa manlalarong ito.   


Dahil dito ay marami ang gumawa ng paraan upang makalikom ng tulong para maipagpatuloy ni Michael Christian Martinez ang kanyang  pangarap na makapagbigay ng karangalan para sa Pilipinas. Bagamat pang-labing siyam na pwesto lamang ang kanyang naabot, para sa bawat Pilipino, si Michael ay isang bayani. 

Pagtaas ng sales tax at epekto sa mga Pilipino sa Japan

Ni Rey Ian Corpuz

Parati nating nakikita sa telebisyon at maging sa mga social networking sites ang balita hinggil sa pagtaas ng sales tax ng Japan. Ang dating 5% buwis sa lahat ng mga na-prosesong bilihin ay magiging 8% sa darating na Abril at magiging 10% pagpasok ng Oktubre 2015.

Dahil sa pagtaas ng halaga ng yen, lalong bumababa ang mga angkat na produkto galing ibang bansa. Dahil sa kaganapang ito, tayo rito sa Japan ay nakakaranas ng deflation o ang pagmumura ng mga bilihin na kung saan hindi rin nakakabuti sa ekonomiya sa pangkalahatan. At dahil mataas ang sahod dito, halos lahat ng angkat na bagay mula damit, electronics at kahit mga kagamitan sa bahay ay kaya nating bilhin. Lahat ay dapat balanse ayon sa ekonomiyang pangkalahatan.

Ang sobrang mahal at mura ay nakakasama rin sa ekonomiya. Dahil dito ay tataas ang sales tax sa lahat ng na-proseso na produkto para makalikom ang bansang Hapon ng pera upang igugugol sa social services ng gobyerno. Ito ay upang palakasin at patatatagin ang serbisyong medikal para sa mga pensionado, mga bata hanggang junior high school at mga iba pang serbisyo na nauukol sa kalusugan at welfare.

Sa ngayon, karamihan ng mga tindahan sa Japan ay nagpapaskil na ng mga anunsyo na tataas ang sales tax mula lima hanggang walong porsiyento. Ang ilan naman ay nagpapaskil na ng presyo kahit wala pang patong na buwis. Marahil ay gusto nilang i-kundisyon ang utak ng mga tao para hindi mabigla. Sa ating mga karaniwang tao na namumuhay sa Japan, ano kaya ang magiging epekto ng mga ito?

Kung ikukumpara natin ito sa ibang bansa, ang sales tax ng Japan ay mababa pa pero marami tayong kinakaharap na mga bayarin dito.

Ang pagtaas ng sales tax ay pabigat sa ating mga ordinaryong Pilipino rito sa Japan dahil marami tayong mga binabayaran. Ilan sa mga ito ay:

1. Ang upa sa bahay ay mahal at ang renewal kada dalawang taon ay pahirap sa pagtaas ng sales/consumption tax.

2. Ang taun-taong citizen’s tax at ang National Health Insurance na ating binabayaran ay mahal.

3. Ayon kay Prime Minister Abe, tataasan daw ang sahod ng mga manggagawa upang maibsan ang pagtaas ng sales/consumption tax pero ang mga dayuhang mangggagawa ba ay tataasan din? At gaano ba ito kataas kung ikukumpara sa mga ordinaryong Hapong manggagawa?

4. Bilang isang OFW tayo ay nagpapadala ng pera sa ating pamilya sa Pilipinas. Pahirap ito dahil makukunan ang budget natin at bababa ang ating padala.

5. Kapag tumaas ang sales tax, marahil ang gasolina, kuryente at tubig din na ginagamit nating lahat ay tataas ang presyo.

Papaano kaya natin lalabanan ang pagtaas ng mga ito? May mga iilan akong mungkahing paraan.

  1. Para maibsan ang gastos, kailangang magtipid. Bumili lang ng naaayon sa kakainin at gagamitin. Kung mas mura naman kung maramihan kagaya ng bigas, bumili na ng 30 kilo kaysa sa sa tig-10 kilo. Sa tingin ko mas mura ito at ang kalidad ng bigas dito sa Japan ay hindi naman basta-basta nasisira.

  1. Kung may mga end of season sale ay marahil makakatipid ka kung doon ka bibili. Bawasan na ang fashion sa katawan. Hindi na praktikal ngayon ang masyadong magarbo. Bumili ng hindi masyadong kilalang brand ngunit kasing ganda naman nito. Ang pagdadamit ay nasa tao at wala sa brand o presyo nito.

  1. Kung kayo ay gumagamit ng bath tub kagaya ng mga Hapon, mas matipid siguro kung mag-shower na lang. Ang paggamit din ng bath tub ay aksaya din sa gas dahil gas ang gamit para painitin ito.

  1. I-recycle ang mga tirang pagkain. Huwag itapon kaagad gaya ng mga ginagawa ng mga Hapon. Ang tirang pritong isda ay pwede pang i-sarsyado.

  1. Bawasan ang pagkain sa labas. Mas mainam na magluto na lang sa bahay. Bonding time din ng pamilya sa halip na gumastos sa labas.

  1. Mag-arkila na lang ng mga DVD o manood ng libreng videos sa Internet sa halip na manood ng sine o mag-subscribe sa mga online movies.

  1. Gumamit ng Internet o mga IP-Phone applications gaya ng Yahoo, Skype, LINE at Viber kung gustong tumawag sa Pilipinas. Huwag nang gumamit ng telephone cards dahil mahal ito. Kung nasa Japan naman, ito na rin ang gamitin pati kung magpadala ng mensahe sa e-mail o text message.


Kaya ihanda na ninyo ang inyong mga budget at tataas na ang mga bilihin. Hindi natin ito matatakasan pero pwede natin itong maibsan kung tayo ay magiging masinop at magaling sa pag-budget ng ating mga gastusin sa bahay. 

Kuwaresma: Panahon ng Pagtitika

 Ni Elvie Okabe, DBA/MAE

Napapansin ba natin na kapag nasa dayuhang bansa tayo, lalo na rito sa Japan na Budismo ang pangunahing relihiyon, at abala sa trabaho ay malamang nakakalimot na tayo na pangalagaan hindi lang ang ating katawan kundi higit sa lahat ay ang ating kaluluwa o espiritu? 

May kasabihan nga sa English na “the spirit is willing but the flesh is weak” dahil kahit man karamihan sa atin ay gustong magsimba tuwing Lingo o araw ng pangilin ay hindi na ito nagagawa pa. 

Kaya naman at upang maging matagumpay sa ating buhay, karamihan sa atin ay sa umpisa pa lang ng taon ay mayroon ng listahan ng kanilang New Year’s resolution tuwing Enero, pagdating ng Chinese New Year ay nakikisali rin sa mga sinasabi sa Feng Shui.

Heto na at panahon na naman ng Kuwaresma o Lent at kailangan na naman natin usisaiin ang ating sarili kung saan na ba tayo sa mga pagbabago sa ating buhay. Dapat ay palagi tayong mulat sa pagbabago sa ating kalooban at siguraduhing matatag ang ating pananampalataya sa Diyos.

Kaya naman ang Kuwaresma o Lent ay ang 40 araw na pagsisisi at pagtitika o pagbabago ng kalooban at pagtalikod sa kasalanan bago ang Pasko ng Pagkabuhay. Ito’y nagsisimula sa Ash Wednesday (marso 5, 2014) at nagtatapos ng Holy Saturday (Abril 19, 2014).

Panahon na upang pagnilayan natin na ang ating mortal (may kamatayan) na katawan ay may immortal (walang kamatayan hanggang sa kabilang buhay) na kaluluwa o espiritu. 

Oo nga at dahil sa ating mga pangarap sa buhay para sa ating sarili at sa pamilya ay todo kayod tayo.  Ngunit kailangan din ng balanse sa ating buhay dahil may mga pangaral ang Diyos sa atin (bato-bato sa langit tinamaan tayong lahat).

“Sinasabi ko sa inyo, ang Espiritu ang gawin ninyong patnubay sa inyong buhay at hindi kayo magiging alipin ng hilig ng laman.  Sapagkat ang mga nasa ng laman ay laban sa kalooban ng Espiritu, at ang kalooban ng Espiritu ay laban sa mga nasa ng laman.

“Laging naglalaban ang dalawang ito kaya't hindi ninyo magawa ang nais ninyong gawin. Kung pinapatnubayan kayo ng Espiritu, wala na kayo sa ilalim ng Kautusan.  Hindi maikakaila ang mga hilig ng laman: pakikiapid, kahalayan at kalaswaan; pagsamba sa diyus-diyosan, pangkukulam, pagkapoot sa isa't isa, pag-aaway-away, pagseselos, pagkakagalit at kasakiman, pagkakampi-kampi at pagkakabaha-bahagi, pagkainggit, paglalasing, kalayawan, at iba pang katulad nito.

“Muli ko kayong binabalaan: ang gumagawa ng mga ito ay hindi magkakaroon ng bahagi sa kaharian ng Diyos. Subalit ang bunga ng Espiritu ay pag-ibig, kagalakan, kapayapaan, katiyagaan, kabaitan, kabutihan, katapatan, kahinahunan, at pagpipigil sa sarili. Huwag na tayong maging palalo, huwag na nating galitin ang isa't isa, at huwag na rin tayong mag-inggitan.” (Gal. 5:16-26)

Nawa’y tayo ay maging mapagkumbaba, mapagpasalamat, mapagmahal, mapagpatawad sa sarili at sa iba, magiliwin, makuntento, at hindi matakaw o ganid sa lahat ng bagay sa aming pang-araw-araw na buhay upang sa pagsapit ng Pasko ng Pagkabuhay o Easter ay tunay na buhay ang aming katawan at kaluluwa.  Amen. 


Paninindigan at istilong Pinoy sa paggunita sa 3/11

Ni Cesar Santoyo 



Ginunita ngayon buwan ng Marso ang ika-tatlong taon ng paglindol at tsunami na sumira sa Hilagang-Silangang baybayin ng karagatan ng Japan na naging sanhi ng pangalawang pinakamalaking insidenteng nuclear sa kasaysayan. Kahit ilang beses pang ulit-ulitin ang bilang ng mga nasawi, nanatili ang latay ng bilang na 19,000 ang mga namatay at hindi pa natatagpuan dahil sa lindol at tsunami at mahigit rin sa 300,000 ang mga lumikas mula sa 20 kilometro evacuation zone sa paligid ng Fukushima Daiichi nuclear power plant. Sa mga nagsilikas, 140,000 ay hindi pa nakatangap ng wastong kabayaran, marami ay puwersadong manirahan sa temporary shelter at mahigit sa 1,600 na ang mga namatay sa mga kadahilanan na may kaugnayan sa relokasyon.

Ang mga evacuees mula sa Chernobyl ay umigsi ang haba ng buhay mula 65 anyos pababa sa 58 anyos dahil sa depresyon, alak at pagpapakamatay at ang matinding stress sa sapilitan relokasyon na may kahawig na epekto sa mga nawalan ng tahanan at sakahan sa Fukushima.

Sa kasalukuyan ay maraming mga nakakalat na temporary housing sa buong rehiyon ng Tohoku. Sa Iitate City ng Fukushima, 39 na kilometro ang layo sa Fukushima Daiichi nuclear plant, ay matatagpuan ang Iitatemura temporary housing na kung saan ay may 90 pamilya na kinabibilangan ng 147 katao. Katamtaman sa mga nakatira rito ay 65 anyos, may nag-iisang batang high-school at ang mag-iisangdaan taon gulang ang pinakamatanda pagsapit ng buwan ng Abril.

Ang lugar na ito ang pinili ng ating mga kababayan na naninirahan sa Fukushima para handugan ng mga lutuing Pinoy, mga pagtatanghal at ang ultimong layuinin: bigyan ng kahit sandaling saya ang mga naninirahan sa Iitatemura temporary shelter bilang paraan at istilong Pinoy sa paggunita sa ika-tatlong taon ng trahedyang 3/11. Ginanap ito sa public hall ng naturang temporary shelter noong Marso 9, 2014.

Ayon kay Myrna Nasiluan-Ishikawa, isa rin na dating naninirahan sa Iitate City na ngayon ay hindi matirahan dahil sa taas ng nuclear radiation, “pumunta kami rito sa Iitate temporary shelter para pasayahin ang mga matatanda na nawalan ng bahay (at sakahan dahil sa nuclear radiation) kaya nandito sila ngayon na sa Japanese kung tawagin ay kasetsujutaku o temporary shelter. Naghanda ang grupo ni Myrna ng Philippine food at intermission number.

Sa nasabing okasyon ay nagpahayag ang Congressional Deputy ng Fukushima City na si Komatsu Yoshiyuki na sinusuportahan niya ang inisyatiba ng mga Filipino sapagkat mabuti pa raw ang mga Pinoy na nangangalaga at palaging naaalala ang mga nasa evacuation center kumpara sa iba na walang pakialam.

Ang grupo ng mga Filipino sa Fukushima City na kabilang sa Hawak-Kamay Fukushima ay nagluto ng nilagang baka, lumpiang toge at onigiri. Nagbigay ng mga awitin at mga palaro sa mga matatanda para patawanin, pakantahin, pasayawin at pasiyahin kahit sa dalawang oras lamang na magkalpiling ang lahat para sa kakaibang paggunita ng trahedyang 3/11.

Paliwanag ni Kaye Goto, Pinay na naninirahan sa Fukushima City sa mahigit na 20 taon at Tohoku Program Manager ng Center for Japanese-Filipino Families (CJFF), “ginagawa namin ang ganitong pagtitipon makaraan ang dalawang taon para sa mga nakatira sa temporary housing dahil nakikita namin sa kanila ang buhay namin bilang dayuhan dito sa Fukushima na dahil sa nangyaring napakalaking kalamidad dito ay naramdaman namin na napabayaan kaming mga dayuhang migranteng Pilipino. Pero kahit naging ganun pa man ay hindi kami nagdalawang-isip para tumulong ditto.

Dagdag pa ni Myrna, ginagawa po namin ito kasi ang sarap ng pakiramdam na napasasaya mo ang mga tao, mga nalulungkot, nakatira sa maliit na lugar, na nai-istress na sila sa sitwasyon nila na hanggang ngayon hindi pa malaman kung makakabalik pa sila sa lugar na iniwanan nila.

Sa kabilang dako naman ng Tohoku at sa pag-obserba sa buwan ng kababaihan, ang mga iba’t ibang komunidad at samahan ng mga Pinoy sa Iwate, Miyagi at Fukushima ay naghahanda para sa pagtatatag ng kanilang ugnayan na kinakailangan na harapin pa ang ibang usapin maliban sa pagbangon sa disaster. Nais ng Sagip-Tohoku sa pamumuno ni Marialara Kikuchi na palawakin at patatagin pa ang kanilang pagkakaisa bilang mga kababaihang dayuhan sa Japan.

Ang kadahilanan sa pagpapalawig ng layunin ng samahan ay hawak ng mga kababaihan ang kalahati ng buhay ng buong sanlibutan. Sa talino at lakas bilang babae nakarugtong ang pusod ng mga kabataan na pagasa ng maaliwalas na kinabukasan. Ang dayuhang kababaihan sa Japan ay ang mga nagkakalinga sa mga matatanda, mga guro ng iba-ibang wika, mga kamay para sa pagkain ng lahat, tagalinis ng mga suotin at mga gusali, responsibleng serbisyo sa mga pang-gabi na establisimiyento, haligi ng buhay ng mga pamilya sa lupang sinilangan, at higit sa lahat ay ang taas-noo bilang ina ng magkahating lahi na mga anak na aktibong bahagi bilang etnikong grupo sa lipunan ng bansa.

Bilang mga kababaihang dayuhan sa Japan ay sinisikap nila na maging kabahagi ng lipunan na may patas na responsibilidad, karapatan at kagalingan. Aktibong kalahok rin ang mga dayuhang kababaihan sa mga gawaing panlipunan, sosyo-sibikong simulain, at maging sa mga selebrasyon ng mga kultura. At sa kabila ng partisipasyon sa bansa ay pinananatili ang pagmamahal at paninilbihan sa pinagmulang inang bayan Pilipinas.

Sa natatanging karakter, kalagayan at relasyon sa pagitan ng bansang tinitirahan at sa lupang sinilangan ay buo ang pagnanais ng mga kasapi ng samahan na ihayag ang natatanging uri bilang dayuhan kababaihan sa Japan. Dahil sa paniniwala na may lakas sa pagkakaisa, magdaraos ng kauna-unahang asembliya ang mga samahang pinoy sa Tohoku sa darating na Marso 29-30, 2014 sa Akiu, Sendai, Miyagi-ken para itinatag ang Liga ng mga Dayuhang Kababaihan sa Japan at pagtibayin ng mga alituntunin ng kanilang Saligang Batas.

Martes, Marso 25, 2014

Fujimi property sa Tokyo, iprinoklamang national historical landmark

Ni Florenda Corpuz

Ambassador Manuel Lopez and NHCP Chair Maria Serena Diokno unveil the historical marker at the property’s entrance, assisted by (L-R) Philippine-Japan Society President Francis Laurel, former Ambassador Jose Macario Laurel IV and former National Historical Commission of the Philippines Chairman Ambeth Ocampo.

TOKYO, Japan – Pormal nang iprinoklama ang official residence ng Philippine ambassador sa Japan bilang kauna-unahan at nag-iisang national historical landmark sa labas ng Pilipinas.

Ayon sa NHCP Guidelines on the Identification, Classification, and Recognition of Historic Sites and Structures in the Philippines, ang isang National Historical Landmark ay “site or structure closely associated with a significant historical event, achievement, characteristic, turning point or stage in Philippine history.”

Sa isang seremonya na ginanap sa Fujimi, Chiyoda-ku noong Marso 3, ipinakita ang historical marker kung saan nakasaad ang mga katagang “Ipinahayag bilang pambansang palatandaang pangkasaysayan sa bisa ng resolusyon blg. 1 ng pambansang komisyong pangkasaysayan ng Pilipinas. 11 Marso 2013.”

Nanguna sa seremonya sina Philippine Ambassador to Japan Manuel M. Lopez at National Historical Commission of the Philippines (NHCP) Chair Dr. Maria Serena I. Diokno at sinaksihan ng mga opisyal ng Embahada at Japanese Foreign Ministry. Dumalo rin sa pagtitipon sina dating NHCP Chair Dr. Ambeth R. Ocampo at ilang miyembro ng pamilya Laurel sa pangunguna nina Philippines-Japan Society, Inc. President and Director Francis C. Laurel at dating Philippine Ambassador to Brazil Jose Macario Laurel IV.

“This is a historic and momentous occasion that honors the history and national patrimony of the Philippines,” pahayag ni Lopez.

Matatagpuan sa loob ng 4,500-square meter na pag-aari ng Tokugawa Shogunate, ang Iberian-style residence ay unang itinayo noong 1934 ng pamilya ng kilalang negosyante na si Baron Zenjiro Yasuda, ang great-grandfather ni Yoko Ono na maybahay ng yumaong Beatles member na si John Lennon.

Ito ay binili ni dating pangulo Jose P. Laurel para sa pamahalaan ng Pilipinas noong Marso 31, 1944.

Sa kasalukuyan, ang Kudan na siya rin tawag sa residence dahil sa lokasyon nito na malapit sa Kudanzaka hilltop, ay nagsisilbi bilang tahanan ng ambassador at sentro ng diplomasya at promosyon ng kultura ng Pilipinas.


 “Kudan is the crown jewel of the Philippine Foreign Service, and we should preserve this important part of our diplomatic legacy and heritage,” dagdag ni Lopez.

Silkworm farmers sa Negros nakatanggap ng tulong mula sa Japan

Kuha mula sa Embahada ng Japan website
Nakatanggap ng sericulture tools at ilang pang kagamitan ang mga magsasaka sa Bago City, Negros Occidental matapos ang ceremonial turnover na dinaluhan nina Japanese Embassy First Secretary Ryutaro Aoki at Negros Occidental Governor Alfredo Marañon kamakailan.

Ang proyekto, “Support for Sericulture Tools and Weaving Machines in Negros Sericulture Project” ay nagkakahalaga ng ¥2.568 milyon na pinondohan sa ilalim ng Grant Assistance for Japanese NGO Projects.

Nakapaloob sa proyektong ito ang pamimigay ng karagdagang 1,500 sericulture tools at tatlong weaving machines upang magamit ng mga magsasaka at mga kababaihang mananahi sa Negros sa paggawa ng silk at silk products. Ang mga kagamitang ito ay mula sa Japanese farmers at Japanese weaving company kung saan naatasan ang Organization for Industrial, Spiritual and Cultural Advancement (OISCA) International para ipamigay ang mga ito.

Ang OISCA ay isang Japanese nongovernment organization na naglulunsad ng mga development projects sa iba’t ibang bansa kabilang na ang Pilipinas.

Kilala ang Negros Occidental sa paggawa ng asukal kaya’t maraming pamilya ang nakadepende ang pamumuhay sa produksyon nito. Noong 1980s ay hindi naging matatag ang bentahan ng asukal kaya’t nagpasya ang OISCA na ipakilala sa bayan ng Murcia ang mulberry plantation project para makatulong na maiangat ang pamumuhay ng mga residente nito.

Nagpatayo ang OISCA, sa tulong ng Japan NGO Assistance Program, ng silk reeling center, Bago Sericulture Center, na may cocoon dryer at mga makina. Mula sa pagiging exporter ng dried cocoons sa Japan, ang naturang center ay nakakagawa ng tone-toneladang silk kada taon at sa pagdadagdag ng Silkworm Breeding station ay nakakagawa na rin ang mga magsasaka ng silk cloths na tinatahi mula sa silk yarns.


Ngayon, mayroon ng limang sangay ang Bago Sericulture Center sa limang bayan sa Negros kung saan 95% ng silk production ng bansa ay mula rito. Inaasahan na sa pamamagitan ng proyekto ay lalo pa itong makakatulong sa pag-angat sa pamumuhay ng mga silkworm farmers sa Negros.

Lunes, Marso 10, 2014

Julia, bagong prinsesa ng Dos?

Julia Barreto (Kuha mula sa Mira Bella FB page)

Sa nakatakdang pag-ere ng kanyang unang soap opera’ng pinagbibidahan na “Mira Bella” sa susunod na buwan, hindi maitago ni Julia Barretto ang kanyang excitement.

“Siyempre, masaya ako pero may halong nerbyos,” aniya. “Parang halu-halo na ang emosyong aking nadarama na hindi naman siguro nakakapagtaka dahil isa itong malaking proyekto. Biruin mo, ang mga ka-bituin ko rito ay sina Enrique (Gil) at Sam (Concepcion) na malalaking pangalan na sa showbiz. Nagpapasalamat ako sa ABS-CBN sa tiwalang ipinagkaloob nila at dalangin ko’y suportahan ito ng balana!”

Sa kabila ng magandang itinatakbo ng kanyang career, alam ng teen star na merong ilang hinahaluan ito ng ibang kulay.

“Oo naman! Meron talagang mga taong hindi magiging masaya para sa ‘yo at hihilahin kang pababa. Aaminin kong sa simula, grabe akong naapektuhan ng lahat ng mga negatibong kritisismo na ibinabato sa akin gaya ng kaya raw ako nabibigyan ng big break eh dahil sa isa akong Barretto. Hindi iyon madaling harapin.

“Una na riyan ang ‘di maiiwasang paghahalintulad sa aking ina (Marjorie Barretto) at mga tiyahin (Gretchen at Claudine Barretto) na maraming taon na ang itinagal sa industriya. May mga pagkakataong umiiyak talaga ako. Hindi mo naman kasi maaaring sabihin o ipaliwanag sa bawat taong makakasalubong mo na meron ka rin namang talentong maipagmamalaki at hindi mo kailangang dumepende nang sobra sa kanilang pangalan.

“Buti na lang at sa kalaunan, ginawa ko itong motivation upang mas pagbutihin ang aking career para sa katuparan ng aking mga pangarap. Nalampasan ko rin ang mga pagsubok!”
Ngayon pa lang ay isinasabong na siya kina Kathryn Bernardo at Julia Montes na kapwa itinuturing na prinsesa ng Kapamilya network.

“Alam ko ‘yon! Pero para sa akin, kapag ikinumpara ka o inilaban sa iba, makaka-distract lang ‘yon sa focus mo. Kaya ako, hindi ko ‘yon binibigyang-pansin! Malayu-layo na ang narating nina Kathryn at Julia sa industriyang ito samantalang nagsisimula pa lang tayo. Sinasabi ko na lang sa aking sarili na nadito ako para magtrabaho at tuparin ang aking mga pangarap. Wala sa bokabularyo ko ang makipag-kumpitensya!”

Determinado si Julia na magtagumpay sa mundong ninais kabilangan.

“Pangarap kong mag-bida sa marami pang soap opera sa hinaharap. Gayundin sa pelikula. Dream-come-true sa akin ‘pag nakagawa ako ng movie kasama si Gov. Vilma Santos-Recto. Siya kasi ang aking pinaka-idolo, eh. Sa mga lalaki naman, wish ko pong makatambal sa hinaharap sila John Lloyd Cruz, Piolo Pascual at Gabby Concepcion. Paniguradong marami akong matututunan sa kanila, ‘di ba?”

Itinuturing siyang isa sa may pinakamagandang mukha sa hanay ng mga bagong artistang babae. Sa katunyan nga’y laging nangunguna ang kanyang pangalan kapag may mga survey na isinasagawa sa mga batang aktor kung sino ang kanilang hinahangaan sa lupon ng mga batang aktres.


“Well, thank you! Pero hindi ko ‘yon inilalagay sa aking utak. Wala pa kasi sa akin ang mga love-love na ‘yan, eh! Bata pa ako. Katulad nga po ng aking sinabi kanina, nakatuon ang aking atensyon sa aking career. Marami pa akong dapat matutunan sa industriyang ito,” pagtatapos na ni Julia.

“Rhodora X”: Thought-provoking Drama on Split Personality

Jennylyn Mercado
GMA Network once again proves its versatility and unparalleled innovativeness with its new series titled “Rhodora X.” The project showcases an edgy theme never been tackled on Philippine TV, that of living with someone who has Dissociative Identity Disorder (DID).

The compelling, highly-stimulating and thought-provoking drama is expected to captivate the hearts of avid viewers as it challenges us to review how deeply we know our loved ones. It is an invitation so difficult to refuse as it ushers us to discover the nuances of our own personal relationships. The show features Jennylyn Mercado, Mark Anthony Fernandez, Mark Herras and Yasmien Kurdi.

Jennylyn takes on a new and challenging role as Rhodora/Roxanne. Rhodora, as a young girl, experienced extreme physical and emotional abuse when she was abducted and taken away from her family. This experience eventually led her to develop another personality inside of her. When she was saved and gets reunited with her family, her Dissociative Identity Disorder (more commonly known as split personality) starts to manifest. Rhodora’s alter ego, Roxanne starts to emerge. Roxanne is a confident and smart woman but also scheming and manipulative. She hates her sister Angela so much to the point that she will do everything to get what Angela has – the affection of their mother and Angela’s love, Joaquin.

Meanwhile, Yasmien plays the role of Angela. She blames herself for Rhodora’s kidnapping. But when Rhodora finally gets reunited with them, Angela becomes all the more happy and content because her family is once again complete and she is also set to marry Joaquin.

However, everything changes when Angela was framed and put to jail. When she sees an opportunity to escape, she ends up in an ancestral house where she will later find out that it was Rhodora who framed her. She did not know that it was really Rhodora’s alter ego Roxanne who did it. Although she went back to prison, she vows revenge against Rhodora.

Playing the leading men in the series are Mark Herras and Mark Anthony Fernandez.
Mark Herras plays the role of Joaquin, Angela’s fiancé. He is shocked when Angela allegedly kills his secretary out of jealousy. Thus, their wedding is cancelled. It is only Rhodora who is there for him in this trying time and because of her presence, he falls for Rhodora and marries her. Little does Joaquin know that Rhodora has a split personality and that her alter ego Roxanne is the one who framed-up Angela.

On the other hand, Mark Anthony’s character is Nico. He owns the ancestral home Angela ends up in. He feels for Angela since he also has a grudge against Joaquin’s family and eventually falls in love with her. When Angela is finally free, he is the one who will help get her life back on track and both of them plan revenge against Rhodora and Joaquin.

Will Rhodora overcome her illness or will Roxanne, her alter ego, take over? Will Rhodora still be loved and accepted by her family in spite of her DID? Will she and Angela be able to forgive each other?
Directed by Albert Langitan, “Rhodora X” also stars Gardo Versoza as Derick, the doting father of Rhodora and Angela; Glydel Mercado as Lourdes, the loving and affectionate mother of Rhodora and Angela; Irma Adlawan as Dr. Vivian, the doctor who diagnosed Rhodora’s illness; Lollie Mara as Donya Cita, the owner of a big shipyard company and grandmother of Joaquin; Frank Magalona as Santi, the cousin and best friend of Joaquin; Vaness del Moral as Pia, the cousin of Angela and Rhodora, and is also Angela’s best friend; and with the special participation of Ms. Boots Anson-Roa as Panchang, the grandmother of Rhodora and Angela and the one who has doubts about Rhodora’s return.

Find out how this intriguing story of “Rhodora X” unfolds on GMA Pinoy TV!


Caloy Loyzaga: The greatest Filipino basketball player

Caloy Loyzaga
Marami mang dumating na magagaling na basketball players sa Philippine Basketball Association (PBA), mangingibabaw at mangingibabaw pa rin ang pangalan ni Caloy Loyzaga na itinuturing na pinakamagaling na Pilipinong manlalaro sa larangan ng basketball.

Pinangunahan niya ang koponan ng Pilipinas na lumaban sa FIBA World Championship noong 1954 na nanalo ng bronze medal at tanging Asyanong manlalaro na napasama sa Mythical Five. Bukod pa rito ang pagdadala ng karangalan sa Pilipinas nang manalo ng apat na magkakasunod ng gold medal sa Asian Games noong 1951, 1954, 1958 at 1962.

Kaya kamakailan lamang ay pinarangalan si Loyzaga, na kilala sa moniker na “The Big Difference,” ng Lifetime Achievement Award sa Philippine Sportswriters Association (PSA) Awards Night.

Kahit na na-stroke ito at nahihirapang lumakad at magsalita, pinilit nito na umakyat sa entablado upang personal na tanggapin ang award kung saan ang lahat ng nagsipagdalo ay tumayo bilang respeto sa itinuturing na basketball legend ng bansa.

Ipinahatid niya ang kanyang mensahe sa pamamagitan ng kanyang anak at kilalang aktres na si Bing Loyzaga na nagsabing para sa kanyang ama ang pagmamahal sa laro at sa bansa ang pinakaimportante sa lahat.

“If there’s something my dad would like to impart to our present basketball players, it is this: Play not for the fame and glory, not for money, but for the love of the game,” pahayag ni Bing na siya ngayong nag-aalaga sa kanyang 83-taong-gulang na sikat na ama.

“And for those lucky enough to be honored a spot on the national team, your love for country must surpass even your love of the sport.”

A basketball legend

Tulad ng maraming kabataan at sikat na ngayon na basketball players, bata pa lamang ay mahilig nang maglaro ng basketball si Loyzaga sa Tervalac court kung saan din siya nadiskubre ng kanyang basketball coach na si Gabby Fajardo. Naglaro at naging star player ang 6’3 na si Loyzaga ng San Beda Lions na nakopa ang pinakaprestihiyosong Zamora Trophy noong 1951, 1952 at 1955 sa National Collegiate Athletic Association (NCAA).

Naglaro din siya para sa Pratra at Prisco na naging kampeonato sa National Open noong 1950 at 1954. Naglaro rin ito sa YCO Painters noong 1954 sa Manila Industrial and Commercial Athletic Association (MICAA) na dating katumbas ng PBA.

Sa kanyang pamamalagi bilang star player ng YCO ay ipinanalo niya ang koponan ng 49 na sunud-sunod na panalo mula 1954 hanggang 1956 na nagbigay din sa koponan ng ilang kampeonato.

Bago pa man nakilala si Robert Jaworksi bilang isang playing coach, nauna na sa kanya si Loyzaga. Noong 1960’s ay naging coach at manlalaro rin ito ng YCO kung saan naging MICAA chanmpions din siya. Nagdesisyong magretiro si Loyzaga noong 1964 matapos ang sunud-sunod na injuries.

Matapos ng kanyang karera, hindi nawala sa kanya ang pagmamahal sa laro dahil patuloy pa rin ito sa panonood at pagsuporta sa mga bagong manlalaro kabilang na sa kanyang dalawang anak na sina Chito at Joey na parehong naglaro sa PBA noong 1980’s.

Noong panahon ni Loyzaga, hindi maitatanggi na sa kanyang husay at galing ay kinilala ang bansa sa larangan ng basketball at ito ang dahilan kung bakit nakaukit na sa kasaysayan ng Philippine sport ang pangalan ng The Big Difference.

“We hope his contributions in Philippine sports will influence and inspire young athletes in their respective field of sports,” pahayag ni Bing.


Linggo, Marso 9, 2014

Microsoft ipinakilala na ang bagong CEO


Microsoft CEO Satya Nadella
“Our industry does not respect tradition – it only respects innovation.” Ito ang makahulugang sinabi ng bago at pangatlong chief executive officer (CEO) ng Microsoft na si Satya Nadella. Patuloy pa nito, “The opportunity ahead for Microsoft is vast, but to seize it, we must move faster, focus and continue to transform. I see a big part of my job as accelerating our ability to bring innovative products to our customers more quickly.”

Isang napakalaking hamon ngayon ang nag-aantay kay Nadela, isang 22-taong beterano sa Microsoft. Bagaman nagmula sa Microsoft ang Microsoft Windows operating system at Microsoft Office suite na isang productivity software, sa ngayon ay iba na ang naghahari sa industriya na minsang dominado ng Microsoft.

Nariyan ang mga dati at mga bagong mahihigpit na karibal ng Microsoft, gaya ng Google, Apple, Amazon, HP, Salesforce, Oracle, IBM, Samsung, Lenovo, at maging ang Facebook.
Dominante ang Google dahil sa Android na siyang nangungunang smartphone at tablet operating system. Maliban dito, nariyan ang mas paboritong search engine na Google. Tila haring kampante naman sa kanilang trono ang Apple pagdating sa smartphone market. May Amazon Web Services naman ang Amazon, na may kumpletong pangkat ng cloud computing services: compute/networking, storage, database, application services, at deployment/management.

Bagaman ang Oracle ay pangalawa lamang sa Microsoft pagdating sa “software making,” hindi naman sila maungusan ng Microsoft sa database management systems nito. At ang Apple, Samsung, at Lenovo na kumukuha ng malalaking market share sa smartphone at table market.

Ayon sa maraming eksperto, kinakailangang magkaroon ng magandang presensiya ang Microsoft sa Cloud Services o Cloud Computing ( a variety of computing concepts involving a large number of computers connected through a real-time communication network such as the Internet). Narito sa industriyang ito ang pag-asa ng Microsoft para maging makabuluhan muli sa industriya ng teknolohiya. At isa itong malinaw na dahilan ng pagkakapili kay Nadella bilang bagong CEO. Napakahalaga rin na magkaroon ng pagbabago sa board of directors ng Microsoft, lalo na’t karamihan sa mga miyembro nito ay hindi eksperto sa sektor ng teknolohiya.

Dating Cloud and Enterprise EVP at server and tools president si Nadella at pinakamalaking kredito nito ang pamumuno niya sa paglaki ng $20 bilyon sa taunang kita ng server and tools division, ganoon din sa malaking paglago ng cloud computing services, kabilang na ang mga produktong Xbox, Bing at Microsoft Office. Mananatili namang technology advisor si Bill Gates sa kumpanya.

Ipinanganak at lumaki sa Hyderabad, India si Nadella na 46-taong gulang. Nagtapos ng bachelor’s degree sa electrical engineering sa Mangalore University, India; master’s degree sa computer science mula sa University of Wisconsin, Milwaukee; at master’s degree sa business administration sa University of Chicago. Naging bahagi siya ng Microsoft noong 1992 habang tinatapos ang isang master’s degree. Mahilig si Nadella sa panulaan at sa cricket na kinalakihan niyang klase ng sports.

Naniniwala siya na iisa ang layunin ng mga empleyado ng Microsoft, ito ay para baguhin ang mundo sa pamamagitan ng teknolohiya para mabigyang kapangyarihan ang lahat na gumawa ng mga pambihirang bagay. Maraming kumpanya na ganito rin ang layunin ngunit hindi lahat ay taglay ang mga elemento ng talento, mapagkukunan, at pagiging masigasig, na mayroon ang Microsoft. Malaking inspirasyon din niya ang mga nakapaligid sa kanyang mga empleyado at sa kanilang mga kakayahan.

Huwebes, Marso 6, 2014

Acclaimed Korean director Bong Joon-ho electrifies audiences in ‘Snowpiercer’

ni Jovelyn Javier

Director Bong Joon-ho
Matagal nang pinag-uusapan at inaabangan ang kauna-unahang English-language at Hollywood debut film, ang “Snowpiercer” mula sa isa sa pinakamagagaling at nirerespetong direktor sa mundo ng Korean cinema na si Bong Joon-ho.

Isang kilalang pangalan na si Bong Joon-ho sa maraming international film fest lalo na sa mga pelikulang “Memories of Murder” (2003), “The Host” (2006), “Mother” (2009) at pinarangalan siya bilang best director, best film, best screenplay at special jury prize sa mga nabanggit na pelikula.

Nadiskubre ni Bong Joon-ho noong 2004 ang “Snowpiercer” nang makita niya ang French graphic novel na “Le Transperceneige” nina Jean-Marc Rochette at Jacques Lob sa paborito niyang comic book shop sa Hongdae, Seoul. Nabighani siya agad sa ideya ng mga tao na nagsisikap para mabuhay sa loob ng isang malaking tren. Partikular na rito ang katangi-tanging panlipunang pagkakahati sa bawat karo ng tren.

Nagustuhan din ito ng kaibigan at batikang direktor na si Park Chan-wook nang ipakita ni Bong Joon-ho ang materyal sa kanya. Kalaunan ay nakuha na ni Bong Joon-ho ang screen rights para sa pagsasapelikula ng “Snowpiercer” sa tulong ng Moho Films na production company ni Park Chan-wook.

Pinangungunahan ni Chris Evans (Curtis) na mas kilala bilang Captain America mula sa Marvel movies ang all-star cast na kinabibilangan din ng mga magagaling na British thespians: John Hurt (Gilliam), Tilda Swinton (Mason) at Jamie Bell (Edgar). Kasama rin si Octavia Spencer (Tanya), Luke Pasqualino (Grey), Song Kang-ho (Minsu) at Go Ah-sung (Yona) na mga kilalang South Korean actors at si Ed Harris bilang Wilford.

Nagsimula ang pelikula sa isang eksperimento para masolusyunan ang global warming ngunit hindi ito naging matagumpay. At dahil ito, nabalot ang buong mundo sa isang panibagong “ice age” na kumitil sa halos lahat ng klase ng buhay. Ang mga natatanging nakaligtas ay 18 taon nang nakatira sa “Snowpiercer” – isang napakalaking tren na ginawa ni Wilford bago pa mangyari ang nabigong eksperimento. Patuloy na tumatakbo ang tren sa buong mundo sa pamamagitan ng tinatawag na “perpetual-motion engine.” Ito ay isang makina na tuluy-tuloy ang pagtakbo kahit walang panlabas na enerhiya para paganahin ito.

Isa sa pangunahing tensyon sa pelikula ang sistema ng panlipunang dibisyon, kung saan ang mga mayayaman ay kumportableng namumuhay at nakatira sa front coaches ng tren. Sa gitna ng sitwasyon, nakukuha pa rin ng mga mayayaman ang karangyaan dahil kumakain sila ng masasarap na pagkain, nakakapag-relax sa spa at pool, nakakapagpatingin sa espesyalista at nakakapagsaya sa club. At sa kadulu-duluhan naman ng tren, nakatira ang mga mahihirap na kumakain ng tinatawag na “protein bars” at hindi natutulog sa maganda at maayos na tulugan kundi sa madumi at mainit na quarters.

Mula nang mangyari ang “Revolt of Seven” kung saan pitong tao ang nasawi nang lumabas sila sa tren, wala ng naglakas loob pa na magsimula ulit ng rebolusyon. Ngunit kalaunan, naglakas loob sina Curtis sa tulong ni Gilliam at Edgar na sumubok ulit ngunit sa pagkakataong ito ay layunin nila ang makarating sa engine room para ma-kontrol ito, na maaaring maging susi para makipagkasundo ang mga mayayaman.

Dito nagsimula ang nakaka-tensyon at kapana-panabik na pakikipagsapalaran ng grupo sa pamumuno ni Curtis para makawala sa napakahirap na estado nila sa dulo ng tren. At para makarating sila sa engine, kailangan nila si Minsu na siyang nagdisenyo ng mga tarangkahan.  

Punung-puno ng aksyon at mga hindi inaasahang pangyayari ang pelikula. Hindi mo alam kung ano o sino ang mga makakaharap nila sa bawat pagbukas ng tarangkahan. Isang matinding nerbyos at gulat ang binibigay nito sa mga manonood, habang inaantay nila kung ano ang nasa kabilang coach.

Miyerkules, Marso 5, 2014

Vitamin C nakakatulong sa paggamot ng cancer

Kuha ni Jovelyn Bajo
Nadiskubre kamakailan na nakakatulong ang Vitamin C sa gamutan ng cancer.  Ayon sa mga siyentipiko mula sa Amerika, malaki ang potensyal nito na maging isang ligtas, mabisa at mas murang klase ng gamutan pangunahin na para sa ovarian cancer at iba pang klase ng cancer.

Hindi na nakakagulat ang bagong tuklas na benepisyong makukuha sa Vitamin C, dahil hindi lingid sa kaalaman ng karamihan na isa ang Vitamin C sa pinakamainam, pinakaligtas at pinaka-epektibong klase ng sustansya na napakahalaga sa pangkalahatang kasulugan. Bagaman may ilan pang hindi napapatunayan na benepisyo ng Vitamin C para gamutin ang ibang mga sakit, hindi maikakaila ang higit na importansiya nito.

Ilan lamang sa kilalang nakukuha ng katawan mula sa Vitamin C ang pagpapatibay ng immune system, paglaban sa anumang klase ng cardiovascular disease, mga sakit sa mata, mga problema bago manganak, at maging para panatilihing bata at malusog ang balat.
 
Hinihikayat ngayon ng mga siyentipiko ng bagong pag-aaral na ito ang magsagawa pa ng mas masusi at malakihang clinical trials patungkol dito. Ngunit isa sa malaking problema ang kawalan ng patent rights sa vitamins, kaya’t hindi makapagsagawa ang maraming kumpanya ng gamot ng clinical trials para sa intravenous Vitamin C. Sa pamamagitan ng intravenous therapy, naipapasok ang likidong ginagamit sa gamutan nang direkta sa daluyan ng dugo.

Napakahalaga na mapag-ibayo pa ang ganitong klase ng pag-aaral, lalo na’t patuloy na naghahanap ang mga pasyente ng cancer ng ibang mga alternatibo at mas murang paraan ng gamutan. Dagdag pa ng maraming siyentipiko, noon pa man ay may ilang pag-aaral na nagpapatunay ng pagiging epektibo ng Vitamin C para gamutin ang cancer gamit ang prosesong IV therapy. Higit na kinakailangan ang ibayo pang pananaliksik para siguradong masuri ang mga benepisyo ng mas mataas na dosage ng Vitamin C sa katawan.

Kaugnay nito, napag-alaman na magkaiba ang epekto ng Vitamin C kapag ito ay nilunok o sa pamamagitan ng bibig kumpara sa IV therapy ayon sa ilang clinical trials. Pangunahing dahilan dito ang mabilis na paglabas nito sa katawan. Sa kabilang banda, ang ilang siyentipiko mula sa University of Kansas ay natuklasan na kapag ang Vitamin C ay ipinasok sa katawan sa pamamagitan ng iniksyon, nakakabawas ito sa side-effects ng chemotherapy. Aniya, sensitibo ang ovarian cancer cells sa Vitamin C treatment ngunit hindi nito naapektuhan ang ibang normal cells.

Alam ng karamihan na kinakailangan ng araw-araw na pagkain ng prutas at gulay na mayaman sa Vitamin C, ngunit dahil sa pagiging abala sa trabaho at sa pamilya ay nakakaligtaan ito. Ayon sa mga eksperto, importante ang presensiya ng Vitamin C sa araw-araw na pagkain lalo na sa mga abalang tao, kung kaya’t laging isinusulong at hinihikayat ng maraming organisasyon ang nakakarami ang uminom ng 500 mg bawat araw ng Vitamin C supplement kasabay ng patuloy na pagkain ng maraming prutas at gulay. 

THEATER BITS: Diana Vreeland, Rak of Aegis, August: Osage County, Red


Cherie Gil is Diana Vreeland

Tampok si Cherie Gil bilang Diana Vreeland, isang maimpluwensiyang fashion columnist at editor ng Harper’s Bazaar at Vogue, at pinangalanan sa International Best Dressed List Hall of Fame 1964. Mula sa MyOwnMann Productions, Inc.; Actor’s Actors Inc.; kasama ng Full Gallop at mula sa panulat ni Mary Louise Wilson at Mark Hampton.

Ang one-woman play ay nakatakda noong 1971 sa Park Avenue, apartment ni Vreeland, pagkaraan ng apat na buwang pamamalagi sa Europe – isang pagbiyahe na ginawa niya mula nang matanggal siya sa Vogue magazine.

Mapapanood ang “Diana Vreeland” mula Marso 14, 15, 16, 21, 22, 23. Biyernes at Sabado sa ganap na 8pm at Linggo tuwing 4pm sa Carlos P. Romulo auditorium, RCBC Plaza, Ayala Avenue, Makati.

PETA closes 46th Theater Season with ‘Rak of Aegis’

Muling mapapakinggan ang mga kanta ng 90s pop-rock band Aegis sa “Rak of Aegis” mula sa produksyon ng PETA. Tampok ang mga kantang gaya ng “Luha,” “Halik,” “Sundot,” “Christmas Bonus,” at “Basang-basa sa Ulan” mula sa pagganap ng magagaling na pangalan sa teatro: Isay Alvarez-Seña, Robert Seña, Aicelle Santos at Joan Bugcat.

Isang kwento ng pag-ibig, kasikatan, at katibayan ng loob ang Rak of Aegis. Ang salaysay ay nakasentro sa pamumuhay ng mga residente ng binahang nayon ng Villa Venizia. Dito makikilala si Aileen na nasa gitna ng pag-ibig at kasikatan para suportahan ang pamilya.

Mapapanood ang “Rak of Aegis” hanggang Marso 9 sa PETA Theater Center.

August: Osage County, isang modernong pampamilyang kwento  

Tungkol sa Weston family at ang kanilang hindi pagkakaintidihan dahil sa mga personal na pinagdadaanan ang Tony Award at Pulitzer Prize winning play na “August:Osage County.” Nagtipon-tipon ang mga miyembro ng Weston family nang mawala ang kanilang amang si Beverly. Dito magbubukas ang maraming isyu ng bawat miyembro ng pamilya, na simula ng kaguluhan habang dumadaan sa kalungkutan sa pagkawala ni Beverly.

Pinangungunahan nina Baby Barredo, Leo Rialp, Pinky Amador, at marami pang iba. Mapapanood ang Osage County hanggang Marso 16 at itinatanghal sa Onstage, 2/F Greenbelt1, Paseo de Roxas cor. Legazpi St., Makati.

Tony-award winning play na ‘Red’ nasa ‘Pinas na

Pinahanga ng American playwright/screenwriter John Logan ang mga kritiko at mga tagahanga ng teatro sa West End, London at Broadway, New York nang unang mapanood ang “Red” noong 2009 sa London at 2010 sa New York. Nanalo ito ng maraming parangal sa mga respetadong award-giving bodies sa mundo ng teatro.

Tampok si Bart Guingona bilang Mark Rothko, isang American abstract painter na may dugong Jewish at si Joaquin Pedro Valdes bilang kanyang fictional apprentice.

Mapapanood pa ang Red sa Marso 1-2 sa College of Saint Benilde, School of Design and Arts Theatre.