Miyerkules, Enero 31, 2018

Consulting contract ng Malolos-Tutuban railway project iginawad ng DOTr sa Japanese consortium

Ni Florenda Corpuz
           
Isang pangunahing hakbang sa konstruksyon ng North-South Commuter Railway (NSCR) project (Malolos-Tutuban) ang isinagawa ng Department of Transportation (DOTr) sa pamamagitan nang paggawad nito ng consulting contract sa Japanese consortium sa pangunguna ng Oriental Consultants Global.

Nilagdaan ang kontrata sa pagitan ng dalawa kamakailan sa main office ng DOTr sa Clark, Angeles City. Sinaksihan ito ng Japan International Cooperation Agency (JICA).

Ang 37.6 kilometrong NSCR ay ang magiging bagong elevated railway ng Pilipinas na inaasahang makatutulong upang mabawasan ang oras ng biyahe mula Malolos, Bulacan patungo sa Tutuban, Manila na mula dalawang oras ay magiging 35 minuto na lamang.

Gagamit ang NSCR ng makabagong teknolohiya mula Japan kabilang ang seismic designs para gawing disaster-resilient ang imprastraktura.

Suportado ng Official Development Assistance (ODA) loan ng Pilipinas mula Japan ang proyekto na nagkakahalaga ng ¥241.991 bilyon na nilagdaan noong Nobyembre 2015.

Ito ay itinuturing na flagship project upang makatulong sa pagpapaunlad ng “Build, Build, Build” program ng gobyerno na naglalayong makakuha ng pamumuhunan sa imprastraktura.

“JICA has consistently supported transport infrastructure development in the Philippines since the 1960s. The NSCR project will be the game changer by kick-starting the large scale investment by the current administration through building a modern railway network for achieving the twin goals of addressing the serious traffic congestion in Metro Manila and enhancing the connectivity of Metro Manila and its nearby areas, thus expanding Manila’s economic sphere,” ani JICA Philippines Senior Representative Tetsuya Yamada.

Iginiit pa ni Yamada na bukod sa NSCR project ay sinusuportahan din ng JICA ang pagsasagawa ng feasibility studies at detailed design studies para sa railway services sa pagpapalawak ng NSCR sa North (Malolos-Clark) at South (Solis-Los Baños).

Ang NSCR ay bahagi ng cooperation agenda ng Japan at Pilipinas na kinilala noong unang Philippines-Japan Joint Committee on Infrastructure Development and Economic Cooperation meeting na ginanap sa Japan sa unang bahagi ng 2017.

Magugunitang inaprubahan ng gobyerno ang “Roadmap for Transport Infrastructure Development for Metro Manila and its Surrounding Areas” noong 2014 kung saan nakita na ang paggawa ng dalawang mass transit systems (NSCR at Metro Manila Subway project) ay makatutulong para mapagaan ang labis na konsentrasyon sa Metro Manila sa pamamagitan ng pagpapabuti ng koneksyon nito sa labas ng lungsod.


Japanese envoy, nag-courtesy call kay VP Robredo

Ni Florenda Corpuz

Sina Vice President Leni Robredo at Japanese
Ambassador Koji Haneda sa ginanap na courtesy
 call sa tanggapan ng una kamakailan.
(
Kuha mula sa Facebook account ni VP Leni Robredo)

Bumisita sa tanggapan ni Vice President Leni Robredo ang bagong ambassador ng Japan sa Pilipinas na si Koji Haneda para sa isang courtesy call nitong unang linggo ng Enero.

Pormal na inaprubahan at inanunsyo ng Gabinete ni Prime Minister Shinzo Abe ang pagkakatalaga kay Haneda noong Setyembre 5 nang nakaraang taon. Pinalitan niya si dating ambassador Kazuhide Ishikawa na nagtapos ang termino matapos ang tatlong taon.

“Today, I am honored to meet His Excellency Koji Haneda, the new Ambassador Extraordinary and Plenipotentiary of Japan to the Philippines. I look forward to working together in the future in advocacies that promote the welfare of our kababayans in Japan,” pahayag ni Robredo.

Si Haneda ay dating embahador ng Japan sa Islamic Republic of Iran mula 2012 hanggang 2015. Nagsilbi siya bilang chief negotiator ng Japan para sa Free Trade and Economic Partnership Agreements mula 2015 hanggang 2016. Sinimulan niya ang kanyang foreign service career noong 1979 at kinumpleto ang kanyang unang foreign assignment sa Embahada ng Japan sa Pilipinas noong 1982 hanggang 1984.





Pilipinas at Japan pipirma na sa MRT-3 rehabilitation and maintenance deal

Ni Florenda Corpuz

Nagpalitan na ng Note Verbales ang Japan at Pilipinas kaugnay ng kinakailangang rehabilitasyon at maintenance ng MRT-3, ito ang pahayag ng Department of Transportation (DOTr) kamakailan.

Kasama sa kasunduan sa Japan ang pagkuha ng Official Development Assistance (ODA) financing sa ilalim ng Special Terms for Economic Partnership (STEP) ng Japan International Cooperation Agency (JICA).

Ayon sa DOTr, kabilang sa nakasaad sa ilalim ng ODA ang 0.1% interest per annum, 40 years payment period, at 12 years grace period para sa principal.

Magsasagawa ang JICA ng feasibility study na sasala sa scope of works ng proyekto simula ngayong buwan hanggang Pebrero na susundan nang pag-apruba ng gobyerno.

Susundan ito ng paglalagda ng loan agreement at procurement ng rehabilitasyon at maintenance provider sa darating na Marso hanggang Abril. Inaasahan naman ang mobilisasyon ng Japanese provider sa ikalawang bahagi ng taon.

“These developments show that we are wasting no time and effort in rehabilitating and restoring the reliability and capacity of MRT-3. This year, we will make significant improvements to MRT-3, and that is our commitment to the Filipino commuters,” ani DOTr OIC Undersecretary for Railways TJ Batan.

Una nang ipinahayag ng DOTr na kukunin nitong muli ang serbisyo ng Sumitomo Corporation at technical partner nito na Mitsubishi Heavy Industries bilang maintenance at rehabilitation service provider ng MRT-3 na nagdisenyo, bumuo at nag-maintain ng MRT-3 sa unang 12 taon ng operasyon nito. Ito ay kabilang sa four-point strategy na ipinapatupad ng ahensya dahil sa walang-tigil na pagpalya ng MRT-3.


Una nang itinigil ng DOTr ang maintenance service contract ng Busan Universal Rail Inc. (BURI) noong Nobyembre 6 nang nakaraang taon dahil sa “non-performance of its obligations under the contract.” 

Japan dismayado sa ‘comfort woman’ statue sa Maynila


      Dumalaw sa Malacañang si Japanese Internal Affairs and Communications 
        Minister Seiko Noda kay Pangulong Rodrigo Duterte bilang courtesy call.
       (Kuha ni Toto Lozano/Presidential Photo)
Nagpahayag ng pagkadismaya si Japanese Internal Affairs and Communications Minister Seiko Noda sa itinayong comfort woman statue sa Roxas Boulevard sa Maynila sa kanilang paghaharap ni Pangulong Rodrigo Duterte kamakailan.

Nag-courtesy call si Noda kay Duterte sa Malacañang noong Enero 9.

Ayon sa ulat ng Kyodo, sinabi ni Noda sa Pangulo na, “It’s regrettable for this kind of statue to suddenly appear.”

Hindi naman nagbigay ng komento rito ang Pangulo base sa ulat.

Matatandaang pinangunahan ng National Historical Commission of the Philippines ang unveiling ng dalawang metrong bronze statue ng isang nakapiring na babae noong Disyembre 8. Itinayo ito bilang alaala ng mga kababaihang Pilipino na sapilitang pinagtrabaho sa mga military brothels noong panahon ng Hapon.

Samantala, nagbabala naman si Foreign Affairs Secretary Alan Peter Cayetano na nakataya ang “long-term” na relasyon ng Japan at Pilipinas dito.

“You can’t strengthen your relationship long term if you keep bringing up things that you think are settled,” aniya.

Sinabi ng kalihim na kabilang ang isyu ng comfort women sa 1956 Reparations Agreement sa pagitan ng Japan at Pilipinas kung saan magbabayad ang una ng $550 milyon sa huli.

Public apology at just compensation naman ang sigaw ng mga comfort women.


Tinatayang humigit-kumulang sa 1,000 kababaihang Pilipino ang nagsilbi bilang comfort women noong panahon ng Hapon.

Martes, Enero 30, 2018

11 Japanese sa Pilipinas kabilang sa mga dineport ng BI

Nasa 11 Japanese ang ipinatapon palabas ng Pilipinas ng Bureau of Immigration (BI) noong 2017, pang-anim sa listahan ng mga deportees.

Ayon sa BI, ang mga Hapon ay pinalayas alinsunod sa ipinalabas na summary deportation ng BI board of commissioners kung saan sila ay kabilang sa mga napatunayang nagkasala sa paggawa ng mga gawain na nakaapekto sa pambansang interes at kung saan ay nagdulot ng panganib sa kaligtasan ng publiko.

Umabot sa 1,508 na dayuhan ang na-deport dahil sa paglabag sa batas ng imigrasyon ng Pilipinas.

Ayon kay Immigration Commissioner Jaime Morente, mas mataas ito kumpara sa 400 na dayuhan na napaalis sa bansa noong 2016.

Nanguna sa listahan ang mga Chinese nationals na may 1,248, sinundan ito ng Koreans sa 115, Indians sa 33, Amerikano sa 29 at Vietnamese na may bilang na 13.
           

Mula sa kabuuang bilang, 232 deportees ang pinaghahanap sa kanilang bansa dahil sa krimen na kanilang ginawa habang ang ibang deportees naman ay napatunayang nag-overstay at nagtrabaho ng walang kaukulang permiso. 

Hotel Okura ng Japan magbubukas sa Maynila ngayong taon

Ni Florenda Corpuz

Nakatakdang buksan ng Hotel Okura Co., Ltd. ng Japan ang kauna-unahan nitong luxury hotel sa Maynila ngayong 2018.

Ayon sa kumpanya, pumasok ito sa isang kasunduan kasama ang Travellers International Hotel Group Inc. (TIHGI) para pamahalaan ang Hotel Okura Manila.

Matatagpuan malapit sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA), ang 191-room Hotel Okura Manila ay itatayo sa loob ng compound ng integrated resort na Resorts World Manila na pag-aari ng TIHGI. Bilang gateway sa Makati City, ang financial district ng bansa, ang hotel ay mag-aalok ng madaling access patungo sa mga business and leisure center ng Maynila.

Ang Hotel Okura Manila ay magiging isang state-of-the-art resort destination na makikilala ang Okura-style hospitality. Mag-aalok ito ng maraming dining options kabilang ang tradisyonal na Japanese at Spanish restaurants, all-day dining, at bar. Ipinagmamalaki rin ng kumpanya ang itatayong maluluwang na mga kwarto rito pati na rin pool at fitness facility.

“As Hotel Okura’s first hotel to open in the Philippines, we will leverage the group’s expertise in traditional Japanese hospitality to make Hotel Okura Manila a much-beloved hotel among both local and foreign visitors,” ani Toshihiro Ogita, ang presidente ng Hotel Okura Co., Ltd.


“For the past five years, the Philippines has experienced high economic growth surpassing 6% per annum, and its tourism market is expected to achieve mid- to long-term growth,” dagdag pa niya.

Overseas Filipinos sa Japan, isa sa pangunahing cash remitters sa Pilipinas

Ni Florenda Corpuz

Isa ang mga Overseas Filipinos (OFs) sa Japan sa mga pangunahing pinanggagalingan ng cash remittances na ipinadala sa Pilipinas sa unang 10 buwan ng 2017, ito ang pahayag ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) kamakailan.

Umabot sa US$ 23.1 bilyon ang total cash remittances na ipinadala sa pamamagitan ng mga bangko ng mga OFs simula Enero hanggang Oktubre 2017, mas mataas ng 4.2 porsyento kumpara sa US$22.1 bilyon noong 2016.

Nagtala naman ng 8.4 porsyentong pagtaas sa US$2.3 bilyon noon lamang buwan ng Oktubre kumpara sa parehong buwan noong 2016.

Ayon sa BSP, kabilang ang Japan sa mga bansang bumuo ng 80.2 porsyento ng total cash remittances. Kasama rin sa listahan ng top cash remitters ang mga OFs sa mga bansang U.S., UAE, Saudi Arabia, Singapore, United Kingdom, Qatar, Kuwait, Germany at Hong Kong.

Samantala, tumaas din ng 5.2 porsyento ang personal remittances mula sa mga OFs na umabot sa US$25.7 bilyon. Nakapagtala ng US$2.6 bilyon noong Oktubre, mas mataas ng 9.7 porsyento kumpara sa US$2.3 bilyon sa parehong buwan noong 2016, ayon kay BSP Governor Nestor A. Espenilla, Jr.


Tumaas din ng 4.2 porsyento sa US$19.8 bilyon ang personal remittances mula sa mga land-based OFs na may kontratang isang taon at higit pa sa US$19.8 bilyon habang ang mga sea-based at land-based OFs naman na may kontrata na hindi aabot sa isang taon ay tumaas ng 4.1 porsyento sa US$5.3 bilyon mula Enero hanggang Oktubre 2017. 

Martes, Enero 16, 2018

'Bring Home a Friend' inilunsad ng DOT sa Tokyo

Kuha ni Nelson A. Ignacio

Nagsama-sama ang mga lider at miyembro ng Filipino community sa Japan kamakailan para sa paglulunsad ng “Bring Home a Friend to the Philippines” (BHAF) sa Tokyo na pinangunahan ng Department of Tourism (DOT) sa pakikipagtulungan sa Philippine Embassy in Tokyo.

Muling binuhay ng DOT, sa ilalim ni Tourism Secretary Wanda Corazon Tulfo-Teo, ang naturang programa na una nang ipinatupad 23 taon na ang nakalilipas. Layon ng BHAF na hikayatin ang mga Pilipino na mag-imbita ng kanilang mga kaibigan na dayuhan na bumisita sa Pilipinas. Ito ay para lalong mapaunlad ang turismo ng bansa.

“The revival of the rewards program would be an invitation to foreigners to experience Filipinos’ world-renowned hospitality,” pahayag ni Teo.

Kailangan lamang ng mga sponsors o ang mga Pilipino na mag-iimbita na mag-log on sa www.bringhomeafriend.online para hikayatin ang kanilang mga kaibigan sa loob ng promo period mula Oktubre 15, 2017 hanggang Abril 15, 2018 na bumiyahe sa Pilipinas.

Ang mga invitees o mga dayuhan na naimbitahan ay kailangang nagmamay-ari ng foreign passport at naninirahan sa labas ng Pilipinas sa loob ng anim na buwan simula Oktubre 15, 2017. Dapat i-upload ng mga invitees ang kanilang ticket at boarding pass sa BHAF accounts pagkatapos bumisita sa Pilipinas.

Mayroong parehong tsansa ang sponsors at invitees na manalo ng mga premyo sa pamamagitan ng raffle draw. Para sa mga sponsors, maaaring mapanalunan ang isang condo unit sa Eastwood Le Grande (first prize), brand new Toyota Vios (second prize), at Duty Free gift certificates na nagkakahalaga ng Php200,000.

Maaaring mapanalunan naman ng mga invitees ang dalawang roundtrip tickets at mag-stay ng 6days/5 nights sa El Nido, Palawan (first prize), 5 days/4 nights sa JPark Island Resort and Waterpark sa Cebu (second prize), at Pearl Farm Beach Resort sa Davao (third prize). Sagot ng Philippine Airlines (PAL) ang roundtrip tickets.

Bilang dagdag na pabuya sa Filipino community sa Tokyo, ang tatlong organisasyon na may pinakamataas na bilang ng BHAF invitees sa pagtatapos ng campaign period ay makatatanggap ng premyo: 3 days/2 nights accommodation for two sa Blue Water Beach Resort Maribago, Dusit Thani Manila, Diamond Hotel Manila, Golden Phoenix Hotel, o Novotel Manila Araneta Center, at Limousine tour sa Tokyo.

Tinatayang 100 community leaders mula sa 23 Filipino associations sa Tokyo ang dumalo sa paglulunsad na inorganisa ng DOT-Tokyo sa pangunguna ni Tourism Attache Verna Buensuceso at pakikipagtulungan sa Philippine Airlines, JPark Island Resort and Waterpark, Megaworld at Seven Bank.


Nagkaroon ng iba’t ibang aktibidad sa paglulunsad gaya ng photo walls, BHAF photo competition, raffle draws, kantahan, kainan at marami pang iba.

Baguio pinangalanan bilang isa sa 64 UNESCO Creative Cities



Pagkatapos mapabilang sa shortlist ng United Nations Educational, Scientific and Cultural Organization (UNESCO) Creative Cities Network, opisyal nang kabilang ang Summer Capital ng Pilipinas na Baguio bilang isa sa mga bagong pinangalanang siyudad na kinilala sa kanilang katangi-tanging kontribusyon at patuloy na pagsusulong ng innovation at creativity sa pitong kategorya – Crafts and Folk Art, Design, Film, Gastronomy, Literature, Media Arts and Music. 

“These new designations showcase an enhanced diversity in city profiles and geographical balance, with 19 cities from countries not previously represented in the Network,” ang saad ni UNESCO Director-General Irina Bokova sa isang opisyal na pahayag.

Sa kabuuan, may 64 na siyudad mula sa 44 na bansa ang napabilang sa exclusive club. Ngayon, mayroon nang 180 na siyudad mula sa 72 bansa ang kabilang sa Network. Magaganap naman sa Hunyo 2018 ang Annual Meeting of the Creative Cities Network sa Krakow at Katowice sa Poland.  

Alinsunod sa balangkas ng implementasyon ng United Nations 2030 Agenda for Sustainable Development and the New Urban Agenda, binuo ang UNESCO Creative Cities Network noong 2004 “to provide a platform for cities to foster and demonstrate innovation, creativity and culture’s role as key drivers for building a more inclusive and sustainable urban development.”  

The Philippines’ first UNESCO Creative City

Layunin ng Creative Cities ang pagbuo at pagsusulong ng industriya ng paglikha; pagpapatibay ng partisipasyon ng publiko sa aspetong pang-kultura sa pamamagitan ng produksyon at distribusyon ng mga produkto, serbisyo at mga aktibididad; at integrasyon ng kultura at paglikha sa mga pulisiya ukol sa sustainable urban development ng mga lokal na pamahalaan.

Ang pagkakahirang ng Baguio City sa kategorya ng Crafts and Folk Arts ang unang pagkakataon na makapasok sa Network ang isang siyudad ng bansa. Isang patunay na hindi lamang sikat na holiday destination ang Baguio dahil sa klima at mga pine trees nito, ngunit patuloy din nitong pinagyayaman ang angking kultura ng siyudad na umaayon sa layunin ng Creative Cities Network.

Kinikilala ang Baguio sa masiglang art scene nito, nariyan ang pagkakabuo ng Baguio Arts Guild na itinayo ng mga Filipino artists na sina Benedicto Reyes Cabrera, Kidlat Tahimik, Willie Magtibay, Luisa Igloria, Roberto Villanueva, David Baradas, Santiago Bose, at Tommy Hafalla noong 1988.

Pinapatiling buhay din sa Baguio ang tradisyon ng paghahabi at pagsusulong ng Cordillera woven art sa pagsasanay sa mga kababaihan ng naturang kultura gaya ng pinangungunahan ng Narda’s Handwoven Arts and Crafts, na pinasimulan ng yumaong Igorot weaving icon na si Leonarda “Narda” Capuyan.

Kabilang din sa mayamang kultura ng paglikha sa Baguio ang wood carving at metal crafts. At ‘di rin makakaligtaan ang mga cultural at creative sites dito gaya ng Mt. Cloud Bookshop sa Casa Vallejo, Upper Session Road; Museo Kordilyera sa UP Drive, Governor Pack Road; Baguio Garden Theater sa Garden Terraces, Dagohoy St.; at BenCab Museum sa Tuba, Benguet. 

Lunes, Enero 15, 2018

Bagong animated feature ni Hayao Miyazaki pinamagatang ‘Kimitachi wa Do Ikiru ka’



“Ghibli will continue making movies. That’s the path we follow, and all we can do is continue, until the day we can’t anymore,” ang saad ni Studio Ghibli producer/long-time Miyazaki collaborator Toshio Suzuki sa panayam ng The Japan Times tungkol sa ikalawang beses na “coming out of retirement” ni anime maestro, Hayao Miyazaki.

Sa opening event ng Natsume Soseki Memorial Museum bilang panauhing pandangal na ginanap sa Waseda University sa Tokyo, inanunsyo ni Hayao Miyazaki ang upcoming feature-length animated film na pinamagatang, “Kimitachi wa Do Ikiru ka” (How Will You Live?), na siyang magiging huling pelikula na ng award-winning anime filmmaker.

Matatandaang noong 2013, kasabay ng promosyon ng “Kaze Tachinu” (The Wind Rises), na noo’y inanunsyong huling obra ni Miyazaki, na magreretiro na ang acclaimed anime director. Ngunit nitong nakaraang Pebrero ay muling lumabas sa pagreretiro si Miyazaki, ayon na rin kay Suzuki.

Bagaman tumigil si Miyazaki sa paggawa ng anime features, pinag-aralan nito kung paano mag-animate sa computer at naging abala rin sa CG short film na “Kemushi no Boro” (Boro the Caterpillar).

A story of spiritual revolution

“The film is about how this particular book is featured prominently in the protagonist’s life. It will take three to four years to complete the anime,” ang tugon ni Miyazaki sa panayam ng The Asahi Shimbun.

Hango ang pamagat nito sa 1937 novel ni Genzaburo Yoshino na tungkol sa pakikipagsapalaran sa buhay ng binatang si Koperu sa pamamagitan ng pakikisalamuha nito sa kanyang tiyuhin at mga kaibigan, kung saan matututuhan nito ang kahulugan ng pamumuhay bilang isang tao.

Bagaman parehas ang pamagat at mahalaga ang nobela sa kwento ng pangunahing karakter, hindi ito isang direktang adaptation ng naturang nobela, gaya na lang ng ginawa sa The Wind Rises, na hango ang pamagat naman sa nobela ni Tatsuo Hori.

A grand fantasy

Sa halip, ito ay isang fantasy-action-adventure at magtatampok ng hand-drawn artwork kung saan higit na kilala si Miyazaki, gaya na lamang ng mga naunang Studio Ghibli hits na “Nausicaa of the Valley of the Wind,” “Howl’s Moving Castle,” “Laputa: Castle in the Sky,” “Spirited Away,” at “Princess Mononoke.”

 “The content of the film is very different from what you’d expect from the title. It’s a grand fantasy. Looking at the storyboards, I could easily understand why Miya-san changed his mind about retiring. He couldn’t have his career end with The Wind Rises. His reputation, after all, was built on his fantasy action/adventure works,” ang dagdag pa ni Suzuki sa dahilan ni Miyazaki sa pagbabalik sa paggawa ng animated films.

Inamin din ni Suzuki na mayroon nang 20-minutes’ worth of storyboards na natapos ni Miyazaki. At kamakailan lang din ay naging abala ang Studio Ghibli sa recruitment ng mga bagong animators para tumulong sa pagkumpleto ng pelikula.

Studio Ghibli magic continues

Taong 2014 nang huling maglabas ng animated feature ang Studio Ghibli sa “When Marnie Was There.”

At bagaman medyo natagalan ang pagbabakasyon ng studio simula rito, inanunsyo ni Suzuki na kasabay ng bagong produksyon ni Miyazaki ay abala rin ang studio sa isang CG film na pangungunahan naman ng anak ni Miyazaki na si Goro, na siyang direktor ng 2011 Ghibli anime “From Up on Poppy Hill,” 2006 fantasy film “Tales from Earthsea” at 2014 CG TV series na “Ronja, the Robber’s Daughter.”

Toyota T-HR3, pinakabagong humanoid robot na kayang gayahin ang galaw ng tao



“The Partner Robot team members are committed to using the technology in T-HR3 to develop friendly and helpful robots that coexist with humans and assist them in their daily lives. Looking ahead, the core technologies developed for this platform will help inform and advance future development of robots to provide ever-better mobility for all,” ang pahayag ni Akifumi Tamaoki, General Manager ng Toyota - Partner Robot Division sa isang opisyal na pahayag.

Ipinakilala ang T-HR3 kamakailan sa pagdaraos ng Tokyo Big Sight - International Robot Exhibition 2017.

Advanced technologies for people’s unique mobility needs

Taong 1980s pa gumagawa ang Toyota ng industrial robots ngunit ito ay para sa pagpapabilis ng proseso nito sa manufacturing. Gamit ang automotive technologies expertise ng Toyota at mula sa karanasang ito, nakabuo ang Partner Robot ng mga bagong mobility solutions.

Ginawa at idinisenyo ng Partner Robot Division ang third generation humanoid robot na mas makabago kaysa sa mga naunang instrument-playing humanoid robots. May taas itong 1.54 metro at bigat na 75 kilograms.

Sa pagkakataong ito, ginamitan ng mga makabagong teknolohiya ang T-HR3 para maisakatuparan ang ligtas at epektibong pisikal na interaksyon sa pagitan ng robots at ng kanilang kapaligiran. Nagtataglay din ito ng bagong remote maneuvering system na kayang gayahin ang eksaktong galaw ng sinumang gumagamit nito.

Patunay ito ng malawak na dedikasyon ng Toyota sa pagpapalawig ng paggamit ng advanced technologies para makatulong sa mga tao – mga caregivers, people-with-disabilities, doktor, pasyente, at mga nakatatanda sa iba’t ibang sitwasyon at kapaligiran – medical facilities, hospitals, home care, construction sites, disaster-stricken areas, at maging outer space.

Smooth, synchronized user experience

Sa pamamagitan ng Master Maneuvering System at gamit ang wearable controls, nakokontrol ang galaw ng robot sa kanyang kamay, braso at paa. Nariyan din ang head-mounted display (HTC Vive VR headset) para makita ng user ang kanyang paligid mula sa perspektibo ng humanoid robot. At para masiguradong hindi magkokontra ang galaw ng robot at user ay ginamitan ito ng Self-interference Prevention Technology.

Maliban sa Master Maneuvering System, konektado ang bawat joint ng T-HR3 ng motors, reduction gears at Torque Servo Modules o torque sensors.

Mula sa kolaborasyon ng Tamagawa Seiki Co., Ltd. at Nidec Copal Electronics Corp., ginawa ang Torque Servo Modules para sa komunikasyon sa pagitan ng user movements at sa 29 na body parts ng T-HR3 at 16 na master control systems ng Master Maneuvering System para masiguradong magkasabay at maayos ang paggalaw ng parehong user at robot.


Kinokontrol ng Torque Servo Modules ang mga pangunahing kapasidad ng T-HR3 – Flexible Joint Control, Whole-body Coordination and Balance Control, at Real Remote Maneuvering.

Bagong pag-aaral sa autism: Tinatayang 83 porsyento ay dulot ng genetics



Inilathala sa The JAMA Network kamakailan ang bagong pag-aaral tungkol sa autism – “The Heritability of Autism Spectrum Disorder,” na pinangunahan ni Sven Sandin, isang assistant professor of Psychiatry sa Icahn School of Medicine sa Mount Sinai, New York. 

Sa naturang pag-aaral, binalikan ng mga siyentipiko ang mga datos ng mga batang ipinanganak sa pagitan ng taong 1982 hanggang 2006 sa Sweden at nakatuon sa mga magkapatid na kambal.
Tinatayang 37,570 ng twin pairs, 2,642,064 ng full sibling pairs, 432,281 ng maternal half-sibling pairs, at 445,531 ng paternal half-sibling pairs ang naging bahagi ng pag-aaral. At sa kabuuang ito, may 14,516 ang natukoy na may autism.

Alternative method to calculate heritability

Sa pagkakataong ito, isinaalang-alang ng research team ang posibilidad na maaaring hindi na-diagnose nang sabay ang magkapatid. Batay sa pag-aaral, kapag ‘di nakunsidera ang pagbabago ng autism status (over time), maaaring ma-overestimate ang naging impluwensiya at epekto ng genetics sa pagkakaroon ng autism ng mga bata.

Bahagi rin ng pag-aaral ang magkakaibang autism rates sa mga half-siblings, identical twins at fraternal twins.

Mula sa bagong research method, natukoy na tinatayang 83 porsyento ay dulot ng genetics at 17 porsyento naman ang dahil sa environmental factors.

“This is why it is important to have different study designs. We have a family-based approach, and there are other approaches for twin studies and genetics studies. All of them seem to be converging on the same number of 80% to 90%,” ang paliwanag ni Sandin.

Bagaman mas mababa ang resultang ito kumpara sa genetics percentage ng mga naunang twin studies (90 percent), mas mataas naman ito kaysa sa isang California twin study (38 percent).
Ngunit patunay pa rin ang resultang ito na kaunti lamang ang epekto ng environmental factors gaya ng prenatal exposure to toxins sa Autism Spectrum Disorder (ADS).

Nariyan din ang iba pang risk factors gaya ng maternal nutrition, pregnancy infection, prematurity, parental age, at obesity.

 Recommended autism screening

Ayon sa American Academy of Pediatrics, kinakailangang dumaan sa autism screening ang mga sanggol na nasa 18 at 24 na buwan pa lamang. Kadalasan ay isinasagawa ito sa pamamagitan ng 23-point questionnaire na tinawag na Modified Checklist for Autism in Toddlers.

Dagdag pa ng isang Mayo Clinic report, bagaman madalas ay naoobserbahan ang mga senyales ng autism kapag dalawang taong-gulang na, posible rin na magpakita ang mga senyales nang mas maaga pa rito mula anim hanggang 12 buwan.


“Some children show signs of autism spectrum disorder in early infancy, such as reduced eye contact, lack of social smiles, no babbling, no use of gestures to communicate, lack or no response to their names when called, and indifference to caregivers. Other children may develop normally for the first few months or years of life, but then suddenly become withdrawn or aggressive or lose language skills they’ve already acquired.”  

Linggo, Enero 14, 2018

Tianjin Binhai Library: The newest futuristic attraction in China


The Tianjin Binhai Library interior is almost cave-like, a continuous bookshelf. We opened the building by creating a beautiful public space inside; a new urban living room is its centre. The bookshelves are great spaces to sit and at the same time allow for access to the upper floors. The angles and curves are meant to stimulate different uses of the space, such as reading, walking, meeting and discussing. Together they form the ‘eye’ of the building: to see and be seen.”

Ito ang pahayag ni MVRDV co-founder Winy Maas sa isang opisyal na pahayag tungkol sa pinakabago nitong proyekto, ang Tianjin Binhai Library. Aniya, ang naturang aklatan ay kinomisyon ng Tianjin Binhai Municipality.

Itinayo ito ayon sa Chinese Green Star energy efficiency label at mayroong two-star status. Bahagi rin ng proyekto ang Tianjin Urban Planning and Design Institute (TUPDI), Sanjiang Steel Structure Design, TADI Interior Architects, at Huayi Jianyuan Lighting Design.

The Eye of Binhai

Binuksan sa publiko ang aklatan nitong buwan ng Oktubre at matatagpuan ito sa cultural center at may kalapit na parke sa  Binhai District na nasa baybaying lungsod ng Tianjin.

Bahagi ang gusali ng apat pang cultural buildings sa distrito - Binhai Modern Art Museum, Binhai Modern City and Industrial Discovery Museum, at Binhai Performing Arts Center na idinisenyo ng international team ng Bernard Tschumi Architects, Bing Thom Architects, at HH Design. Lahat ng gusali ay konektado ng isang public corridor na may glass canopy.  

Binansagang “The Eye of Binhai,” mayroon itong espasyo sa tinatayang 1.2 milyong aklat. May laki itong 33,700 square meters at sa labas pa lang ay nakakapukaw na ang disenyo nito sa kanyang futuristic frost white color, eye-shaped atrium space, luminous spherical auditorium, at wave-like floor-to-ceiling bookshelves.

Sa lima nitong palapag, makikita rito ang malawak na educational facilities. Sa una at ikalawang palapag ay matatagpuan ang reading rooms, auditorium, lounge areas, terraced access (to upper floors), mga aklat, at koneksyon sa cultural complex. Nasa gitnang bahagi naman nito ang meeting rooms, offices, computer/audio rooms, at dalawang rooftop patio.

Fastest project to date

Dahil sa mahigpit na construction schedule ng lokal na munisipalidad, inabot lamang ng tatlong taon ang konstruksyon ng aklatan, ngunit kapalit nito ay kinailangang tanggalin ang isang mahalagang bahagi ng disenyo nito – ang daan patungo sa upper bookshelves mula sa mga kwarto na nakalagay sa likod ng atrium.  Sa halip ay nilagyan ang bahaging ito ng perforated aluminium plates na dinikitan ng mga larawan ng book spines sa halip na mga totoong libro para magmukha pa rin itong bookshelves.

Ito na ang ikalawang proyekto ng Dutch architectural firm sa lugar pagkatapos ng TEDA Urban Fabric, isang mixed high – low rise housing/retail building noong 2009.

Hindi naman ito ang unang proyekto ng Ducth firm na pumatok sa social media, nauna na rito ang Suffolk Balancing Barn at Rotterdam Market Hall.

Tinatayang 10,000 katao ang pumunta rito kada araw sa unang linggo ng pagbubukas nito at mga 18,000 naman kapag weekends.


May 115 kilometro ang layo ng Tianjin sa labas ng Beijing at mararating sa pamamagitan ng high-speed trains sa loob lamang ng 35 minuto. Bukas ang Tianjin Binhai Library tuwing Martes hanggang Lingo mula 10:00 am hanggang 9:00 pm. 

Martes, Enero 9, 2018

Mangutang ng hindi nauuwi sa samaan ng loob

Ni Phoebe Dorothy Estelle



Mahirap ang masira ang propesyonal na koneksyon sa pagitan ng mga taong kahit papaano ay naging malapit na sa isa’t isa. Ito ay maliban na lamang kung wala na rin patutunguhan dahil nawala na ang tiwala at respeto.

Iba naman ang kaso kung kaanak ang nakakasamaan ng loob. Hindi ka basta makakapag-resign kung ayaw mo na o kaya naman ay ipawalang-bisa ang inyong kasunduan.  Kaya paano kung ang isyu ay ikaw ang nangungutang sa iyong kamag-anak?  Paano ka makasisiguro na magiging maayos ang inyong transaksyon at masisiguro sa kanila na ikaw ay magbabayad? Ang sumusunod ay ilan lamang sa pwedeng maging iyong hakbang:  

Maging totoo at magpaalala.  Hindi man magsalita ang isa’t isa ay ang bawat tao na nasa hustong gulang ay may pinaglalaanan ng kanilang pera. Kung may pagkakataon na hindi ka makakapagbayad pa ay mainam na ikaw na ang kusang magsabi nito sa iyong inutangan agad. Bukod sa tiwala at impresyon na may kasiguraduhan na magbabayad ka, nababalaan mo rin agad ang iyong inutangan sakaling may paggagamitan ito ng perang hiniram mo. Mainam na maging matapat ka na hindi ka pa makakabayad kaysa paghinalaan at sumama ang loob sa iyo ng iyong kaanak.

Magkaroon ng record. Sa una ay parang nakahihiya na magkaroon ng kasulatan tungkol sa utang ang dalawang taong malapit sa isa’t isa.  Kung maliit na halaga at kumpiyansa ka na maaabot mo ang pera ay pwedeng hindi na.

Subalit kung malaking halaga na ang usapan at aabot sa mas mahabang panahon ang bayaran ay huwag kang mahiya na gumawa ng kasulatan at talaan.   Ang inyong talaan ay magpapaalala kung magkano ang iyong inutang, ilan na ang iyong nababayad, at kung kailan ang takdang panahon na dapat na matapos mo na ito.

Mag-alok ng interes o magbigay ng ekstrang dagdag-bayad. Kahit marami naman pwedeng mautangan na bangko o lending company, mainam pa rin ang makautang sa kamag-anak.  Unang-una ay walang interes at mas maluwag ang paraan ng pagbabayad. 

Bilang pasasalamat sa iyong  inutangan alukin mo ng konting interes o dagdag-bayad. Isipin mo rin na halip na gastusin sa iba o naipit din ito, piniling pahiramin ka.  Alalahanin mo ang ideya na ito lalo na kung ginamitan ng credit card ang pinautang sa iyo.

Magpasalamat pero huwag mabaon sa utang na loob.  Magic word na maituturing ang katagang “thank you” at maraming salamat.  Dapat na igawad mo ito sa pinagkautangan mong kaanak. Subalit, dapat din maging klaro sa iyo at sa kanya na iba ang “utang na pera” at sobrang “utang na loob.”

Isa ang pagtanaw  ng utang na loob sa kaugalian ng mga Pinoy  na nabibigyan ng  negatibong kahulugan.  Kung umutang at bayad ka na ay tapos na ang usapan. Hindi mo obligasyon na gawan  ng pabor ang iyong inutangan, ito man ay pera o ibang bagay.

Magbayad sa takdang oras.  Ang pinakamahalaga sa pag-utang ay pagbabayad sa takdang oras o mas maaga pa. Tandaan na ang nakasalalay sa pangungutang ay hindi lamang pera, kundi tiwala, dangal ng pagkakaroon ng isang salita at relasyon. 

Huwag mong hayaan na dahil sa pera ay may makakasamaan ka ng loob dahil ang buhay ay ikot-ikot lang. Ang pera ay napapalitan pero ang relasyon ay mahirap nang maibalik sa dati kung nagkasiraan na. 


Makakaasa ka rin na sa muli kang mangailangan ay mayroon kang malalapitan dahil  napagkatiwalaan kang nagbabayad. Isa pa’y masarap mamuhay ng payapa at walang inaalala na kasamaan ng loob. 

Paraan kung paanong hindi ka maloko ng mga scammers

Ni MJ Gonzales


Masaya ang Pasko dahil ito ay panahon ng bigayan ng regalo at pati ng bonus sa mga empleyado.  Subalit, isa rin ito sa mga panahon na maraming nagnanakaw, nanlalamang o nanloloko sa kanilang kapwa. Alam mo bang maaari rin na ikaw mismo ang pumapayag na maloko ka? Iyan ay kung hindi ka magiging maingat, mapagmatyag, at maalam sa mga modus operandi ng mga kawatan.

Suriin ang tao o kumpanya bago ka maglabas ng pera.  Ito ang pinakaunang dapat gawin sa investing o anumang usapan na naeengganyo ang isang tao. Mayroong iba na hindi na ginagawa ang hakbang na ito kung interesado na sa sinasabi ng ka-transaksyon nila.

Huwag mo silang gayahin. Hindi masama ang saliksikin ang pagkakakilanlan ng isang tao o  kumpanya para sa iyong proteksyon. Mabuti na ang umalpas ang isang oportunidad na hindi mo naman talaga alam kaysa maloko ka nang matindi.

Sa ngayon nga ay madali na ang makakalap ng impormasyon na dapat mong malaman. Kung sa recruiter ay may tala ang Philippine Overseas Employment Administration (POEA)  ng kanilang mga lisensyadong ahensya, ganoon din sa mga negosyong rehistrado sa Department of Trade and Industry (DTI)  at Securities and Exchange Commission (SEC).  Gawin mo rin ang pagsusuri sa agent ng real estate property, insurance, at iba pang investments bago mo pasukin.

Alamin ang trend ng scamming scheme ngayon. Kung inaakala mo na fashion at teknolohiya lamang ang pabago-bago ng uso ay nagkakamali ka. Pati ang mga scammer ay patuloy din na gumagawa ng paraan para makapanloko ng kapwa, ito man ay online o offline.

Katunayan ang social media sites gaya ng  Facebook ay hindi na lamang paraan para sa komunikasyon, ito na rin ay kasangkapan para makapanloko. Tandaan din na sa dali na makagawa ng social media accounts ay maaaring nagtatago ng totoong persona ang iyong kausap.

Humingi ng patunay gaya ng resibo, kontrata, at iba pang dokumento.  Bukod sa para malaman kung nagbabayad ng buwis ang iyong ka-transakyon, kung humihingi ka ng resibo ay malalaman mo rin dito kung siya ay sa rehistrado sa kanyang ginagawa.  Ang lehitimong negosyo o ahente ay makakapag-isyu ng rehistradong resibo na may TIN o Tax Identification Number nila.  Kaya kung walang maibibigay sa iyo na resibo ay doon pa lang ay magdalawang-isip ka na.  

Sa ibang transaksyon na wala kang makuhang resibo, gumawa dapat nng kasulatan na pirmado at naka-notaryo. Para kung anuman ang mangyari ay may pagkakataon kang maghabol. Dagdag punto rin pagdating sa kontrata ay huwag kaligtaan o tamarin na basahin ito. Baka hindi mo alam ay ginagawa mong legal na pala ang panloloko sa iyo.

4. Huwag mong papasukin ang investment o transakyon ng wala kang kaalam-alam.  Ang isang paraan para makaengganyo ang isang scammer ay kunin ang loob ng kanyang lolokohin.  Maaaring magkukuwento ito para maawa at magkaroon ka ng simpatya sa kanya, o kaya ay bubuhayin niya ang iyong  pangarap na yumaman. 

Huwag kang padala sa ganitong paraan dahil sa money management, investing, at negosyo ay hindi lamang dapat emosyon ang pinapairal.  Kinakailangan dito ay malinaw na layunin, lohika kung bakit at paano ang dapat mong gawin, at pag-aanalisa.  Huwag mong hayaan na ibang tao ang magdikta sa iyo ng gagawin mo, ang mainam ay pag-aralan mo ang sarili mong diskarte.