Lunes, Hulyo 31, 2017

Gurong Hapon tumutulong sa mga kabataang may kapansan sa Bohol

Nagbalik sa Bohol si dating Japan Overseas Cooperation Volunteer 
Akiko Sugiyama sa Bohol para ipagpatuloy ang pagtulong sa mga PWDs.
Para sa mga kabataan na nagtapos sa mataas na paaralan, walang katapusan ang mga posibilidad ng buhay. Maaari silang mag-aral sa mga unibersidad, kumuha ng nais na kurso, sumabak sa sports, o mamuhay sa kanilang nais.

Ngunit ang kaso ay naiiba para sa mga kabataan na intellectually handicapped o disabled na kadalasan ay hindi nabibigyan ng pagkakataon na maranasan ang kasiyahan sa high school maliban na lamang kung kuntento na sila na manatili sa bahay.

Ito ay binabago ng isang gurong Hapon sa Bohol na tinutulungan ang mga kabataan na may mga kapansanan na magkaroon ng pantay na pagkakataon sa buhay.

Si Akiko Sugiyama, isa sa mga volunteers ng Japan Overseas Cooperation Volunteers (JOCV) Program of Japan International Cooperation Agency (JICA)  ay nagtayo ng support center para sa mga kabataan na may kapansanan na nakapagtapos sa SPED Center.

Isang guro sa Yokohama at Kyoto si Sugiyama na nakumpleto ang volunteer work sa ilalim ng JICA para sa Tagbilaran City Central School SPED Center noong 2015 bago bumalik sa Bohol.

“This is my personal project. I really wanted to help young people with disabilities lead productive lives,” ani Sugiyama.

Tinawag na Babita House, isang two-storey dormitory at native house kung saan ang mga kabataan na may kapansanan ay tinuturuan ng Math, sign languages, pagbabasa, pagsusulat at mga gawaing pangkabuhayan tulad nang paggawa ng miniature toy tricycles.

Tulad sa mga centers para sa mga persons with disabilities (PWDs) sa Japan, sinabi ni Sugiyama na ang mga aktibidad sa Babita House ay maaaring makatulong sa mga batang PWDs sa Bohol na maging produktibo at kumita para sa kanilang mga sarili.

Ang mga toy matchboxes na gawa ng mga intellectually handicapped na mga kabataan sa Babita House ay ginaya sa popular na motor tricycle sa Bohol na isang cultural symbol.

Noong una ay isang estudyante lamang ang nakagagawa ng toy tricycle gamit ang matchboxes ngunit ngayon ay mas marami na ang nakagagawa nito gamit ang chipboards.

Sa tulong ng isa pang Japanese volunteer na si Shiro Takaki na nakatalaga sa isang design fabrication laboratory sa Bohol, ang mga materyales para sa mga laruan ay laser cut at dinidikit, pinipintahan at binubuo ng mga kabataan sa Babita House. Ngayon ay ibinebenta ito bilang mga souvenir items kung saan ang pinagbentahan ay binibigay bilang allowance sa mga kabataan na gumagawa nito at suporta sa center.

“The center also receives donations from people in Japan and every now and then we host study tours for Japanese visitors who want to learn more about PWDs and how they can be supported,” dagdag ni Sugiyama.

“Boholanos are kind people. Life here is slow, but for volunteers like me, it makes us happy to see that people with disabilities are able to enjoy life without discrimination,” pagbabahagi pa niya.

Ang mga kabataang may kapansanan ay nahaharap sa mga hamon upang gawin ang mga bagay na ginagawa ng mga normal na bata. Ngunit ang proyekto ng Babita House ay nagpapakita na ang makabuluhang pagbabago ay maaaring mangyari kapag ang mga kabataan ay binibigyan ng pantay na pagkakataon sa buhay.

Jesas Wada, kinatawan ng FilCom sa Mutya ng Pilipinas

Si Jesas Wada kasama si Ambassador Jose Laurel V sa isang courtesy
call na ginanap sa Embahada ng Pilipinas sa Japan.
Isang send-off party ang ibinigay kay Mutya ng Pilipinas-Japan Jesas Wada kamakailan sa Sakura Hall ng Metropolitan hotel sa Ikebukuro, Tokyo bago ito tumulak sa Pilipinas para lumaban sa Mutya ng Pilipinas bilang kinatawan ng Filipino community.

Dumalo sa naturang pagtitipon ang mga naging runner-up sa naturang pageant na kinabibilangan nin Cherry Ann Ventura, Anju, Hasemi at Miai Tanaka. Dumating din ang ilang opisyal ng Embahada ng Pilipinas sa Japan sa pangunguna ni Consul General Marian Jocelyn Tirol-Ignacio, mga opisyal at miyembro ng Dabawenyos’ Organized Society-Japan, ilang mga tagasuporta, pamilya, kaibigan at sponsors.

Bago pumunta sa Maynila para lumahok sa pageant na gaganapin sa Agosto 4 sa Newport Performing Arts Theater sa Resorts World Manila ay nagkaroon muna si Wada ng courtesy call kay Philippine Ambassador Jose Laurel sa Embahada.

Makakalaban ni Wada ang tinatayang 40 kandidata mula sa iba’t ibang lugar sa Pilipinas at mga kinatawan ng Filipino community sa ibang bansa. Naniniwala ang Filipino community sa Japan na malaki ang tsansa na maiuwe ang korona ni Wada, anak ng Japanese na si Takaaki Wada at Pinay na si Arlyn Cruz de Guzman. Nagtapos ang 22-taong-gulang na si Wada ng Tourism Management sa Bulacan State University.

Ang Mutya ng Pilipinas-Japan ay nagsimula bilang Miss Philippines-Japan Pageant noong 2012 na inilunsad ng Dabwaenyos Organized Society-Japan (DOSj) para sa mga dalaga na nasa edad 17-25 na malaki ang potensiyal na maging isang beauty queen at model.

Sa kauna-unahang pagkakataon na idinaos ito at 10 kandidata mula Tokyo, Chiba,Saitama, Kanagawa at Shizuoka ang naglaban-laban para sa korona. Pinamunuan ng Nakama Organization sa Shizuoka ang prefectural competition sa lugar kung saan ang dalawang nanalo ay pumasok sa grand completion sa Tokyo.

Napanalunan ni Jerimae Capuyan, 17-taong-gulang mula sa Yokosuka U.S Naval Base, ang titulo ngunit kanyang ipinasa ang korona sa kanyang runner-up na si Princess Ayeza Magsalin dahil sa kailangan na niyang bumalik sa Estados Unidos para sa kanyang pag-aaral.

Nagwagi naman noong 2013 si Mayu Murakami habang pinangunahan noon ng  Miss Visayas-Japan (2nd runner-up) Youki Akimoto ang fundraising para sa mga nasalanta ng mga bagyo at trahedya na dumating sa Visayas at Mindanao.

Hanggang sa noong 2015 ay iminungkahi ni Jacqueline Tan, chief executive officer at pangulo ng Mutya ng Pilipinas, Inc. (MPI), na gawing official partner sa Japan ang organisasyon para sa paghahanap ng maaaring sumali sa Mutya ng Pilipinas. Ang mananalo ay may pagkakataon na maging kinatawan ng Filipino community sa Mutya ng Pilipinas na ginaganap sa Pilipinas.

Nilagdaan ang naturang kasunduan ni Tan bilang kinatawan ng MPI at Joseph Banal, founder ng DOSj kasama sina Daisy Jumilla Katsurahara at George Astilla na pangulo at bise pangulo ng organisasyon.  Itinalaga si Banal bilang National Director for Japan ng MPI.

Napagpasyahan ng DOSj na baguhin ang pangalan ng Miss Philippines-Japan Pageant sa Mutya ng Pilipinas-Japan. Ipinadala ng organisasyon si Murakami sa 2016 Mutya ng Pilipinas Grand Coronation kung saan nakaabot ito hanggang semi-finals.


Inaanyayahan ng organizing committee ng Mutya ng Pilipinas-Japan ang lahat ng indibidwal at organization mula sa iba’t ibang prepektura na nais mag-host ng competition sa kanilang mga lugar. Ang mananalo ay makakasali sa grand competition sa Tokyo na gaganapin sa 2018. Magaganap ang pag-screen sa mga kandidata ngayong darating na Setyembre. 

OFW IDs ilalabas na ng DOLE sa Agosto

Sample ng magiging OFW ID
Inilunsad na ng Department of Labor and Employment (DOLE) kamakailan ang Overseas Filipino Workers (OFWs) ID na nakatakdang iisyu ng tanggapan ngayong darating na buwan ng Agosto. Magpapalabas ang DOLE ng patakaran kung paano makukuha ng mga OFWs mula sa iba’t ibang panig ng mundo ang kanilang ID bago ito ilabas.

Ang OFW ID o Integrated DOLE ID (iDOLE ID) ang papalit sa Overseas Employment Certificate (OEC) na isang requirement sa mga OFWs bago makalabas ng bansa patungo sa bansang pagtatrabahuhan.

Sasailalim muna ito sa tatlong buwang trial at pagkaraan ay ito na ang magiging automated OEC ng OFW. Bukod dito, maaari rin itong magsilbing airport at immigration ID pass at Social Security System (SSS), Pag-ibig Fund, at PhilHealth membership IDs.
Lalagyan ang ID ng QR code bilang security feature sa mga impormasyong ibibigay ng mga OFWs.

Sinabi ni DOLE Secretary Silvestre Bello III na libre ang OFW ID na sinasabing “pinakamagandang regalo” ng administrasyong Duterte sa mga tinatawag na bagong bayani ng bansa.

“Huwag kayong maniwala (na may bayad ang ID). Maliwanag na ang ibibigay na ID sa OFWs ay walang bayad. Libre po iyan at walang gagastusin ang ating OFW. Kung may nagsasabi man, nambobola iyan o kaya gustong kumotong,” pahayag ni Bello sa isang panayam.

Ani Bello, ipapasagot ng tanggapan ang bayad sa OFW IDs sa mga employers at recruiting agencies.

“Depende na iyan sa pag-uusap ng technical people, maaaring employer, maaaring recruitment agency. Basta importante na walang babayaran ang OFWs,” dagdag pa ng kalihim.

Iginiit din in Bello na bawal ikaltas ang bayad sa naturang ID sa mga OFW dahil maaaring pagmultahin ang employer o recruitment agency kapag nangyari iyon.

“Bawal iyan. May penalty iyan or baka makansela license nila ‘pag ginawa nila iyan dahil maliwanag libre ang OFW ID.”

Portal site

Nagulat ang ilang OFWs na agad na sumubok sa pagkuha ng kanilang OFW ID sa pamamagitan ng pagpunta sa portal site na inilabas ng DOLE, https://ofw.idole.ph//, dahil sa hinihingan sila ng Php501 na bayad para sa ID at karagdagang Php200 para sa delivery ng ID.

Hindi naitago ang pagkadismaya ng mga ito lalo na’t sinabi ng DOLE na walang babayaran sa pagkuha nito.

“At the onset, we already had doubts that this ID is totally free. After I encoded my personal and employment details, I was asked to pay 501 pesos and another 200 pesos to have it delivered at my hometown,” pahayag ng OFW na si Nhel Morona sa pahayagan Khaleej Times sa Middle East.

Duda rin ang OFW na si Jun Cargullo, na nagtatrabaho sa Dubai, na sasagutin ng kanilang mga amo ang bayad sa naturang ID.

“The (Philippine) government earlier announced that employers or recruitment agencies will shoulder the cost of the ID. But this ID is only relevant to domestic transactions and has nothing to do with our employment abroad. This is not like the Emirates ID or UAE health card.

“At the end of the day, it is us, OFWs, who will have to pay for the card. The OFW ID is actually more expensive than the OEC. We used to pay only 100 pesos to acquire an OEC every time we travel and we go back home at least once every year. So it will take at least five travels or five years before we can recoup the same expense of getting an OEC five times,” paliwanag ni Cargullo.

As of press time, wala pa rin access sa portal site ng DOLE at mayroon lamang nakapaskil na mensahe: “This website is for testing purposes only. To our beloved OFWs, please wait for the official launching, rest assured that the OFW card is 100 per cent free of charge to the OFW.”

Pagdudulot ng kalituhan

Nanawagan ang Migrante International, alyansa ng mga OFW, na dapat liwanagin ng gobyerno kung libre o hindi ang OFW ID at maglabas ng patakaran na malinaw sa lahat upang hindi magdulot ng kalituhan.

Kinuwestiyon din ng Migrante kung ito ba talaga ang pinakamagandang regalo sa mga OFWs gayong sa bandang huli ay mukhang ito pa rin ang magbabayad sa kanilang ID.

“How could it be the ‘best gift’ when even the DOLE is clueless on its relevance? There is as yet no implementing guidelines on how it is supposed to function,” pahayag ni Migrante International spokesperson Arman Hernando.

“Employers are expected to pay for the iDOLE but since when has this stopped them from passing on the burden to recruitment agencies and, consequently, to OFWs?

“Unfortunately, it has been exposed as yet another money-making scheme as quickly as it was hastily launched by the government.

“Thanks, but no thanks, President Duterte. Hindi po ito regalo kundi dagdag-perwisyo para sa mga OFW,” ani Hernando.

Martes, Hulyo 11, 2017

Marathoner Mary Joy Tabal rules in Canada, seeks to rejoin national team for SEA Games 2017




Namayagpag si Rio Olympian Mary Joy Tabal sa Scotiabank Ottawa Half-Marathon na ginanap sa Canada kamakailan at itinakda ang record na isang oras, 16 minuto at 27.4 segundo, na mas mabilis sa dati nitong record na iminarka niya sa Japan na nasa isang oras, 18 minuto at 44 segundo.

Tinalo ng nangungunang lady marathoner ng bansa ang Canadian runner na si Britanny Moran sa ikalawang pwesto sa dikit na lampas dalawang minuto lamang pagkatapos umabot ni Tabal sa finish line.

Nitong unang bahagi rin ng taon ay kinilala si Tabal sa 2017 Philippine Sportswriters Association (PSA) Awards bilang isa sa mga pangunahing PSA awardees dahil sa kanyang kontribusyon sa marathon at pagiging isa sa mga delegado ng 2016 Rio Summer Olympics.

All set for Kuala Lumpur SEA Games

Malaking tagumpay ito para sa Cebuana ace dahil magandang senyales ito ng kanyang magiging performance sa napipintong Southeast Asian Games 2017 na gaganapin ngayong Agosto 19-30 sa Kuala Lumpur, Malaysia.

Matatandaan na nagwagi ng silver medal si Tabal sa 2015 Singapore SEA Games, kaya’t mabigat ang inaasahan kay Tabal na sana’y maipagpatuloy niya ang magandang record para tuluyan nang makakopo ng gold sa nalalapit na SEA Games.

All the training outside and the breaking of the national record is part of my plan in preparation for the SEA Games. Gold is really my goal,” ang pahayag ni Tabal sa panayam ng Sports Interactive Network (Spin).

Ongoing controversy with PATAFA

Sa kabila ng tagumpay, may kontrobersya sa pagitan ni Tabal at ng Philippine Athletics Track and Field Association (PATAFA), na parehas din na naging isyu bago ito tumulak sa Rio para sa Olympics nitong nakaraang taon.

Ani ng PATAFA, nagdudulot ang Cebu running ace ng ‘disruption at divisiveness’ sa mga miyembro ng national team at sa sistemang pinapalakad ng PATAFA dahil sa paninindigan nito na magsanay nang mag-isa sa tulong ng kanyang private sponsor at personal coach na si John Philip Dueñas, gayon din ang ‘di pagkakaintindihan ukol sa training at sponsorship agreements sa Motorace Racing.

Magkahalo naman ang reaksyon ng PATAFA ukol sa isyu, na naunang nagpahayag ng pormal na pagputol nito ng kaugnayan kay Tabal, ngunit nito lamang ay nag-anunsyo na papayagan muli si Tabal kung magagawa nitong sumunod sa mga ilang kundisyon.
Bagaman nagulat sa balita, lalo na’t ‘di aniya alam ni Tabal ang mga batas na nilabag nito, ay agad pa rin siyang rumesponde sa tawag ng PATAFA at nagsumite agad ng kanyang written statement na nagpapahayag na susunod at rerespetuhin nito ang mga regulasyon ng organisasyon.

Marathon queen from Cebu

Kauna-unahang Pinay marathoner si Tabal na nag-qualify sa Olympics sa record na 2:43:29. Bagaman hindi nanalo at nagtapos sa 124th sa Rio, malawak ang karanasan ng tubong Cebu sa mga kumpetisyon sa loob at labas ng bansa.
Nariyan ang four-time National Milo Marathon Finals (2013-2016) na unang beses magawa ng isang runner sa Philippine marathon history, kinatawan sa 2016 Boston Marathon kasama si Rafael Poliquit, Jr., at 2016 Athlete of the Year ng Sportswriters Association – Cebu.

Japan nagpakita ng suporta sa mga karate fighters sa Pilipinas

Nagbigay ng suporta ang Japan International Cooperation Agency (JICA) sa mga karate fighters sa Pilipinas sa pamamagitan ng kauna-unahang Friendship Karate Tournament kasama ang Kyokushin Karate-do Philippines, ang pinakamalaking karate organization sa bansa,  para higit pang palakasin ang internasyonal na relasyon at pagkakaibigan ng Japan at Pilipinas.

Aabot sa 100 karate fighters mula sa 10 dojos o training facilities sa San Juan, Antipolo, Quezon, Olongapo at JICA sa Pilipinas ang lumahok sa tournament na ginanap kamakailan sa SM City Novaliches.

“The friendly matches aim to raise awareness and insight on Japan’s culture and experiences and promote stronger ties between Japan and the Philippines through sports,” ani Senpai Bryan Dizon mula sa Quezon City dojo na instructor sa JICA dojo.        

Sa Japan, ang karate ay isang tradisyonal na sport na itinataguyod ang pagkakaroon ng disiplina sa sarili. Ito ay malaking bahagi ng kasaysayan at kultura ng bansa. Sa kauna-unahang pagkakataon ay mapapasa ito bilang Olympic sport sa Tokyo 2020.
           
Ayon sa datos ng Ministry of Foreign Affairs, aabot sa 50 milyon ang karate practitioners sa buong mundo. Ang Kyokushin Karate-do ay may 167 sangay sa buong mundo kung saan 600,000 miyembro ang mula sa Japan at 12,000 ang mula naman sa ibang bansa (as of 2007).
           
“We aim to leverage on our friendly relations with the Philippines through this sports activity, and build on our common appreciation to sports to further strengthen our cooperation,” pahayag ni JICA Representative Maiko Morizane.

Nagpadala rin ang A Child’s Trust is Ours to Nurture (ACTION), isang Japanese non-profit group na tumutulong sa mga mahihirap na kabataang Pilipino katuwang ang JICA, ng mga karate fighters sa tournament.

Naoya ‘The Monster’ Inoue: The world’s best junior-bantamweight continues his fierce power


“To be honest, I’m relieved. There is nothing scarier than fighting in a bout you are expected to win, but I was prepared for it,” ang pahayag ni reigning World Boxing Federation (WBO) super flyweight champ Naoya Inoue pagkatapos niyang pabagsakin si Mexican-American Ricardo Rodriguez sa pamamagitan ng knockout sa loob ng isang minuto at walong segundo sa third round na ginanap sa Ariake Colosseum, Tokyo kamakailan.

Ito na ang ikalimang pagkakataon na matagumpay na naidepensa at ikaapat na knockout win ng 24-taong-gulang na boxing champ mula sa Ohashi Gym para sa naturang titulo. Bunsod nito, naitakda ni Inoue ang kasalukuyang record na 13-0-0 (11 knockouts) kumpara sa 16-4-0 ng 27-taong-gulang na si Rodriguez.

Umpisa pa lang ng laban ay ipinakita na agad ni Inoue na ‘di siya magpapadaig kay Rodriguez at pinatikim na nito ang Mexican ng malalakas na suntok. Mas lalong dinomina ni Inoue si Rodriguez pagpatak ng second round nang magpakita ito ng southpaw style at pinatamaan ng malakas na kaliwang suntok si Rodriguez na tuluyang nagpangatog sa Mexican.

Sunud-sunod na suntok ang pinaulan ni Inoue sa third round hanggang sa na-knockdown na nang tuluyan si Rodriguez. Nasundan ito ng isang dominant left hook na nagpayuko ulit sa Mexican at ‘di na siya muling nakatayo mula rito.

Most awaited US debut

Bagaman ‘di pa sigurado ang lahat sa inaabangang U.S. debut ng Japanese champ, ayon naman kay Hideyuki Ohashi, Ohashi Promotions head at dating WBA/WBC strawweight title holder, ang susunod na laban ni Inoue ay gagawin sa U.S. kung saan dedepensahan niya ang junior bantamweight championship title nito ngunit wala pang detalye sa ngayon.
Saglit na bakasyon lang sa Hokkaido ang ginawa ni Inoue at agad ay bumalik na ang binata sa pag-eensayo sa Yokohama. At ngayon pa lamang ay may mga nakaplano na si Inoue bagaman isa na siyang two-weight world champion.

“I would like to win a world champion in my third weight class, bantamweight, and make some unification bouts,” aniya sa Ring TV.

The power fist of Kanagawa

Si Inoue ang no. 1 rank best junior bantamweight ng The Ring magazine at Transnational Boxing Rankings Board at no. 3 naman sa rankings ng BoxRec. Ipinanganak sa Zama, Kanagawa ang 5’ 4½’ na boxing champ na may 67½’ reach, na ngayon ay nakatira na sa Yokohama.

Bago pa maging professional ay maganda na ang naghihintay na kinabukasan niya sa boxing Nanalo siya sa Japanese Interscholastic Athletic Meeting, Japanese Junior National Championships, Japanese Junior Selection Tournament, Asian Youth Championships Iran, at 21st President’s Cup Indonesia.

Nag-debut ang Kanagawa native noong Oktubre 2, 2012 kontra kay Filipino champ Crison Omayao at nagwagi sa isang fourth-round knockout.  Mula rito, maraming titulo na napagtagumpayan ni Inoue, maging mga kampeon gaya nina Ngaoprajan Chuwatana,  Yūki Sano, Ryoichi Taguchi, at  Omar Andrés Narváez.

Huwebes, Hulyo 6, 2017

Achi village in Nagano: Delight in the most beautiful night sky in stargazing oasis


“I was so impressed to see stars I can’t usually see. I felt so close to the stars that I thought I’d left the Earth.”

Ito ang pahayag ni Asami Jinguji, 27 ng Sagamihara, Kanagawa Prefecture nang maranasan niya ang stargazing tour sa Heavens Sonohara Ski Resort sa nayon ng Achi, Nagano Prefecture. Nagsimula nitong Abril 15 at tatakbo hanggang Oktubre ang Sky Park Night Tour ngayong 2017 opening season.

Magsisimula naman sa  Disyembre 3 ang Winter Night Tour.  

Taong 2011 nang magtala ang Achi ng nakaka-alarmang 20 porsyentong pagbaba ng mga turistang pumupunta sa Hirugami Hot Springs Resort, na pangunahing accommodation sa Achi at karaniwang nagtatala ng 480,000 guests mula noong 2005. At dito nagsimulang magpulung-pulong ang mga establisyimento sa turismo para mag-isip ng bagong maitatampok sa kanilang lugar.

Opisyal na inilunsad ang naturang night tour noong Agosto 2012. Bago ang opisyal na pagbubukas ng tour ay itinatag ang Star Village Achi Tourism Promotion Group sa pangunguna nina Hitoshi Matsushita, 39, section chief sa isang hot spring inn at council secretary-general at Yuji Shirasawa, 52, president ng isang ski resort operating company.

Best place in the nation to view the stars

“The night sky from the ski resort is beautiful,” ang bulong ni Shirasawa minsan sa gitna ng kanilang pagpupulong. Nang marinig ito ng council members, naisip din nila ang 2006 survey mula mismo sa Environment Ministry, na nagpapatunay ng hindi napapansing kayamanan ng Achi – ang napakaningning na night sky nito. Ang impormasyon na ito ang lalong nagtulak sa mga council members para magsaliksik at tuluyang i-develop ang naturang ideya.

“I remembered the views but not the detailed explanations of the stars,” ang pahayag naman ni Matsushita sa panayam ng Japan Times. Bunsod nito, pinangunahan niya ang pananaliksik sa pamamagitan ng pagsisiyasat sa iba pang stargazing tours, gayon din sa mga planetariums sa buong Japan para mabalangkas niya ang “stargazing entertainment” bilang disenyo ng night tour.

“If Achi becomes known across Japan for its night sky, the number of visitors to the village will increase and lead to revitalization.  I hope the tour triggers an interest in stars and visitors will come to the village again,” ang pagpapatuloy ni Matsushita patungkol sa pangunahing layunin ng star tour.

Journey into space

Higit pa sa inaasahan ng mga taga-Achi ang naging resulta ng bagong proyekto, at sa unang fiscal year mula nang mailunsad ito ay nakapagtakda sila ng 6,500 na bisita – higit pa sa 5,000 na original target. Sa ikalawang taon nito, sa tulong ng isang travel agency na bumuo ng “star tour” travel package at promosyon sa internet, mas lalo pang naging matagumpay ang taong ito at mga sumunod sa pagmamarka ng Achi ng tinatayang 20,000  hanggang 60,000 na mga bisita bawat taon.

Nitong nagdaan taon lamang, simula Abril hanggang Oktubre ay pumalo naman sa tinatayang 110,000 na mga bisita ang dumayo sa Achi para maranasan ang star night tour. At sa paglulunsad ng winter tour (Disyembre – Marso) ng parehas na taon, nagtala ito ng 30,000 na mga bisita para lang masaksihan ang mga kumikinang-kinang na mga bituin sa langit ng Achi.

Bunsod nito, naging abala rin ang iba’t ibang bahagi ng turismo sa lugar – sa pagdumog ng mga bisita sa Hirugami Hot Springs Resort na malapit sa night tour venue hanggang sa mga wholesalers at souvenir shops. Ipinakilala na rin sa lugar ang “star coin” noong 2013, na magagamit ng mga turista na pambayad sa mga restaurants at villages.
Bahagi rin ng tour ang Star Village Café (by Naked, Inc. and Panasonic) na magbubukas ngayong Hulyo 11, Megastar Class (planetarium by Takayuki Ohira), at Night Wars (reality puzzle game).

Ani Shirasawa, layunin nila na magkaroon ng mas maraming residente sa lugar lalo na’t 6,600 lamang (at risk of depopulation per 2014 private research) ang populasyon ng Achi, isang farming mountain village na pangunahing industriya ang turismo – hot springs, highlands, shrines, temples, peach blossoms, at Achi River.

Have an old-fashioned weekend getaway at the new Vessel Hostel in La Union




Maaga man nagsimula ang panahon ng tag-ulan sa Pilipinas, hindi naman ito nangangahulugan na tapos na ang magandang panahon para magbakasyon, malayo man o malapit sa bansa.

Sa La Union, na kilalang Surfing Capital of the North, bagaman medyo maalon na ngayon at hindi na kasagsagan ng summer season para mag-surf, marami pa rin naman na magagandang tuklasin sa La Union, gaya na lamang ng pinakabagong “themed hostel” na Vessel Hostel, na matatagpuan sa National Highway, Urbiztondo, San Juan.

Tinatawag itong Vessel Hostel dahil gawa ang naturang accommodation sa container vans o repurposed shipping vessels na parang capsule hotel dito sa Japan, at mula sa ideya ng architect-surfer owners nito, ang mag-asawang Buji Libarnes at Nikki Dela Paz-Libarnes. Pangunahing konsepto ng mag-asawang Libarnes ang mapanatili ang “60’s modern vibe” sa bawat sulok ng hostel.

Higit dito, napaka-affordable rin ang accommodation sa Vessel dahil nasa Php980 lamang ang room rates nito.

Elegantly vintage but comfortably laid-back

Bilang mga arkitekto ang mag-asawang Libarnes, makikita ang magagandang detalye na ginawa ng dalawa sa disenyo sa loob at labas nito, at siyempre malaking bonus ang eco-friendly element ng hostel sa pag-recycle nito ng mga container vans na madalas ay nakatiwangwang lamang.

Maliban dito, pinagtuunan din ng higit na pansin ng mag-asawa na dapat ay naaayon ang disenyo ng hostel sa tropical climate ng bansa para masiguro ang magandang karanasan ng mga guests, gaya ng paglalagay ng insulation para mabawasan ang init sa loob dahil natural na mainit ang loob ng container vans at sun shading para naman ‘di direkta ang pasok ng sikat ng araw lalo na kapag hapon.

New happy place in surf town La Union

“Vessel is a time machine! Now let's go back to the things I like the most! Its jalousie windows, wooden floor boards, baby-powder smelling towels and sheets takes me back to the ‘60s (I mean if I was already born then) & relive my ‘70s childhood. If you don’t believe me just check out the color palette of the surfboards stashed in the shed across the hostel. Sixties! Functionality down pat. I can go on and on about the design & architecture,” ang review ni Xeng Zulueta, guest, sa Facebook page ng Vessel.

Nagbukas ito sa publiko nitong Disyembre noong nakaraang taon at may apat na dorms na may 22 beds at isang dorm na mayroon namang anim na kama. Bawat kwarto ay may aircondition, fans at fiber optic WiFi. Ang bawat kama naman ay may sariling work desk at locker, na maiging ideya dahil ‘di na mag-uunahan ang guests kapag kailangan mag-charge o kaya ay mag-online.

Nariyan din ang open-plan dining room/kitchen nito na masarap tambayan habang ine-enjoy ang complimentary continental breakfast (a light breakfast consisting of coffee, fruit, rolls with butter and jam, baked goods) at ang roof deck na magandang pwesto para makita ang overview ng karagatan, mag-barbecue party habang nagsa-sunset o mag-agahan habang nagsa-sunrise.

Airbnb legal na sa Japan


Inaprubahan na ng Diet ang legal na pagpapaupa ng mga Airbnb hosts sa Japan ng kanilang mga bahay at kwarto sa mga turista.

Papayagan sila na gawin ito pagkatapos abisuhan ang munisipyo kung saan maaari nilang paupahan ang kanilang mga propyedad hanggang sa 180 araw sa loob ng isang taon. Ito ay inaasahan na ipapatupad sa 2018.

Nitong nakaraang Marso ay inaprubahan ni Prime Minister Shinzo Abe ang mga alituntunin ng bagong batas.

Magtatakda ng ordinansa ang pamahalaan para masiguro ang kaligtasan ng mga uupa rito at maiwasan ang hindi pagkakaunawaan sa ibang residente. Ilan sa mga ito ang fire-safety facility standards, pagkumpirma ng pagkakakilanlan ng mga turistang uupa, at mga hakbang para mabawasan ang ingay at maiwasan ang pagrereklamo ang mga kapitbahay.

Maaaring suspindihin ang business to operate at makulong ng hanggang anim na buwan at pagmultahin hanggang isang milyong yen ang mga Airbnb hosts na hindi susunod o lalabag dito.
           
Operational na ang Airbnb sa ilang lugar sa bansa na itinuturing na designated areas tulad ng Ota Ward sa Tokyo at ilang lugar sa Osaka.

Ayon sa Japan National Tourism Organization, mahigit sa 24 milyong turista ang bumisita sa Japan noong 2016 kung saan 3.7 milyon ang nanatili sa mga Airbnb vacation rentals.

Miyerkules, Hulyo 5, 2017

Marry me in Ilocos Norte: A destination wedding in Paoay and Laoag


Ni Jovelyn Javier


Hunyo ang pinakapopular na buwan para magpakasal dahil buwan ito ng ancient Roman goddess na si Juno, na tagapangalaga ng mga kababaihan sa iba’t ibang aspeto ng buhay, partikular na sa pag-aasawa at panganganak. Mula rito, nabuo ang ideya na pinakamaswerte ang magpakasal sa tinaguriang ‘wedding month.’

The adventure of a destination wedding

Popular na konsepto ngayon sa kasal ang tinatawag na ‘destination wedding,’ na naiiba sa mas tradisyonal at nakasanayan. Dito, mas creative at interesante dahil madalas kailangan din bumiyahe nang may kalayuan ang mga bisita para maging bahagi ng matrimonya at pagdiriwang ng dalawang taong nagmamahalan na sa wakas ay magiging mag-asawa na.

Kamakailan, isang kasalan ang ginanap na ‘di ginawa sa beach, sa garden o sa siyudad kundi sa isa sa pinakamakasaysayang lugar sa Pilipinas na UNESCO World Heritage Site rin, ang Paoay Church na kanilang napiling simbahan at isa sa mga modernong hotel na kalapit ang ilang tourist spots sa rehiyon, ang Plaza del Norte Hotel and Convention Center na reception ng kasal.   

A historically nostalgic yet romantically modern setting and style

Para sa ngayon ay Mr. and Mrs. Ryan and Ivy Villan na, napili nila ang Paoay Church dahil espesyal ito sa kanila. Ayon sa bride, ang makasaysayang simbahan, San Agustin Church, ang unang simbahan na pinuntahan nila na magkasama nang unang beses bumisita ang groom sa Ilocos.

“Maganda rin kasi ‘yung vintage effect ng church at naisip namin that the guests will also enjoy the place kasi isa siya sa mga tourist destinations ng Ilocos Norte,” dagdag pa sa espesyal na dahilan ng mag-asawa.

Sa tema at kulay, makahulugan din ito para kay Ryan at Ivy. Sa panayam sa bride, “Our theme is cherry blossom and color motiff is dark salmon pink. We wanted happy colors – something pleasant and cool tingnan that’s why we have chosen dark salmon pink at kaya naman cherry blossoms because one of our dream vacations is to go to Japan to see the cherry blossoms, so we came up with the idea to make it as our theme.”

Wedding essentials: Simple but elegant

Malaking inspirasyon sa wedding gown ng bride ang Francis Libiran gown ng aktres na si Kaye Abad. Aniya, “Nang ipinakita ni Mama ‘yung wedding gown nagustuhan ko siya agad. Eto na ‘yun so I decided na ipagaya with some modifications para ‘di exactly the same. Nagustuhan ko kasi ‘yung embroidery details saka gusto ko ng mahabang trail para maganda sa picture.”

Parehas na mga Ilokano ang gumawa ng gown at organizer ng kasal.
Para sa groom, ang all-black tuxedo ay nabili ng mag-asawa sa United Arab Emirates (UAE) kung saan sila parehong nagtatrabaho. “He wanted it all black. Basta nang pagkakita niya sa tuxedo nagustuhan na niya agad. Parang love at first sight,” ang dagdag pa ng bride.

Sa bulaklak naman, ‘di gaanong partikular ang bride ngunit gusto niya ang arrangement to be “cascading with regards for my bouquet at a combination of roses, tulips, and cherry blossoms. At sa ceremony naman, nag-send na lang ako ng picture sa organizer ng gusto kong arrangement. We wanted it to be simple and elegant-looking.”

Cagayan meets Iloilo in Abu Dhabi

Nagkakilala ang nurse na si Ivy, na taga-Santa Praxedes, Cagayan at aircraft maintenance specialist na si Ryan, na taga-Passi City, Iloilo sa Abu Dhabi sa introduksyon ng isang common friend sa Abu Dhabi, UAE kung saan sila parehas na nagtatrabaho.

Dalawang taon ang bride and groom bilang magkasintahan bago na-engage noong Mayo 8, 2016 at bago ikinasal nitong Hunyo 10.

We wanted the wedding to be a commemoration of our love and lifetime partnership. ‘Yung masarap balik-balikan even when we grow old. And of course, ang importante sa lahat eh mag- enjoy ‘yung mga relatives and guests who are there to celebrate with us. Overall, we wanted a happy, sweet and solemn wedding to be enjoyed not only by the couple but everyone,” ang pahayag ng mag-asawa na gusto nilang maging lasting image ng kanilang kasal.  

Masako Wakamiya: An 82-year-old Japanese ‘ICT evangelist,’ the oldest attendee at Apple’s WWDC


“I didn’t see any apps for the elderly, so I decided to create my own. We easily lose games when playing against young people, since our finger movements can’t match their speed. I wanted to create a fun app to get elderly people interested in smartphones. It took about half a year to develop. Technology has now become my new hobby,” ang masayang pahayag ng 82-taong-gulang na retired banker na si Masako Wakamiya, na ngayon ay isa nang app developer sa panayam ng CNN Money at Fortune sa kanya.

Shattering stereotypes in technology

Madalas natin naririnig ang mga batang advanced ang kaalaman sa teknolohiya, pero pagdating sa mga nakatatandang henerasyon ay ‘di gaano, kaya’t tunay na kahanga-hanga ang mga katulad ni Wakamiya. Patunay ito na ang abilidad na matuto ay walang pinipiling edad kundi nasa  dedikasyon, interes at pagpupursige.

Sa pagsisimula ng Apple Worldwide Developers Conference ngayong buwan, sentro muli ng atensyon ang “technology evangelist” na si Wakamiya, bilang oldest attendee sa conference.

The best part of life is after 60

Unang nakilala ng publiko si Wakamiya, noo’y 79 nang maging tagapagsalita siya sa TEDxTokyo 2014 kung saan niya ibinahagi kung paano siya nagsimulang matutong gumamit ng computer at internet.

“One day, I picked up a magazine and it said, ‘If you have a computer, without stepping outside your house you can chat with people.’ And I thought, ‘Wow, this is it!’ And I immediately – although it was expensive back then – did some impulsive shopping and bought my computer. This one simple shopping changed the second part of my life.”

Aminadong hindi “tech-savvy,” isang “struggle” ang mga sumunod na araw para sa noo’y 60-taong-gulang lalo na’t ‘di pa user-friendly ang mga computers noon.  Subalit, sa kagustuhang maalagaan ang ina habang nagkakaroon pa rin ng komunikasyon sa iba, binuno niya ang tatlong buwan para i-set-up ang computer at makapag-online nang walang tulong ng iba.

Mula rito, sumali siya sa isang “silver club” (online club for over 60s) at natuwa siya sa welcome message ng naturang website – “The best part of life is after 60.”

A wonderful silver life

Dito siya nakakilala ng mga bagong kaibigan at natuto ng maraming bagay gaya ng video editing. Aniya, masaya siyang makipag-usap sa mga ka-edaran niya tungkol sa mga malalalim na paksa.

Inspirado ng stitching hobby ng mga senior citizens at traditional Japanese patterns, nakagawa siya ng Excel art na ginagamit sa computer school classes at maging sa NASA. Bumuo rin siya ng sarili niyang PC textbooks dahil napansin niyang ang mga computer study books ay masyadong boring.

Natuto siya ng Apple Swift programming language sa tulong ng isang kabataan sa pamamagitan ng Skype at Messenger. Kaya’t sa edad na 81 ay nailunsad na niya ang kanyang unang iOS game app, ang Hinadan na base sa traditional Hinamatsuri festival. Ngayon, regular siyang nagbibigay ng computer classes at blogs, at marami na siyang naiisip na ideya para sa apps.

“I have a request for the young folks out there. After you leave, please tell my story to your parents and grandparents,” ang huling mensahe ni Wakamiya sa mga tagapakinig sa TEDxTokyo. 

Tatlong Japanese films nag-world premiere sa 70th Festival de Cannes


Kabilang ang tatlong obra – ang “Blade of the Immortal” (Mugen no Jūnin), “Before We Vanish” (Sanpo suru Shinryakusha) at “Radiance” (Hikari) ng tatlo sa mga batikang direktor sa mundo ng contemporary Japanese cinema na sina Takashi Miike, Kiyoshi Kurosawa at Naomi Kawase bilang mga official selection sa iba’t ibang kategorya sa kamakailan lang na Festival de Cannes (Cannes Film Festival) – Out of Competition, Un Certain Regard at Main Competition. Idinaos sa Cannes, France ang ika-70 edisyon ng isa sa prestihiyosong international film festivals.

Miike’s 100th feature

Itinampok naman sa Out of Competition ang ika-100 obra, ang Blade of the Immortal ng kontrobersyal na direktor na si Takashi Miike na kilala sa kanyang magkakahalong film genres – martial arts, family-friendly, crime dramas, sexual themes, violent at disturbing thrillers. Ito rin ang muling pagbabalik ng direktor sa samurai genre.

Base ito sa manga na parehas ang pamagat ni Hiroaki Samura at tungkol sa isang samurai na isinumpang maging imortal, si Manji (Takuya Kimura) at ang pakikipagsapalaran nito para mapalaya ang sarili sa pamamagitan ng pagpatay ng 1,000 masasamang kalalakihan.
Ang naturang pelikula ay siyang ikalimang pagkakataon na rin ni Miike sa Cannes Film Festival – “Hara-Kiri: Death of a Samurai” (Ichimei/2011 In Competition), “For Love’s Sake” (Ai to Makoto/2012 Out of Competition), “Shield of Straw” (Wara no Tate/2013 In Competition), at “Yakuza Apocalypse” (Gokudō Daisensō/ 2015 Director’s Fortnight).

Profoundly human tale of love and mystery

Nominado naman sa limang kategorya ng Un Certain Regard ang sci-fi-thriller na Before We Vanish ng internationally-acclaimed director ng “Tokyo Sonata” (2008 Cannes Film Festival - Un Certain Regard Jury Prize) at “Journey to the Shore” (Kishibe no Tabi) kung saan naman nanalo ng Best Director si Kiyoshi Kurosawa sa Cannes Film Festival Un Certain Regard 2015. 

Gaya ni Kawase, isang regular fixture rin si Kurosawa sa Cannes, na unang napansin sa naturang festival sa “Kairo” (2001) sa parehas na kategorya. Bagaman kilala bilang horror master sa Japan at drama naman sa dalawang nabanggit na pelikula, ito ang unang pagkakataon na sumabak ang batikang direktor sa science fiction genre.

Base ang Before We Vanish sa theatrical play na parehas ang pamagat ni Tomohiro Maekawa, na unang itinanghal noong 2005. Tampok dito ang kwento ng nagkakaproblemang mag-asawa na sina Narumi (Masami Nagasawa) at Shinji Kase (Ryuhei Matsuda), at ang hindi maipaliwanag na pagkawala ni Shinji at pagbabalik nito na tila ibang tao na, na sinundan ng mga misteryosong kaganapan.

Sentimental musings on the power of sight

Isa nang frequent figure sa Cannes Film Fest ang cinematic naturalist na si Kawase, kung saan pito na sa kanyang mga pelikula ang itinampok sa naturang film festival – lima rito ang napabilang sa Main Competition para mapanalunan ang Palme d’Or, kabilang ang kanyang pinakabagong obra na Radiance na pinarangalan ng Ecumenical Jury Prize.

Tampok sa Radiance ang kwento nina Misako (Ayame Misaki), isang babaeng sinusubok ng pagkakataon sa pagkawala ng kanyang ama at inang may dementia, at nagtatrabaho sa isang studio bilang manunulat ng film audio descriptions para sa mga may kapansanan sa mata; at Masaya (Masatoshi Nagase), isang photographer na unti-unting nawawalan ng paningin at iniwan ng asawang muling ikakasal sa iba, na magtatagpo ang landas sa isang focus group screening.

Naipalabas na nitong Abril at Mayo ang Blade of the Immortal at Radiance rito sa Japan, samantalang sa Setyembre 9 pa ilulunsad sa bansa ang Before We Vanish.