Lunes, Hunyo 30, 2014

Frigga: A Combination of Feng Shui and Fashion

Ni Len Armea

Ms. Marites Allen, founder ng Frigga (Kuha ni Jovelyn Bajo)
Natatangi ang bagong international fashion line na binuo ng pamosong Pinay Feng Shui expert na si Marites Allen sa tulong ng kanyang London team of international fashion designers --  Frigga Charmed Life.

Ang Frigga ay ang produkto ng kakaibang ideya ni Allen na pagsamahin ang Feng Shui at fashion sa pamamagitan ng pagdidisenyo ng mga damit at accessories na nakabatay sa mga prinsipyo ng Feng Shui upang makaakit ng swerte at tagumpay sa iba’t ibang aspeto ng buhay.

“The basic principle of Feng Shui is that you attract prosperity and auspiciousness in your life and work environments are balanced and harmonious,” paliwanag ni Allen.

 “Feng Shui uses shapes, colors, symbols, and elements in seeking that balance, so it lends itself naturally to fashion. You apply the same principles on clothing, which is the most intimate environment there is, close to our bodies, and essentially that is wearing and projecting our aspirations to acquire harmony in our lives,” dagdag pa ng kilalang Feng Shui expert.

Developing the fashion line

Naisip ni Allen na marami, partikular na ang mga kababaihan, ay mahilig sa pagsusuot ng mga magagandang damit ngunit kadalasan naman ay wala itong kahulugan. Ito ang nag-udyok kay Allen para pag-aralan ang fashion sa pamamagitan ng pag-e-enrol mga kursong Your Future in Fashion at Luxury Brand Management sa University of the Arts sa London.

“We keep on wearing clothes but it doesn’t have any meaning so I’ve decided to really study what is the thing behind fashion, how do you make it, what are the trends, everything,” ani Allen sa Frigga event na ginanap kamakailan sa Luxent Hotel sa Quezon City.

Sa pag-aaral ni Allen naging inspirasyon ang kanyang natutuhan tungkol sa mga kilalang fashion brands tulad ng Louis Vuitton, Hermes, at Chanel gaya ng kuwento tungkol sa lilies ng Louis Vuitton at kung bakit ito tinawag na Chanel No. 5.

“With those inspirations around, I was thinking that if we keep buying these clothes, all these branded, products, and we’re loyal to it, maybe then we can introduce something to the public which is wearable, fashionable, comfortable and at the same time it brings luck.”

Tamang-tama na sa isang fashion lecture na kanyang dinaluhan ay nakilala niya si Toby Meadows, isang kilalang fashion consultant, sa Europe na ngayon ay tumatayong London director ng Frigga.

Ipinirisinta ni Allen ang kanyang ideya kay Meadows na nagustuhan naman ng huli dahil sa kakaibang konsepto.

“When I presented the idea to him, he said it is something different and unusual. He said that if Donna Karan is changing the fashion cycle from two seasons to four seasons, on my part I’m changing the fashion cycle every month because one’s luck changes every month.”

Ang mga disensyo sa mga damit at accessories ng Frigga ay ginawa ng mga fashion designers batay sa mga predictions ni Allen sa bawat animal sign.

“What I did is I plot the lucky elements for a particular animal sign per month. Imagine there are 12 months and 12 animal signs. It’s a very long chart. And then I told my partners that I want my lucky element and lucky symbols to be placed in this direction, this color, this print that would fit in the design,” paliwanag ni Allen sa proseso ng paglikha ng Frigga style.

“It’s really something new, something that’s never been done before and I want to bring it to the public.”

Online shopping

Bukod sa mga Feng Shui stores, maaaring makabili ang publiko ng Frigga sa pamamagitan ng kanilang online website na www.frigga.co.uk. Sa naturang website, kailangan mo lang ilagay ang iyong kaarawan upang malaman kung ano ang iyong animal sign. Pagkatapos ay maaari nang makapag-shopping ng mga damit o accessories na makakapagbigay ng swerte sa larangan ng pag-ibig, negosyo, kalusugan at iba pang aspirasyon.

Simula nang buksan ng Frigga ang online store ay marami na sa kanilang mga kliyente ang umoorder ng mga damit at accessories mula sa Japan, Pilipinas, United Kingdom, Australia, Sweden, United States of America, Canada, Singapore, Hongkong, Bermuda, Dubai at Abu Dhabi.




Huwebes, Hunyo 26, 2014

Buwis at Kurapsyon

Ni Al Eugenio

Napansin ninyo ba na mas marami tayong inilalabas na pera mula nang itaas ang consumption tax natin dito sa Japan? Bagama’t ¥3 lamang ang itinaas mula sa dating ¥5,  parang kulang na ang mga ichi yen sa ating bulsa upang idagdag na pambayad sa “shohisei” o tax sa bawat ating pinamimili. Ang dating ¥105 ay naging ¥108 n na. Kapag ¥200 naman ay magiging ¥216 na ang babayarang halaga. Mula sa dating ¥10 ay kailangan na nating maglabas ng ¥20 upang mapunuan ang kinakailangang tax at dahil sa ¥4 na lamang ang sukli ay parang halos ¥20 na rin ang nawala dahil sa hindi naman tayo nagbibilang ng mga ichi yen sa tuwing tayo ay nagbabayad, lalo pa at tayo ay nagmamadali.

Nakakagulat na kapag mahigit na sa dalawang lapad o ¥20,000 na ang ating napamili, mahigit ¥1,600 na ang ating magiging “shohisei.” Paano pa kung ang ating kailangan ay mas mahal na mga gamit tulad halimbawa ng bagong refrigerator, computer o kaya naman ay kotse? Marahil ay marami sa atin ang mabibigla kapag nakita na natin ang magiging karagdagang halaga para sa consumption tax.

Sa atin man sa Pilipinas ay paiigtingin na rin ng ating pamahalaan ang paniningil ng buwis mula sa ating mga mamamayan. Hindi lamang ang mga malalaking kumpanya,  mga negosyante at mga professional ang kinakailangang magdeklara ng kanilang mga kinita kundi pati na rin ang maliliit na mga mangangalakal at mga manggagawa ay may obligasyon na rin magbayad ng buwis.

Alam nating lahat na kinakailangan ang buwis upang mapatakbo nang maayos ang bawat bayan. Kinakailangan ang buwis upang makapagtayo ng mga eskwelahan,  makapagpagawa ng mga maaayos na daan, tulay na makakapagdala ng  kalakal,  tubig at kuryente sa bawat tahanan. Kinakailangan din ang mga nakokolektang buwis upang may maipasweldo sa mga nanunungkulan upang maisagawa lahat ng mga pangangailanagan ng bawat mamamayan.

Bilang mga Pilipinong naninirahan dito sa Japan, damang-dama natin ang mga serbisyo na naibibigay ng pamahalaan kapalit ng ibinabayad nating buwis. Marahil ay wala pa sa atin ang nakaranas ng mawalan ng kuryente at tubig maliban lamang noong magkaroon ng malakas na lindol sa Tohoku region, may tatlong taon na ang nakararaan.   Maging sa siyudad at sa mga labas nito ay halos walang lubak ang ating mga dinaraanan.  Madaling maghanap ng palikuran, nakakalat na impormasyon tungkol sa kung saan at ano ang mayroon sa mga naturang lugar na kahit saan tayo magpunta ay maayos at malinis ang  kapaligiran. Ang mga pampublikong sasakyan ay nasa oras na kung hindi rin lamang masyadong ilang ang lugar ng ating kinaroroonan, maski papaano ay makahahanap lamang tayo ng transportasyon patungo sa ating nais puntahan.
 
Ang mga pangkaraniwang kaayusang ganito ang kinakailangan ng bawat  mamamayan kahit saan pa mang bayan. Ang kaayusang ganito ang dapat malaman ng bawat nanunungkulan o manunungkulan pa lamang bago pa man sila pumasok sa trabahong  “public servant” o pagsisilbi sa mamamayan.

Nakakapagtaka na kung sino pa ang mga may matataas na pinag-aralan at galing sa mga kilalang pamilya ay hindi kayang gawan ng paraan na maisagawa ang simpleng pangangailangang ganito para sa kanilang kapwa mamamayang Pilipino. Ano kaya ang kanilang mga natutuhan sa kanilang paglaki at sa tagal nang panahon na sila ay nag-aaral? Ang nakakahiya pa ay marami sa mga nanunungkulan ay naniniwala na mangmang at walang magagawa ang mas nakakarami sa mga mamamayan kaya patuloy lamang silang nag-e-enjoy sa kanilang kapangyarihan gamit ang salapi ng taumbayan.

Bilyun-bilyong salapi na dapat ay nakapagpagawa ng mga paaralan upang masagip sana ang maraming kabataan na ngayon ay nabubuhay na lamang sa mga lansangan at nagiging problema pa ng ating lipunan. Bilyun-bilyong salapi na dapat sana ay naibili ng gamot upang ang nakararaming mahihirap nating mga kababayan ay mabigyan ng lunas ang kanilang mga malulubhang karamdaman. Bilyun-bilyong salapi na dapat sana ay nagbibigay ng hanapbuhay sa bawat Pilipino upang hindi na maghanap ng trabaho sa ibang bayan. Buo sana ang maraming pamilya at nabubuhay nang may dangal at iginagalang ng mga dayuhan.

Marahil ay kilala na nang marami sa atin dito man sa Japan ang pangalang Janet Lim Napoles. Marami na rin siguro ang nakarinig sa kanyang mga pahayag na hindi lamang siya ang gumagawa nang ganito. Marami pang iba ang patuloy na gumagawa hanggang ngayon ng mga pagnanakaw sa kayaman ng bawat Pilipino. Ang mga ganitong pagnanakaw ay matagal na raw kalakaran sa ating gobyerno. Mga kababayan, kahit hindi man niya sabihin ay matagal na rin nating alam ito. Pero ano ang ating pwedeng gawin? Siguro, tanungin muna natin kung may pagkakaisa ba ang mga Pilipino. Aminin natin na ang tanging araw na nagkakaisa tayo ay ang araw  na  may laban si Manny Pacquiao.

Kailan pa kaya darating ang panahon na ang bawat kababayan natin ay pag-aaralang mabuti at bibigyan ng pagpapahalaga ang bawat boto upang maibigay sa mga taong maaaring makagawa ng pagbabago para sa ating bayan at sa mga Pilipino?


Miyerkules, Hunyo 25, 2014

‘Only in Japan’

Ni Rey Ian Corpuz


1. Pag-inom ng beer. Tuwing sasapit ang tag-init mula Hunyo, ang bentahan ng beer sa pamilihan ay dumodoble o minsan triple pa. Ang telebisyon at mga nakapaskil na poster sa loob ng tren ay karamihan ukol sa beer. Katakataka dahil sa kulturang Pilipino, hindi natin iniisip na ang pag-inom ng beer ay isang paraan upang maibsan ang sobrang init. Sa halip, iniinom natin ang beer para magpainit ng katawan o para malasing.

2. Panghuhuli at pag-aalaga ng mga salagubang, at kung anu-anong insekto. Oo nga naman. Panahon ng tag-init. Maraming mga insekto ang magsisilabasan. Isa na rito yung kuliglig o “cicada” na napakaingay. Pero ang nakakagulat rito ay iyong paghuli, at pag-alaga ng “dung beetle” o iyong malaki at maitim na salagubang. Hindi ko lubos maisip kung bakit sa pagkarami-rami ng mga insekto ay iyong mga kawawang nilalang pa. Hindi na lang iyong mga tutubi o ‘di kaya iyong mga tipaklong na kung saan mas kanais-nais pang tignan.

3. Pagkain ng “somen” na pinapaanod sa kawayang may malamig na tubig. (Nagashi somen) Ang pagkain ng “somen” sa ganitong paraan ay nakamamangha. Sinasabi nila na nakakapagpalamig ito ng katawan kapag sa ganitong paraan mo kakainin ang somen. Base sa kanilang tradisyon, ang mga umuuwi ng kanilang probinsiya tuwing buwan ng Agosto ay ginagawa ito sa mga reunion ng mga kamag-anak upang maging mas masaya ang pagtitipon. Sa mga siyudad na walang kawayan, may mga automatic na “nagashi somen machines” na ibinibenta.

4. Obon season. Sa Japan, ang pagbisita sa mga yumaong kamag-anak at ang pag-uwi sa kanilang probinsiya ay ginagawa tuwing “obon oyasumi.” Ngayong taon, ang obon yasumi ay nataon sa ikalawang linggo ng Agosto. Halos lahat ng mga Hapon ay umuuwi sa kanilang probinsiya upang ipagdasal at bisitahin ang puntod ng kanilang yumaong kamag-anak. Sa Pilipinas, ito ay maihahalintulad sa Undas o Todos Los Santos tuwing Nobyembre 1 at 2. Sa panahong ito, halos lahat ng bus, tren at mga expressways sa buong Japan ay punuan, siksikan at inaasahan na mahaba ang trapik papunta at pabalik.

5. Kaliwa’t kanang piyesta. Sa Pilipinas, karamihan ng piyesta ay ginaganap tuwing Mayo dahil sa ito ay mahabang bakasyon, sa Japan ginaganap ang karamihan nito tuwing Hulyo at Agosto. Halos bawat siyudad o pamayanan ay nagsasagawa ng ritwal na kung saan kinakarga ang kanilang “mikoshi” o “portable shrine.” Ang “mikoshi” ay isang mabigat na kahoy na parang may bahay sa gitna at parang sarimanok sa tuktok na kinakarga ng mga taong nakasuot ng costume habang sinasabi ang mga katagang “Washhoi washhoi!” Ito ay ginagawa bilang pagpupugay sa kanilang pinaniniwalaang Diyos at pagpapasalamat na rin sa nakaraang taong pagsubok.

6. Fireworks. Siksik, liglig, walang kalalagyan at umaapaw ang mga fireworks sa buong Japan tuwing summer. Mula kalagitnaan ng Hulyo hanggang katapusan ng Agosto, kaliwa’t kanan ang mga fireworks. Nag-uumapaw rin ang mga taong dumadagsa dahil kalimitan isang beses lang ito ginaganap at tuwing summer lamang. Sa Pilipinas at sa ibang mundo, tuwing Pasko at Bagong Taon lang ginagawa ang fireworks. Talaga namang kakaiba ang Japan!

7. Pagbibiyak ng pakwan. Talaga naman sobrang “omoshiroi” ang Japan. Biruin mo, pati pakwan ay ginagawan ng laro na parang palayok sa atin. Oo, dito sa Japan, katuwaan tuwing summer ang pagbibiyak ng pakwan tuwing nasa beach, party o munting salu-salo. Kaya lang sobrang mahal ng pakwan dito kaya parang nakakapanghinayang na magkalat lang o marumihan ang pakwan pagkatapos mabiyak.

8. Kaliwa’t kanang open-air concerts. Kung saan naman pinakamainit sa buong taon ay sa ganitong panahon pa ginaganap ang mga “open-air” concerts. Isa na rito ang sikat na Fuji Rock Festival na kung saan maraming mga banyagang mang-aawit ang inaanyayahan upang tumugtog at kumanta. Sa Tokyo area, sikat na sikat ang Tokyo Dome, Saitama Super Arena, Makuhari Messe, Tokyo Big Site, Yokohama Stadium at Ajinomoto Stadium bilang mga lugar na pinagdadausan ng mga konsiyerto tulad ng Exile, AKB48, Arashi at marami pang iba.

9. “Chugen” o ang regalong ibinibigay tuwing Summer. Karamihan ng mga Hapon ay nagbibigay ng isang set o kahon-kahon na mga “daily necessities” tulad ng kape, mantika, cookies, sembei at marami pang iba. Ang pagbibigay ng chugen sa mga katrabaho, kliyente o mga malapit na mga kamag-anak ay isang simbolo ng respeto at pasasalamat. Ang “chugen” ay katulad na binibigay na regalo tuwing katapusan ng taon na tinatawag na “oseibo.”

10. Maskara ni Darth Vader. Ano iyon? Puro lang mga babae at karamihan mga lola ang nagsusuot nito. Ito yung sinusuot nila na “face visor” na itim na pang kontra sa init ng araw at “ultra-violet rays.” Marami kang makakasalubong nito. Karamihan nakabisikleta. Balot na balot ang katawan. May “hand gloves” na nga may “arm gloves” pa balot hanggang ulo. Sa atin naman, sumbrero, payong o kahit anong bagay gaya ng papel, newspaper o hawak na “folder” ay okay na. Dito, kailangan talagang balot ka para hindi tamaan ng sinag ng araw.


Mga hamon sa pagbibigay ng visa

Ni Cesar V. Santoyo

Inaasahan ngayong buwan ng Hunyo ng kasalukuyang taon ang paglalabas ng opisyal na pahayag ng Pamahalaan ng Japan tungkol sa pagluluwag sa pagbibigay ng visa at ang malayang pagpasok ng malakihang bilang ng mga dayuhang migrante sa bansa. Sa pagsubaybay sa mga nagaganap na usapin para sa pagliberalisa ng visa para sa mga dayuhan ay makikita ang maaaring hugis sa pagbubuo ng patakaran sa pagpaparami ng bilang ng mga dayuhan sa bansa.

Ang mga sumusunod na kataga sa ibaba ay salin sa Tagalog na pinili mula sa May 18, 2014 English edition ng pahayagang Japan Times bilang tungtungan ng pagpapahayag ng opinyon ng may akda.

“Tanggapin man o hindi ang mas malaking bilang ng mga dayuhang migrante ay isyu na nakasalalay ang kinabukasan ng bansa at buhay ng lahat ng mga mamamayan. Nauunawaan ko na dapat pag-aralan (ng pamahalaan) pagkatapos isailalim sa pambansang antas ang usapin mula sa lahat ng anggulo,” wika ni Prime Minister Abe noong Pebrero 13, 2014 sa Lower House Budget Committee.

Hindi kampante ang mga konserbatibong politiko sa paglaganap ng malakihang bilang ng mga dayuhang migrante at may pangamba sa pagpapanibagong hugis ng matatag subalit delikado ang katayuan ng eksklusibong lipunan. Bilang tugon na argumento ni Prime Minister Abe ay dapat bigyan ng Japan ang mas maraming dayuhang migrante ng visa mula tatlo hanggang limang taon imbes na hayaan ang malaking bilang ng mga dayuhang migrante na manatili ng pirmihan sa bansa.

“Ano ba ang mga immigrants? Ang U.S. ay isang bansa ng mga immigrants na nanggaling mula sa buong mundo na nagbuo ng United States. Marami ang mga nagpuntahan sa bansa at naging bahagi bilang mamamayan. Hindi natin gagayahin ang ganyang patakaran,” na wika ni Prime Minister Abe sa isang programa sa telebisyon na ipinalabas noong Abril 20, 2014.

“Sa kabilang banda, isang tapat na katotohanan ang patuloy na pagliit ng bilang ng populasyon at makikita ng Japan ang kakulangan ng manggagawa sa maraming linya ng produksyon,” sabi ng Prime Minister, na may karagdagang kataga na maaari niyang luwagan ang mga regulasyon sa pagbibigay ng tatlo hanggang limang taon na visa.

Sabi pa niya “Hindi ito patakaran para sa immigrant. Nais namin silang magtrabaho at kumita ng mas mataas sa limitadong panahon at pagkatapos ay bumalik sa sariling bayan.”

Batay sa mga nakasaad na balita sa itaas ay makikita natin ang tunggalian ng interes sa pananatili ng ekslusibong lipunan sa kabila ng padausdos na ekonomiya at bilang ng mga mamamayan ng Japan. Dapat lamang na respetuhin natin bilang mga dayuhan ang mga pananaw ng mga mamamayan ng Japan kontra man o maging kampi sa ating mga migranteng dayuhan. Ang maliwanag dito ay ating makita ang kahalagahan ng ating angkin na lakas paggawa para buhayin ang mga ekonomiya ng mahirap na bansa kagaya sa ating lupang tinubuan at maging sa mayaman na bansa gaya ng Japan.

Sa panahon ni Pangulong Corazon C. Aquino ay iprinoklama na ang mga Overseas Filipino Workers o OFW ay ang mga “Bagong Bayani.” Ang remittance na ipinapadala ng mga OFW ay ang tanging tumutukod noon sa bagsak na ekonomiya ng bansa at ang “bagong bayani” ay bilang pagkilala sa pagpapatulo ng pawis at luha ng mga Pinoy sa ibayong dagat.

Maging sa usapin ng mga mambabatas ng Japan ay tinutukoy ang kahalagahan ng nating mga dayuhang migrante.  Ayon mismo sa Prime Minister ng Japan ay ang kanyang pagkilala na ang pagkuha ng madaming bilang ng mga migranteng dayuhan ay tutugon sa kinakailangan paglago ng kinabukasan ng Japan at ng mga mamamayan.

Bagama’t may takdang taning ang pamamalagi ng migranteng dayuhan mula tatlo hanggang limang taon, na maaring ipahayag na patakaran ngayong buwan ng Hunyo, ay malaking pagbabago na ito sa patakaran ng migrasyon ng Japan. Ang  takdang panahon ng pananatili sa trabaho at pasubali na hindi pwedeng maging immigrants ang mga tatanggaping malaking bilang ng mga dayuhang migrante ay maliit na hadlang kung tutuusin.

Una sa lahat, wala naman kasi sa atin na gustong magtrabaho ng matagal sa ibayong dagat para malayo sa mga mahal sa buhay. Hindi rin naman tayo natatakot na umuwi ng Pilipinas at ang ating kinatatakutan pag-uwi for good ay ang ambang kagutuman dahil sa salat na oportunidad sa sariling bayan.

Walang diwa at lalong wala sa plano ng mga mambabatas ng Japan at maging sa Pilipinas para panatiliin sa Japan tayong mga Pinoy at bilang dayuhang migrante. Subalit sa mga pangyayari at praktika, halimbawa ang pagpapadala ng daang libong mga entertainers at pagtanggap ng Japan mula taon ng 1990’s, ay nagresulta ito ng pagkakaroon ng daang libong mga nanay ng mga Japanese-Filipino children.  Hindi na maaaring pabalikin pa sa Pilipinas ang mga naging tanglaw ng tahanan ng pamilyan Filipino-Japanese.

Dagdag pa, hindi rin maikakaila na ang presensya ng mga Pinay at mga anak na JFC ay nakayanang baguhin Nationality Law ng Japan na isang pundamental na batas ng bansa. Sa ilalim ng dating Family Law ay hindi maaring bigyan ng Japanese nationality ang kinikilalang anak ng amang Japanese na hindi kasal sa dayuhang ina. Nuong June 4, 2014 ay nagpasya ang Korte Suprema na pabor sa kasong isinampa ng 10 JFC na mabigyan ng Japanese nationality.


Patunay lamang na tayong mga dayuhang migrante ay may angkin na lakas hindi lamang para sa pagbuhay ng ekonomiya at maging sa pagwawasto ng mga patakaran na hindi naayon sa sariling kapakanan at karapatan pantao. Bilang paghahanda sa posibleng anunsiyo sa pagdagsa muli ng mga dayuhang migrante sa Japan ay ang paghahanda rin sa hinaharap na posibleng pagsusudlong sa itinakdang patakaran sa mga dayuhang migrante bilang kaakibat na hamon na haharapin. Dahil wala namang kikilos para sa ilagay sa tamang patakaran ang buhay at trabaho nating mga dayuhang migrante kundi tayo rin lamang na mga dayuhang migrante.

Maritime instructors training sa Japan binuksan sa publiko

Ni Florenda Corpuz

Binuksan na ng Maritime Industry Authority (MARINA) ang nominasyon para sa mga kwalipikadong Filipino maritime instructors na nagnanais sumailalim sa pagsasanay sa Japan mula Agosto 23 hanggang Nobyembre 1.

Ayon sa MARINA, anim na Filipino maritime instructors ang maaaring dumaan sa
pagsasanay sa pamamagitan ng Maritime Instructors’ Training Programme sa ilalim ng Seamens’ Employment Center of Japan (SECOJ). Ang SECOJ ay isang judicial foundation na aprubado ng Ministry of Land Infrastructure, Transport and Tourism (MLIT) ng Japan.

Kamakailan ay nilagdaan nina MARINA Administrator Dr. Maximo Q. Mejia Jr. at SECOJ General Manager Yasuhiko Semba ang isang Memorandum of Agreement (MOA) na nagresulta sa pagkakaroon ng nasabing training program.

Sinabi ni Mejia na makakatulong ang programa para itaas ang kalidad ng maritime education at training sa bansa.

“This is an excellent platform for our maritime instructors to learn about latest trends as well as new global regulations relating to maritime education and training including operations of advanced maritime technologies,” ani Mejia.

“I invite heads and academic deans of maritime educational institutions, which are particularly in need of this kind of capacity building initiative to nominate suitable candidates,” dagdag nito.
           
Binubuo ng dalawang bahagi ang training program: ang on-board training at classroom training na parehong isasagawa sa Japan. Sasagutin ng SECOJ ang mga gastusin ng mga makakapasang trainees tulad ng round trip economy class air ticket, clothing, training allowance, accommodation, local transportation at medical expenses.

Mahigit sa 20 Filipino maritime instructors na ang matagumpay na nakakumpleto ng pagsasanay sa ilalim ng programa na sinimulan sa Pilipinas noong 2010.


Para sa mga kwalipikasyon at nomination form, magtungo lamang sa www.marina.gov.ph

‘Saludo sa Bayaning Pilipino’ idinaos

Ni Elvie Okabe, DBA/MAE
Sina Ambassador Manuel Lopez, Fr. Nilo Tanalega at Angel Locsin
 kasama ang mga pinarangalan ng gabing iyon.
 Idinaos kamakailan ang “Saludo sa Bayaning Pilipino sa Japan: A Migrant Workers’ Day Celebration with Seafarers” sa Matsudo Citizens’ Hall sa Matsudo, Chiba kung saan pinarangalan ang ilang Pilipino na malaki ang naiambag sa komunidad.

Ginawaran ng Bayaning Pilipino Award si Jeppie Ramada, na kwalipikado sa Global Bayaning Pilipino Awards 2014 overseas Filipino individual category habang binigyan ng citation awards sina Charito Itoh at Rachel Takahashi. Nakamit naman ng Bayanihan Kessenuma Filipino Community ang special citation for community award.

Kinilala si Ramada sa naiambag niya sa naganap na trahedya sa Tohoku Region noong 2011 kung saan patuloy ang kanyang mga pagtulong hanggang sa kasalukuyan kasama ang United Filipinos in Gifu (UNIFIL-GIFU). Tumutulong sila sa mga nasa evacuation centers sa malayaong bahagi ng Japan partikular na sa Miyagi at Aomori Prefectures. Nag-organisa rin siya ng “Let’s Walk Together” fun run upang makalikom ng pondo para sa mga nasalanta ng bagyong Yolanda.

Mismong sina Fr. Nilo Tanalega, Project Director ng Global Bayaning Pilipino Awards, Ambassodor Manuel Lopez at ang nakababatang kapatid ni ni Don Eugenio “Geny” Lopez. Naroroon din sina Angel Locsin at Mitoy Yonting, grand winner ng The Voice of the Philippines, upang magbigay ng kasiyahan sa mga nagsipagdalo.


Simula 1994, ginagawa ang parangal na ito kada dalawang taon upang magbigay ng pagpupugay sa mga natatanging Pilipinona aktibo sa pagtulong at pagbubuklod ng mga komunidad sa iba’t ibang panig ng mundo.

Martes, Hunyo 24, 2014

FilCom Chorale Japan nagbalik-tanaw sa isang konsiyerto


Ni Florenda Corpuz

 
Kuha ni Alvin Tamayo
Muling nagbalik-tanaw ang grupong FilCom Chorale Japan, sa ilalim ng patnubay nina Dr. Mel Kasuya at Leith Casel-Schutz, sa pamamagitan ng isang konsiyerto na pinamagatang “Nostalgia: A Concert of Filipino Classics” na ginanap kamakailan sa Shibuya Cultural Center Owada – Sakura Hall sa Tokyo.

Ito ang ikalawang pagkakataon na nagtanghal ng ‘Nostalgia’ concert ang grupo na nabuo dahil sa kanilang natatanging pagmamahal sa musika, kultura, bansa at sa Diyos.

Ilan sa mga inawit ng FilCom Chorale Japan ay ang mga timeless Filipino classics mula sa iba’t ibang panig ng Pilipinas tulad ng “Tilibum,” “Ako ay Pilipino,” “Ili-ili,” “Sa Libis ng Nayon,” “Magtanim ay ‘Di Biro,” “Kalesa,” “Manang Biday,” “Sarung Banggi,” “Pobreng Alindahaw,” “Dandansoy,” “Usahay,” “Dahil sa Isang Bulaklak,” “O Ilaw,” “Dahil Sa’yo,” “Ikaw ang Mahal Ko,” “Katakataka,” “Maalaala Mo Kaya,” “Minamahal Kita,” “Lahat ng Araw,” “Dalagang Pilipina,” “Tanging Diyos Lamang Ang Nakakaalam,” “Saan Ka Man Naroroon,” “Gaano Kita Kamahal,” “Bayan Ko” at “Pilipinas Kong Mahal.”

Layon ng konsiyerto na palaganapin ang kulturang Pilipino sa pamamagitan ng musika at magpaabot ng tulong sa Typhoon Yolanda rehabilitation project.

Ang FilCom Chorale Japan ay binubuo ng mga magagaling na Pilipinong mang-aawit mula sa iba’t ibang choir groups sa Japan. Unang nagtanghal ang grupo sa isang misa nang bumisita si Pangulong Benigno C. Aquino III noong Nobyembre 14, 2010 sa Futaba High School sa Yokohama.

Kwentong ‘Samu’t Sari’ ni Johnoy Danao

Ni Len Armea

Iba’t ibang kwento ng pag-ibig ang bida sa mga kanta ng OPM acoustic singer na si Johnoy Danao na mismong siya ang nagsulat at nakapaloob sa kanyang bagong album na pinamagatang “Samu’t Sari.” Ito ang unang album ni Johnoy bilang isang mainstream artist at talent ng Universal Records.

Masaya ang mang-aawit dahil bukod sa maganda ang kinalabasan ng album na halos kalahating taon din niyang pinagpaguran ay mas marami ng OPM fans ang makakarinig dahil sa pagtawid niya sa mainstream music. Subalit, binigyang-diin ng papasikat na singer sa ginawang press launch kamakailan na hindi mahalaga kung independent artist ka man o mainstream artist.

“Pinakaimportante sa akin kung ano iyong musika mo, kung ano iyong naririnig ng tao at kung totoo ka sa musika mo, walang problema kung mainstream o indie artist ka,” pahayag ni Johnoy na unang naging matunog ang pangalan ng maging bahagi ng “Good Times Acoustic” podcast ni DJ Mo Twister.

Kapansin-pansin sa Samu’t Sari, na mayroong 11 kanta kung saan siyam sa mga ito ay orihinal na komposisyon, ang magandang pagkakatagpi ng liriko ng kanta at ng kakaibang tunog na Pinoy na Pinoy.

“Iba’t ibang kwento ang nakapaloob sa album na ito. Iba’t ibang tunog din ang maririnig pero lahat nasa iisang tema ng pag-ibig.

“Samu’t Sari is my way of introducing my music to a wider audience. It is never about me, my face, the visuals. It is all about the music, the voice,” dagdag pa ni Johnoy na nagkaroon din ng banda noong 2000 na may pangalan na Bridge.

Nakapaloob sa album ang mga kantang “Buntong-hininga,” “Salamat Sinta,” “Aking Mahal,” “Bilog ang Bola,” “Malayang Bilanggo,” “Salubong,” “Bakuran” featuring Aiza Seguerra,” “Kung ‘Di Man,” na itinanghal na second place sa Philpop Festival noong nakaraang taon, at ang “Ikaw at Ako,” na mula sa naunang album ni Johnoy na “Dapithapon” na inilabas noong 2010.

Kabilang din sa Samu’t Sari ang sariling bersyon ni Johnoy ng kanta ng Imago na “Sundo” at ng Itchyworms na “Beer.” Ayon kay Johnoy, napili niyang isama ang dalawang kanta dahil gustung-gusto niya ang pagkakasulat at ninais na sana’y siya ang nakapagsulat ng mga ito.
Sa iba’t ibang kwento ng pag-ibig sa kanyang album, hangad ni Johnoy na magustuhan at mapakinggan ito ng nakararaming Pilipino na tanging pangarap niya.

“Iyong mga kwento sa mga kanta na nakasama sa album ay personal kong kwento ngunit sa tingin ko ay sumasalamin din sa bawat isa – sa ating mga Pilipino – kung paano tayo magmahal, paano tayo mabigo, paano tayo makipaglaban.”

“Puntirya ko sa pagsusulat ng kanta at paggawa ng musika iyong puso ng tao – maririnig ng tenga at didiretso sana sa puso,” giit pa ni Johnoy.

Musikahan kasama si Ryan Cayabyab

Ryan Cayabyab
Sino nga ba ng hindi nakakakilala kay Ryan Cayabyab? Sa loob ng 45 taon sa industriya ng musika, hindi matatawaran ang mga klasiko at Pinoy na Pinoy na mga kanta na naiambag ng tinatawag na “The Maestro.” Siya ang nasa likod ng mga kantang tulad ng “Kay Ganda ng Ating Musika,” “Paraiso,” “Tuwing Umuulan at Kapiling Ka,” “Kailan,” Limang Dipang Tao,” “Tunay na Ligaya,” “Nais Ko,” at “Iduyan Mo.”

Hindi biro ang naiambag ni Mr. C sa larangan ng musika na isang dahilan upang magsagawa ng tribute concert sa buong 2014 bilang pagdiriwang sa kanyang ika-60 kaarawan at ika-45 taong anibersaryo sa industriya. Bilang isa sa tinitingala sa industriya at bilang tagapagtaguyod ng Original Pilipino Music (OPM), itatanghal ang “Mr C at 60” na binubuo ng iba’t ibang music productions na nagpapakita ng mga nalikhang musika ng pamosong kompositor. Gaganapin ang mga pagtatanghal sa Gawad CCP sa iba’t ibang taon.

Nito lamang Mayo 3 ay isinagawa ang “The Music of Ryan Cayabyab” na pinangunahan ng ABS-CBn Philharmonic Orchestra kung saan si Gerard Salonga ang kunduktor, 60-piece choir at ilan sa mga kilalang mang-aawit sa bansa. Ipinagdiwang sa tribute concert na ito ang ilan sa mga popular na OPM songs na pinasikat ni Mr. C pati na rin ang kanyang classical at musical theater composition.

Bukod dito, idaraos din ang “Rise: Rebuilding from the Ruins” sa Hunyo 11 sa Manila Cathedral kung saan ipapakita ang mga gawa ni Mr. C para sa orchestra, chorus at solo voice. Tampok naman ang “La Revolucion Filipina” sa Hulyo 25 -27 kung saan itatanghal ng Ballet Philippines ang modern dance masterpiece ni Agnes Locsin tungkol kay Apolinario Mabini sa saliw ng musika ni Mr. C.

Magkakaroon naman ng pagkakataon ang ilan sa mga tagahanga at tagasuporta ni Mr. C na makausap siya tungkol sa kanyang musika at sining sa pamamagitan ng “Conversing with Mr C” na gaganapin sa Oktubre 22, 3pm, sa CCP Little Theater.

Ilan pa sa mga parangal para kay Mr C ay ang “Noli Me Tangere, The Concert” na gaganapin sa Oktubre 23-24 at “The Grand Chorale Recital of the Hands on Choral Workshop” sa pangunguna ng Philippine Madrigal Singers ay magaganap sa Oktubre 25.

Ilulunsad naman ng Philippine Philharmonic Orchestra sa Nobyembre 14 ang “Simfonia Filipiniana: Philippine Symphonic Airs,” na bagong recording ni Mr. C ng mga popular na Filipino folk songs.


Bukod sa paggawa ng musika, si Mr. C ang executive director ng Philpop MusicFest Foundation Inc., ang organisasyon na nasa likod ng Philpop Music Festival na isang songwriting competition, na may layuning itaguyod ang musikang Pinoy. 

Lunes, Hunyo 23, 2014

“Gitara Filipina” handog ng Triple Fret

Bibihira ang mga grupo na lumilikha ng musika gamit ang classical guitar. Kaya’t higit na nangingibabaw ang Triple Fret, isang classical-contemporary guitar trio na puro babae ang miyembro na kinabibilangan nina Jenny de Vera, Angelica Vinculado, at Marga Abejo.

Nakapagtanghal na ang grupo sa iba’t ibang lugar sa Pilipinas maging sa ibang bansa gaya sa Brunei kung saan naimbitahan silang magtanghal sa the Jerudong International School (JIS) Arts Centre Foyer noong 2013. Sa darating na Hulyo 26, 2014 ay magtatanghal ang Triple Fret sa prestihiyosong Guitarra Festival sa Siguenza, Spain kasama ang ibang world-class guitarists tulad nina Paco Pena, Carlos Bonel at iba.

Mayroong sariling tagapakinig ang classical at contemporary music kaya’t naaayon lamang na maglabas ang trio ng kanilang unang album na pinamagatang “Gitara Filipina” na magtatampok sa Filipino classics.

Ilan sa napasamang Filipino classics sa Gitara Filipina album ay ang “Sinulog Kamamatuan,” Leron Leron Sinta,” “Manang Biday,” “Sa Ugoy ng Duyan,” at “Si Filemon, si Filemon. Kasama rin ang “Concerto in D (Antonio Vivaldi),” “Jota Aragonaise (Georger Bizet),” “Baiao de Gude Paulo Bellinati),” “Songs Without Words (Felix Mendelssohn),” at “Danza del Sur (Hanjsjoachim Kam).

Hasa ang miyembro ng Triple Fret sa nangungunang music schools sa bansa, University of the Philippines College of Music at University of Santo Tomas Conservatory of Music, kaya’t kagiliw-giliw ang makinig sa tatlo dahil sa kanilang kahanga-hangang talento.


Nakapagtanghal na sila sa 3rd International Guitar Festival, Pasinaya Festival, 1st Philippine International Jazz and blues Festival at 2013 Fete de la Musique Manila. Mayroon silang European Tour sa buwan ng Hunyo at Agosto upang i-promote ang kanilang album at ang Filipino music and classical guitar favorites

Martes, Hunyo 10, 2014

Muhammad Ali’s 12 rounds of boxing


Kung bukambibig ngayon sa larangan ng boksing ang mga pangalang Floyd Mayweather, Jr. at Manny Pacquiao, noong 1960 hanggang 1980 ay si Muhammad Ali ang bidang-bida. Sa katunayan ay “The Greatest” ang monicker na ibinigay sa kanya dahil sa angking galing nito sa ring at record at pagkilala na naitala sa larangan ng boksing.

Ngayon ay 72-taong-gulang na si Ali at may sakit na Parkinsons disease ngunit patuloy pa rin ang kanyang pagsuporta sa boksing at pagtulong sa pamamagitan ng itinayo niyang foundation. Nito lamang, matapos ang maintrigang pagkapanalo ni Mayweather laban kay Marcos Maidana ay nanawagan ito na sana’y magkaharap na sa ring ang una at si Pacquiao.

Sa halos ilang taong pamamayagpag bilang world-class boxer at sa patuloy sa pagtataguyod ng isport na tunay niyang minahal, narito ang ilang mahahalagang bagay tungkol sa tinaguriang pinakamagaling na boksingero sa kasaysayan ng boksing.

1. Unang nadiskubre ni Ali ang boksing noong siya’y 12-taong-gulang nang minsang mawala ang kanyang bagong bisikleta. Hinanap niya iyon at isinumbong sa pulis na si Joe Martin na noo’y mayroong gym at nagtuturo ng boksing sa mga kabataan. Ani Ali kay Martin na nais niyang gulpihin kung sino man ang nagnakaw ng kanyang bisikleta na sinagot ng huli na dapat ay matuto muna siya lumaban bago maghamon.

2. Cassius Marcellus Clay ang tunay na pangalan ni Ali, na ipinanganak noong Enero 17, 1942 sa Kentucky, ngunit noong 1964 ay umanib siya sa Nation of Islam na pinamumunuan ni Elijah Muhammad na nananawagan para magkaroon ng “separate black nation.” Simula noon, Muhammad Ali na ang dinalang pangalan ng popular na boksingero.

3. Nasa 61 ang naging laban ni Ali, 56 sa mga ito ay kanyang naipanalo. Sa 56 na panallo, 37 sa mga ito ay sa pamamagitan ng knockout. Sa lima niyang talo, isang beses lamang siya na-knockout.

4. Naging professional boxer si Ali nang makuha nito ang gold medal sa Olympics game na ginanap sa Rome, Italy noong 1960.

5. Siyam na beses niyang nadepensahan ang kanyang heavy weight titles.  Itinanghal din siya na World Heavyweight Championnoong 1964, 1974, at1978.

6. Noong 1967 ay napasama si Ali sa military service sanhi ng nagaganap na Vietnam War ngunit tinanggihan ito ni Ali dahil labag umano ang pagpatay sa kanyang relihiyon. Kinasuhan siya ng draft evasion at pinagmulta ng US$10,000 at pagkakakulong ng limang taon. Hindi man siya nakulong dahil sa kanyang pag-apela, tatlong taon siyang hindi pinayagan maglaro ng boksing at binawi rin sa kanya ang heavyweight title.

7. Sa kanyang siyam na anak mula sa apat na asawa, ang anak niyang babae na si Laila Ali ang sumali sa professional boxing ngunit hindi naging kasing matagumpay ng kanyang ama.

8. Lumaban si Ali sa 12 bansa at isa na rito ay sa Pilipinas kung saan ang kanyang ikatlong laban kay Joe Frazier noong 1975, na pinamagatang “Thrilla in Manila,” ang itinuturing na isa sa pinakamaganda at pinakaklasikong laban sa kasaysayan ng boxing. Umabot ito ng round 14 na pinanalunan ni Ali.

9. Naging popular din siya sa mga binitiwang kataga na, “float like a butterfly, sting like a bee.”

10. Huling laban ni Ali noong 1981 nang matalo siya kay Trevor Berbick sa edad na 39. Isang araw matapos ang kanilang laban ay inanunsiyo na ni Ali ang kanyang pagre-retiro sa pagboboksing.

11. Ibinunyag ni Ali na mayroong siyang sakit na Parkinsons Disease, isang degenerative disorder ng central nervous system, na sinasabing sakit ng mga boksingero dahil sa mga natatamong suntok ulo. Dahil ditto, itinayo ni Ali ang Muhammad Ali Parkinson Center sa Arizona.

12. Nailagay si Ali sa World Boxing Hall of Fame noong 1986 at tinanggap din niya ang Presidential Medal of Freedom mula kay dating Pangulong George W. Bush noong 2005.

Lunes, Hunyo 9, 2014

The benefits of jumping rope



Marami ang ipinapagwalang-bahala ang pag-e-ehersisyo dahil akala nila na kailangang gumastos ng malaki para rito. Ito ay dahil matunog at popular ang pagpunta sa gym at pag-e-enroll sa ilang fitness trainings tulad ng Pilates, Yoga at Crossfit na medyo may kamahalaan ang bayad.

Marami ang naghahangad na makapagbawas ng timbang – ang iba ay nais na gumaan ng 10 pounds, 20 pounds o higit pa ngunit nabibigo dahil sa iba’t ibang dahilan. Upang maging matagumpay sa pagbabawas ng timbang, isa sa mga dapat tandaan na mayroong 3,500 calories ang isang pound. Kaya kung nais na makapagbawas ng isang pound sa loob ng isang linggo ay kailangan mong makapag-burn ng 700 calories kada araw.

Jump rope training

Hindi napapansin ng marami ang malaking potensiyal ng jumping rope. Masasabing isa ito sa mabibisang paraan hindi lamang para sa pagbabawas ng timbang kundi pati na rin ang pagpapatibay ng resistensya ng katawan. Sa katunayan, hindi nawawala ang jumping rope sa pag-e-ensayo ng mga boksingero.

Sa humigit-kumulang na Php500 ay maaari nang makabili ng jumping rope na may magandang kalidad. Maaari mo na itong magamit ng ilang beses kada araw sa loob ng matagal na panahon. Lahat naman ay pamilyar kung paano ito gagamitin at sa konting ensayo ay madali itong matututuhan.

Magandang ehersisyo ang jumping rope dahil sa loob lamang ng 30 minuto na paggawa nito ay maaari ka nang makapag-burn ng 300 calories – hindi mo na kailangang magbayad ng mahal para pumunta sa gym. Basta’t may jumping rope, tamang espasyo at training shoes ay pwedeng-pwede mo na itong gawin. At kung aayusin mo rin ang mga kinakain mo araw-araw ay maaari mong ma-burn ang 700 calories kada araw.

Benepisyo ng jump rope training

Unang-una dapat ay naaayon sa iyong tangkad ang haba ng gagamiting jump rope. Upang malaman ito, hawakan ang magkabilang dulo ng jumping rope, tapakan ng paa ang gitnang bahagi nito at siguraduhin hanggang sa may kili-kili ang haba ng rope.

Maraming benepisyo ang jump rope training at isa na nga rito ay ang mabilis na pagbabawas ng timbang. Bukod dito, narito pa ang ilang benepisyo ng jumping rope exercise:

Mainam sa buong katawan. Magandang ehersisyo ang jumping rope dahil buong katawan ang nagagamit sa paggawa nito – binti, bisig, abs, puso at utak. Pinapatatag nito ang katawan at nakakadagdag sa bilis ng paggalaw at liksi.


    Muscle tone. Mabisang paraan ang jumping rope para sa kalamnan partikular sa ibabang bahagi ng katawan. Kaya sa mga unang beses na gagawin ito ay mararanasan ang pagsakit ng binti at kasu-kasuan na isang indikasyon na lalong tumatatag ang muscles at nagiging tone ito.

     Pagtanggal sa toxins. Natatanggal ang toxins sa katawan sa pamamagitan ng pagpapawis. Sa jumping rope, madaling pagpawisan ang katawan kaya’t nailalabas ang toxins na hindi maganda para sa katawan. Nakakatanggal din ito ng stress at tension sa katawan.

     Cardiovascular workout. Magandang ehersisyo ito sa puso dahil nadadagdagan ang blood flow kaya’t mas maraming nutrisyon ang napupunta sa katawan. Sa mga may problema sa puso at nais itong gawin ay dapat kumunsulta muna sa doctor.

5   Variations. Nakakaaliw ang ehersisyong ito dahil maraming paraan ang pwedeng gawin gamit ang jumping rope. Nariyan ang basic one hop, alternating jumps, one foot jumps, side straddles, double under at marami pang iba.

Linggo, Hunyo 8, 2014

Sumali ka na ba sa #100HappyDays challenge?

Isa sa patok na patok ngayon sa mga social networking sites ay ang tinatawag na #100HappyDays challenge kung saan sa loob ng 100 araw ay kailangang makapag-post ang taong sumali ng litrato ng kung ano ang nakapagpasaya sa kanya sa araw na iyon.

Layunin ng naturang challenge na ikundisyon ang utak na maging positibo sa pamamagitan ng pagbibigay ng atensiyon sa kung ano ang nagpasaya sa taong sumali sa araw na iyon – malaki o maliit na bagay man iyon. Halimbawa ay pakikipagkita sa isang kaibigan na matagal ng hindi nakita, ang pagkakaroon ng oras na makapagbasa ng libro o makapagluto para sa pamilya, pagbili ng isang bagay na matagal ng nais bilhin, at pagkain ng paboritong putahe.

Maaaring mamili ang taong sumali kung saan nito ipo-post ang litrato – Instagram, Twitter, Facebook o sa email kung gustong gawing pribado ang paggawa sa challenge na ito basta’t may nakalagay na #100happydays sa bawat post.

Dahil sa mayroong record ng mga litratong ito sa naturang social networking sites ay nakukundisyon ang taong sumali na hanapin ang mga tao, bagay, o pangyayari na nakapagpasaya sa kanila na madalas ay hindi napapahalagahan.

Kailangan namang gawin ang challenge sa loob ng 100 araw upang maging “habit” na ito ng taong sumali.

Nagmula ang idea sa challenge na ito sa 27-taong-gulang na si Dmitry Golubnichy mula sa Sweden noong 2013 at gumawa siya ng website (100happydays.com) kung saan maaaring mag-register ang mga gustong sumali. Sa pamamagitan ng pagre-register at paglalagay ng #100HappyDays ay nasusundan nila ang bawat post ng mga sumali.

Batay sa website, sinasabi na ang mga nakakatapos ng challenge na ito ay mas nagiging positibo ang pananaw,  mas maganda ang mood, mas napapansin ang bagay na nakakapagpasaya sa kanila, nai-in love, at kanilang napagtatanto kung gaano sila kaswerte sa kung ano ang mayroon sila.

Samantala, 71% naman sa hindi nakakatapos ng challenge ang nagsasabing masyado silang abala sa kanilang mga gawain kaya’t hindi nabigyan ng buong pansin ang pagtapos nito.

Bilang papremyo, maaaring makatanggap ng maliit na libro na naglalaman ng mga pinost nilang litrato ang mga nakatapos ng #100HappyDays challenge na ito.

Huwebes, Hunyo 5, 2014

Japan naging paboritong destinasyon ng ilang Pinoy stars

Ni Florenda Corpuz

Kuha mula sa Instagram account ni Carmina Villarroel
TOKYO, Japan – Dumagsa ang mga artistang bumisita sa bansa noong Semana Santa para makapagbakasyon sa kanilang dream destination kasama ang kanilang pamilya at mga kaibigan.

Sinamantala ng Kapuso royal couple na sina Marian Rivera at Dingdong Dantes ang pagkakataon na pareho silang walang trabaho upang bisitahin ang ilang shopping districts sa Tokyo kabilang na ang Omotesando Hills. Nag-post din ang dalawa ng litrato sa kanilang Instagram accounts na kuha sa harap ng popular na ramen chain na Ippudo at Lindt Chocolat Café sa Ginza. Kasama rin sa kanilang pinasyalan ang man-made island na Odaiba.

Hindi rin nagpahuli sa pagbabakasyon ang magaling na aktres na si Iza Calzado at non-showbiz boyfriend nito na si Ben Wintle na namasyal sa Tsukiji Market, Tokyo Imperial Palace Gardens at Ginza. Nagtungo rin ang dalawa kasama ang ilang mga kaibigan sa Kyoto kung saan binisita nila ang ilang popular na temple at shrines tulad ng Fushimi Inari Shrine, Kiyomizu-dera Temple at Kinkaku-ji.

Tuwang tuwa naman na nakahabol sa cherry blossom season ang big band crooner na si Richard Poon kasama ang asawang aktres na si Maricar Reyes. Nag-flower viewing ang dalawa sa Shinjuku Gyoen National Gardens. Nagtungo rin sila sa Odaiba upang personal na masilayan ang RX-78-2 na estatwa ni Gundam na may taas na 18 metro. Nag-enjoy din ang mag-asawa sa kanilang mga train rides at pagkain ng mga streetfood sa Ameyoko Market sa Ueno.

Nagbakasyon din sa bansa ang Kapamilya host na si Carmina Villaroel kasama ang asawa nitong si Zoren Legaspi at mga anak na sina Mavey at Casey. Nagtungo ang buong pamilya sa Tokyo Disneyland at Tokyo DisneySea. Binisita rin nila ang estatwa ni Hachiko sa Shibuya. Tuwang tuwa rin ang mag-anak na makakita ng cherry blossom sa Shinjuku Gyoen National Gardens at Mt. Fuji.


Samantala, namataan din ang komedyanteng si Roderick Paulate kasama ang pamilya at mga kaibigan sa Hakone at Mt. Fuji. Dumating din sa bansa ang pamosong litratista na si Raymund Isaac na namasyal sa ilang lugar sa Kyoto at Osaka.