Martes, Disyembre 24, 2013

One Christmas night with Bamboo

Ni Len Armea


Sa unang pagkakataon ay nagdaos ang Pinoy rock icon na si Bamboo Mañalac ng isang Christmas concert na ginanap sa Music Museum kamakailan. Dahil sanay ang mga manonood  na naririnig na kumakanta si Bamboo ng rock songs, naging espesyal at makahulugan ang concert na ito na pinamagatang “Believe: Christmas @ Home with Bamboo.”

Unang kinanta ni Bamboo ang “God Rest You Merry, Gentlemen” na binigyan ng bagong areglo at inumpisahan sa pamamagitan ng pagtugtog ng “Jingle Bells.” Paglabas sa stage ni Bamboo na nakabihis ng pormal at nagsimulang kumanta ay agad na mararamdaman ang diwa ng Pasko lalo na’t ang disenyo ng stage ay may mataas na Christmas tree at malaking kahon ng mga regalo.

“I wish you all a merry, merry Christmas. Thank you for coming here tonight,” panimula ni Bamboo na napangiti sa hiyawan ng mga fans na tumungo sa sold-out concert nito.

“The first thing that influenced me is Christmas music. Christmas and music mean so much to me; it’s about traditions and it’s about doing something different.”

Ilan sa mga kinanta nito ay ang “Have Yourself a Merry Christmas,” “The Christmas Song,” “We Three Kings,” “Hark the Herald Angels Sing,” at “Baby, Please Come Home.” Naging patok din sa mga manonood ang pagkanta nito ng ilan sa mga hit songs niya na hinaluan ng Christmas songs tulad ng kanta niyang “Morning Rose” na mula sa kanyang pinakabagong album na “No Water, No Moon” sa ilalim ng Polyeast Records at siningitan ng “What A Child Is This?”

Pinalakpakan din si Bamboo sa pagkanta niya ng “Elesi,” na isa sa pinakasikat na kanta ng Rivermaya kung saan dati siyang miyembro, na inareglo kasama ang “Pasko Na Sinta Ko,”  at “We Wish You A Merry Christmas.” Isa  pa ang “In Shadow” na nasa bago rin niyang album at hinaluan ng “Ang Pasko ay Sumapit.”

Naging madamdamin din ang naging presentasyon ni Bamboo kasama ang children’s choir kung saan kanilang kinanta ang “Happy Christmas (War is Over).” Naging paborito rin ang kanilang pagkanta ng “Noypi” at “Maligayang Pasko.”

Bahagi ng kinita sa concert ay mapupunta sa mga naging biktima ng bagyong Yolanda na nanalanta sa Eastern Visayas noong nakaraang buwan.

“I would like to impart my heartfelt support and prayers to our kababayans in the Visayas thru music and thru this concert. Let the [Christmas] spirit inspire us to help others and to believe that there is hope for our country.”

Christmas illuminations in Tokyo

 Ni Florenda Corpuz

Kuha ni Din Eugenio
Taun-taon tuwing sasapit pa lamang ang buwan ng Nobyembre ay pinakaaabangan na ng mga Tokyoites ang mga Christmas illuminations sa buong siyudad. Ito ay isa sa mga palatandaan nang pagpasok ng malamig na panahon at nagiging bahagi ng nakakamanghang winter cityscape ng Tokyo.

Narito ang ilang lugar sa Tokyo na maaaring pasyalan kung nais makakita ng mga maniningning at makukulay na Christmas illuminations ngayong 2013:

1. Ebisu Garden Place – Tampok dito ang kaaki-akit na “Baccarat Eternal Lights” kung saan may nakalatag na mahabang red carpet patungo sa 5-meter-tall crystal chandelier tower na siyang pinakatampok na atraksyon ng lugar. Bukas ito sa publiko hanggang Enero 13, 2014 mula 4 p.m. hanggang 11 p.m.

2. Tokyo Midtown – Popular sa kanilang “Starlight Garden,” ang malawak na Midtown Garden ay naiilawan ng aabot sa 280,000 blue LEDs. Ang pinaka-highlight ng atraksyon ay ang 360-degree arch of light na bumabalot sa buong hardin at sinasabayan ng musika habang gumagalaw. Bukas ito sa lahat hanggang Disyembre 25 mula 5 p.m. hanggang 11 p.m.

3. Roppongi Hills – Ngayong taon ipinagdiriwang ng pinaka-popular na “city within a city” sa Tokyo ang kanilang ika-10 anibersaryo kung saan tampok ang “Roppongi Hills 10th Anniversary Christmas” illumination event. Tatlong bahagi ng lugar ang nilagyan ng pailaw na nagsisimula sa Keyakizaka Street patungo sa Mori Garden at sa 66 Plaza. Pamilyar na atraksyon na sa mga turista ang asul at puting pailaw sa paligid ng Roppongi Hills ngunit ito ay pinatingkad pa ng three-coloured light show na tinawag na “Red, Umber, Candle” na binubuksan tuwing unang sampung minuto ng bawat oras. Bukas ito sa publiko hanggang Disyembre 25 mula 5 p.m. hanggang 11 p.m.

4. Marunouchi – Bukod sa mga mamahaling tindahan at kainan, popular din ang lugar na ito dahil sa winter illumination na makikita sa kahabaan ng Nakadori Street. Nagsisimula ang pailaw dito buwan ng Oktubre na tatagal hanggang Pebrero 16, 2014. Masisilayan ito mula 5 p.m. hanggang 11 p.m.

5. Shiodome – Ang “White Christmas in the Sea” ang tampok na atraksyon sa Shiodome shopping complex ngayong kapaskuhan. Pinagsama ang Christmas lights at marine life upang makalikha ng isang underwater world sa Caretta Plaza. May interactive 3D projection mapping din na inilagay dito. Bukas ito sa publiko hanggang Disyembre 25 mula 5 p.m. hanggang 10:30 p.m.

6. Odaiba – Sa Odaiba Kaihin Park, makikitang nakatayo ang Daiba Memorial Tree mula hanggang Marso 16, 2014 na siyang atraksyon ng man-made island. Ito ay popular na destinasyon ng mga magsing-irog kung saan matatanaw din ang ganda ng Rainbow Bridge at Tokyo Tower. Masisilayan ito mula 5 p.m. hanggang alas-dose ng gabi.

7. Ginza – Sa kahabaan ng Chuo Street ay makikita ang mga nakailaw na Christmas trees kasama na ang Mikimoto Jumbo Christmas Tree na nakadagdag sa ganda ng shopping district. Makikita ito hanggang Disyembre 25 mula 11 a.m hanggang 10 p.m.

8. Tokyo Dome City – Ito na marahil ang pinakamalaking Christmas illumination sa siyudad dahil sa mahigit sa dalawang milyong light display na nakailaw sa buong arena. Ito ay magtatagal hanggang Pebrero 16, 2014 mula 5 p.m. hanggang 1 a.m.

9. Tokyo Tower – Hindi man sinlaki ng ibang Christmas illuminations sa siyudad, hindi naman matatawaran ang dami ng mga taong nais masilayan ang pailaw sa iconic landmark na ito ng Tokyo. Ang natatanging kumbinasyon ng night view at well-designed light displays ang tampok na atraksyon dito pati na rin ang 12-meter Christmas tree na nagbi-blink sa saliw ng mga Christmas carols kada 30 minuto. Bukas ito sa publiko hanggang Disyembre 25 mula 4 p.m. hanggang 10 p.m.

10. Tokyo Sky Tree – Lalo pang tumingkad ang ganda ng pinakamataas na tore sa buong mundo dahil sa humigit kumulang sa kalahating milyong LED lights na naka-decorate sa daanan na kumukonekta sa Sky Tree, Tokyo Sky Tree Station at Oshiage Station. Bukas ito hanggang Enero 31, 2014.

Selebrasyon ng Pasko sa buong mundo

Kuha ni Din Eugenio

Itinuturing na pinakamasaya ang buwan ng Disyembre sa pagsapit ng Pasko at Bagong Taon. Sa iba’t ibang nasyon at lahi, may pagkakaiba man ang mga tradisyon ngunit iisa ang layunin.
Popular sa mga bansa sa Europe ang Christmas Markets at winter festivals na sentro ng selebrasyon kagaya ng United Kingdom, Sweden, Netherlands, Germany, Italy at France. Nagsisimula ang selebrasyon sa Disyembre 24 hanngang Enero 6 o 7.

Sa Germany, pinakamahalagang araw ang Christmas Eve at ipinagdiriwang sa isang hapunan at midnight mass. Pinakasikat na Christmas market nila ang “Christkindelmarkt” sa Nurnberg. Katulad ng Germany, pinakamahalaga rin sa mga Swedish ang Christmas Eve at tinatawag nilang “Jul” ang Christmas.

Sa France, naglalagay siPère Noelng mga regalo sa mga sapatos sa gabi ng Disyembre 24. Nagsisimula naman sa Saturnalia, isang winter solstice festival ang selebrasyon sa Italy at nagtatapos sa Calends (Roman New Year). Samantalang sa Greece at Spain, nagbibigayan ng regalo tuwing Enero 6 (Three Kings Day). Naniniwala naman ang mga batang Dutch sa Netherlands na si Sinterklaas (St. Nicholas) ay dumadating mula Spain tuwing Disyembre 6 na kapistahan niya.

Simula nang bumagsak ang komunismo sa Russia, naging bukas na sa lahat ang selebrasyon ng Pasko. Bagong Taon naman ang mas pinapahalagahan dito kung saan nagdadala ng mga regalo sa mga bata si “Father Frost.” Kilala naman sa Iceland ang kanilang 13 Santa Claus na bumababa para magbigay ng regalo 13 araw bago ang Pasko. Dinadayo naman sa London ang kanilang mga Christmas grotto, New Year parade, Shakespearean Christmas at Lincoln Christmas Market na pinakauna at pinakamalaki na may 350 stall ng mga natatanging regalo, pagkain, dekorasyon at ang Big Wheel.

Tag-init naman ang Pasko sa Africa. Isinasagawa rin ng maraming Katoliko ang mga nakasanayang tradisyon gaya ng Christmas carols at handaan kasama ang pamilya at mga kaibigan pagkatapos ng misa. Mas binibigyang halaga nila ang pang-relihiyong aspeto ng pagdiriwang sa kapanganakan ni Hesus sa halip na pagbibigayan ng regalo. Iba-iba ang wika na ginagamit sa maraming lugar sa Africa. Tulad sa Egypt, “Colo sana wintom tiebee” ang kanilang Merry Christmas, Kuwa na Krismasi njema sa Kenya at Tanzania at Merry Kisimusi sa Zimbabwe.

Makikita naman ang mga pamilya at turista na nasa Bondi Beach sa Sydney, Australia ng tanghaling tapat. Tuwing Christmas Eve naman, nagtitipon-tipon ang mga Australian sa Melbourne para sa “Carols by Candlelight” at kinakanta ang mga paboritong kantang pampasko. Makikita rin sa mga bahay ang Christmas Bush na isang katutubong halaman na may pulang dahon.

Karamihan naman ng selebrasyon sa North America ay dala ng mga German at English na imigrante, kabilang na ang Christmas tree, kalendaryo, greeting cards, gingerbread houses at cookies. Opisyal na nagsisimula ang Christmas season ng Biyernes pagkatapos ng Thanksgiving. Mahilig din ang mga Amerikano sa shopping at magarbong dekorasyon tuwing Disyembre. Maliban sa populasyon ng mga Eskimo sa Canada na nagdidiwang ng pista at may sariling tradisyon, parehas lang ang tradisyon ng mga taga-Canada sa Amerika.

Pista naman ng pag-ani ang Pasko sa mga katutubong Bolivians, kung saan ipinagpupugay nila ang Goddess Mother Earth para magpasalamat at muling humiling ng masagang ani sa Bagong Taon. Walang Christmas tree ang mga kabahayan maliban saPresépio na sumisimbolo sa kapanganakan ni Hesus. Pinaniniwalaan nila na si Papa Noel ay nakasuot ng silk at taga-Greeland.

Koleksyon naman ng mga iba’t ibang kaugaliang pang-relihiyon ang tradisyon ng Pasko sa Asya. Maliit na bilang lamang ng populasyon ng karamihang bansa sa Asya ang mga Kristiyano at madalas ang mga tradisyon ay sa simpleng pagsisimba. Isang state holiday ang Pasko sa India dahil sa impluwensiya ng mga Briton. Sa South Korea naman ay isang public holiday ito at tinatawag na “Santa Haraboji” ang bersyon nila ng Santa Claus. Pagdating naman sa China at Taiwan, pribadong selebrasyon naman ang Pasko ngunit isang public holiday sa Hong Kong at Macau.

Lunes, Disyembre 23, 2013

Bea Rose Santiago, itinanghal na Miss International 2013

Ni Florenda Corpuz
Kuha mula sa Bb. Pilipinas website


TOKYO, Japan – Sa ikalimang pagkakataon, napanalunan ng Pilipinas ang korona sa prestihiyosong Miss International Beauty Pageant sa katauhan ni Bea Rose Santiago na siyang tinanghal na Miss International 2013 sa Tokyo, Japan noong Disyembre 17.

Sa final round, suot ang pulang red evening gown, madamdaming inilahad ni Bea sa kanyang 30-second speech ang kanyang magagawa kung siya ang mananalo bilang Miss International. 

The whole world saw how my country, the Philippines, suffered. The agony of my people was felt. But one by one, country to country came to help. I would like to thank all the nations that helped my country. In our darkest hours, you have opened my eyes and my heart and how important it is if we all just support each other. If I become Miss International, I will uphold international camaraderie to sustain the spirit for sympathy and to continually share the message of hope. I believe that whatever calamity may come to us, as long as we have each other, there will be hope. Thank you.”

Umani ng masigabong palakpakan at malakas na hiyawan mula sa mga manonood ang sagot na ito ni Bea na nagmistulang thank you speech.

Tinanghal naman na 1st runner-up si Miss Netherlands Nathalie den Dekker habang 2nd runner-up naman si Miss New Zealand Casey Radley. Pasok din sa top 5 sina Miss Colombia Cindy Aguilar at Miss Hungary Brigitta Otvos.

Nasungkit naman ni Miss Aruba ang titulong Miss National Costume habang itinanghal naman na Miss Friendship si Miss New Zealand, Miss Internet si Miss Macau at Miss Photogenic si Miss Lithuania.

Bago ang pageant night, sinabi ni Bea sa kanyang Twitter account na nais niyang bigyan ng masayang Pasko ang mga kababayan, “Our last night… Lord bless me! Give me confidence and strength for tomorrow. I want to give a merry christmas to the Philippines.”

Dumalo rin si Bea sa pakikipagdayalogo ni Pangulong Aquino sa Filipino community sa Japan noong Disyembre 12 kung saan siya ay pinabaunan ng pagbati ng pangulo.

Samantala, nagpahayag naman ang sambayanang Pilipino lalo na ang mga OFWs sa Japan ng kanilang pagkagalak sa pagkapanalo ni Bea.

Isa si Madame Maria Teresa Lopez, ang maybahay ni Philippine Ambassador to Japan Manuel M. Lopez, sa mga judges.

Isinilang sa Cataingan, Masbate sa Bicol, panganay si Bea sa tatlong magkakapatid at lumaki kasama ang kanyang lolo at lola. Labinglimang taong gulang siya nang magtungo sa Canada ang kanilang pamilya kung saan siya ay naging modelo at ang nag-iisang Pilipino na napabilang sa Elite Management. Bago ang Binibining Pilipinas, siya ang naging kinatawan ng Filipino community sa Canada sa Mutya ng Pilipinas 2011.
           
Kabilang na si Bea sa limang Miss International titleholders ng Pilipinas na kinabibilangan din nina Gemma Teresa Cruz (1964), Aurora Pijuan (1970), Melanie Marquez (1979) at Precious Lara Quigaman (2005).

Paskong Pinoy sa Japan

 Ni Florenda Corpuz




“Pasko na naman, O kay tulin ng araw…”

Sadyang napakabilis ng takbo ng panahon at ngayong Disyembre 25 ay ipagdiriwang na naman ng mga Pilipino ang Pasko – ang araw ng kapanganakan ni Hesu Kristo. Kahit nasaang sulok man ng mundo, hindi maikukubli ang pananabik ni Juan dela Cruz tuwing sasapit ang espesyal na okasyong ito.

Isa ang Japan sa mga bansa kung saan daan libong Pilipino ang nakikipagsapalaran. Hindi man Kristiyanismo ang pangunahing relihiyon sa bansa, hindi naman nakakalimutang gunitain ng mga Pilipino rito ang tunay na diwa ng kapaskuhan.

Ayon sa mga tala, ipinakilala ang Pasko sa Japan nang dumating ang unang grupo ng mga taga-Europa sa bansa at dalhin ang relihiyong Kristiyanismo noong ika-16 na siglo. Maliit na porsyento lamang ng mga Hapones ang na-convert sa relihiyong ito na aabot lamang sa dalawang porsyento sapagkat ang karamihan ay tagasunod ng relihiyong Shinto at Budismo.

Dahil sa impluwensiya ng mga Amerikano, natutuhan ng mga Hapones ang ilang Christmas traditions tulad ng pagbibigay ng regalo at cards. Naka-impluwensiya rin sa kanila ang kanilang paggawa ng mga Christmas products para sa ibang bansa. Sa kasalukuyan, popular na pagdiriwang na ang Pasko sa Japan na kanilang ginugunita bilang selebrasyon ng kasiyahan na kulang sa pang-relihiyong kahulugan.

Tuwing sasapit ang bisperas ng Pasko sa Japan, maraming magsing-irog ang makikitang nagde-date sa mga restaurants at seasonal illumination spots na tila ba ito ay Araw ng mga Puso. May ilan din na nagtutungo sa mga temples at shrines para magpasalamat sa mga biyayang kanilang natatanggap. Sila ay nagpapalitan ng mga regalo at bumabati ng “Merii Kurisumasu”.

Maraming magkakapamilya rin ang nagpapalitan ng mga regalo habang ilang mga magulang naman ang nagbibigay ng regalo sa kanilang mga anak subalit hindi ang anak sa paniwalang si Santa Claus o “Hotei-osho” sa kanila, isang Japanese god of fortune sa relihiyong Budismo, lamang ang nagbibigay ng regalo. May salu-salo rin kung saan ang karaniwang handa ay manok at strawberry whipped cream cake. Sa madaling salita, ipinagdiriwang din ang Pasko sa Japan sa commercialized na paraan.

Hindi national holiday ang Disyembre 25 sa Japan kaya’t may pasok ang mga estudyante at mga manggagawa. Ngunit hindi man kasing saya sa Pilipinas ang pagdiriwang ng kapaskuhan sa bansang ito, hindi naman papaawat ang mga Pilipino sa pag-iisip ng paraan upang maramdaman pa rin ang diwa ng Paskong Pinoy. Mayroon pa rin noche buena kung saan ang magkakapamilya’t magkakaibigan ay nagsasalu-salo sa hapag kainan at bumabati ng “Maligayang Pasko”. May exchange gift din at simbang gabi.


Pare-pareho ang sentimyento ng mga Pilipino sa Japan na sana’y makauwi sila sa Pilipinas ngayong Pasko at doon magdiwang kapiling ang buong pamilya. Ngunit ika nga rin nila, kahit nasaang lugar ka man, basta’t nasa iyong puso’t isipan ang tunay na diwa ng Pasko ay magiging maligaya pa rin ito.

Miyerkules, Disyembre 11, 2013

MUSIC BITS on Regine Velasquez, Alicia Keys, Avril Lavigne, Sitti and more




Regine Velasquez, masaya sa kinalabasan ng ‘Hulog Ka Ng Langit’


Isang selebrasyon ng galak ng pagmamahal at pagiging ina ang tampok sa inaabangang album ng Asia’s Songbird na “Hulog Ka Ng Langit.”

Tampok sa album ang 17 kanta kabilang ang debut single na “Hulog Ka Ng Langit,” “Hele Ni Inay,” “Someone’s Waiting For You,” “Happiness,” “You,” “God Gave Me You,” “Rainbow Connection,” “Amazing,” “My Child,” “Pag-ibig,” “Tomorrow,” “Araw, Ulap, Langit,” “Nathaniel (Gift of God),” “The One Real Thing,” “Happiness,” “Sa’yo Na Lang Ako,” “You Got It” at “Just The Way You Are” na duet kasama ang asawang si Ogie Alcasid.

Akapela Open National Finals: Gabi ng talento

Pagkatapos ng ilang buwan ng masusing pagpapasiya, ginanap na rin ang Akapela Open National Finals sa Meralco Theater kung saan nagtanghal ang mga napiling siyam na finalists: 1415, Acapella GO, D’ Trendz, FiVibe, Overtone, Pinopela, Taftonic, W/ Plesha at Xavier University Glee Club Showstoppers.

Isang kumpetisyon para sa contemporary acapella ensemble singing ang Akapela Open, isang proyekto ng The Music School ni Ryan Cayabyab. Ito rin ang kauna-unahang acapella competition sa bansa.

Itinanghal na kampeon ang Acapella Go mula sa Bulacan, 1st runner-up ang Pinopela mula sa Baguio City at 2nd runner-up naman ang 1415 mula sa Diliman.

Bleu Rascals, panalo sa Cotai Jazz and Blue Festival sa Macau

Umuwing kampeon sina Paul Leobrera (lead vocals), Oliver Salaysay (bass/vocals) at Jayson Garcia (drums/vocals) ng Bleu Rascals nang itanghal silang kampeon sa Cotai Jazz and Blue Festival sa Macau.

Sila ang kauna-unahang Pinoy band na tumugtog sa Memphis International Blues Competition nitong nakaraang taon. Iginawad naman kay Manami Morita ng USA ang 2nd place at 3rd place para kay Chekov ng China. Kinabilangan ng mga talento galing sa Hong Kong, Singapore, Thailand, Russia, Italy, Portugal, Brazil at Australia ang kumpetisyon.

Plano nilang gamitin ang napalunan para sa paglulunsad ng debut album. Sa ngayon ay may 14 na orihinal na komposisyon ang banda.

.
Sitti, ilulunsad ang bagong album sa Bossa Love concert

Ilulunsad sa publiko ang inaabangang follow-up album ni Sitti na pinamagatang “Bossa Love” kasabay ng isang konsiyerto sa Music Museum ngayong Nobyembre 28. Ang tinaguriang “Queen of Bossa Nova” ang nagpasikat ng bossa versions ng “Tattooed on My Mind,” “Hey Look at the Sun” at “I Didn’t Know I Was Looking for Love.”

Sa pamamagitan ng debut album na “Café Bossa” noong 2006, ipinakilala ni Sitti ang bossa nova sa industriya ng musika sa bansa. Itatampok din sina Nyoy Volante at Jett Pangan bilang guests.


Alicia Keys: Set the World on Fire Tour in Manila

Muling magtatanghal ang Grammy winner singer-songwriter na si Alicia Keys sa ‘Pinas ngayong Nobyembre 25 sa SM Mall of Asia Arena, Pasay City. Huli siyang nagdaos ng konsiyerto noong Agosto 2008.

Una siyang nakilala nang ilunsad niya ang kanyang unang album na “Songs in a Minor” noong 2001 na nagtampok ng kakaibang kumbinasyon ng R&B, soul, jazz at classical piano na nagluklok sa kanya sa industriya ng musika sa loob at labas ng Amerika. Dito siya nanalo ng limang parangal mula sa 2002 Grammy Awards.


Avril Lavigne, may bagong album at concert tour

Balik-musika ang “Pop Princess” na si Avril Lavigne sa isang self-titled album. Ito na ang kanyang panlimang album mula ng mailabas ang “Goodbye Lullaby” noong 2011. Kapansin-pansin pa rin ang natatanging istilo ni Avril sa kanyang mga kanta gaya ng lead single na “Here’s To Never Growing Up,” “Bad Girl,” “ Hello Kitty” at “Let Me Go” na itinampok din ang kanyang asawang si Chad Kroeger ng Nickelback.

Binubuo ng 13 kanta ang bagong album, kabilang ang “Hush Hush,” “Falling Fast,” “Hello Heartache,” “Sippin’ on Sunshine,” “You Ain’t Seen Nothin’ Yet,” Give You What You Like,” “Bitchin’ Summer,” “17” at “Rock n Roll.”

Magdadaos din ng konsiyerto si Avril sa darating na Pebrero 14 sa Big Dome.


Martes, Disyembre 10, 2013

Mga ‘Liham at Lihim’ ni Gloc-9

Ni Len Armea

Kuha ni Jovelyn Bajo
Magdalena anong problema?
Bakit di ka makawala sa kadena?
At sa gabi-gabi ikaw ay nasa selda
Ng hanapbuhay mo ngayon

Ito ang unang stanza ng bagong kanta na pinamagatang “Magda” ng sikat na Pinoy rapper na si Gloc-9, Aristotle Pollisco sa totoong buhay, mula sa kanyang bago at pang-pitong album na “Liham at Lihim" sa ilalim ng Universal Records.

Ang Magda ay kwento ng isang babae na nagbebenta ng laman bilang hanapbuhay – isa sa mga isyung panlipunan sa Pilipinas. Hindi nakakagulat na ang bagong kanta ni Gloc-9 ay tungkol sa prostitusyon tulad na lamang ng kanyang kanta na “Sirena,”  na tungkol naman sa mga homosexuals, mula sa “Mga Kuwento ng Makata” album. Ito’y dahil nakilala ang sikat na rapper sa mga paggawa ng mga kanta na makabuluhan at tungkol sa mga importanteng isyu sa bansa o maging sa buhay.

Ani Gloc-9, nabuo niya ang kanta dahil sa sobrang pagmamahal sa kanyang anak na babae. Dahil sa pagmamahal na ito, hindi niya maisip bilang isang ama na mapupunta ang kanyang anak sa ganitong klase ng trabaho.

“Hindi ko lubos maisip na ang isang babaeng may tatay ay mapupunta sa trabahong ganito. Anong kailangang mangyari sa buhay ng isang babae na may magulang na nagmamahal at nag-aalaga para mapunta sa trabaho na 'napaka-unforgiving' at sobrang masalimuot,” pahayag ni Gloc-9 sa naging inspirasyon ng kantang ito na sinasabing modernong bersyon ng “Magdalena” ni Freddie Aguilar.

Bukod sa Magda kung saan nakasama niya si Rico Blanco, mapapakinggan din sa album ang “Takip Silim” featuring Regine Velasquez-Alcasid, “Huminahon Ka” featuring Sly Kane, “KMT” featuring Eunice Jorge of Gracenote, “Rap Ka Nga,” “Kwento Mo” featuring Glocnine, “Tsinelas sa Putikan” featuring Marc Abaya, “Siga” featuring Quest, “Hindi Sapat” featuring Denise Barbacena, “Katulad ng Iba” featuring Zia Quizon, “Kunwari” featuring Kamikazee, Biboy Garcia of Queso at Manuel Legarda of Wolfgang, at “Itak ni Andres."

Tapat at makatotohanan ang bawat liriko ng kanta ni Gloc-9. Aniya, ito’y dahil sa bawat kanta na kanyang ginagawa ay inilalagay niya ang kanyang sarili sa sitwasyon na kanyang isinusulat. Hindi umano siya magsasawang magsulat ng ganitong mga klaseng kanta para mabuksan ang mata ng mga kinauukulan at maging inspirasyon sa marami.

“Sinusubukan ko pong ilagay ang sarili ko sa sitwasyon ng taong sinusulatan ko. Inilagay ko ang sarili ko sa kung anong pwedeng maramdaman ni Magda at ni Ernesto na nagmamahal kay Magda.

“Gaya ng sinabi ni Jett Pangan noong minsan nag-usap kami na ‘everytime you do an album at everytime na gusto mong higitan o pantayan iyong previous one dapat hindi ka ma-pressure dahil kung ang intentions mo sa paggawa ng craft mo ay based sa pagmamahal mo sa trabahong iyan ay bibigyan at bibigyan ka ng pwede mong isulat,’” dagdag pa ni Gloc-9.

“At naniniwala rin ako na ang bawat tao kahit ano man ang kinahinatnan o sitwasyon sa buhay ay palaging may kuwento sa likod nito. Talagang dapat ay hindi tayo naghuhusga o kaya naman ay dapat laging umunawa.

Lunes, Disyembre 9, 2013

Maxie The Musicale: Ang Pagdadalaga ni Maximo Oliveros


Kuha ni Jovelyn Bajo

Naging hit noon bilang isang pelikula, mapapanood na muli ang “Ang Pagdadalaga ni Maximo Oliveros” sa pamamagitan ng isang musical na handog ng Bit by Bit Company, PETA Theater Center at Cultural Center of the Philippines (CCP). Tampok dito ang liriko ni Nicolas B. Pichay, musika ni William Elvin Manzano, JJ Pimpinio at Janine Santos, direksyon at choreography ni Dexter Santos.

Pinagbibidahan ito ni Jayvhot Galang, isang batang tubong Sta. Ana, na mahilig kumanta at idolo si Whitney Houston. Bagaman walang karanasan sa pagtatanghal sa teatro, sinanay siya sa PETA Summer Acting Workshop, voice lessons at dance classes sa pangangalaga ni Janine Santos, isang classical opera singer.

Kabilang sa cast ang ilan sa mga respetadong pangalan sa mundo ng teatro tulad nina Roeder Camanag at Nazer Salcedo bilang Paco Oliveros, Jojo Riguerra bilang Victor Perez, Al Gatmaitan at OJ Mariano bilang Boy Oliveros at Jay Gonzaga bilang Bogs Oliveros.  Nandito rin sina Aaron Ching (Nar), Nomer Limatog Jr. (Leslie), Teetin Villanueva (Monique), Eo de Guzman at Merdin Mojica ( Peter) at Greg de Leon (Chief Dominguez).

Unang nakilala si Maximo Oliveros sa 2005 na pelikula mula sa direksyon ni Auraeus Solito at panulat ni Michiko Yamamoto. Pinagbidahan ito ni Nathan Lopez bilang Maxie kasama sina Ping Medina at JR Valentin. Naging official entry din ito ng Pilipinas sa 79th Academy Awards at ipinalabas sa iba’t ibang international film festivals.

Naiuwi nito ang ilang mga tropeo: 2005 Best Film mula sa Asian Festival of First Films, 2005 Best Picture sa Toronto Imagine Native Film Festival, 2005 Zenith Award for Best Picture sa Montreal World Film Festival, Glass Bear Special Mention sa Berlin International Film Festival at 2007 Independent Spirit Award sa IFC Spirit Awards.

Nakasentro ang kwento kay Maxie na isang 12-taong gulang na homosexual at nakatira sa mahirap na lugar kasama ang mga kuya at tatay nito. Sa kabila ng pagiging homosexual ni Maxie, tanggap siya ng kanyang dalawang kuya at tatay. Nakilala niya si Victor nang iligtas siya nito ng may magtangka sa kanya. Mahuhulog ang loob ni Maxie kay Victor ngunit siya ay nababagabag din sa ilegal na ikinabubuhay ng kanyang pamilya.




Biyernes, Disyembre 6, 2013

Meiji Jingu: Tokyo’s Most Popular Shinto Shrine

Ni Florenda Corpuz


Kuha ni Din Eugenio
Hitik sa kasaysayan ang Japan at hindi matatawaran ang pagpapahalaga ng mga Hapones rito; kaya naman napakaraming cultural at heritage sites na makikita sa bansa – isa na rito ang Meiju Jingu (Meiji Shrine) na matatagpuan sa abalang siyudad ng Tokyo.

Ang Meiji Jingu ay isang Shinto shrine na alay sa kaluluwa nina Emperor Meiji, ang ika-22 emperador ng bansa, at kabiyak nitong si Empress Shoken. Matapos pumanaw ng emperador noong 1912, nagpasa ang Japanese Diet ng resolusyon upang gunitain ang naging papel ng mag-asawa sa Meiji Restoration. Sa paligid ng isang iris garden na madalas binibisita ng dalawa ang napiling lokasyon ng itatayong gusali na sinimulan noong 1915, pormal na inialay noong 1920, at natapos noong 1926.

Isinilang noong Nobyembre 3, 1852 sa Kyoto, si Emperoro Meiji o Mutsuhito ang pangalawang anak ni Emperor Komei. Labing-anim na taong gulang pa lamang siya nang siya ay maluklok sa trono. Sa kanyang pamumuno, pinasimulan niya ang limang pangunahing pulisiya na nagpanumbalik sa kasiglahan at kapangyarihan ng Meiji Era (1868-1912). Sa mga panahon din na ito naging pinakamaimpluwensiya ang Meiji Constitution, nagtatag ng mga parliamentary institutions, pinaigting ang magandang relasyon sa ibang bansa, umunlad ang kultura ng bansa at naitatag ang pundasyon ng modernong Japan. Masasabi rin na ang panahon na ito ang pinakamaluwalhati at pinakamasagana sa kasaysayan ng bansa.

Isa ang Meiji Jingu sa pinakatahimik na shrine sa bansa. Ito ay may laking 175 acres at napapalibutan ng evergreen forest na may 120,000 puno ng iba’t ibang species. Nasira ng air raid noong World War II ang orihinal na istruktura ng Meiji Shrine at muling isinaayos noong 1958.

Sa pagpasok sa Meiji Jingu, unang makikita ang malaking torii gate. Madadaanan din ang malalaking barrels ng sake. Ang Meiji Jingu ay binubuo ng Main Shrine na may Nagerezukuri style kasama na ang Noritoden kung saan ang mga papuri para sa emperador at emperatris ay binibigkas; ang Naihaden (inner shrine); Gehaiden (outer shrine); Shinko (treasure house); Shinsejo (consecrated kitchen para sa paghahanda ng mga food offerings); at iba pang office buildings. Gawa sa Japanese cypress ang mga materyales na ginamit dito habang may copper plates naman ang ginamit para sa mga bubong.

Ang Meiji Jingu ay binibisita at dinarayo ng mga lokal at dayuhang turista hindi lamang upang magbigay-respeto sa mga kaluluwa ng dalawang pinakamaimpluwensiyang tao sa kasaysayan ng Japan kundi bilang spiritual home at recreation area na rin. Kaya naman itinuturing itong pinakapopular na shrine sa buong Tokyo.

Mataas ang respeto ng mga miyembro ng Imperial Family sa Meiji Jingu. Sila ay madalas na bumibisita rito upang ipahayag ang kanilang paggalang sa mga kaluluwang naka-enshrined dito. Tuwing Nobyembre 3, ang Emperor ay nagpapadala ng Imperial messenger sa lugar kasama na rin ang kanyang mga alay.

Bukod sa historical at cultural purpose ng Meiji Jingu, may mga pagdiriwang din na ginaganap dito. Nariyan ang Spring Grand Festival (April 29-May 3) kung saan may Bugaku (traditional ceremonial dance and music), Noh (traditional theater), Sankyoku at Hogaku (traditional popular music), Hobu (traditional popular dance) at Kyudo (archery); at ang Autumn Grand Festival (Nobyembre 1-3) na dinagdagan ng Yabusame (horseback archery), Budo (martial arts), at Aikido.


Best Koyo Spots in Japan

 Ni Florenda Corpuz



Autumn is here! Tuwing panahon ng taglagas, popular na libangan ng mga lokal at dayuhang turista sa Japan ang “autumn leaf viewing” o ang tinatawag na “momijigari.”
           
Bahagi na ng kulturang Hapon ang momijigari. Sinusubaybayan nila ang tinatawag na “koyo front” kung saan ang kulay berdeng dahon ay nagiging pula, dalandan at dilaw. Ang koyo front ay nagsisimula sa northern mountains ng Hokkaido pababa sa central at southern parts ng Japan. Kadalasan ay nagtutungo sa mga hardin, parke, templo at bulubunduking lugar ang mga tao para masilayan ang mga naggagandahang autumn colors ng bansa.

Narito ang listahan ng ilan sa mga paboritong koyo spots sa buong Japan:

Daisetsuzan National Park – Ito ang pinakamalaking mountain national park sa buong Japan na may total area na 230,000 hectares. Tinatawag na “the roof of Hokkaido” ang lugar na ito dahil sa mga naglalakihang bundok na makikita rito. Dito unang masisilayan ang autumn colors ng taglagas na kadalasan ay makikita kalagitnaan ng Setyembre hanggang Oktubre.

Onuma Park – Itinalaga bilang quasi national park, kilala ang lugar na ito dahil sa napakagandang Mount Komagatake. Ito ay matatagpuan sa katimugang bahagi ng Hokkaido kung saan ma-e-enjoy ang ganda ng autumn colors tuwing buwan ng Oktubre.

Oirase Mountain Stream – Ang Oirase-gawa River ay dumadaloy mula sa Lake Towada-ko at sa pagitan ng 14-kilometer source section sa pagitan ng Nenokuchi at Yakeyama. Ito ay tinalagang natural monument ng Aomori. Makikita ang autumn colors dito simula kalagitnaan ng Oktubre.

Tateyama Kurobe Alpine Route – Isa sa pinakamagandang mountain crossings sa buong Japan. Ito ay nakumpleto noong 1971 at kumukonekta sa Toyama City sa Toyama Prefecture at Omachi Town sa Nagano Prefecture. Pangunahing atraksyon nito ang Tateyama Mountain Range na bahagi ng Chubu Sangaku National Park. Masisilayan ang naggagandahang autumn colors dito simula huling bahagi ng Setyembre hanggang unang linggo ng Nobyembre.

Nikko – Ito ay matatagpuan sa paanan ng Mt. Nyoho-san sa kanlurang bahagi ng Tochigi. Ang lugar na ito ay itinuturing na temple town ng Futara-san-jinja Shrine, Toshogu Shrine at Rin-no-ji Temple. Masisilayan ang naggagandahang autumn colors sa Okunikko region sa paligid ng Lake Chuzenji at Yumoto Onsen simula Oktubre hanggang kalagitnaan ng Nobyembre.

Miyajima – Matatagpuan sa labas ng Hiroshima Prefecture, ang Miyajima ay kabilang sa top three scenic spots sa Japan at tinatawag na “Island of Gods,” at popular dahil sa floating shrine at Otorii na matatagpuan dito. Ma-e-enjoy ang autumn colors dito sa kalagitnaan ng Nobyembre.

Arashiyama – Ito ay matatagpuan sa outerskirts ng Kyoto kung saan masisilayan ang naggagandahang autumn colors tuwing kalagitnaan ng Nobyembre. Noong unang panahon dinarayo na ng mga aristokrato ang lugar na ito na puno ng rice fields at bamboo woods upang makakita ng magagandang tanawin habang namamangka.

Rikugien Gardens – Isa ito sa pinakamagandang hardin sa buong Japan. Pitong taon ang itinagal bago makumpleto ang lugar na ito noong 1702. Ang Tsutsuji Tea House ay isa sa best spots ng hardin. May special illumination dito ng mga autumn leaves simula Nobyembre 22 hanggang Disyembre 8. 

Mount Takao – Ito ay isa sa pinakadinarayong lugar ng mga Tokyoites kung nais nilang makita ang ganda ng autumn colors dahil malapit lamang ito sa central Tokyo. Ang makahoy na bundok ay pinupuntahan dahil sa templo at hiking opportunity na ibinibigay nito. Ang buwan ng Nobyembre ang peak ng autumn colors dito.

Icho Namiki (Ginkgo Avenue) – Itinuturing na opisyal na puno ng lungsod ng Tokyo ang ginkgo o icho. Sa Meiji-jingu Gaien Park matatagpuan ang tinatawag na Icho Namiki o “Ginkgo Avenue” kung saan nakahilera ang naggagandahang ginkgo trees na masarap puntahan tuwing huling bahagi ng Nobyembre hanggang unang linggo ng Disyembre.

Sa Kyoto unang nagsimula ang tradisyon ng autumn leaf viewing na nagsimula pa noong Heian period (late 8th century).


Libutin ang Buong Mundo sa Tobu World Square

Ni Florenda Corpuz
Kuha ni Din Eugenio

 Kung pangarap mo na mapasyalan ang mga magagandang lugar sa buong mundo, may isang lugar sa Japan na tiyak na tutupad dito – ang Tobu World Square.

Matatagpuan sa lungsod ng Nikko sa probinsiya ng Tochigi, ang Tobu World Square na isang theme park kung saan masisilayan ang mga pinakamagaganda at pinakamakasaysayang artifacts at architectural monuments ng iba’t ibang bansa sa mundo. Mahigit limang taon ang ginugol ng mga bihasang artisan bago makumpleto ang Y14-billion theme park at buksan sa publiko noong Abril 24, 1993.

Ang Tobu World Square ay binubuo ng anim na zones: Ang Japan, Modern Japan, Asia, America, Egypt at Europe. Sa mga zones na ito makikita ang miniature reproduction ng 102 historic relics at architectures mula sa 21 bansa sa sukat na 1/25 mula sa orihinal na laki ng mga ito. Sa mga historic relics at architectures na ito, 45 ang kabilang sa listahan ng UNESCO World Heritage Sites.

Tiyak na maaaliw ang sinuman sa mahigit sa 140,000 resident figurines na may taas na 7 sentimetro na naka-display sa mga atraksyon. Wala sa mga ito ang makikitang magkakamukha at magkakatulad. Masisilayan din ang mga naggagandahang puno at hardin na gawa sa mahigit sa 20,000 bonsai trees na akmang-akma sa mga istruktura.

Mga Atraksyon:

Japan Zone – Masisilayan sa zone na ito ang “good old days” ng Japan. Narito ang Rokuon-ji Golden Pavilion, Horyu-ji Temple, Kiyomizu-dera Temple at marami pang makasaysayang lugar sa bansa. Matatagpuan din dito ang mga miniature trees kung saan 97% sa mga ito ay tunay na lalong nagbibigay ng makatotohanang tanawin sa mga exhibit.

Modern Japan Zone – Sa parteng ito, makikita ang makabago at progresibong Japan. Narito ang Tokyo Tower, Yoyogi National Stadium, Tokyo Station, Diet Building at New Tokyo International Airport Terminal 2.

Asia Zone – Sa bahaging ito, matututuhan ang mayamang kasaysayan ng Asya. Narito ang The Great Wall of China at Forbidden City, Taj Mahal ng India at Angkor Wat ng Cambodia.

America Zone – Kung tanyag na mga tourist spots naman sa Amerika ang iyong hanap, ito ang zone na dapat mong puntahan. Narito ang Statue of Liberty at The White House. Matatagpuan din dito ang matatayog na gusali tulad ng Empire State Building at Chrysler Building.

Egypt Zone – Makikita rito ang mga misteryosong pyramids ng Menkaure, Khafre at Khufu. Narito rin ang Sphinx na nagpapakita ng kapangyarihan ng mga Egyptian rulers. May camel display din dito para sa tunay na ancient Egypt experience.

Europe Zone – Dito makikita ang mga magagandang tanawin at istruktura sa Europa tulad ng Eiffel Tower ng France, Sagrada Familia Church ng Spain, St. Peter's Basilica ng Vatican, Parthenon ng Greece at Colosseum ng Italy.

Bukod sa mga kaakit-akit na tanawin ay may mga restaurants at souvenir shops din sa loob ng theme park.


May bayad na Y2,500 ang entrance fee rito. Bukas ito mula 9:00 ng umaga hanggang 5:00 ng hapon. Maaaring umarkila ng binoculars sa halagang Y100 at audio guides sa halagang Y500 a pair; Y300 para sa single. May nabibili rin na playcards na may halagang Y1,000-10-point card at Y1,500-15-point card na pwedeng gamitin upang mapasayaw at mapakanta ang mga figurines. 

Miyerkules, Disyembre 4, 2013

Tatlong Pinoy fashionista napansin sa Japan Fashion Week

 Ni Florenda Corpuz


Naimbitahang dumalo ang tatlong Pinoy fashion bloggers sa prestihiyosong Mercedes Benz Fashion Week Tokyo S/S 2014 o Japan Fashion Week (JFW) na ginanap sa Shibuya Hikarie at iba pang lugar sa Tokyo kamakailan.

Dinaluhan nina Gervin Paulo Macion ng “Jenne Chrisville,” Carey Kho-Watanabe ng “Chic Sensei” at Ashley Dy ng “Candy Kawaii Lover” ang mga runway shows ng ilang kilalang Japanese fashion designers tulad nina Nozomi Ishiguro, Li Lin (JNBY) at Tamae Hirokawa (Somarta).

“I was there for four days. I loved watching the shows and I loved the outfits,” pahayag ni Dy.  

“It can be overwhelming for a first timer. You want to watch the show, take pictures of the beautiful outfits. It was fun,” saad naman ni Kho-Watanabe.

Napansin ng mga naglilibot na mga fashion crews mula sa mga sikat na Japanese fashion websites ang tatlong Pinoy kung saan sila ay kinunan ng mga litrato at panayam.

“I’m happy I made it again on Women’s Wear Daily (WWD),” ani Macion na anim na seasons nang naimbitahang dumalo sa JFW.

“Aside from the shows, I was looking forward to meet new people and bond with them,” dagdag pa ni Macion.
           
Unang naimbitahan si Macion na dumalo sa JFW noong 2011, si Dy noong 2012 at si Kho-Watanabe naman ay ilang beses na rin nakadalo.

“I want my friends and blog followers to experience what I’ve experienced through pictures, especially that Japanese fashion is really crazy. I want to share that to them,” sabi pa ni Kho-Watanabe.

“Hindi ko pa nararamdaman na na-penetrate na namin ang Japanese fashion scene. Pero sana one day dumating sa point na yun. Magandang stepping stone ang JFW para matupad ang dream na iyan,” sagot ni Macion sa tanong kung ano ang pakiramdam na unti-unti na nilang napapasok ang Japanese fashion scene.

“I wanna show them the other side of Japanese fashion hindi lang Harajuku. And I hope this can inspire other Pinoy fashion bloggers na kaya rin natin mapasok ang Japanese fashion scene,” pagtatapos ni Dy.

Samantala, sinabi naman ni Francis William Pedyo Cagayat, isa rin sa mga naimbitahan na dumalo na hindi na niya papalampasin ang susunod na season ng JFW. “I’m excited to meet new people kaya sisiguraduhin ko na makakadalo na ako next season.”

Ang Japan Fashion Week ay isang by invitation only event na ginanap dalawang beses kada taon. Ito ay inoorganisa ng Japan Fashion Week Organization.

Eugene Domingo, nanalong Best Actress sa Tokyo Int’l Film Fest

 Ni Florenda Corpuz

Si Eugene Domingo kasama ang mga nasa likod ng pelikulang
Barber's Tales. (Kuha ni Din Eugenio)

Itinanghal na Best Actress ang komedyanteng si Eugene Domingo sa pagganap sa pelikula ni Jun Robles Lana na “Barber’s Tales” sa 26th Tokyo International Film Festival na ginanap sa Roppongi Hills, Tokyo kamakailan.

Ito ang unang pagkakataon na nagwagi ng acting award ang isang Pilipino sa prestihiyosong festival.

“I would like to share this award to the one very important person who entrusted me with my first full-length drama role, Direk Jun Robles Lana,” saad ni Domingo sa kanyang acceptance speech.

Ginampanan ni Domingo ang papel ni Marilou, isang simpleng maybahay na naninirahan sa probinsiya na pagkatapos manahin ang barberya ng kanyang namayapang asawa ay kanyang kinanlong ang mga rebelde noong panahon ng Martial Law.

“Tokyo International Film Festival, thank you for this opportunity, thank you for this recognition. This is not going to be the first time, I’ll keep coming back to Japan. I still have many things to buy from Don Quijote. Thank you very much,” pagtatapos ni Domingo.
           
Bago ang awarding ceremony, dinaluhan nina Domingo, Lana at iba pang staff ng pelikula ang opening ceremony kung saan sila ay naglakad sa green carpet na gawa sa recycled plastic bottles kasama ang iba pang kinatawan ng mga pelikulang kalahok sa festival.

“Last year I was here for my film, ‘Bwakaw’. It’s an honor to be back here in Tokyo.”

Samantala, pinatingkad naman ng presensiya nina Prime Minister Shinzo Abe, Hollywood star Tom Hanks at directors Paul Greengrass, Francis Ford Coppola at Sofia Coppola ang green carpet event.

Dumating din ang Hollywood actor na si Robert De Niro para sa Japanese premiere at festival screening ng kanyang pelikulang “Malavita.”

Dumalo rin sa festival ang mga Pilipinong direktor na sina Lav Diaz at Mikhail Red para sa screening ng kanilang mga pelikula na “Norte, Hangganan ng Kasaysayan” at “Rekorder.”

Ang mga nabigyan ng parangal ay ang “We Are the Best!” ni Director Lukas Moodysson (Tokyo Sakura Grand Prix), “Bending the Rules”  ni Director Behnam Behzadi (Special Jury Prize), Benedikt Erlingsson ng “Of Horses and Men” (Best Director ), Eugine Domingo ng “Barber’s Tales” (Best Actress) at Wang Jingchun ng “To Live and Die in Ordos” (Best Actor).

Nabigyan din ng parangal ang “The Empty Hours” ni Director Aarón Fernández (Best Artistic Contribution Award ), “Red Family”  ni Director Lee Ju-hyoung (Audience Award), “Today and Tomorrow” ni Director Yang Huilong (Best Asian Future Film Award), “The Tale of Iya” ni  Director Tetsuichiro Tsuta (Asian Future, Special Mention) at “Forma” ni by Director Ayumi Sakamoto (Japanese Film Splash, Best Picture Award).

Aquino, balak gamitin ang Japanese ISDB-T

 Ni Florenda Corpuz


Kuha ni Robert Vinas/Malacañang Photo Bureau

Nagpahayag ng interes si Pangulong Benigno Aquino III na gamitin ng Pilipinas ang Japanese Integrated Service Digital Broadcasting – Terrestrial (ISDB-T) standard kapag lumipat na ang bansa sa digital terrestrial television o DTV.

Sa bilateral meeting na ginanap sa Brunei Darussalam kamakailan kasama si Japanese Prime Minister Shinzo Abe, sinabi ni Aquino sa kanyang Japanese counterpart ang ginagawang pag-aaral ng pamahalaan sa planong transisyon sa bagong tv standard.
           
Ayon kay Pangulong Aquino, nakumpleto na ng technical working group ang kanilang assessment at iminungkahi ng mga stakeholders na gamitin ng Pilipinas ang Japanese system. 

“May last step na gagawin ang NTC, which is to hold a hearing among the stakeholders who were actually the proponents. So parang we are migrating to the Japanese digital standards—that’s one thing we discussed,” pahayag ng Pangulo.

Dinagdag pa ng Pangulo na magpapatawag ng final hearing ang National Telecommunications Commission (NTC) para sa mga stakeholders na siyang huling hakbang para sa gagawing transisyon.

“The reason why Philippine industry experts prefer the Japanese standard is its ability for an emergency broadcast during emergencies. We are told that it was used during the Fukushima incident. ‘Yung Shinkansen bullet trains managed to stop x number of seconds on a minute prior to the earthquake hitting, (and) saved lives; ‘yung ability to turn on television sets to broadcast this warning maski na naka-off,” paliwanag ng Pangulo.

Sa kabilang banda, sinabi naman ng mga proponents ng European system na kaya rin nilang gumawa ng tulad ng sa Japanese system na may parehong kapabilidad. Ani pa ni Pangulong Aquino, bentahe ng Japanese system ay ang madalas na pagbisita ng mga sakuna sa Japan tulad ng Pilipinas, at ang sistemang ito ang kanilang ginagamit.

“The European continent is not visited by the disasters that Japan and we are visited with. So they might be able to meet that need, whereas Japan has demonstrated that they are actually meeting this particular facility of service,” saad ng Pangulo.

Nauna nang inindorso ng NTC sa Department of Science and Technology (DOST) ang adoption sa Japanese standard sa halip na ang European standard para sa migration ng Pilipinas sa digital terrestrial TV sa taong 2015.

Samantala, nilagdaan na ni NTC Commissioner Gamaliel Cordoba ang circular for “Standard for Digital Terrestrial Television (DTT) Broadcast Service” kamakailan na maghuhudyat ng pagbubuo ng technical working group na magsasagawa ng implementing rules at regulations sa Disyembre.

Sinasabing naglabas ng ilang bilyong piso ang mga pangunahing networks sa bansa para sa paghahanda ng paglilipat sa digital TV: ABS-CBN (P2 bilyon), GMA (P1 bilyon) at TV5 (P500) milyon.

Kinakailangang magbayad ng mga mamimili ng halagang P1,000 para sa set-top box sa mga TV sets na may analog tuners. Ang device na ito ang makakatanggap ng signal para sa digital TV.


Matatandaang ipinahayag ni Abe ang kanyang pag-asam na gagamitin ng Pilipinas ang digital terrestrial television system ng Japan noong bumisita ito sa bansa noong Hulyo 27.