Huwebes, Pebrero 27, 2014

Setsubun: Isang tradisyon nang pagtataboy ng masamang ispiritu

Ni Florenda Corpuz

Pagdiriwang ng Setsubun sa Japan
Ang Setsubun ay pista na ipinagdiriwang tuwing Pebrero 3 o 4, ang araw bago (risshun) magsimula ang panahon ng tagsibol ayon sa Japanese lunar calendar. Ito ay isang kaugalian mula China na dinala sa bansang Hapon noong ikawalong siglo.

Mula nang ito ay ipakilala sa mga Hapones, iba’t ibang ritwal na ang isinagawa tuwing sasapit ang pagdiriwang na ito na pinaniniwalaang paraan upang maitaboy ang mga masasamang ispiritu.

Noong ika-13 siglo, ilan sa mga pinaniniwalaang nagtataboy ng ispiritu ay ang sinunog na ulo ng pinatuyong sardinas, usok ng sinusunog na kahoy at ingay ng tambol. Sa paglipas ng panahon, bibihira na lamang ang nagsasagawa ng mga ritwal na ito, ngunit may mga kabahayan pa rin na makikitang naglalagay ng ulo ng isda at dahon ng holy tree sa entrada ng bahay sa paniwalang hindi makakapasok ang masasamang ispiritu.

Sa ngayon, ginugunita ang Setsubun sa pamamagitan ng pagsasagawa ng “mame-maki” o bean throwing ceremony sa loob ng mga kabahayan, shrines at templo sa iba’t ibang panig ng bansa. Sa mga tahanan, pinupuno ng roasted soybeans ang “masu” o wooden measuring cup at sinasaboy ito ng ama o panganay na lalake (toshi-otoko) sa loob ng kabahayan habang sumisigaw ng “Oni wa soto! Fuku wa uchi!” na ang ibig sabihin ay “Out with the goblins and in with fortune!” Binubuksan din ang mga bintana at sinasaboy sa labas ang mga beans.

Nagsimula ang kaugaliang ito bilang New Year ceremony ayon sa tradisyonal na kalendaryo ng Japan. Pagkatapos isagawa ang mame-maki, pinupulot ng mga tao ang mga beans at kakain ng ilang piraso nito, ang bilang pareho ng kanilang edad sa paniwalang makakaiwas sa karamdaman sa kabuuan ng taon. Sa mga paaralan, ang mga mag-aaral ay gumagawa ng mga goblin masks at ini-enjoy ang mame-maki. Sa mga shrines at templo naman, masisilayan ang mga inimbitahang mga artista at atleta na nagsasaboy ng roasted soybeans sa mga taong nanonood ng seremonya.

Sa rehiyon ng Kansai, kaugalian na ang pagkain ng hindi hiniwang “makizushi” na kung tawagin ay “eho-maki” tuwing Setsubun habang nakaharap sa lucky compass direction ng taon. Nagsimula ito sa Osaka ngunit isinasagawa na rin sa Tokyo at iba pang lugar sa Kanto area kung saan mabibili na rin ito sa mga tindahan. Ilan pa sa mga kaugalian na isinasagawa sa pagdiriwang ng araw na ito ay ang religious dance, fasting at pagpasok sa bahay ng mga kagamitan na nakakasugat na maaaring naiwan sa labas ng bahay.

Maaari rin ang mani na pamalit sa roasted soybeans. Ilan sa mga lugar na karaniwang nagsasagawa ng seremonya ng Setsubun ang Naritasan Shinshoji Temple, Mamasan Guhouji, Hase-dera, Okunitama-jinja at Asakusa-dera Temple. Hindi pista opisyal ang araw na ito.

Miyerkules, Pebrero 26, 2014

Japanese tourists patuloy ang pagdagsa sa Pilipinas

Ni Florenda Corpuz

Patuloy ang pagbisita ng mga dayuhang Hapon sa Pilipinas na siyang umuukupa sa ikatlong pwesto sa pinakamaraming bilang ng mga foreign tourist arrivals sa bansa mula Enero hanggang Setyembre 2013.

Ayon sa pahayag ng Department of Tourism (DOT), umabot sa 329,008 o 9.38% ang overall total ng mga dayuhang Hapon na bumisita sa bansa sa unang siyam na buwan ng 2013.

Umabot naman sa 3,509,017 ang overall total ng mga dayuhang turista na nagtungo sa bansa, 11.40% mas mataas kumpara sa 3,149,985 bilang noong nakaraang taon. Ito ay katumbas ng 63.80% ng targeted foreign tourist arrivals noong 2013.

Bukod sa Japanese tourists, nasa top 5 din ang mga South Koreans na nasa unang pwesto na may bilang na 908,881 o 20.71% ng total arrivals. Nasa pangalawang pwesto naman ang mga American tourists na umabot sa 497,748 o 14.18%. Nasa ikaapat na pwesto naman ang mga Chinese tourists na may 327,054 arrivals o 9.32% habang panglima naman ang mga Australian tourists na umabot sa 148,218 o 4.22%.

Ilan pa sa mga bansang nagtala ng positibong dami ng bilang ay ang mga sumusunod: Saudi Arabia sa 30,258 (+34.70%), Russian Federation na may bilang na 23,199 (+29.70%), Indonesia na umabot sa 33,877 (+26.94%), Thailand na may bilang na 35,364 (+18.64%), France na umabot sa 29,263 (+17.77%) at India na may 38,773 arrivals (+13.02%).

Frozen food products mula sa Japan pinapa-recall ng FDA


Ni Florenda Corpuz

Pinapatanggal ng Food and Drug Administration (FDA) sa merkado ang iba’t ibang frozen food products na nagmula sa Japan upang masigurong hindi na ito maipagbibili sa Pilipinas dahil sa isyung pangkalusugan.

Sa isang pahayag, sinabi ni FDA acting director general Kenneth Hartigan Go na hindi rehistrado sa kanila ang mga nasabing produkto ng Maruha Nichiro Holdings na kamakailan lamang ay nagpa-recall sa 6.4 milyong pakete ng frozen at processed products matapos matuklasan na ito ay kontaminado ng malathion pesticide na naging sanhi ng pagkakasakit ng 556 katao na nakakain nito.

“Only FDA-registered processed food products imported by FDA-licensed food distributors should be allowed entry in the country,” pahayag ni Go.

Inalerto rin ng Department of Health at FDA ang Bureau of Customs (BOC) sa ilegal na pagpasok sa bansa ng mga nasabing produkto na kinabibilangan ng frozen pizza at croquette upang hindi na maipagbili sa mga groceries at supermarkets sa bansa.

“The FDA requests the Bureau of Customs (BOC) to remain vigilant in guarding the Philippine borders against the illegal entry of unregistered products, including contaminated and substandard food products,” dagdag ni Go.

Samantala, inaresto naman ng mga pulis sa Oizumi, Gunma Prefecture, si Toshiki Abe, 49, trabahador ng Maruha Nichiro Holdings subsidiary ng Aqlifoods Co. sa kanilang planta sa Oizumi. Ayon sa mga pulis, nagpasok si Abe ng malathion pesticide sa loob ng planta at apat na beses na nilagyan ang mga produkto sa pagitan ng Oktubre 3 at 7 na mariin naman na itinanggi ng suspek.

Unang nakatanggap ng reklamo ang kumpanya noong Nobyembre 13, 2013 nang isang consumer ang magreklamo na amoy machine oil ang kanyang nabiling produkto.

Base sa Health Ministry ng Japan, 2,843 katao mula sa iba’t ibang prefectures ang naiulat na nagkaroon ng mild symptoms tulad ng pagsusuka at pagtatae matapos makakain ng mga kontaminadong produkto.


Ayon naman sa pahayag ng Maruha Nichiro Holdings Inc. hanggang Marso na lamang sa kumpanya ang presidente nito na si Toshio Kushiro at ang presidente ng subsidiary nito na Aqlifoods Co. na si Yutaka Tanabe dahil sa nangyaring iskandalo. 

Japino pasok sa 'Rurouni Kenshin 2' cast

 Ni Florenda Corpuz


Maryjun Takahashi (Kuha mula sa Warner Brothers Japan)
Napili ang Filipina-Japanese model-actress na si Maryjun Takahashi na gumanap bilang mangingibig ng pangunahing kontrabida sa pelikulang “Rurouni Kenshin 2” sa direksyon ni Keishi Otomo.

Gaganap si Takahashi bilang si Yumi Komagata, ang loyal aide na umibig sa kontrabidang si Shishio Makoto na pinuno ng grupong Juppongatana. Si Komagata ang siyang nag-uulat ng mga aktibidades ng grupo na binubuo ng sampung makapangyarihang swordsmen mula sa iba’t ibang panig ng Japan.

Isa ang papel ni Takahashi sa iba pang roles na kabilang sa two-part sequel ng “Rurouni Kenshin” live action film: ang “Rurouni Kenshin: The Great Kyoto Fire” na ipapalabas sa Japan sa Agosto 1 at “Rurouni Kenshin: The End of a Legend” sa Setyembre 13.

Isinilang si Takahashi noong Nobyembre 8, 1987 sa Otsu, Shiga sa amang Hapon at inang Pilipina. May dalawa siyang kapatid, sina Yu na isa ring model-actress at Yuji na isa namang football player. Lumabas na siya sa sikat na babasahin sa Japan na CanCam Magazine at ilang tv commercials tulad ng sikat na brand na Cecil McBee, Morinaga at Google. Nagsimula si Takahashi sa kanyang modelling career noong 2003 matapos manalo sa beauty contest na “Yokohama Shonan Audition.” Lumabas din siya sa tv drama na “Jun to Ai.”

Martes, Pebrero 25, 2014

Gaano mo kamahal ang iyong bayan?

Ni Al Eugenio

Nakasunod sa isang babaeng OFW si Chris sa harap ng immigration officer sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) nang marinig niyang tinanong ito kung saang bansa siya papunta. “Sa Saudi po,” sagot ng naturang OFW. Sunod na tanong ng immigration officer, “alam mo ba ang pangalan ng hari ng Saudi Arabia?” Napaisip ang babae at nang sa palagay ng immigration officer na hindi niya kayang sagutin ang tanong ay nagwika ito muli ng “ok, ganito na lang, ilan ang kapatid ng hari ng Saudi Arabia at kailan pa siya nakaupo bilang hari?” Namula ang mukha ng OFW at mapapansin sa kanya ang pag-aalala na parang kung hindi niya masasagot ang mga tanong ay baka hindi na siya matuloy na makaalis.

Bilang isa ring OFW ay alam ni Chris ang mga pinagdaraanan ng bawat isa sa ating mga naghahanapbuhay sa ibang bansa. Hindi na niya napigilan ang sarili na tanungin ang naturang immigration officer kung bakit pa kailangang malaman ng OFW ang sagot sa mga itinatanong nito. Hindi na sumagot ang officer at tinatakan na lamang ang passport ng nasabing babaeng OFW.

Marami sa ating mga kababayang OFW ang napapaglaruan at maaaring napapagsamantalahan bago sila makaalis ng ating bansa at ganoon din kung sila ay dumarating galing sa bansang kanilang pinagtrabahuhan. Siguradong marami na rin sa atin ang nagkaroon na ng iba’t ibang karanasan.        

Mayroon pa rin sa ating mga kababayan na sa halip na tulungang umangat sa kasalukuyang kinakatayuan ang kapwa, ay parang hindi sila makapayag na sila ay nauungusan. Kadalasan, kung hindi rin lang naman niya  kamag-anak, kakilala o kaibigan  ang paglilingkuran,  madalas  ay gagawaan pa niya ito ng problema. Kung makakalusot ang kanyang diskarte, maaari pa niya itong pagkaperahan.

Hindi po naman natin nilalahat ngunit marami sa mga nanunungkulan ay walang sapat na kaalaman sa serbisyo publiko.   Marami sa kanila ay napasok lamang sa kani-kanilang mga pwesto dahil sa mayroon silang malakas na padrino. Hindi nila ganap na nauunawaan na ang maglingkod sa  kanilang mga kababayan ang una nilang tungkulin kaya sila sumusweldo.       

Sa paninirahan natin dito sa Japan, nasanay na tayo sa mga kaugalian ng mga Hapon tungkol sa kaayusan. Maayos na pamamalakad ng kanilang pamahalaan, maayos na serbisyo para sa mga mamamayan. Halimbawa, tulad ng mga city o ward office,  kapag tayo ay lumapit sa kanilang tanggapan, kahit na isang minuto na lamang ang nalalabi bago ito magsara ay buong lugod pa rin tayong aasikasuhin hanggang sa maibigay sa atin ang  ating  kailangan. Hindi sila naiinis sa lahat ng gusto nating itanong.  Minsan kung natagalan silang maibigay ang iyong kailangan, sila pa ang humihingi ng paumanhin dahil sa matagal mong paghihintay. Bagamat ang ibang serbisyo rito ay may bayad, ang halaga ay mura lamang. 

Ang kaayusan ng mga Hapon sa kanilang paligid at pag-aalaga ng kanilang kalikasan ay kasabay na rin tayong natututo na ito ay ingatan. Alam natin na sa bawat puno na pinuputol para gamitin sa pagtatayo ng mga bahay ay siguradong mayroong itinanim na kapalit sa kung saang kabundukan. Mapapansin natin ang mga ito kapag tayo ay nagpupunta sa malalayong lugar, pantay-pantay na nakahilera ang mga ito at mayroon pang mga label na siyang nagpapatunay na ang mga punong iyon ay inaalagaan. Lagi nilang isinasaisip ang susunod na henerasyon.

Bihira na sinasabi ng mga Hapon na mahal nila ang kanilang bansa. Dahil para sa kanila, hindi makatotohanan na bigkasin lamang ang mga katagang ito. Sa kabila nito, dahil sa kanilang pag-iingat sa kanilang kapaligiran at kalikasan, sa kanilang pag-iintindi sa kanilang mga mamamayan, sa kanilang pagpapahalaga sa kanilang sining, kultura at kasaysayan, naging dahilan ito ng kanilang pagkakaisa bilang isang lahi na iginagalang at hinahangaan mula pa noong una silang makilala bilang isang bansa. 

Ang kasaysayan ng mga taong nagbuwis ng buhay upang tayo ay maging malaya at kilalanin din bilang isang bansa ay hindi natin dapat kinakalimutan. Ang ganda ng ating sining at ang husay ng ating mga kababayan na hinahangaan sa maraming lugar ay dapat  nating  pinapahalagahan. Ang pagtulong sa ating mga kababayan kahit na sa maliit na paraan ay makakapagpakita ng pagmamahal natin sa ating bansa,  lalo pa at ang mga ito ay dahop sa mga makabagong kaalaman.  

Sa kabila ng lahat na dinaranas ngayon ng Pilipinas, unti-unti nang nagigising ang  ating mga kababayan sa tunay na kinakailangan upang magkaroon ng kaayusan ang ating lipunan. Marami ng lihim ang nabubunyag, marami ng mga bagong pamamaraan ang nagaganap dahil sa social media ay naririnig na ang boses ng lahat.

Alam natin na ang pagbabago ay hindi magiging madali ngunit hindi tayo dapat bumitiw. Kailangan nating ingatan at ipagtanggol ang lahat ng tungkol sa ating pagiging Pilipino. Ang lahat ng tungkol sa ating bayan. Huwag nating ipapagbili sa kung kani-kanino lang para sa pansariling kapakanan. Sapagkat saan man tayo magtungo sa ating pangingibang-bansa,  darating pa rin ang panahon  na  doon pa rin sa ating bayan natin hahanapin ang totoo nating tahanan.        

Lipat-bahay, bagong buhay

Ni Rey Ian Corpuz

Ang panahon ng tagsibol ay panahon ng paglilipat ng trabaho, lugar ng pagtatrabahuan at siyempre ang paglipat ng bahay. Sa Japan, kasabay ng pagsibol ng mga sakura ay siya rin ang lipatan ng karamihan sa trabaho at tinitirahang bahay. Sa panahong ito hitik na hitik sa patalastas sa telebisyon ang mga naghi-hikkoshi, mga chintai realtors, linis bahay at “tapon ng mga luma at sirang gamit” na mga kumpanya. Kung kayo ay hindi pa nakakalipat, ito ang mga tips na dapat ninyong gawin:

Pagtatapon ng basura at sirang kagamitan

Hindi po basta-bastang natatapon ang mga de-kuryente at malalaking kagamitan sa bahay tulad ng refrigerator, TV, washing machine, aircon, heater, bisikleta, cabinet at marami pang iba. Halimbawa, sa Tokyo, ay kailangan mong magpa-reserve sa “Sodai Gomi Center” ng inyong siyudad o ward at bumili ng “gomi shoriken” o garbage disposal ticket sa convenience store na nagkakahalaga ng ¥300 at ¥400 para idikit sa mga bagay na nais itapon.

Kapag kayo ay nakapagpa-reserve, saka na idikit ang mga ito sa inyong itatapong bagay at ilagay ito sa inyong napiling pick-up point kagaya ng lugar na tapunan ng basura. Ang mga appliances naman ay kailangang mga pribadong kumpanya na nangangasiwa sa pagtapon ng mga ito ang dapat tawagan. Mahal magtapon ng mga gamit. Ang analog na TV ay nasa ¥4,000 o mahigit depende sa laki at ang aircon ay nasa ¥7,000 mahigit depende sa modelo. Talagang nakakabutas ng bulsa ang paglilipat ng bahay.

Pagbenta ng mga ito sa junk shop

Kung may mga 2nd hand o junk shop na malapit sa inyong bahay ay pwede ninyo itong ibenta. Mas makakamura at kikita pa kayo kahit sa kaunting halaga. Pero hindi lahat ng mga gamit ay pwedeng ibenta. Dapat ito ay hindi mukhang luma at dapat kaaya-aya pa sa tingin ng bibili. Kapag ito ay may sira na, malamang hindi mo na ito mabebenta. Kung wala kayong sasakyan, mahirap magbenta ng gamit dahil hindi lahat ng junk shops ay pwedeng pumunta sa bahay ninyo para kunin ang gamit.

“Hikkoshi” o lipat-bahay na serbisyo

Pagkatapos maibenta o maitapon ang mga bagay na ayaw na ninyong dalahin sa bagong tirahan ay ang “mitsumori” o pagtatantiya ng mga bagay na dadalahin ng mga hikkoshi na kumpanya. Mas mainam na marami kayong tawaging ahente para mag-estimate ng mga gamit sa inyong bahay. Sa mitsumori, tinitingnan ng ahente kung gaano kalaki ang inyong kwarto o bahay at kung gaano karami ang inyong mga gamit.

Malakas ang kumpetisyon ng mga kumpanya. Maraming kilalang kumpanya na parating may patalastas sa telebisyon pero sa tingin ko mas mura kung ito ay lokal na kumpanya lang na walang patalastas. Ang sikreto para makamura ay baratin ninyo hangga’t pumayag sila.

Karaniwan tatanungin ka ng ahente kung may pumunta na ba na ibang kumpanya at sabihin mo na mayroon na. Pagkatapos sabihin mo na mas mababa ang presyo sa ibang kumpanya. Hangga’t kaya nilang habulin ang presyo hahabulin nila ito. Gamitin ninyo ang pagiging Pilipino sa paghingi ng tawad sa presyo. Karamihan sa mga ito ay nagbibigay pa ng regalo tulad ng bigas, tisyu o mga panglinis ng kusina at banyo para lang makumbinse ang lilipat ng bahay na kunin sila.

Pagpili ng bahay

Regular na mansion o apartment - Maraming nagkalat na “fudosan” o realtor ng bahay. Sa panahon ngayon, hindi na masyado uso ang “reikin” o iyong regalong isang buwan na upa na ibabayad sa “oyasan” o may-ari ng bahay. Karamihan pa sa mga ito ay isang buwan lang ang unang bayad. Ang hindi maganda sa ganitong mga bahay ay kailangang baguhin ang iyong kontrata kada dalawang taon. Magastos ang mag-renew dahil kailangan mong magbayad ng isa o dalawang buwan na “atsukarikin” o deposit at mahirap din ang paghahanap ng “hoshounin” o guarantor.


Mga pabahay ng gobyerno - Ang pagtira sa “danchi” o community housing ng pamahalaan ay may maraming benepisyo. Hindi na kailangan ng renewal fee, guarantor at “reikin” at karamihan sa mga ito ay may libreng isang buwan na upa sa kwarto. Kaya lang medyo mahigpit ang mga requirements. Ang UR Chintai at JKK Tokyo ay iilan sa mga ahensiya ng gobyerno na “subsidized housing” na mas mura at malaki kumpara sa mga mansion o apartment. Sa guarantor ay may pribadong kumpanya na sasagot sa bayarin nito na kailangan mo lang hulugan kada buwan.

Tatlong taon matapos ang 3/11

Cesar V. Santoyo

Tatlong taon makalipas na yugyugin ang lupa at umapaw ang tsunami ay nagbago ang kapaligiran ng mga lungsod sa baybaying dagat ng rehiyon ng Tohoku. Kasama rin sa binago ng kalamidad ng 3.11 ay ang buhay ng ating  mga kababayan. Mayroong mula sa mas mabuti tungo sa hindi masyado at mga nagpanibagong takbo ng trabaho at pananaw sa buhay.

Pagkaraan na maka-alpas para hindi malamon ng tsunami at sa pakiramdam na siya ay binigyan ng pangalawang buhay, nakita ni Marivel Gunji ng Kesennuma, Miyagi-ken na dapat masuklian ang pagkakaroon niya ng pangalawang buhay. Ang masayang paninilbihan sa mga matatanda bilang caregiver na sa ngayon ay nasa dalawang taon na sa serbisyo ang kanyang nakitang paraan ng pasasalamat sa kanyang pagkakaligtas mula sa imbi ng kamatayan sa tsunami at sa bagong buhay.

Sa Iwaki-shi, Fukushima-ken naman ay lumangoy rin para makaligtas sa tsunami ang buong pamilya ni Jocelyn Abe kasama ang biyenan na babae at anak na nagsimula rin ng panibagong pamumuhay. Dahilan sa pangangailangan na mag-aral ng English ang mga bata sa komunidad at sa madalas na pakiusap ng mga kapit-bahay ay ginampanan ni Jocelyn ang pagiging English teacher na sa ngayon siya ay naging popular na guro na.

Sa paghagupit ng bagyong Yolanda o Haiyan sa Pilipinas ay nadama ng marami sa mga biktima ng trahedya ng 3/11 ang kakaibang pakiramdam. Ito ay nang sila ay magsagawa ng “bokin” o pangangalap ng tulong pinansyal sa mga lansangan ng Tohoku para matulungan ang mga biktima ni Yolanda. Nararamdaman nila ang hirap ng mga nagsitulong sa kanila noong sila naman ang nasa gipit na kalagayan. Naging patag ang mga puso ng marami sa mga nag-bokin na kahit papaano ay nasuklian nila ang mga nagsitulong sa kanila noong sila ang nasa panahon ng daluyong.

Balik na sa normal ang kalagayan ng ating mga kababayan sa Tohoku at balik rin sa dating gawi bago ang trahedya ng 3/11. Mula sa panahon ng pangangailangan na magkatulungan ang bawat isa dahil sa trahedyang 3/11 ay balik na sa normal ang ating mga kababayan sa nakagawian na walang pakialam sa pagtulong sa kapwa at ang mga nakakamatay sa stress na siraan at tsismisan. Kaya marahil ay hindi pa tumitigil ang pagpapaalala ng lupa sa kanyang tuwinang paglindol para gisingin pa rin ang lahat na magbago tungo sa magandang pakikipagtulungan sa kapwa at sa mas magandang pananaw sa buhay.

Hindi pa rin ligtas ang bansa sa mga sakuna. Naglabas ng babala ang pamahalaan ng Japan kamakailan lamang at nagpahayag ng malakihang plano ng evacuation sa posibleng pagsabog muli ng Mt. Fuji na isang bulkan na ilang daang taon nang hindi aktibo. Ayon sa mga siyentipiko ay maaaring nagiging aktibong bulkan na ang Mt. Fuji na may kaugnayan sa malalakas na paglindol.

Kailangang ilikas ang mga mamayan sa Shizouka, Yamanashi at Kanagawa kung sakaling ang mga lava ng bulkan ay aagos papunta sa mababang lugar. Aabot hanggang Tokyo at Chiba ang ibubugang abo at ititigil pansamantala ang lahat ng mga gawain sa malaking lupain ng Japan bilang babala ng mga siyentipiko at mga opisyal ng pamahalaan ng bansa.

Noong nakaraang taon naman at magpasahanggang ngayon ay ang mga babala ng malaking paglindol na maaaring lumpuhin ang buong Metropolitan Tokyo. Ang babala ay nakabatay rin sa naging karanasan sa malaking lindol sa Tokyo sa mga unang dekada ng 1900. Walang tigil ang mga pahayagan, radyo, telebisyon at mga sibikong organisasyon sa palagian na maging handa sa mga inaasahan na darating na mga sakuna.

“Man-made disaster” sa ating kabuhayan din na maituturing ang darating na pagpapataw ng 8% consumption tax sa lahat ng serbisyo at bilihin simula sa Abril, 2014. Halimbawa ang ¥1000 na bayad para sa 10 minuto na pagupit ng buhok na sa kasalukuyan ay magiging ¥1080 o ¥80 na patong sa bawat isang libong yen sa lahat na bayarin. Tataas rin ang bayad sa telepono, kuryente, tubig,  at iba pa. Lahat ng gastusin ng buong pamilya ay tataas subalit walang pagtaas sa suweldo. Ang mas mahirap pa ang karamihan sa ating mga kababayan ay walang pirmihan na trabaho.

Kailangan na maging maingat at handa sina Maria at ang iilan na mga Juan ng sambayanang Pilipinas na nakatira sa Japan. Imbes sa nakagawian na mga pintasan, siraan at tsismisan ay nararapat na ilagay sa isip at sa salita na kailangan nating maging handa sa mga nakaambang matitinding dagok ng kalikasan.

Hindi biro ang mga ginagawang pagbabala ng pamahalaan at mga grupong sibiko sa pagbibigay ng disaster preparedness para makapaghanda sa mas malalaking disaster na hindi dapat ipagsawalang bahala. Sa loob ng bawat babala ay may mga kinakailangan na impormasyon na dapat alamin at pag-aralan ng bawat mamamayan kasama ang mga dayuhang migrante.

Subalit ang karamihan sa ating mga kababayan ay parang ayaw makilahok at ang mga organisasyon sa komunidad naman ay mas inaatupag pa ang mga pasikatan na aktibidad, mga entertainment ng artista at iba pa. Gumagawa ng sariling mundo ang marami sa ating mga kababayan at sa kabila nito, ang kawalan ng kooperasyon sa panawagan na makiisa sa paghahanda sa disaster ay parang nasa disaster na rin mismo ang komunidad sa sinasapit na bigat ng stress sa hindi magandang pakikitungo sa iba ng ilan sa ating kapwa kababayan.

Sa paggunita sa ika-tatlong taon ng trahedyang 3/11 ay taimtim nating ipagdasal ang mga kaluluwa ng mga nasawi at buhayin ang loob ng mga nakaligtas. May mga babala sa pagdating ng mas matinding sakuna at ang paghahanda natin bilang mga dayuhang migrante ay mariin na ipinapanawagan. Alalahanin natin ang nangyari pagkatapos ng 3/11 na sana ay pagkuhanan ng aral-karanasan at mula rito ay ihanda ang sarili na makiisa at makipagtulungan sa lahat ng mga panawagan at pagsasanay sa mga disaster na maaaring darating at maging sa pangkabuhayan na pakikipagtulungan.


Ang pakikisama sa ibang tao

Elvie Okabe

Tayong mga Pinoy ay kilala sa pagiging matiisin lalo kung nasa ibang bansa tayo at madaling makabangon sa trahedya dahil sa nakangiti pa rin kahit inaabot na ng kamalasan.  Ngunit, karamihan sa atin ay napakasensitibo at kilala na mayroong ‘crab mentality’.  Pasintabi lang po, wala po akong pinatatamaan dahil lahat naman tayo ay may kaunti o sobrang pagkabalat-sibuyas pagdating sa mga nasasabi ng isang tao.  Anuman na kaunti ay tama naman siguro, ngunit kapag sobra na ay ‘di na maganda kaya siguro mainam itong new year’s resolution ng bawat isa sa atin. 

Happy Chinese New Year! Ngayong 2014 ay Year of the Horse at ang mga taong ipinanganak daw sa year of the horse ay may sense of humor. Sa taong ito, sana ay lagi tayong nakangiti at may positibong pananaw sa buhay upang maiwasan ang sobrang pagkabalat-sibuyas; bawas-bawasan ang komentong hindi maganda na maaaring makapanakit sa damdamin ng iba, at ibigay lahat ang papuri sa Diyos.

Ang pagkakaroon ng good sense of humor ng isang tao ay nararamdaman kung hindi natin dinidibdib ang mga pasaring at biro sa atin ng iba at ng tadhana.  “Smile and the world will smile at you” ika nga. Sabi nga rin ng mga doctor, “it takes lesser muscles to smile than to frown.” So, dapat kalimutan natin ang mga sama ng loob natin, at bagkus ay lutasin o harapin natin ang problema at mga responsibilidad sa buhay.   

Di ba natin napapansin sa ating sarili na habang ‘di natin nagagawa ang mga dapat gawin lalo na kung may deadline ay lalo tayong nag-aalala at hindi mapakali?  Ngunit, kung nalutas na natin sa hirap at tiyaga  ang mga bagay na dapat nating gawin ay nagkakaroon tayo ng kumpiyansa sa ating sarili at nagiging positibo muli ang pananaw natin sa buhay, di po ba?

Para sa ating mga nandito sa Japan, lalo na sa mga matatagal na rito, alam na natin siguro na tila napakabilis ng oras dahil sa kaabalahan sa mga gawain sa trabaho, lalo na kung sa factory o production pumapasok.  Ito ay dahil sa kultura ng mga Hapon na seryoso at ‘professional’ pagdating sa trabaho kahit anong uri man ito. 

Mahilig ang mga Hapon na pumuna hanggang sa kaliit-liitang bagay hinggil sa trabaho at sasabihin pa sa harap ng maraming tao.  Para sa mga Hapon ay ito ang tamang pagdisiplina kaya’t sanay sila sa pagpapakumbaba at paghingi ng paumanhin na may mga nakapaligid na tao kung napapagalitan o napupuna. 

Ngunit para sa ating mga dayuhan sa Japan, ito ay kahihiyan o napapahiya tayo sa harap ng iba dahil sanay tayong tinatawag sa isang lugar na walang nakakarinig upang punahin ang ating pagkukulang o pagkakamali sa ating trabaho.  Ito ay may maganda rin namang epekto sa atin (ayon sa mga nakasalamuha kung mga Pinoy na matagal ng nagtatrabaho rito sa Japan), at ito ay ang mga sumusunod:

1. Nagsusumikap tayong mabuti upang galingan pa ang ating pang-araw-araw na gawain;
2. Nababawasan ang ating pagkabalat-sibuyas o pagkamasintimiyento at nagkakaroon        tayo ng ‘good sense of humor’ sa pakikisama; at
3. Hinaharap natin ng pangiti-ngiti ang mga hirap sa pagtatrabaho at nagkakaroon tayo ng kumpiyansa na makisalamuha kahit kaninong tao, ngunit ang payo lang dito ay mag-ingat sa pagsasalita na maaaring makasakit sa iba.

Friends, countrymen, ‘di pa po huli ang lahat upang pag-isipan ng mabuti ang ating new year’s resolution dahil unang dalawang buwan pa lang ng taon.  Ang importante anumang oras, araw, o buwan ng taon ay maaari nating baguhin  ang maling ginagawa o itama ang mga maling pag-uugali. Ituon natin ang upang maging matagumpay tayo sa pakikisama, sa gawain na ang kalakip ay tagumpay sa pagkakaroon ng pera upang matupad natin ang ating mga pangarap at lalo pang makatulong sa ibang nangangailangan. 

Siyempre, huwag nating kalilimutan ang Diyos na Siyang pinanggagalingan ng lahat ng biyaya sa buhay at nagsasabi sa atin ng pangaral sa aklat ng Kawikaan (25:12-17):  “Ang magandang payo sa marunong makinig ay higit na ‘di hamak sa ginto o mamahaling alahas.  Ang sugong tapat ay kasiyahan ng nagsugo sa kanya, tulad ng malamig na tubig sa panahon ng tag-araw.  Ang taong puro pangako lamang ay parang ulap at hanging walang dalang ulan.  Sa malumanay na pakiusap pusong bato’y nababagbag, sa pagtitiyaga pati hari ay nahihikayat.  Huwag kakain ng labis na pulot-pukyutan at baka ito’y isuka mo lang.  Huwag mong dadalasan ang dalaw sa kapwa, baka siya mabagot at sa iyo’y magsawa.”      


Lunes, Pebrero 24, 2014

Cebu Pacific maglulunsad ng flights patungong Tokyo, Nagoya

Ni Florenda Corpuz

Mga opisyal ng CEB
TOKYO, Japan – Maglulunsad ng direct flights ang Cebu Pacific (CEB) patungong Narita at Nagoya sa darating na Marso 30. Ang Cebu Pacific ang kauna-unahang low-cost carrier (LCC) ng Pilipinas na mag-aalok ng biyahe mula Maynila patungo sa dalawang pangunahing lungsod ng Japan.

“We’re very excited that we’re going to finally be able to expand our network in Japan because it’s been five years since the last time we were here to launch a service, so now the Cebu Pacific service is available in three destinations: we have Osaka, which is now daily; Nagoya, which is four times weekly; and Narita, which is daily also. We hope that our kababayans here in Japan will avail of our new flight services,” pahayag ni Cebu Pacific Vice President for Marketing and Distribution Candice Iyog sa Cebu Pacific Philippine Product Presentation na ginanap sa Happo-en, Shirokane-dai kamakailan.

Sisimulan ng Cebu Pacific ang daily services mula Maynila patungong Narita gamit ang bagong Airbus A320 fleet. Aalis ito ng Maynila ng 5:25 a.m. at lalapag sa Tokyo ng 10:35 a.m. Ang return flight naman ay aalis ng Tokyo ng 11:45 a.m. at darating ng Maynila ng 3:45 p.m.

Ang Manila-Nagoya-Manila service naman ay bibiyahe tuwing Martes, Huwebes, Sabado at Linggo. Aalis ito ng Maynila ng 3:20 p.m. at lalapag sa Nagoya ng 8:25 p.m. Ang return flight naman ay aalis ng Nagoya ng 9:10 p.m. at darating sa Maynila ng 12:10 a.m ng sumunod na araw.

“At long last Cebu Pacific will be landing in Narita and Nagoya. The Filipino community and also Japanese friends have long been waiting for the entry of Cebu Pacific,” pahayag ni Ambassador Lopez na siyang panauhing pandangal sa ginanap na product presentation.

“With Cebu Pacific flying to Narita and Nagoya soon, I’m sure we will easily hit our target of more than 500,000 Japanese visiting the Philippines for 2014. And perhaps maybe even about 130,000 to maybe even about 150,000 Filipinos visiting Japan this year alone,” dagdag pa ni Lopez.

David Beckham, binisita ang mga bata sa Tacloban

Si David Beckham kasama ang mga bata sa Tacloban. (Kuha mula sa UNICEF).
Dumating sa Pilipinas kamakailan ang sikat na football icon na si David Beckham upang makasama ang mga bata na nakaligtas sa pananalanta ng bagyong “Yolanda” sa Central Visayas Nobyembre noong nakaraang taon.

Ang pagbisita ng 38-taong-gulang na si Beckham ay bahagi ng kanyang pagiging goodwill ambassador ng United Nations Children's Fund (UNICEF) kung saan isa siya sa mga unang umapela upang matulungan ang mga bata sa Tacloban na nabiktima ng bansa.

Ayon sa talaan ng UNICEF, tinatayang nasa 1.7 milyong bata ang nawalan ng matutuluyang bahay at napilitang tumigil sa pag-aaral dahil sa labis na danyos sa mga paaralan ng mga ito.

Binisita ng pamosong manlalaro na nagretiro noong nakaraang taon matapos ang dalawang dekadang paglalaro ng football, ang ilang evacuation at health centers at ilang pamilya na nawalan ng tirahan.
Pumunta rin si Beckham sa Santo Niño School sa Tanauan, Leyte at naging bahagi sa klase ng mga bata, namigay ng mga libro, tumulong sa pagpipinta sa wall mural ng paaralan at nakipaglaro ng football sa mga ito.

“As a father, it was deeply moving to meet children as young as two who were left with nothing but the clothes they were wearing when sea and storm water swept through their villages during the typhoon,” pahayag ni Beckham na may apat na anak na sina Brooklyn, Romeo, Cruz at Harper.

“Some children I spoke to had lost parents or brothers and sisters in incredibly frightening circumstances. It was devastating to hear about.”

Bilang UNICEF Goodwill Ambassador, ikinatuwa nito ang mga tulong na nagawa organisasyon sa mga bata sa Leyte katulad ng pagbibigay ng relief aid at paggawa ng pansamantalaang silid-aralan upang hindi matigil sa pag-aaral ang mga bata. Sa ngayon, mayroon nasa 420,000 bata na ang nakakapag-aral sa makeshift at tent schools na ginawa ng UNICEF at nabigyan din ang mga ito ng educational materials.

Nanawagan si Beckham na sana’y patuloy ang pagbibigay ng donasyon ng publiko partikular na sa UNICEF upang patuloy na matulungan ang mga batang nabiktima ng isa sa pinakamalakas na bagyo sa kasaysayan ng buong mundo na kumitil ng mahigit sa 6,000 katao sa Visayas region.

“Here in the Philippines I have seen how public donations can have an incredible effect on children's lives in an emergency.

“Right now, millions of children in other parts of the world are in urgent need - whether it's as a result of the Syria crisis or the conflict in South Sudan."

“Even though some of these crises don’t make the headlines, we should not forget these children in desperate circumstances and I urge the public to do all they can, as they have done incredibly in the past, to help organizations like UNICEF go the extra mile for these kids every day,” dagdag pa ni Beckham na naglaro para sa Manchester United, Preston North End, Real Madrid, Milan, Los Angeles Galaxy, Paris Saint-Germain, at England national team.

Linggo, Pebrero 23, 2014

Pilipinas sa buong mundo: ‘Maraming salamat!’

Ni Florenda Corpuz

TOKYO, Japan – Patuloy ang pagpapaabot ng Pilipinas ng taos-pusong pasasalamat sa international community dahil sa tulong na kanilang ipinaabot sa mga biktima ng bagyong Yolanda na kumitil sa buhay ng humigit kumulang sa 6,000 katao at nagdulot ng higit sa 30 bilyong pisong pinsala sa mga ari-arian.
 
Kuha ni Din Eugenio
Inilunsad ng Department of Tourism noong Pebrero 8, 4:40 a.m, eksaktong tatlong buwan matapos manalasa ang bagyong Yolanda, ang #PHthankyou global campaign sa mga social networking sites, print ads at billboards sa iba’t ibang panig ng mundo.

Sa Japan, makikita ang mensahe ng pasasalamat na nakasulat sa dalawang tarp banners sa wikang Hapon sa gusali ng Q Front na nakatayo sa harap lamang ng Shibuya Crossing sa Tokyo.

“Japan was one of the first countries to provide humanitarian relief assistance, and remains committed in our rehabilitation efforts. We were touched by the expressions of sympathy we received from so many Japanese people, many of whom said that they wished to return the kindness the Philippines showed to Japan after the Great East Japan Earthquake,” pahayag ni Ambassador Manuel M. Lopez.

“We Filipinos wish to reiterate our thanks to the people of Japan, for their humanity and compassion, and for being our true friends in good times and bad,” ani Lopez.

Isa ang Shibuya Crossing sa mga iconic na lugar sa Tokyo. Ito ay isang four-way intersection na popular spot ng mga photo at movie shoots. Libu-libong pedestrians ang tumatawid dito dahilan upang ito ay maging isa sa pinaka-abalang pedestrian crossings sa buong mundo. Nagpatingkad pa sa lugar ang mga maiingay, makukulay at naglalakihang advertising screens ng iba’t ibang produkto.

“The choice of Shibuya Crossing as the site for the ‘#PHthankyou’ tarps was because of its ideal location. This crossing has one of the highest pedestrian traffic in Tokyo,” saad ni Tourism Officer and Attaché Valentino L. Cabansag.

“This is one way in which the Filipinos can express in one voice the deep gratitude that they feel because of the overwhelming support received from the international community,” dagdag pa ni Cabansag.

Bukod sa Shibuya Crossing, masisilayan din ang mensahe ng pasasalamat ng Pilipinas sa iba pang lugar sa mundo tulad ng Times Square, New York, U.S.; Piccadilly Circus, London, U.K.; Potsdamer Platz cor. Leipziger Platz, Berlin, Germany; Lafayette Mogador, Paris, France; ION Orchard, Singapore; Yonge-Dundas Square, Toronto, Canada; Darlinghurst, Sydney, Australia; at Paiknam Building, Jung-gu, Seoul, Korea.

Inanyayahan naman ng DOT Tokyo ang mga Pilipino sa Japan na magtungo sa Shibuya Crossing upang saksihan ang mensahe ng pasasalamat ng Pilipinas, makunan ito ng litrato at mai-post sa mga social networking sites tulad ng Facebook, Twitter at Instagram gamit ang hashtag na #PHthankyou.
           

Matatandaang nagpahatid ng pakikiramay at ng tulong ang Japan na aabot sa $52.1 milyong dolyar na financial aid at medical assistance para sa mga biktima ng bagyong Yolanda sa Visayas region. Ipinadala rin sa Pilipinas ang pinakamalaking international relief mission ng Japan gamit ang Self-Defense Forces (SDF) ng bansa upang tumulong sa medical support at transportation operations. 

Miyerkules, Pebrero 12, 2014

Mga patok na negosyo sa 2014

Sa pagpasok ng bagong taon, bagong pagkakataon din ang dumating para sa mga nagbabalak pumasok sa pagnenegosyo, gayon din sa mga nakapag-umpisa o sa mga matagal nang may negosyo. Ngunit ano nga ba ang mga patok na klase ng negosyo para sa maraming Pinoy ngayong taon?

Pangunahing umuusbong ngayon ang M-Commerce, ayon kay Paolo Tibig, advocate at professional speaker sa pagnenegosyo sa pakikipag-usap nito sa ANC Shop Talk, kung saan ang transaksyon sa negosyo ay sa Internet gamit ang handheld devices o mobile phone. Nakatuon ang konsepto nito sa “convenience concept” dahil hindi na kailangan ang personal na pakikipag-usap sa pagitan ng mamimili at mga negosyante. Malaking bahagi ng ideya ang populasyon sa bansa, lalo na ang paggamit ng malaking bahagi ng oras ng mga Pinoy sa social media networks. Isa pang rason ay ang mas tumataas pa na market share ng iPhone at iPad sa bansa.

Pumangalawa naman ang “mobile concept” kagaya ng mga food truck o food cart. Pangatlo naman ang “ATM Everything” kung saan ang mga ATM mismo ang maglalabas ng mga produkto. Katulad na lang ng Sprinkles Cupcakes sa Beverly Hills na may cupcake ATM. Maging ang Japan ay hindi rin nagpahuli rito na may ATM na naglalabas ng mga bulaklak, alahas at sapatos.

Skills-based at food-related na mga negosyo naman ang pang-apat at pang-lima. Magandang ideya rin sa negosyo ang gamitin ang sariling pinag-aralan gaya ng engineering o architecture. At siyempre hindi mawawala ang mga negosyong tungkol sa pagkain lalo na’t malaking hilig ng mga Pinoy ang kumain.

Dagdag  pa nito, malaking pagkukunan ng inspirasyon din ang ilan sa mga patok na negosyo sa Asya, una na rito ang industriya ng garments at sinundan ng cosmetics, gadgets, appliances at fashion accessories.

Nariyan naman ang mas paglago ng food brands sa labas ng mga konseptong ASEAN. May mga HongKong Café concept, German beer bar, tea salon, Italian restaurants at French bakeries na franchised brands mula sa Korea. Inaasahan din ang pagdating ng maraming European fashion brands mu;a sa UK, Netherlands, Spain at France.

Lalo namang lumalaki ang interes sa healthy eating businesses kung saan isinusulong ng mga namumuhan ditto ang pagkakaroon ng healthy lifestyle. Halimbawa nito ang Healthy Café na may franchise sa siyam na estado sa US, Canada, Singapore, Lebanon, India, Australia, dito sa Pinas at magkakaroon na rin sa Morocco at Dubai. 

Kabilang din ang mga sumusunod sa mas lumalago pang business trends sa bansa: brain gain; ASEAN integration sa mga sektor ng edukasyon, information and communication technologies (ICT), agrikultura at turismo; digital kabataang Pinoy; young 40’s; podcast at blogging.

Tinatawag na “brain gain” ang pagbabalik ng mga overseas Filipino workers sa bansa at maging mga imigranteng Pinoy para rito magsimula ng negosyo pagkatapos makakuha ng magandang kasanayan sa ibang bansa. Napag-desisyunan na gawing Setyembre ang pasukan at dito papasok ang mas maraming oportunidad sa edukasyon, ICT, agrikultura at turismo sa pagpasok ng mga banyaga at mga estudyanteng galing sa rehiyon.

Habang mas lalong lumalago ang mga negosyo online, mas tumataas din ang kumpetisyon kaya’t kinakailangan ng nakakapukaw na online platform gaya na lang ng paggawa ng sariling show: mobile show, video channel o podcast. Gayon din sa blogging na kailangang palakihin ang mailing list, may maayos na platform at story-telling skills.


Dalawang malaking market naman ang mga digital kabataang Pinoy at young 40’s. Mag-isip ng negosyo na tumatangkilik sa pagiging digital ng mga kabataang Pinoy at sa klase ng pamumuhay ng tinatawag na “young 40’s.” 

Martes, Pebrero 11, 2014

Aguilar and Slaughter: Ginebra’s new twin towers

Ni Len Armea


Kuha ni Mandy Mangubat
Buhay na buhay ngayon ang libo-libong fans ng Barangay Ginebra, ang pinakapopular na basketball team sa Philippine Basketball Association (PBA), dahil nangunguna sa team standings ang kanilang paboritong team na may kartadang 10-2, as of press time, sa PLDT MyDSL Philippine Cup.

Malaking rason sa magandang ipinapakita ngayon ng koponan ang kanilang dalawang bagong manlalaro na sina Japeth Aguilar at Greg Slaughter na ngayo’y tinaguriang “Twin Towers” ng Ginebra.

Matagal na panahon na ang nakalipas simula nang magkaroong muli ng twin towers ang Ginebra matapos ng tambalang Marlou Aquino at EJ Feihl na malaki ang naiambag sa paghahatid sa koponan ng ilang kampeonato dahil sa kanilang malakas na presensiya sa frontline. Ngayon, lalong lumakas ang depensa ng Ginebra sa katauhan nina Japeth at Greg dahil bukod sa mas madali silang nakakakuha ng rebounds ay nakakapuntos din ang dalawa.

Sa katunayan, sa laro ng Ginebra laban sa Barako Bulls nag-ambag ang dalawa ng kabuuang puntos na 27, 25 rebounds, 8 assists, 4 steals at 6 blocks na isa sa mga naging dahilan sa pagkapanalo ng kanilang koponan sa iskor na 90-83.

Hirap na hirap ngayon ang ilang koponan sa PBA kung paano makakalusot sa dalawang higante ng Ginebra lalo na kung nasa front court ang dalawa. Ani nga ni Asi Taulava na naglalaro ngayon para sa Air 21 Express sa isang panayam, kapag magkasama ang dalawa sa court ay hindi na nito alam kung sino kina Japeth at Greg ang kanyang babantayan.

Japeth Aguilar: Making Brave Decisions

Anak ng dating PBA player na si Peter Aguilar, maraming malalaking desisyon ang ginawa ng 6-foot-10 na si Japeth sa kanyang basketball career bago mapunta sa Ginebra. Naglaro si Japeth sa University Athletic Association of the Philippines (UAAP) sa koponan ng Ateneo Blue Eagles noong 2003 ngunit makaraan ang dalawang seasons ay lumipad ito sa Estados Unidos. Ito ay para maglaro sa Western Kentucky University Hilltoppers sa Division I ng National Collegiate Athletic Association (NCAA) sa Estados Unidos, isang hakbang para sa pagptupad ng pangarap na makasali sa National Basketball Association (NBA).

Bumalik ng bansa si Japeth at naglaro para sa Powerade Team Pilipinas na kumatawan sa bansa sa 2009 FIBA Asia Championship for Men sa Tianjin, China. Pagkatapos ay sumali sa PBA Rookie Draft ang 26-taong-gulang na manlalaro at naging number 1 draft pick ng Burger King Whoppers dahil sa husay na ipinakita nito.

Noong 2012, lumipad muli si Japeth sa Estados Unidos upang subukan na makapasok sa NBA. Sumali si Japeth sa open tryouts ng NBA Developmental League at isa siya sa 20 sa 80 manlalaro na nakuha.

Si Japeth ang kauna-unahang Pinoy na na-draft sa NBA Developmental League, 13th overall pick sa ikapitong round ng Santa Cruz Warriors na affiliated sa Golden State Warriors. Hindi man pinalad na mapapirma ng kontrata sa huli, hindi nawalan ng pag-asa si Japeth at bumalik sa Pinas para maglaro sa Ginebra.

Sa dalawang laro ng Ginebra laban sa Talk ‘N Text Tropang Texters at Meralco Bolts ay si Japeth ang nagpanalo sa laro kung saan nakapuntos ito mula sa three-point lane sa huling segundo ng laro.

Nagpapatunay ito na hindi mangingimi si Japeth na gumawa ng malaking desisyon na kaya niyang pagtagumpayan sa huli.

Greg Slaughter: The Rookie Star

Lumaki sa Estados Unidos, bumalik ng Pilipinas ang pamilya ng 6-foot-11 na rookie star ng Ginebra na si Greg Slaughter noong 2007. Nag-aral at naglaro si Greg sa University of the Visayas simula 2007 hanggang 2009 at dahil sa galing at katangkaran ay hindi ito nakaligtas sa mga mata ng talent scouts.

Matapos ang dalawang taong paglalaro sa Cebu, napasama si Greg sa Ateneo Blue Eagles kung saan isa siya sa mga susi sa dalawang UAAP championships ng Ateneo para makuha ng koponan ang five-peat.

Si Greg ang napiling number 1 draft pick noong PBA Rookie Draft 2013 matapos siyang piliin ng Ginebra dahil sa husay na ipinakita nito noong tryouts. Hindi naman binigo ni Greg ang pamunuan, coaching staff at fans ng Ginebra dahil sa mahigpit na depensa na kanyang ipinapakita sa laro bukod pa sa kontribusyon nito sa opensa.

Sa laban ng Ginebra sa Meralco Bolts, naitala ni Greg ang 14 puntos, 15 rebounds, 4 blocks at 2 steals. Sa isang panayam kay Greg, sinabi nito na masaya siyang maging bahagi ng Ginebra at maging kalahati ng tinaguriang twin towers ng koponan.


Lunes, Pebrero 10, 2014

Pista ng Poong Nazareno: Larawan ng pananampalataya


Dinagsa ng milyon-mlyong katao ang
Pista ng Poong Nazareno kamakailan. (Kuha ni Diey Teodoro)
Humigit-kumulang sa siyam na milyong deboto ang dumalo sa prusisyon ng Mahal na Itim na Nazareno kamakailan bilang paggunita sa kapistahan nito. Bilang natatanging Kristiyanong bansa sa Asya kung saan 86% ay mga Katoliko, ang kaganapang ito ang itinuturing na isa sa pinakamalaking pagtitipon ng mga debotong Katoliko sa buong mundo.

Hindi iniinda ng mga deboto, na nagmumula pa sa iba’t ibang panig ng bansa, ang init ng araw, pakikipagsiksikan, pagtutulakan, gutom at pagod upang makita at makalapit lamang sa Itim na Nazareno. Para sa mga milyun-milyong deboto, ang pagsama nila sa prusisyon ang paraan nila upang ipakita ang kanilang pananampalataya sa Mahal na Nazareno na pinaniniwalaang nagpapagaling ng mga maysakit at nagbibigay ng himala.

Kahit na tatlong kilometro lamang ang ruta, na binagtas ang Jones Bridge papuntang Sta. Cruz upang makarating sa Minor Basilica of the Black Nazarene Church o mas kilala bilang Quiapo Church, ay inabot ng 19 oras ang prusisyon ngunit hindi pa rin ito ininda ng mga nagsipagdalo.

Nakasakay ang Mahal na Itim na Nazareno sa carroza na tinatawag na “andas” kung saan mayroong nakakabit na mga lubid na 50-metro ang haba at hinihila ng mga “namamasan.” Mayroon din nakatoka sa paligid ng Poon na siyang pumuprotekta sa mga deboto na nagtatangkang abutin ang imahen para yakapin.

Naging gawi rin ng mga deboto na magtapon ng puting tuwalya o panyo sa carroza at pagkatapos ay ipapahid ito sa mukha ng mga taong nasa paligid nito at saka iiitsa pabalik ang mga hinagis na tuwalya o panyo. Itinuturing na banal at may hatid na himala ang pagpahid ng tuwalya o panyo sa mukha ng imahen.

Seguridad sa prusisyon

Dahil isa itong malaking pagdiriwang, nagpakalat ang Philippine National Police ng humigit-kumulang sa 6,000 pulis para magbantay sa seguridad. Naglagay ng mga CCTV cameras at nagtalaga ng snipers sa ilang matatas na gusali sakaling magkaroon ng aberya at kaguluhan. Matatandaan na noong nakaraang taon ay nagkaroon ng banta ng terorismo bago ang kapistahan mula sa militanteng grupo.

Mas mababa naman ang bilang ng mga taong nasugatan na nasa 1,403 kumpara noong nakaraang taon nasa 1,410. Ilan sa mga dumulog sa medical teams na nakatalaga sa ilang lugar saMaynila ay nagreklamo ng pagkahilo, pagsakit ng ulo. paninikip ng dibdib, pagkapilay at pagtatamo ng sugat.

Sermon ni Cardinal Tagle

Bago magsimula ang prusisyon, nagkaroon muna ng misa sa Quirino Grandstand na pinangunahan ni Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle kung saan kanyang sinabi sa kanyang sermon na pahalagahan ang pagdadasal at personal na relasyon sa Diyos.

“Huwag tayong mahihiya na ipahayag sa mundo na mahal natin si Hesus,” ani Tagle.

Hindi rin pinaglabas ng arsobispo na magpasaring hinggil sa isyu ng pangungurakot sa bansa at ang pakiusap nito na huwag kalimutang ipagdasal at tulungan ang mga biktima ng iba’t ibang kalamidad na nanalanta sa bansa.

Iyang corruption ay nakakahiya. Kaya lang iyong mga nakakahiya ay hindi na ikinakahiya ngayon. Iyong pagnanakaw, iyong corruption, ay nakakahiya,” dagdag pa ng arsobispo.

“Hindi pwedeng susunod kay Kristo pero ang laman ng isip ay kwarta o kaya’y dayain ang kapwa,” ani Tagle.

Pag-akap sa Mahal na Itim na Nazareno

Halos 200 taon na ang nakakalipas simula nang dumating sa Pilipinas ang imahe ng Mahal na Itim na Nazareno mula sa Mexico. Dinala ito ng mga Augustinian Recollect friars sa bansa noong Mayo 31, 1606 sa pamamagitan ng galleon trade. Ayon sa Simbahang Katolika, noong mga panahong iyon ay nagkaroon ng sunog sa sinasakyang barko kaya’t naging itim ang kulay ng imahe.

Simula nang dumating sa bansa ay parami ng parami ang naging mga deboto nito dahil sa mga himalang ibinibigay ng Mahal na Itim na Nazareno na unang inilagay sa Recollect Church sa Luneta Park noong 1606.

Noong 1787 ipinag-utos ni Manila Archbishop Basilio Sancho de Santas Junta y Rufina na ilagay ito sa Quiapo Church na hindi nasira kahit na ilang beses tinupok ng sunog ang naturang simbahan at pambobomba sa bansa noong World War II.

Eating salad greens is healthy

Kuha ni Jovelyn Bajo
Sa panahon ngayon, marami na ang nagiging “health-conscious.” Marami na ang nahihilig na mag-ehersisyo sa pamamagitan ng pagtakbo, pagsubok sa Yoga, Aerobics, Pilates, Crossfit, at ilang sports tulad ng boxing, basketball at swimming. Lahat ng ito’y nakakatulong sa pagkakaroon ng magandang pangangatawan ngunit mas magiging epektibo kung sasabayan pa ng pagkain ng masusustansiyang pagkain.

Isa sa sagana sa sustansiya ay ang pagkain ng salad greens na madaling gawin at hindi na nangangailangan ng pagluluto basta’t kumpleto sa rekados tulad ng lettuce, pipino, carrots, kamatis at iba pang gulay o prutas na nais isahog dito. Ilan sa benepisyo ng pagkain ng salad:

Mayaman sa fiber. Isa sa health benefits ng pagkain ng salad ay sagana ito sa fiber na mabuti sa katawan dahil nakakatulong ito sa pagpapababa ng cholesterol sa katawan at pag-iwas sa constipation.

Pag-iwas sa sakit. Ang mga sangkap sa salad lalo na ang lettuce, carrots, beans, spinach, peas, kamatis, mansanas, pinya at peras ay mayaman sa antioxidants at bitamina tulad ng Vitamin C at E, alpha at beta carotene, lycopene at folic acid. Ang antioxidants ang pumuprotekta sa katawan laban sa free radicals. Magaling ito sa paglaban sa sakit sa puso, cancer at paglabo ng mata.

Pagbawas sa timbang. Ang mga gulay at prutas ay ang mga pagkain na may pinakamababang calories tulad ng romaine lettuce na nagtataglay lamang ng 10 calories; pipino, 7 calories; carrots, 17 calories, at red bell pepper, 20 calories per serving. Huwag lamang sosobrahan ang paglalagay ng salad dressing o kaya naman ay piliin lamang ang “salad lite.”

Narito ang dalawang salad recipe na pwede ninyong gawin:

Heirloom Pechay Salad
Sangkap:
6 na tasa ng petchay, hiwain ng pino
½ tasa ng puting sibuyas, hiwain ng pino
½ tasa ng kamatis, hiwain ng pino
¼ tasa ng olive oil
¼ tasa sariwang kalamansi juice
2  nilagang itlog, masahin
Asin at paminta

Paano gawin:
1        1. Sa malaking salad bowl, ilagay ang petchay, sibuyas, at kamatis kalamansi juice at olive oil. Haluing mabuti.
2     2. Sa isang mangkok, masahin ang nilagang itlog at pagkatapos ay ibudbod sa salad. Lagyan ng asin at paminta para pampalasa.


Fruit and Vegetable Salad
Sangkap:
1 ulo ng lettuce (Romaine o organic), hiwain sa maliliit na bahagi
1 pipino, hiwain ng manipis at pahaba,
1 carrot, hiwain ng manipis at pahaba,
2 kamatis, hiwain ng manipis at pahaba
1 mansanas, hiwain ng manipis at pahaba
1 orange, paghiwa-hiwalayin
1 tasa ng sariwang pinya, hiwain ng maliliit
½ tasa red bell pepper
¼ tasa ng puting sibuyas, hiwain pabilog
¼ kilo ng hipon, steamed (optional)
¼ cup olive oil
Salad dressing

Paano gawin:
1       1. Sa isang malaking salad bowl, paghalu-haluin ang lahat ng gulay at prutas na kasama sa sangkap. Isama rin ang red bell pepper at sibuyas. Ilagay ang olive oil. Haluing mabuti.

2.        2.Pakuluan sa tubig ang hipon, tanggalin ang ulo, balatan at ilagay sa ibabaw ng salad. Lagyan ng nais na salad dressing.