Miyerkules, Nobyembre 30, 2016

Toyota Corolla: 50 years of classic elegance


Ipinagdiwang kamakailan ng Toyota Motor ang ika-50 taong anibersaryo ng isa sa pinaka-popular at pinakamatagumpay na sasakyan sa automaker industry. Ang first generation Corolla ay isang sub-compact family car mula 1966 hanggang 1991 at hanggang ngayon ay tuluy-tuloy pa rin ang produksyon ng mga mas makabagong modelo nito. Matatandaang unang ipinakilala ito sa merkado sa bansa noong Nobyembre 5, 1966.

Nagsimula ang pagbuo nito sa huling bahagi ng 1950s kung saan unti-unti nang nakakabangon ang ekonomiya ng Japan mula sa World War II. Naging inspirasyon sa pagpapangalan dito ang Toyota Crown (1955), na isang mid-size luxury sedan. Ang kahulugan ng pangalang Corolla na salitang Latin ay “small crown.”

Isang abot-kayang sasakyan para sa bawat karaniwang pamilya. Ito ang pilosopiya ng mga automakers lalo na’t noong mga panahong iyon ay wala pang sasakyan ang karamihang mga tao. Kasabay nito, maraming mga Japanese ang naghahangad noon na magkaroon ng tatlong mahahalagang bagay ­­ — cars, color televisions at coolers o ang binansagang 3Cs.

Aircraft aerodynamics

Mula sa karanasan ni Tatsuo Hasegawa sa pagdidisenyo ng mga sasakyang panghimpapawid, naisip niyang gamitan ng aircraft aerodynamics ang orihinal na Corolla. Tinawag na “80-plus-points” ang konsepto nito sa Corolla na layuning magbigay ng higit sa pangkaraniwang klase ng sasakyan.

Partikular na tinukoy din ang “sportiness” element nito sa kabila ng pagiging isang family car. Dagdag pa rito ang 1,100cc engine na mas malaki sa mga kasabayan nito at four-speed manual transmission na pinapagana ng floor gearshift sa halip na ang nakasanayang 3-speed noon.

New age of automaking

Mabilis na umangat sa industriya ang Corolla sa unang labas pa lang nito at kinikilala na isa sa bestselling cars sa buong mundo. Naabot nito ang peak sales na 400,000 noong 1973. At mula 1966, may tinatayang 44.3 milyong Corollas na hanggang nitong pagtatapos ng Setyembre ang nabili sa iba’t ibang panig ng mundo.

Naging mahigpit man na katunggali nito ang Nissan Sunny at Honda Civic, nagharing top-selling model sa bansa ang Corolla sa loob ng 33 taon.

The Toyota Corolla now

Tradisyon ng Toyota ang patuloy na pagpapakilala ng mga makabagong teknolohiya sa bawat edisyon ng Corolla na ipinakikilala sa publiko kagaya na lang ng 50th Anniversary Edition ng Toyota Corolla at Corolla 2017. Ginagawa ang sasakyan sa 15 bansa at mabibili sa 150 bansa.

Sa kasalukuyan ay nasa 11th generation na ito — Corolla Axio (sedan) at Corolla Fielder (wagon) sa bansa na unang lumabas noong 2012, at ginagawa ng Toyota subsidiary Central Motors sa Miyagi prefecture.

Bagaman nakuha na ng Fit hatchback ng Honda Motors ang trono noong 2002 at sumusunod na lang sa Toyota Aqua at Toyota Prius hybrid models sa domestic sales, nananatili naman itong top-selling car sa Amerika na pumapangalawa sa Toyota Camry ngayong taon.

Limang posibleng epekto ng pagkapanalo ni Donald Trump sa Pinas, Japan



Tinutukan ng buong mundo ang US Presidential election nitong Nobyembre kung saan nanalo ang Republican candidate na si Donald Trump. Bilang isa sa makapangyarihang bansa ang Estados Unidos, ang kanyang desisyon at foreign policy ay makakaapekto sa pandaigdigang ekonomiya kabilang na ang Pilipinas at Japan.

Kung ibabase sa mga ipinangakong plataporma ni President-elect Trump noong kampanyahan ay mas tututukan nito ang domestic issues sa US. Subalit, hihigpitan umano niya ang trading at outsourcing.  Ano nga ba ang posibleng maging bunga ng mga ito ng iba pa n’yang sinabi noon?

Pangamba na maparalisa ang BPO industry. Isa sa matatag na sandigan ng ekonomiya ng Pilipinas ay ang pagkakaroon ng business process outsourcing (BPO) companies. Pero sa pag-upo ni Trump, sinasabing layunin nito na masiguro na mabigyan ng trabaho ang mga US citizens. Kaya imbes na sa ibang panig ng mundo ay hihikayatin n’ya umano na sa US ang konsentrasyon ng mga kumpanyang Kano.  Ngayong taon, tinatayang may $25.5 bilyon ang kinita mula sa mga BPO companies sa bansa base sa FT Confidential Research.

Paghihigpit sa mga migrante sa US. Matatandaan na minsang binanggit ng US President-elect sa kanyang talumpati noon na ang Pilipinas ay isang “terrorist nation.” Dapat daw ay binabantayan na huwag papasukin ang mga taong mula rito sa US. Kung mangyayari ang pagbabawal o paghihigpit ng mga Pilipino sa US ay makakaapekto ito nang malaki. Ang mga perang padala gaya ng dolyar ay isa mahalagang salik kung bakit nasasalba ang eknonomiya ng Pilipinas. Sa pinakahuling tala ay may apat na milyong Pinoy na migrante sa US.   

Pagkakaroon ng krisis sa merkado ng Asya. Ayon sa panayam kay American Chamber of Commerce Senior Adviser John D. Forbes ng Business Mirror, posibleng magbunga ng “recession” sa Asya kung gagawin ni Trump ang 35 porsyentong planong taripa nito sa importasyon mula sa China patungong US.  Kapag pumalag pa rito ang China ay posibleng makaapekto ito sa paglago ng merkado sa Asya. Matatandaan din na tutol si Trump sa Trans-Pacific Partnership (TPP) na isang kasunduang pangkalakalan ng may 12 bansa na ilan sa miyembro ay Japan, Brunei, Vietnam, Malaysia, at Singapore. Sa ngayon ang TPP ay hindi pa nararatipikahan sa US.

Mas maayos na relasyon sa Pilipinas at US.  Binati ni Pangulong Rodrigo Duterte si Trump ng manalo ito. Isang senyales na pabor dito ang Pangulo at posibleng maging banayad ang kanilang koneksyon. Kung matatandaan ay umalma si Duterte sa komento ni US President Barack Obama sa ‘di umano’y extra judicial killing na may kinalaman sa kampanya n’ya laban sa droga.    

Nanganganib na alyansang US at Japan?  Nagpahayag din si Trump noon na kung gusto ng kaalyadong bansa ng US, gaya ng Japan, na mabigyan ng proteksyon ay kailangang humati sila sa gastos o magbayad.  Sa ulat ng New York Times ay makikipagpulong si Japanese Prime Minister Shinzo Abe kay Trump. Kasama umano sa agenda nito ay mahilot si Trump tungkol sa ideya nito sa TPP at security.   

Samantala, makabubuti rin naman umano ang balak ni Trump na pagtuunan muna ang lagay ng US. Maaaring kapag nagawa n’ya ito sa pamamagitan ng kanyang programa ay sumigla ulit ang ekonomiya ng makapangyarihang bansa at makakaimpluwensya ito ng maganda sa pandaigdigang merkado. 

“…As of now, the stock market responded negatively, but as promised, he wants to ‘Make America Great Again.’  We don’t know how that will be done, but if he can, a strong US economy is good for the world,” saad ni George T. Barcelon, Pangulo ng Philippine Chamber of Commerce and Industry (PCCI) sa panayam ng Business Mirror.

Japanese businessmen hinimok ni Duterte na mamuhunan sa Pilipinas

Ni Florenda Corpuz

Hinikayat ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga Japanese businessmen na mamuhunan sa Pilipinas sa mga sektor ng manufacturing, infrastructure, agriculture at energy sa kanyang pagdalo sa Philippine Economic Forum.

“We would like to see more investors and businesses setting up shops in the Philippines,” pahayag ni Duterte sa kanyang talumpati sa harap ng 1,000 partisipante na dumalo sa business forum na ginanap sa Prince Park Tower Tokyo Hotel noong Oktubre 26.

Sinabi rin ng Pangulo na patuloy na magiging prayoridad ng Pilipinas ang Japan lalo na at ginugunita ngayong taon ang ika-60 taon ng diplomatikong relasyon ng dalawang bansa.

“We look to Japan as a steady fulcrum in our regional engagement as the Philippines’ first and only bilateral free trade partner today,” aniya.

Dinagdag din ni Duterte na ang Japan ang pangunahing trade partner ng bansa, pangunahing pinagmumulan ng pamumuhunan at pangalawang pinagmumulan ng official development assistance (ODA).

Ayon pa sa Pangulo, determinado ang pamahalaan na makalikha ng mas maraming trabaho sa pamamagitan ng mas madali at mas kaakit-akit na pagnenegosyo sa bansa.

Umaasa rin si Duterte na patuloy na susuportahan ng Japan ang hangarin ng Pilipinas na pagtataguyod sa rural development, pagtaas ng agriculture productivity, pagpapabilis ng infrastructure spending at pamumuhunan sa human capital development.

Tiniyak din ng Pangulo sa mga Japanese businessmen na ang kanyang pagbisita sa China ay tungkol lamang sa ekonomiya at hindi tungkol sa usapin sa seguridad.

“You know I went to China for a visit. And I would like to assure you that all there was, was economics. We did not talk about arms. We avoided talking about alliances,” aniya.

Nangako rin si Duterte na papanig sa Japan pagdating sa usapin sa South China Sea.

Umangat ang gross domestic product ng Pilipinas sa 6.3 porsyento sa nakalipas na mga taon kaya naman itinuturing ito bilang isa sa fastest growing economy sa buong mundo.

Huwebes, Nobyembre 10, 2016

Kaela Kimura goes ‘Punky’ for new album in two years


Dalawang taon na rin ang nakalipas nang ilabas ng pop-punk musician na si Kaela Kimura ang huli nitong studio album na pinamagatang “Mieta” at ngayong Oktubre ay nagbabalik musika ang singer, na nakilala sa mga kantang “Real Life Real Heart” at “Butterfly,” sa pamamagitan ng bagong album na “Punky.”

Aniya, dalawa ang kahulugan ng titulo ng naturang album, “to emit light naturally” at “punk-like.” Tampok din sa album ang collaborations ng singer sa mga kantang binuo nina H Zett  M (H Zettrio), Aida Shigekatsu, AxSxE, Tsutaya Koichi, Kishida Shigeru (Quruli), at Siamese Cats na naging bahagi rin ng recording.

Naglalaman ng 12 tracks ang album kabilang ang previously-released single na “Egg,” Kracie’s Naive skin care CM song na “Koiwazurai no Buta,” ang Microsoft tie-up song na “Box” para sa Surface Book, “There is Love”, “Bokutachi no Uta,” “The Sixth Sense,” “Show Time,” “Punky,” “Obake Nante Naisa,” “Suki,” “Himawari” at bonus track na “Happy na Happi.”

Kaela presents Punky Tour 2016-2017

Kasabay din ng paglabas ng album ang pag-uumpisa ng kanyang “Kaela presents Punky Tour 2016-2017 – Studs Tour” sa isang two-night concert sa Akasaka Blitz (Tokyo) na sinundan ng Hiroshima Club Quattro (Oct.24), Niigata Lots (Oct. 26), Sapporo Penny Lane24 – Hyogo  (Nov.11), Diamond Hall – Aichi (Nov.14), Chicken George – Hyogo (Nov.16), at Namba Hatch – Osaka (Nov.17).

Magpapatuloy ito sa “Diamond Tour” pagdating ng Toda-shi Bunka Kaikan -  Saitama (Enero 28), Denryoku Hall – Miyagi (Enero 29), Kanazawa-shi Bunka Hall – Ishikawa (Pebrero 5), Kanagawa Kenmin Hall (Pebrero 11), Aichi-ken Geijutsu Gekijou (Pebrero 25), Fukuoka Convention Center (Marso 1), Tokyo International Forum (Marso 3), Seiyo-shi Uwa Bunka Kaikan – Ehime (Marso 5), at magtatapos sa Festival Hall – Osaka (Marso 6).

Debut in modeling and hosting

Noong anim na taong gulang siya, nai-scout siya bilang hair model sa Harajuku at nagsimulang lumabas kalaunan sa mga fashion magazines habang nag-aaral. Aniya, inspirasyon niya sina Gwen Stefani at Tim Armstrong ng Rancid at naging miyembro ng punk-melocore band na Animo gamit ang pangalang Katie.

Taong 2002 nang maging exclusive model ang Japanese-British na si Kimura sa Seventeen magazine at nasundan ito ng kanyang television debut nang maging host ng morning TV show na “Saku Saku” sa sumunod na taon. Ang debut single niyang “Level 42” ay ginamit sa end credits ng naturang show na unang inilabas na 390 copies lamang. Nire-release ito ng Columbia Music at umakyat agad sa #15 sa Oricon weekly charts.

Dumating ang second single na “Happiness!!!” na ginamit naman sa lip care products ng Rohto Pharmaceuticals na nag-chart din sa Oricon bago ang kanyang self-titled debut album na nag-peak sa #7 sa Oricon.  

Rise in the industry, marriage  

Naging breakthrough hit niya ang Vodaphone CM song na “Real Life Real Heart” (2005) na pinakamataas ang naabot sa Oricon sa kanyang mga naunang singles. Pumangalawa naman kay Koda Kumi ang second album niyang “Circle” (2006) hanggang sa maabot niya ang #1 sa third album na “Scratch” sa unang pagkakataon.

Simula dito, sunud-sunod na ang mga Oricon charting singles at albums ni Kimura gaya ng “Magic Music,” “+1,” “Banzai,” “Pokka,” “Hocus Pocus,” “Ring a Ding Dong,” “A winter fairy is melting a snowman,” “8EIGHT8,” at “Mamireru.”

May 22 singles ang singer, dalawang best albums, isang cover album, apat na digital singles, pitong DVDs, at mga compilations. Napanood din siya sa pelikula at musicals.
Taong 2010 naman nang magpakasal siya sa actor na si Eita at ngayon ay may dalawa na silang anak.



Lunes, Nobyembre 7, 2016

InfiniVAN, bagong value-added network service provider sa Pilipinas

InfiniVAN officials
Nagsimula na ng kanilang operasyon ang InfiniVan, ang bagong tatag na telecommunications company sa Pilipinas, kamakailan na mayroong pangunahing layunin na makapagbigay ng mas mura at mas mabilis na internet connection.

Ito ay matapos na maipasa ng Kongreso ang Republic Act 10898 na nagbibigay ng pahintulot sa InfiniVan na magsimula ng operasyon sa Pilipinas. Bagaman kanilang kakalabanin ang malalaking telco companies sa bansa, ibinida ng InfiniVAN ang kanilang kakayahan na magbigay ng limang beses na mas mabilis na internet connection kumpara sa kasalukuyang bilis sa maliliit na internet service providers (ISP) partikular na sa mga cable TV operators.

Katulong ang P&T at IPS, nakatuon ang InfiniVAN sa pagbibigay ng broadband services na may mataas na kalidad sa murang halaga gamit ang de-kalibreng telco infrastructure at FTTX, SDN/SD-Wan, NFV at vCPE technologies na hango sa matagumpay na teknolohiya na gamit ng Japan Cablecast (JCC) at Japan Digital Services (JDS), dalawang matagumpay na kumpanya sa Japan.

Ito na umano ang kanilang solusyon sa hinaing ng publiko hinggil sa mabagal na internet connection sa bansa.

“It is InfiniVAN’s aim to bridge network gaps that exist among dominant, incumbent telcos and loose associations of CATV operators with highly localized networks and limited service coverage areas,” pahayag ng InfiniVAN sa isang statement.

“It is committed to delivering competitively priced and reliable Internet access while assuring its investors and other stakeholders a reasonable rate of return by operating as efficiently as possible,” dagdag pa ng kumpanya na pinangungunahan ng president at chief operating officer nito na si Rey Yu.

Target ng kumpanya na unahin ang enterprise o key corporate business sa National Capital Region hanggang sa maabot ng kanilang serbisyo ang iba’t ibang lugar sa Pilipinas. Naniniwala ang InfiniVAN na makatutulong ang pagbibigay ng mas mabilis na internet connection sa pagpapalago ng ekonomiya at pagpapatibay ng edukasyon at pamumuhunan sa bansa.

“To address the lack of network reliability that currently exists, InfiniVAN intends to create ringed networks in Luzon, Visayas, and Mindanao via a planned domestic submarine cable network using the latest transmission technologies and equipment.

“With the goal of enabling cable operators to offer wireless ISP service in their respective areas, InfiniVAN will build a state-of-the-art Wireless Mesh nationwide Super WiFi network, allowing the cable operators to attract and tap the lucrative prepaid C&D market.”



Preparing for a long family travel


Isa sa masarap gawin ay bumiyahe sa iba’t ibang lugar lalo na kung kasama ang buong pamilya. Bukod sa pagkakaroon ng bonding time ay lubos na makakapag-relax pa mula sa dami ng trabaho at alalahanin.

Kailangan ng preparasyon sa pagbabiyahe lalo na kung malayo ang pupuntahan tulad ng mga gamit na kakailanganin habang nagbabiyahe papunta man sa ibang bansa, sa probinsiya, sa beach, sa museum, at iba pa.

Maraming gamit ang kailangang dalhin para maging kumportable ang pagbabiyahe at hindi patigil-tigil ang sasakyan para bumili ng ganito o ganiyan tulad ng pagkain, unan, tissue at iba pa.

Pagkain. Iba pa rin kung may dalang sariling makukutkot na pagkain tulad ng sitsirya, candies, sandwich, chocolate bars, tubig, packed juice, o softdrinks in-can sa mahabang biyahe. Paniguradong magugutom ang buong pamilya kaya’t mainam na magdala ng pagkain para tuluy-tuloy ang biyahe at hindi na kailangan pang humanap ng tindahan para lang bumili.

Unan, kumot. Magdala ng unan at kumot sa pagbabiyahe. Mas magiging kumportable ang pag-idlip ng bawat miyembro ng pamilya kung may dalang unan at kumot.

Portable music players. Huwag kalimutan na magdala ng portable music players o speakers na pwedeng mapaglibangan ng mga bata habang nagbabiyahe. Maglagay din ng movie at drama series files sa smartphone, tablets o laptops pampalipas oras. Sa ganitong paraan ay hindi mababagot sa pagpunta sa napiling lugar.

Damit. Magbaon din ng extra na damit para pampalit kung pinagpawisan o kaya naman ay kung aksidenteng namantsahan o natapunan ng pagkain inumin ang damit. Magdala rin ng jacket saka-sakaling ginawin.

Laruan.  Magbitbit ng maliliit na laruan kung masyado pang bata ang inyong anak bilang kanilang libangan. Makakabawas sa pagta-tantrums ito ng mga chikiting kaya’t siguraduhin dalhin ang paborito nitong teddy bear, manika, robots at iba pa.

Tissue. Practical na magdala ng tissue dahil marami itong gamit habang nagbabiyahe. Maaari itong pamunas ng kamay, natapon na juice o tubig, at panlinis sa mga nadumihan na bahagi ng sasakyan.

Plastic bags. Upang hindi maging makalat sa loob ng inyong sasakyan, magdala ng isang garbage bag at turuan ang bawat miyembro na itapon doon ang kanya-kanyang basura. Sa pamamagitan nito, hindi na mahihirapan pa sa paglilinis ng sasakyan pagkatapos gamitin.

Camera. Mahalaga na magdala ng camera sa bawat pagbabiyahe upang makuhanan ang mga magagandang lugar na napuntahan at upang magkaroon ng souvenir sa pinuntahang lugar bilang isang pamilya.

Exploring lesser known autumn spots in Kyoto

Ni Herlyn Alegre


Kilala ang Kyoto na mayaman sa kasaysayan. Marami itong mga templo na itinayo ilang daang taon na ang nakalilipas. Karaniwan itong pinupuntahan ng mga tao para magpasalamat at idalangin ang kanilang mga hiling. Pero kapag dumating na ang panahon ng “momiji,” hindi lamang nagiging lugar ng panalangin ang mga templo, dinarayo rin ang mga ito dahil sa makukulay na mga dahong nakapaligid sa mga ito.

Karaniwan nang makikita sa listahan ng magagandang puntahang lugar kapag panahon ng taglagas ang Kiyomizudera at Ginkakuji sa Kyoto. Pero bukod sa mga ito ay marami pang hindi gaanong kilalang templo ang maganda rin bisitahin.  

Kodaiji. Hindi nalalayo sa Kiyomizudera ang Kodaiji. Kilala ito sa naggagandahan nitong mga maple leaves na lalong tumitingkad kapag nailawan sa gabi. Nagsisimula ang night illumination mula paglubog ng araw hanggang 9:30 ng gabi. ¥600 ang regular na ticket para makapasok dito at ¥250 naman para sa mga estudyante. Maaari rin na kumuha ng espesyal na discounted ticket sa halagang ¥900 kung gusto mong pumunta sa Kodaiji Temple, Kodaiji Sho Museum at Entokuin Temple.

Gioji. Sa ilang mga templo sa Sagano, isa ang Gioji sa mga dapat ilagay sa listahan ng pupuntahan. Ayon sa kwentong, “Heike Monogatari,” minsan daw nanirahan dito sina Gio at Hotoke-Gozen, mga babaeng inibig ni Taira Kiyomori, isang makapangyarihang samurai noong 12th Century. ¥500 ang regular na ticket sa templo pero maaaring kumuha ng discounted ticket para sa Gioji at Daikokuji sa halagang ¥600.  

Kuramadera. Matatagpuan ito 30 minuto mula sa sentro ng Kyoto. Maaaring mag-hike paakyat ng bundok ng Kurama habang pinagmamasdan ang mga pulang dahon o ‘di kaya naman ay sumakay ng cable car para mas makita ang ganda ng mga ito. Hindi rin kalayuan ang Kurama Onsen kung saan maaari kang mag-relax pagkatapos ng mahabang hike. Bukas ang templo hanggang 4:30 at ¥200 ticket para rito.

Kitano Tenmangu. Bagamat mas kilala ang templong ito dahil sa mga plum blossoms nito na namumukadkad tuwing Pebrero, marami rin itong mga puno ng maple na tumutubo sa may kanlurang bahagi ng main hall malapit sa Kamiya River. Makikita rin sa bahaging ito ng templo ang “Odoi,” mga batong pansanggalang na itinayo noong 1591 ni Toyotomi Hideyoshi, isa sa pinakamakapangyarihang “daimyo” sa kasaysayan ng Japan. May night illumination din dito na nagsisimula paglubog ng araw at nagtatapos ng alas-otso ng gabi.

Shinnyodo. Kung pagod ka nang makipagsiksikan sa mga tao sa Ginkakuji, maaari kang dumaan sa Shinnyodo na matatagpuan sa ‘di kalayuan. Natatago ito sa mas tahimik at mas residensiyal na bahagi ng Kyoto. Siguradong maaaliw ka sa paglalakad habang pinagmamasdan ang mga magagandang pulang dahon dahil walang masyadong dumadaang mga sasakyan sa bahaging ito. Walang bayad ang pagpasok sa paligid ng templo pero kailangang kumuha ng ticket kung gusto mong masilip ang inner chamber ng main hall o makita ang magandang Japanese garden.


Kahit paulit-ulit na pumunta sa Kyoto sa iba’t ibang pahanon, hindi ito nauubusan ng mga lugar na maaaring magpabilib at magpahanga sa iyo. Ang panahon ng momiji ang sinasabing pinakamainam na panahon ng pagpunta sa Kyoto kaya hindi ito dapat palagpasin. Kung hindi, kakailanganin mo pang maghintay ng 12 buwan para mapagmasdan ang ganda ng mga templong nababalot ng mga naghahalong pula at dilaw! 

Linggo, Nobyembre 6, 2016

Tokamachi City: A Kimono Town

Ni Florenda Corpuz
Kuha ni Din Eugenio


Kilala ang Tokamachi City na matatagpuan sa katimugang bahagi ng Niigata Prefecture bilang isa sa mga lugar sa Japan na may pinakamalakas na pag-ulan ng niyebe tuwing panahon ng taglamig. Nagdudulot man ito ng malaking pinsala ay mayaman din itong pinagkukunan ng tubig ng mga mamamayan.

Bukod sa pagiging snow country ng Tokamachi ay popular din ito dahil sa mayamang industriya ng produksyon ng kimono.

Ayon sa mga tala, nagsimula ang mahabang kasaysayan ng tela at damit sa Tokamachi noon pang Jomon period (10,000 BC - 300 BC). Umunlad ang rehiyon mula sa produksyon ng “Echigo chijimi,” isang uri ng tela noong Edo period (1603 - 1867) at silk goods noong Meiji era (1868 - 1912).

Dahil sa tradisyonal na pamamaraan ng paggawa rito ng kimono tulad ng “Akashi chijimi” ay tinawag ang Tokamachi bilang “Town of Kimono and Textiles.”

Pumapangalawa ang produksyon ng kimono sa pinakamalaking industriya sa Tokamachi ngunit sa paglipas ng panahon ay patuloy na bumaba ang export prices nito pati na rin ang bilang ng mga taong gumagawa nito.

Isa sa pinagmamalaking pagawaan ng kimono sa lugar ay ang makasaysayang Suizan Kobo na itinatag pa noong Edo period. Gumagawa ito ng kimono gamit ang “Tsujigahana,” isang pamamaraan ng tie-dyeing na gumagamit ng drawings at foil impressions. Pinakapopular ito noong kalagitnaan ng Muromachi period at Edo period.

Ilan sa mga iniingatang damit sa Japan na gawa rito ay ang kimono at dofuku ng mga prominenteng warlords tulad nina Uesugi Kenshin, Toyotomi Hideyoshi at Tokugawa Ieyasu pati na rin kanilang mga asawa. Ngunit ang paggamit nito ay unti-unting nawala noong Edo period dahil sa pagpasok ng “Yuzen.”


Sa modernong panahon ay napanatili ng Tokamachi ang tradisyonal na kultura nito sa paggawa ng kimono. Sa kabila ng paghina ng industriya ay hindi tumigil ang mga tao para ito ay pagyamanin. Sa katunayan, taun-taon tuwing Mayo 3 ay nagsasagawa ng kimono festival dito kung saan ang buong lugar ay napapalamutian ng mga kimono kasabay ng pagpapamalas sa mga tao ng naiibang dyeing technique na ipinagmamalaki ng lugar. 

Anime tourism isinusulong ng JTB, Kadokawa, JAL, at iba pang organisasyon


“Animation can change the times.”

Ito ang saad ni Tsugihiko Kadokawa, association vice president/Kadokawa Corp. Chairman, sa isang news conference kaugnay ng paglulunsad ng Japan Anime Tourism Association.

Inilunsad kamakailan ang Anime Tourism Association mula sa pagtutulungan at pangunguna ng publisher at film studio na Kadokawa Corp., travel agency JTB Corp., Narita International Airport at Japan Airlines Co., upang mas paigtingin pa ang industriya ng turismo sa bansa at pagyamanin ang mga pang-rehiyong ekonomiya sa pamamagitan ng anime at manga. Nagmula ang konsepto mula sa 88-temple route na nilakad ng mga relihiyosong manlalakbay sa isla ng Shikoku.

Sa inisiyatibong ito, mabubuo ang isang travel route na naglalaman ng 88 sacred animation spots o “seichi” sa buong Japan sa pamamagitan ng isang survey pagdating ng Disyembre na mula sa mga itinampok na lugar sa iba’t ibang manga at animation works, maging ang mga museo na nakalaan sa mga nasabing anime at manga at kahit ang mga tirahan ng mismong mga manga artists na may likha ng mga ito.

Maging si Tokyo Governor Yuriko Koike, na isang anime enthusiast ay nangangampanyang gawing “anime land” ang Tokyo. Si Koike ay mula sa Toshima ward kung saan matatagpuan ang Tokiwa-so, ang naging tirahan ng mga legendary artists na sina Osamu Tezuka, Shotaro Ishinomori at Fujiko Fujio.

Aniya, sentro ng asosasyon ang iba pang bansa sa Asya na mayroon nang matibay at malawak na following sa anime at manga, samantalang ipo-promote naman ang mga packaged tours tampok ang mga nasabing lokasyon ng JTB.

Ilan sa mga popular na anime ay ang “Slam Dunk,” “Whisper of the Heart,” “Lucky Star,” “Kimi no na wa,” “Rurouni Kenshin,” “Dragon Ball,” “One Piece” at iba pa.

Key motivation by foreign tourists

Maaaring bumoto ang mga tagahanga ng anime-manga ng kanilang mga paboritong spots para mapabilang sa travel route sa website na ito, animetourism88.com/en/, at base sa magiging resulta nito ay bubuuin ang mga packaged tours na kabilang ang pagbisita sa nasabing 88 animation spots.

“Manga and anime have made a lot of young people from around the world very interested in coming to Japan,” ang pahayag ni Motohisa Tachikawa, JTB spokesman sa isang panayam.

 “We want the anime experience to be not just something people watch but something they traveled to see in person,” dagdag pa ni Yoshiyuki Tomino na siyang association president at Gundam robot series anime creator.

Ayon pa sa Japan Tourism Agency (JTA), sa isang survey nito sa mga turistang French at Thai, bagaman may pagkakaiba sa mga gusto nilang gawin ay parehas naman na naging interesado sila sa Japan dahil sa entertainment – pelikula, drama, anime at manga.

Nakakatulong din ang exposure rito para matutuhan ang salita at kulturang Japanese. Suhestiyon din ang pagkakaroon ng character costumes na maaaring isuot ng mga bumibisita at mga manga-anime related products sa mga anime sites.

Cool Japan initiative

Sa ilalim ng “Cool Japan” initiative, pumalo na sa 19.73 milyon ang foreign visitors nitong nakaraang taon at nito lamang Hulyo ay  umabot na sa 14 milyon na mas mataas nang 26.7 porsyento, ayon sa Japan National Tourism Organization (JNTO).

Pinag-iisipan ngayon kung paano mahihikayat ang mga turista na dumayo sa countryside areas ng Japan, bagaman marami na rin ang mga pumupunta sa Osaka at Kyoto na nagdudulot pa ng accommodation shortages.

Despite the increasing number of tourists, we haven’t taken full advantage of the abundant resources in rural areas. To lure more foreign visitors to lesser-known areas, I believe promoting tours featuring anime locations can be a good thing,” ani JTA Commissioner Akihiko Tamura.


Dignidad at totoong kalayaan

Ni Al Eugenio

Ipinagmamalaki ng mga Japanese na ang kanilang bansa ay isa sa mga kinikilala at iginagalang sa buong mundo. Ito ay dahil sa naipakilala nila sa buong mundo na kaya nilang gumawa ng paraan na maitaguyod ang kapakanan ng kanilang bayan na hindi lubusang aasa sa tulong ng ibang bayan.  

Nang matapos ang World War II, naging masunurin sila sa kanilang mananakop na hanggang sa ngayon, ang saligang batas na kanilang sinusunod ay ang saligang batas na isinulat pa ni  dating Heneral Douglas McArthur na pinakamataas na pinuno ng pwersang nagpasuko sa Japan.

Bagamat sila ay nasakop ng Estados Unidos, hindi sila nagpabaya na lagi na lamang maging sunud-sunuran sa bansang Amerika. Gumawa sila ng paraan kung papaano nila muling maitatayo ang kanilang lipunan at maibalik ang dignidad at dangal ng kanilang bayan.  

Dahil sa kanilang matinding pagnanais na makatayo, hindi nila hinintay ang mga tulong mula sa kanilang mananakop at iba pang bayan, gumawa sila ng sarili nilang pamamaraan upang maitaas ang tingin sa kanila ng ibang bansa kahit na ang Japan ay salat sa likas yaman at kulang ang kaalaman sa salitang banyaga na sa larangan ng komersyo ay pangunahing kailangan.

Mula pa noong ang Pilipinas ay binigyan ng kalayaan, may mahigit ng 100 taon ngayon ang nakararaan, nananatili pa rin sa kaisipan ng marami nating kababayan na maging sunud-sunuran sa mga gawi ng mga bansang sumakop sa atin.

Noong araw, marami ang mga gustong nagsasalita ng Español at nang lumaon ay pa-Ingles-Ingles naman. Lagi nating ginagaya ang kanilang mga gawi tulad ng pananamit, mga galaw at pati na kanilang kultura at pagsasalita na halos pati na ng ating sariling wika ay atin nang ikinahihiya.

Kahit na sa mga pagbabalangkas ng mga binubuong batas, madalas lumalabas ang mga katwiran, tulad halimbawa ng same-sex marriage, sabi ng iba, maaari na rin daw nating ipatupad sa Pilipinas dahil sa ito ay ipinatutupad na sa ibang bansa.

Bakit kailangan nating laging sinusundan ang mga dayuhan? Wala ba tayong tiwala sa ating mga kakayahan na maging bansa na may sariling pagkakakilanlan?

Nang unang magpahayag ang ating Pangulong Rodrigo Duterte sa ibang bansa na huwag tayong pakialaman, kasabay ng makukulay na insulto sa kanilang mga pinuno, marami sa ating mga kababayan ang nagulat at nagpahiwatig ng pag-aalala. Ito ay dahil sa kauna-unahang pagkakataon, nagkaroon tayo ng pinuno na gustong ipakilala sa buong mundo na tayo ay isang bansang maaaring mabuhay kahit na walang tulong mula sa ibang bansa.

Nasanay na ang ating mga kababayan sa mga pamamaraan ng ating mga nakaraang pinuno na laging umaasa sa proteksyon ng ibang bansa.

Sa pagkakataong ito, nagkaroon tayo ng bagong pangulo na nais ipakilala sa buong mundo na ang mga Pilipino ay hindi mga alipin. Hindi mga nagpapalimos.  Nangyari lamang sa atin ang pagkakakilanlang ganoon dahil sa mga maling pananaw ng ating mga nakaraang mga namumuno.

Sa pagkakataong ito, marami sa ating mga kababayan ang magigising sa bagong pananaw na tayo ay isang lahi na may sariling pagkakakilanlan na hindi katulad ng mga alipin na inuutus-utusan.

Sa pagkakataong ito, pagkatapos na mawala ang mga mapagsamantalang namumuno sa ating bayan, maipapakilala natin sa buong daigdig na tayong mga Pilipino ay may naiibang kakayahan,  unti-unting tumitindig sa ating sarili na may dignidad at totoong  kalayaan.


Ang tunay na kahulugan ng Pasko

Ni Elvie Okabe, DBA/MAE

Pagsapit ng Setyembre ay naaamoy na sa atin sa Pilipinas ang simoy ng Pasko dahil sa mga tugtugin sa radyo o mga dekorasyon sa department stores ngunit dito sa Japan kahit mismong Pasko na na ay ‘di pa rin mararamdaman.

Subalit ano nga po ba ang tunay na kahulugan ng Pasko? Pinaghahandaan ba natin ito sa magagarbong materyal na bagay para sa ating sarili, tahanan, at para sa ating mga bisita? O ‘di kaya ay upang makapagbahagi ng ating mga biyaya mula sa Diyos para sa mga ulila at kapus-palad? Alin ang mas nakakapagpaligaya sa atin sa dalawang puntos na nabanggit?

Ang salitang Christmas ay mula sa salitang “Christ,” na ang ibig sabihin ay “Kristo Hesus” at “mas,” na salitang Espanyol na ang ibig sabihin ay “more.” So, in other words, Christmas really means “more of Christ,” that is why we say that Jesus is the reason for the Christmas season and all seasons of every year.

Sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Diyos Ama ay niloob Niya na magkatawang tao sa pamamagitan ni Hesus, na Diyos Anak na isinilang na batang paslit sa sabsaban ng mga hayop.

Ipinararating nito na kailangan natin isipin at maintindihan ang mga paraan para sa ikaluluwalhati o ikalulugod ni Hesus at hindi ng pansariling pangangailangan lamang. Ang isa pa pong ibig sabihin ng Pasko ay ang pagkakaroon ng “spirit of poverty” anuman ang katayuan sa buhay. Ito ay ang ugaling simple sa buhay at hindi magarbo sa pagkain, pananamit o sa mga gamit upang higit pa nating maalala at matulungan ang iba.

Narito po ang ilang mga mungkahi o ideya kung paano tayo magkaroon ng mas makahulugang Pasko na puno ng pagmamahal at biyaya:
1.      Maglaan ng budget para makapagbigay sa mga ulila o may kapansanan na mga bata o matatanda;
2.      Kung kapos sa pera, mag-isip ng mga ideya upang madagdagan ang kita para makapag-donate gaya ng pagtitipid o karagdagang overtime sa trabaho;
3.      Mag-isip na kung anong charity organization o simbahan tayo makapagbibigay ng ating donasyon at kung maaari po ay makibahagi ng personal sa kanilang Christmas project;
4.      Kung mayroong mga gamit sa bahay na mga bago o hindi pa nagagamit ay napakasaya sa puso kung babalutin natin ito bilang regalo;
5.      Marami pong flea market o bazaar dito sa Japan, pumunta po tayo upang makabili tayo ng mga mura at bago na pwedeng pang-regalo;
6.      Ipamigay ang mga gamit na hindi na ginagamit, bago man o hindi, para sa mga nangangailangan o iambag sa charity bazaar ng inyong pinakamalapit na simbahan;
7.      Mag-organize ng charity group party for a particular cause gaya ng “Potluck Party with Bazaar” kung saan ang mga bisita ay bibili ng pagkain at mga gamit at ido-donate ang pera sa isang mahirap na lugar sa Pilipinas.

From the ideas mentioned above you can even think of better ideas. Best of all, being kind always with our words and actions to one and all would be the best gift we can give all year round not only on Christmas season.


Halina po at tularan natin si Hesus by giving Himself to us every day sa bawat Misa na ipinagdiriwang ng mga pari sa buong mundo, at higit sa lahat ay nagkatawang tao Siya at nagpapako Siya sa Krus upang tubusin tayo sa ating mga kasalanan. 

Huwebes, Nobyembre 3, 2016

Yoshihito Nishioka: Bagong tennis rising star ng Japan



Unti-unting gumagawa ng sarili niyang pangalan sa mundo ng tennis si Yoshihito Nishioka, 21, na kabilang sa naging susi para manatili ang Japan sa World Group ng Davis Cup kamakailan sa pamamagitan ng pagtalo sa Ukraine. Kasalukuyang nasa 98th rank si Nishioka kung saan may apat na Japanese players sa top 100 ng ATP rankings na itinuturing na “promising” sa kinabukasan ng tennis sa bansa.

Napabilang din si Nishioka kamakailan sa ATP’s “Next Generation” campaign kung saan ipinakilala ang mga rising players na tulad niya na edad 21 o pababa sa World Tour. Umabot din siya sa second round ng US Open at naitala niya ang career-high na no. 85 sa world rankings pagkatapos ng Atlanta Open nitong Agosto. Nagwagi rin si Nishioka ng gold medal sa men’s singles sa 2014 Asian Games Incheon, South Korea .

“And my dream is to win a Grand Slam. I know I’ll eventually play against Nishikori [Kei]. I want to be like a presence like him. I want to even do better than he has done,” ang pahayag ni Nishioka.
Aniya, bagaman naikukumpara siya kay Nishikori ay inspirasyon niya ito at hinahangaan niya ang mga nagawa nito sa mas malawak na interes ngayon sa Japanese tennis. At kung dati ay napagkakamalan pa siyang si Nishikori, ngayon ay mas maraming foreign fans na ang mas nakakakilala sa kanya.

“There have been more foreign fans that call my name and ask for autographs lately, and I’ve been glad to see that. Of course I’ve made the top 100 in the rankings and that has helped. I’m happy that I’m gradually getting recognized,” dagdag pa niya.

Gaya ni Nishikori, nagsanay din si Nishioka noong teenager siya sa IMG Academy sa Amerika mula sa edad na 14 hanggang nang maging professional siya noong 18-taong-gulang siya sa pamamagitan ng scholarship mula sa Masaaki Morita Tennis Foundation. Aniya, maganda ang naging karanasan niya rito dahil nakakapagsanay kalaro ang iba’t ibang manlalaro.

Nag-umpisang maglaro ang lefthander na si Nishioka noong apat na taon pa lang siya sa tennis school ng kanyang ama sa kanyang hometown sa Tsu, Mie Prefecture, ngunit ‘di naging madali ang lahat sa kanya. Aniya, marami ang hindi naniwala na kaya niyang umabot sa top 150.

Sa halip, nag-udyok lang ang mga ito para mas magpursige pa siya.

“I wanted to prove them wrong. And to be honest, I thought that I could do it. I believed I could do it.”

Ibinulalas din niya na kinailangan niyang magkaroon ng kontrol sa kanyang emosyon kaya’t inaral niya ang ilang aklat sa brain science at sports psychology gayon din ang pagsunod sa payo ng kanyang inang si Kimie.

Payo rin ng IMG founder Nick Bollettieri sa kanya na gawin niyang modelo ng kanyang laro ang dating no. 1 na si Marcelo Rios dahil sa pagkakapareho nila sa istilo ng paglalaro. Layunin din ni Nishioka na lumaban sa Tokyo 2020 Olympics.  Nakatakda naman siyang lumaban sa ilang challenger tournaments sa China at sa Japan sa nalalabing bahagi ng taon.


Showbiz sa Senado at Kongreso


Cesar V. Santoyo

Hindi maiiwasan na bigyan ng pansin ang mga balita sa social media hinggil sa mga kaganapan sa Mababa at Mataas na Kapulungan na naging kakumpitensya ng mga teleserye sa telebisyon.

Ang unang eksena ay ang pagpapatawag ng Senate committee on justice na noon ay pinangungunahan ni Senador Leila De Lima upang imbestigahan ang nagaganap umano na extrajudicial killings sa ilalim ng administrasyong Duterte.

Lumantad ang aminadong “hired killer” na si Edgar Matobato na siya raw ay kabilang sa DDS o Duterte Death Squad. Hindi kapani-paniwala ang testimonya ni Matobato at lumabas na nasa isang panig lamang ang hearing para sirain ang reputasyon ng Pangulo. Ito ang naging hudyat para ipanukala ni Senador Manny Pacquiao na ideklarang bakante ang posisyon ng committee on Justice ng Senado.

Pinalitan ni Senator Dick Gordon si Senador de Lima at makalipas ang matagal na deliberasyon ay inilantad ng una na may nakasampang kaso ng kidnapping for ransom laban kay Matobato.

Wika ng nanggigigil na Senador Gordon, “ang kasong kidnapping for ransom ni Matobato ay napakaimportanteng impormasyon. Isang kritikal na impormasyon na dapat naisiwalat dito sa senado… at upang makaiwas sa paguuusisa, nalinlang tayo ni Matobato.”

Pagkatapos ng mainit na pagtatalo sa pagitan ni Senador Gordon at Senador De Lima, muling nag-walkout ang huli sa pangalawang pagkakataon. At nang tatawagin muli ni Senator Gordon si Matobato para hingan ng paliwanag ang kanyang kasinungalingan ay napag-alaman na wala na ang “whistleblower.”

Ayon sa opisina ni Senator Trillanes kung saan nakasailalim sa proteksyon si Matobato na wala na ito para sagutin ang tanong ng panel dahil kailangan nitong umalis para hindi makumpromiso ang seguridad.

Ikinagalit ito siyempre ni Senator Gordon na nagwikang “Para bang noong mabuko na, biglang nawala na.”

Sa Kongreso rin ay may pagdinig ukol naman sa paglaganap ng ilegal na droga sa Bilibid Prison sa panahon ng pamamahala ng dating Justice secretary Leila De Lima. Kabaligtaran ng hearing sa Senado, ang sa Kongreso ay mas maraming may sinumpaang testigo patukoy sa katiwalian na ikinakaso kay De Lima. Patuloy pa rin ang pagdinig na ito at kung nasusundan, parang showbiz din ang paglalarga kung saan pati sex video ay pampadagdag sa interes ng publiko.

Showbiz ang dating ng Senado at Kongreso. Para bang nakalimutan na ang kasalukuyang pamahalaan at ang pamamalakad nito ay humahakbang pa lamang sa ika-100 araw ng panunungkulan.

Bilang ordinaryong mamamayan ay mahirap maghusga o kaya naman ay maniwala na lamang sa mga nagaganap. Subalit ang masasalamin sa bagong presidente ay ang paninindigan sa pagkakaroon ng kapayapaan sa bansa.

Isang malaking hakbang sa loob ng 100 araw ng panunungkulan ng Pangulo ay ang pagpirma ng kasunduan tungo sa tigil-putukan sa pagitan ng pamahalaan ng Pilipinas at ang pagwawakas ng dekadang armadong pakikipaglaban ng National Democratic Front, New People’s Army at Communist Party of the Philippines.


Isa itong makasaysayang yugto ng ating bansa na may mas makabuluhang pagdinig na mas dapat igawad mula sa ating mga mambabatas. At sa ika-100 araw kung saan naganap ang pirmahan para sa kasunduan pang-kapayapaan ay patunay lamang na ang Pangulo ay tunay sa kanyang paniniwala at pangako ng kapayapaan sa bansa.